Urdaneta

Conquistador Ng Pilipinas: Ika-7 kabanata
A new king of Spain orders the search for the return route from the Islands of the Setting Sun
Felipe 2

At Pinabalik Si Urdaneta

MULA sa sawing paglakbay ni Jofre de Loaisa sa Maluku nuong 1526, nang nabigo ang tangka niyang maglayag pabalik sa Mexico, ang tinatawag nuong Nueva Espanya, nakabalik si Capitan Andres Urdaneta sa Espanya sa tulong, at bihag, ng mga Portuguese nuong 1536. Kahit na inilit ng mga Portuguese ang lahat ng kanyang documentos, nailahad pa rin ni Urdaneta sa hari ng Espanya, si Carlos 5, ang kanyang 11-taong karanasan sa mga kapuluan sa kanluran. Duon siya nakilala ng 10 taong gulang na tagapagmana ng kaharian, si Principe Felipe ng Asturias.

MALAMIG ang pakiharap ni Carlos 5, malamang dahil lugi at bigo lahat ang sunud-sunod na paglakbay ng mga Espanyol sa Maluku. Nagsikap na lamang si Urdaneta na maging batikan sa paglalayag, at nag-aral siya ng mathematica at astrologia sa Espanya. Nang walang natanggap na tungkulin duon, nagtungo siya uli sa Mexico upang maghanap-buhay, at naging bantog siya dahil sa galing sa paglalayag. Nuong 1540, inalok siyang mamuno sa paglakbay papuntang Pilipinas at Maluku ngunit tumanggi siya sa pangambang hindi magtatagumpay ang paglakbay. Iginawad kay Ruy Lopez de Villalobos ang paglakbay na nabigo nga, at nasawi si Villalobos sa Maluku nuong 1546. (Tunghayan ang kasaysayan ni Villalobos at ni Loaisa na kapwa kasama sa website na ito.) Nagbababad sa Maluku ang mga bigong Espanyol bago duon din sumuko sa mga galit na Portuguese. Nuong Noviembre 9, 1545, bago pa namatay si Villalobos, sumulat si Carlos 5 sa kanyang Pangalawa (virrey, viceroy) sa Nueva Espanya (Mexico) nuon, si Antonio de Mendoza. Umangal daw sa kanya ang hari ng Portugal dahil pinasok ng pangkat ni Villalobos ang Maluku at nang paalisin sila ng Portuguese na governador duon, basta lumipat daw sa kabilang pulo at duon tumalungko.

Upang mapagbigyan ang hari ng Portugal (ang asawa ni Carlos 5 at ina ni Felipe 2 ay princesa ng Portugal), napilitang maglabas ng utos si Carlos 5 kina Villalobos na umalis sa Maluku at kay Mendoza, ang virrey, na dakpin nang lihim ang sinumang Espanyol na bumalik sa Nueva Expanya (Mexico) mula sa Maluku at ilitin ang lahat ng dala nilang mga spice.

Nuong 1552, panghal na sa buhay sundalo, pumasok ang 54 taong gulang na Urdaneta sa convento ng mga Augustinian sa lungsod ng Mexico at naging frayle nuong sumunod na taon. Taimtim na nanahimik na siya hanggang nuong 1559 nang natanggap niya ang liham ni Felipe 2, hari na ng Espania nuon. Inutusan siyang magbalik sa Pilipinas.

Pobreng kaharian.
Tatlong taon bago sumulat kay Urdaneta, nang maging hari ang 29 taong gulang na principe nuong 1556, nakita ni Felipe 2 na magulo ang kaharian at walang pera, kahit na bumuhos ang ginto at yaman ng mga kaharian sa America ng mga Inca at mga Aztec na sinakop, winasak at ninakaw ng mga conquistador mula sa Espanya. Batikang mandirigma ang kanyang ama, si Imperio Espanyol Carlos 5, at nasagip at napalawak nito ang kanyang hiwa-hiwalay na mga kaharian sa Europa, ngunit hindi siya marunong mamahala, at sabay sa walang patid na digmaan laban sa ibang hari at mga naghihimagsik sa Europa, lugi at sira-sira ang paghanapang-buhay (economy) sa kaharian, pati na sa Espanya. Bagaman at nanahimik na ang kanyang ama, patuloy pa rin ang malalaking gastos, at digmaan, at napilitang humanap si Felipe 2 ng dagdag na pagkakakitaan. Bago siya sumulat kay Urdaneta nuong Septiembre 1559, minataan niya ang malaking kita ng mga taga-Portugal sa paghakot nila ng mga spice mula sa Maluku. Nalaman niya ang malaking kinita ng paglayag nina Ferdinand Magellan at Antonio Pigafetta nuong 1521 (Ang Unang Espanyol ulat na kasama sa website na ito). Naalaala din niya ang mga hayag ni Urdaneta nang makabalik ito mula sa PIlipinas at Maluku nuong 1536. At nabuo ang balak ni Felipe 2 na tuparin ang hangaring magtatag ng kalakal ng mga spice balik-balikan mula Maluku at Nueva Espanya. Hindi gaya ng mga ginto ng Inca at Astec, ang yamang nito ay hindi mauubos.

Ipinahalughog ni Felipe 2 ang buong kaharian, pati sa mga sakop sa America, upang maipon ang mga natuklasan na tungkol sa Maluku at Pilipinas, pati na ang mga tauhan na nakabalik mula sa paglakbay duon. Isa sa mga pangalang dumating sa hari ay kay Urdaneta. Lumabas na mataas ang pagtingin ni Felipe 2 sa beteranong sundalo dahil nagkausap niya ito nuong 1537 nang mag-ulat si Urdaneta sa batang principe sa Madrid tungkol sa paglakbay niya sa mga kapuluan. Kaya si Urdaneta ang pinili ni Felipe 2 na pinuno ng binabalak niyang pagtuklas ng balikang kalakal sa kabila ng dagat Pacific.

Bihag ang mga Espanyol.
Kalakip ang liham sa utos ni Felipe 2 kay Luis de Velasco, ang Pangalawa ng hari (virrey, viceroy) sa Nueva Espanya, na makinig sa mga payo ni Urdaneta at gawin ang lahat upang mahikayat siyang sumama sa paglakbay sa kapuluan sa kanluran (western islands), magsama pa raw ng sinumang frayleng Augustinian na ibig niya. Labag sa payo ng kanyang Consejo de Indias (Council of the Indies) na kalimutan na at walang mahihita sa pagsakop sa kapuluan na walang mga spice gaya ng Maluku, at ikinasawi ng lahat ng ipinadalang Espanyol duon dahil sa magkahalong pagsupil ng mga Portuguese at paghamok ng mga katutubo, nagpasiya ang hari dahil sa paggawad ng kanyang pangalan sa kapuluan; dahil sa balitang nabinyagang catholico ang mga katutubo sa Cebu na maaaring pinupuksa na ng mga Muslim na dumadanak sa kapuluan. Kahit na raw iisang binyagan na lamang ang nalalabi, ipagtatanggol siya ng buong kaharian ng Espanya. At dahil ilang araw na layag lamang ang Pilipinas mula sa Maluku, na may maraming katutubo na muhi sa pagsakop ng mga Portuguese.

Matapos sumangguni sa Dios, sa katauhan ng kanyang pinuno (superior) sa convento, pumayag si Urdaneta ngunit muling tumangging mamuno sa paglakbay. Sa halip, hinirang niya si Miguel Lopez de Legazpi, veteranong kawani ng kaharian at isang matimtimang maginoo. Bata nang kaunti kay Urdaneta, si Legazpi ay isinilang nuong 1505 sa Zubarraja, sa lalawigan ng Guipuzcoa (ang dating Lepuzcua), Espanya, sa isang matagal nang kilala at marangal na angkan ng mga Lezcano. Nagtungo siya sa Mexico nuong 1545 at naging punong kalihim ng pamahalaan (cabildo) ng lungsod ng Mexico. Kilala siya sa kanyang hinahon at dunong. (May ibang ulat na 1511 isinilang si Legazpi, na 1532 siya nagtungo sa Mexico at mahigit 30 taon na siya sa Mexico nang maglakbay patungong Pilipinas.)

Mexico, Mayo 1560.
Isinulat ni Urdaneta kay Felipe 2 ang malugod niyang pagtanggap ng tungkuling maglakbay kahit na matanda na siya at mahina na. (Inamin ni Urdaneta sa kanyang liham na mahigit 52 taon na siya, ngunit isinilang siya nuong 1498 at sa katunayan, siya ay 62 taon na nuon.) Pinayuhan niya ang hari na salungat ang utos na maglakbay sa mga kapuluan gaya ng Pilipinas, mag-uwi ng mga spice, at tuklasin ang landas, kung mayroon man, pabalik sa Mexico, habang iniiwasan ang mga sakop ng Portugal, ayon sa kasunduan ng pinaghatian (Treaty of Tordesillas), sapagkat ang Pilipinas at Maluku ay kapwa nasa kalahati ng mondo na sakop ng Portugal. Sa halip, iminungkahi niyang gawing pakay ang pagtubos sa mga Espanyol na nabihag duon nuong mga nakaraang paglayag. Hindi ito labag sa kasunduan, sabi niya, kahit na ang pagdaong sa Maluku at pag-imbak ng mga pagkain at 'gamit' sa paglayag pabalik sa Mexico.

Pinaghatian

Iminungkahi pa ni Urdaneta sa mga pinuno sa Mexico na ang Nueva Guinea (New Guinea) ang unang puntahan ng paglakbay sapagkat sakop ito sa bahagi ng Espanya at magiging matatag ang tayo nila duon laban sa mga Portuguese. At malapit din ito sa Maluku. Natuklasan ng pangkat ni Saavedra ang Nueva Guineanuong 1527 at narating muli ng pangkat nina Capitan Ynigo Ortiz de Roda at ni Gaspar Rico, ang piloto, nuong 1545 nang utusan sila ni Villalobos na tuklasin ang landas pabalik sa Nueva Espanya. Binigyan nina Ortiz ang pulo ng pangalan ngunit nabigo ang kanilang pakay at napilitang magbalik kay Villalobos sa Maluku.

Mabilis na nagtatag si Velasco ng paggawaan ng barko sa Puerto dela Navidad, 120 leguas (575 kilometro) ang layo sa lungsod Mexico, upang makapagbuo sabay-sabay ng 3 o 4 barkong magkakaiba ang laki. Pinili niya si Legazpi bilang pinuno ng pangkat ng mahigit 300 lahat-lahat, mga magdaragat, mga sundalo, at mga utusan.

Mexico, Septiembre 1, 1564.
Hinirang ng Audiencia ng Mexico ang ibang mga pinuno ng pangkat-dagat, si Guido de Lavezaris, ang ingat-yaman (treasurer), si Andres Cauchela, ang ungkat-yaman (accountant), at si Andres de Mirandaola, ang factor (business manager). Si Mirandaola ay pamangkin ni Urdaneta. Ang mga pinili naman ng provincial ng mga frayleng Augustinian na kasama ni Urdaneta upang simulan ang pagmi-misyonaryo sa kapuluan ay sina

  1. Martin Rada, marunong 'bumasa' ng mga bituwin (astronomy) at katulong ni Urdaneta sa paglandas sa dagat
  2. Diego Herrera na nakatakdang manatili habang buhay sa Pilipinas
  3. Andres Aguirre, 2 ulit ipinadalang may pakay sa Espanya ngunit nanatili rin sa Pilipinas hanggang mamatay
  4. Pedro de Gamboa, masakitin na pinabalik agad sa Mexico.
Isang pang frayle, si Lorenzo Jimenez, ay namatay sa Mexico bago nakapaglayag ang pangkat.

At matapos ng 5 taon ng paghahanda, nagsimula ang paglakbay nina Legazpi mula sa Mexico patungo sa lihim na puok. Walang nagsabi kay Urdaneta na tinanggihan ng hari, si Felipe 2, ang mungkahi niyang sa Nueva Guinea magtuloy ang paglakbay. Nuong 1564, ang tuloy ng pangkat (armada) ni Legazpi ay sa Pilipinas.

Ang Hari.
Para kay Don Luis de Velasco, ang aming Virrey sa Nueva Espanya
at Presidente ng aming Audiencia sa bayang iyon.

Amin nang nakita ang iyong ulat tungkol sa ipinahatid naming utos at habilin sa iyo na magpalaot sa dagat upang tumuklas ng mga bagong lupa. Pati na ang mga payo at kuru-kuro ng mga tao na hinirang mo upang tuparin and paglakbay tungkol sa uri at dami ng barko, kung saan dapat manggaling, at kung gaano kalaki, at kung gaano ang dapat kahusay ang mga tao at kung anu-ano ang mga dapat nilang dalhin, at anong landas ang dapat nilang sundin. Natanggap na rin namin ang copia ng hatubiling ipinadala namin sa iyo at nakita namin ang mga isinulat mong pagsusuri sa mga gilid ng bawat pagina, at lubusang naunawaan ang lahat nito, dahil sa tiwala namin sa iyong kakayahan, nagpasiya kami na ikaw ang siyang lubusang nakauunawa ng mga dapat gawin at ikaw ang aming uutusang mamahala at magbuo ng paglakbay ayon sa mga akala mong dapat gawin.

Magpalaot ka ng 2 barko, kasing laki at uri na sa tingin mo ay lapat sa paglakbay patungo sa bandang Malucus, may dami ng tauhan at gamit na sa tingin mo at sapat upang tuklasin ang mga pulo sa kanluran ng Araw. Utusan mo sila ayon sa aming habilin na magsikap silang makabalik sa Nueva Espanya na may dalang iba't ibang uri ng spice na maaari naming suriin at tikman. Gawin mo ang lahat ng kailangan upang matiyak ang landas pabalik sa Nueva Espanya duon, at kung magkano ang gastos sa paglakbay. Ibilin mo kanila na kahit ano ang mangyari, hindi sila dapat pumasok sa mga pulo ng Malucus dahil ayaw naming sumuway sa aming kasunduan sa mahinahong Hari ng Portugal. Duon lamang sa mga pulo sa katabi, gawa ng Pilipinas at mga iba pa sa labas, at nasa ating panig ng pinaghatian ng mondo, na sinasabing may mga spice din.

Ang listahan ng mga bagay na iminungkahi mong dapat ipadala mula rito ay sinusunod na, upang magamit sa paglalakbay, upang maging ligtas ang mga maglalayag at hindi sila kailangang umasa sa iba, at maipagtatanggol nila ang mga sarili laban sa sinumang magtangkang gumambala sa kanila. Dapat nilang ingatan ang mga gamit na dadalhin nila, at pagkapanayam namin kay Capitan Juan Pablo de Carrion, na ini-recomenda mo, siya ang pinapapunta namin upang mamahala sa mga bagay na ipadadala namin. Minungkahi niya na ipadala namin ang lahat ng nasa listahang ipinadala mo rito, kalakip nitong sulat na nilagdaan ng aming secretario. Inutos na namin sa aming mga kagawad sa bahay kalakal sa Sevilla na ipadala nila agad-agad ang lahat ng nasa listahan.

Kasama nito ang liham para kay Fray Andres de Urdaneta ng lipunan ni San Augustine dahil nandyan siya sa lungsod ng Mexico. Inutusan namin siyang sumama sa mga barko dahil sa karanasan niya sa mga kapuluan ng spices. Ipadala mo ang liham sa kanya at ang isa pang sulat para naman sa kanyang pinuno (provincial) na utusan niya si Urdaneta na sumama sa paglakbay. Sikapin ang lahat ng kaya mo upang matupad ang mga habiling ito. Kalakip din dito ang mga utos na walang pangalan (cartas blancas, mga utos na walang sulat maliban sa lagda ng hari - ang viceroy ang maglalagay ng pangalan at kung ano ang dapat sundin, sa ngalan ng hari) upang mautusan mo ang sinumang piliin mo na tuparin ang mga hinabilin namin. Alam mo na, at dapat mong ihabilin sa mga maglalakbay na ang pinaka-mahalagang pakay ay magbalik agad sa Nueva Espanya at hindi sila dapat magtagal nang nagkakalakal sa mga kapuluan. Sa aming kuro, ang tanging pakay nitong paglakbay ay tuklasin ang landas pabalik dahil alam na natin ang landas papunta ruon, na hindi naman masyadong matagal. Ibalita mo sa amin ang mga gawa upang matupad ito.

Sa ganitong hangarin, hindi kailangang ipaalam sa maraming tao. Nabalitaan namin na marami ka nang pinagsabihan na binigyan ka namin ng kapangyarihan magbuo ng paglakbay ng pagtuklas, subalit sa mga darating na araw, bawasan mo ang mga pahayag sapagkat nagbunga ng alanganin ang mga dating pinagsasabi mo.

Ika-24 ng Septiembre 1559
Ako, Ang Hari

Ang Hari.
Para sa matimtimang Fray Andres de Urdaneta ng Lipunan ni San Augustin:

Aking nabatid na bago ka naging frayle, nakasama sa paglakbay ni Loaysa patawid sa Lagusan ni Magallanes at sa kapuluan ng mga spice, kung saan ka naglingkod sa amin nang 8 taon. At ngayong nautusan namin si Don Luis de Velasco, ang aking Virrey diyan sa Nueva Espania, na magpalaot ng 2 barko upang tuklasin ang mga kapuluan sa kanluran ng Araw sa banda ng Malucus, at inutos na namin kung ano ang kanilang gagawin, ayon sa aming mga hatubilin.

Dahil nasabing malaki ang iyong alam tungkol sa mga puok duon, at iyong nauunawaan, dala ng iyong karanasan, ang paglandas papunta duon, at ikaw ay mahusay sa paglalayag, at sa katunayan, ikaw ay isang astronomo; kaya makatutulong nang mainam kung ikaw ay sumama sa mga barko hindi lamang sa paglalandas paruon kundi pati sa paglilingkod sa Ating Diyos at sa iyong Hari.

Hinihiling at hinahabilin ko sa iyo na maglayag ka sa mga barko at sundin ang anumang iatas sa iyo ng Virrey, na anumang paglilingkod na tutupdin mo para sa Panginoon ay mahalagang paglilinkod para sa akin, at hindi ko lilimutin at igagawad sa iyo ang anumang gantimpalang lapat sa pakiusap pagdating ng oras.

Valladolid, Septiembre 24, 1559.
Ako, Ang Hari

Sa utos ng Kanyang Kamahalan:
Francisco de Eraso

Ang Inyong Matimtimang Kamahalan.
Sa pasimula ng Mayo nitong taon na ito ng 1560, tinanggap ko ang utos ng Inyong Kamahalang mula sa Valladolid nuong Septiembre 24 ng nakaraang taon ng 1559, na sumama ako sa mga barko na ipapalaot ni Don Luis de Velasco, ang virrey (Viceroy) nitong Nueva Espania, papunta sa mga pulo sa kanluran ng Araw ayon sa habilin ng Inyong Kamahalan. Utos na aking sinunod tulad ng pagsunod ko sa lahat ng atas ng Inyong Kamahalan na palaging kong pinagsisilbihan, humahalik ako sa Inyong Paanan sa awa at kabutihang idinulot sa aking pagiging frayle at tagapagsilbi.

Totoong kasama ako sa paglakbay ni Fray Garcia de Loaysa sa mga pulo ng Maluca para sa Inyong Kamahalan nuong 1525 at 11 taon bago ako nakabalik sa Espanya, at sa Valladolid nuong 1536 aking inihatid sa Inyong Kamahalan ang aking ulat tungkol sa mga nangyari sa paglakbay na iyon. Nagsilbi ako bilang soldado at capitan sa mga pulo ng Maluca at mga karatig, 8 taon kong inasikaso ang mga pag-aari ng Inyong Kamahalan hanggang dumating ang utos mula sa Inyong Kamahalan na umalis na kami at ipaubaya na ang puok na iyon sa kapakanan ng mahinahong hari ng Portugal. Pagkabalik ko mula sa mga pulo ng spice, hanggang nuong 1552 nang tawagin ako ng Maykapal na maglingkod bilang isang frayle sa convento na tinatahanan ko ngayon, naglingkod ako sa Inyong Kamahalan sa ilalim at utos ni Antonio de Mendoza, ang virrey nuon sa bayang ito, sa digmaan at pati sa panahon ng katahimikan. Pagkatapos, nang ako ay nagsisilbi na sa simbahan, naglingkod pa rin ako sa Inyong Kamahalan paminsan-minsan, kailan mang maatasan ni Luis de Velasco.

Ngayon, oras na natanggap ko ang utos ng Inyong Kamahalan mula kay Fray Agustin de Coruna, ang provincial ng lipunan ni San Augustine dito sa Nueva Espanya, agad at lubos kusa kaming dalawa at lahat ng frayle dito kaming sang-ayon at susunod sa Inyong habilin sa akin. Inutos ni Fray Agustin na maghanda para sa paglakbay, kasama ng 3 pang frayle ng aming lipunan dito. Lagpas 52 taon na ang gulang ko, mahina na ang aking katawan at maraming kapansanan na ang dala-dala ko mula sa maraming dahas nuong ako ay bata pa, kailangan sana na mahinahon na ang nalalabi ko pang buhay, subalit dahil sa giliw ng Inyong Kamahalan sa anumang paglingkod para sa Panginoon nating Dios at pagpalawak ng Kanyang simbahang catholico, nagpasiya akong suungin ang pasakit nitong paglakbay.

Iaasa na lamang sa tulong ng Maykapal at sa Kanyang awa, nawa ay matupad ang mga hangad ng Inyong Kamahalan. Ipinabatid ng virrey (viceroy), si Don Luis de Velasco, ang mga habilin ng Inyong Kamahalan tungkol sa paglayag papuntang kanluran. Iminungkahi ko sa kanya ang aking mga kuru-kuro tungkol sa ikabubuti ng pagtupad, at minabuti niyang ako na mismo ang magsabi sa Inyong Kamahalan kaya kalakip nitong liham ang sulat ng aking mga kuru-kuro nang mapili ng Inyong Kamahalan kung alin sa mga ito ang higit na makapagsisilbi. Sumamo ko, Inyong Kamahalan, na tanggapin ang aking inaalok na paglilingkod, gaya ng kusa at malugod kong paglilingkod sa ganitong pagpapalawak ng kaharian ng Dios na Maykapal at ng Inyong Kamahalan.

Ika-28 ng Mayo 1560,
Inyong Banal na Kamahalan, humahalik ako sa inyong paanan at mga kamay.
Ang inyong hamak na padre at abang tagapagsilbi,
Fray Andres de Urdaneta.

Inyong Banal na Kamahalan.
Dahil baka magkaroon ng alanganin sa inutos ng Inyong Kamahalan na paglakbay papuntang kanluran mula sa Nueva Espanya, kaya ang pinakamainam na isulat sa habilin ay magtungo nang direcho at hanapin ang kapuluan ng Pilipinas. Saliw ito sa habilin ng Inyong Kamahalan na huwag pumasok sa Maluca na labag sa kasunduan ng Inyong Kamahalan sa pinakamahinahong Hari ng Portugal. Datapwa't malinaw at kitang-kita na ang mga kapuluan ng Pilipinas ay hindi lamang nasa loob ng Pinaghatian kundi pati na ang pinaka-silangang sulok nito ay nasa kalagitnaan lamang ng Maluku, at ang kalakihan ng Pilipinas ay nasa kanluran ng kalagitnaan ng Maluku. (Samakatuwid, ayon kay Urdaneta, ang Pilipinas at Maluku ay nasa bahagi ng daigdig na sakop ng Portugal. Tignan ang 2 mapa ng Pinaghatian, sa kaliwa.)

Dahil dito, magiging alanganin kung magpapalakbay ang Inyong Kamahalan sa kapuluan ng Pilipinas nang walang sapat na dahilan o banal na hangarin, kaya mas makabubuti sa Inyong Kamahalan kung ang iuutos ay ang paglakbay lamang papuntang silangan mula sa Nueva Espanya upang tumuklas ng mga bagong lupa. Wala pang alam tungkol sa mga lupain sa kanluran ng Nueva Espanya na nasa bahagi ng mondo na sakop ng Espanya, at mungkahi ng inyong Virrey (viceroy), si Luis de Velasco, mainam na siyasatin ang lahat ng puok hanggang marating ang Pinaghatian na sakop ng Portugal, ang Malucas, upang mabatid ng Inyong Kamahalan ang mga dapat gawin, ipadala at ipag-utos upang tangkilikin ang pagsisilbi sa Dios na Maykapal at ang ikabubuti ng mga tao sa mga sakop ng Espanya.

Maliban dito, maaari at karapat-dapat lamang dahil sa katimtiman ng Inyong Kamahalan na ipag-utos ang paglakbay dahil sa mga nabalitaang mga Espanyol, mga tauhan ng Inyong Kamahalan, na napag-iwanan (abandonados) sa mga kapuluan ng Pilipinas at mga karatig. May mga tauhan mula sa pangkat dagat (armada) ni Loaisa na lumisan mula Espanya nuong 1525. May ilang buhay pang tauhan mula sa mga barkong ipinalaot ni Hernan Cortes, ang marques del valle sa Nueva Espanya nuong 1527 (ang saklolo ni Saavedra na kasama sa website na ito). Mayroon ding mga tauhang nalalabi mula sa mga pinalaot ng Virrey, si Antonio de Mendoza, mula uli sa Nueva Espanya nuong 1542 (ito ang lakbay ni Villalobos na ulat din sa website na ito). Mayroon pa, ang mga barkong ipinalaot (ni Cortes din uli) mula sa Peru na, tinamaan ng malakas na bagyo, ay napadpad at naglaho sa mga pulo ng Pilipinas. At silang lahat ay nabalitaan ngayon na bihag at habag sa kamay ng mga hindi binyagang tagapulo duon.

Pagkalinga at mainam na paglilingkod lamang sa Poong Maykapal kung ipag-utos ng Inyong Kamahalan sa mga barkong magsisiyasat na tubusin at sagipin ang mga Espanyol na ito, sakaling marating nila ang mga kapuluan ng Pilipinas. Saan man pulo na daungan ng mga barko, kailangang usisain ang mga tao duon tungkol sa mga nawawalang Espanyol duon o sa mga karatig na kapuluan, kung saan sila nakapiit, kung magkano ang kailangang pantubos, at kung sinu-sino ang dapat kausapin upang makalaya muli sila, pati ang mga naging anak nila, nang maibalik sila sa pagsamba ng catholico. Kailangan sa gayon na magdala ang mga barko ng sapat na mga bagay na hilig ng mga tagapulo duon upang maipagpalit sa mga tauhan at kanilang mga anak na tutubusin.

Ito ay dapat gawin ng mga barkong magtutuklas kung mayroon silang pagkakataong makabalik sa Nueva Espanya nang hindi bumabagtas sa Malucas o makipagkasunduan o magkalakal sa mga sakop ng Portugal, maliban lamang sa pagbili ng inumin at pagkain na kailangan nila sa paglakbay. At upang lubos na mapaglingkuran ang Inyong Kamahalan, ang pinabatikang mga piloto ang dapat gamitin sa paglakbay, pati na ang mga tauhang may mga karanasan na sa kapuluan at natuto na ng wika duon, nang lubusan nilang masiyasat at maihayag ang mga natuklasan sa mga sakop ng Inyong Kamahalan at mapatunayan kung saan-saan ang mga pulo at ang tamang landas pabalik sa Nueva Espanya.

Samakatuwid, hindi lamang tamang katwiran ang magsiyasat sa kapuluan ng Pilipinas upang hanapin at sagipin ang mga bihag na Espanyol, kundi tungkulin din dapat gampanan ito dahil nagdusa at nabihag ang mga tauhan habang naglilingkod sa Inyong Kamahalan. Maliban dito, makapagsisilbi pa sa Dios na Maykapal at sa kanyang pagkupkop sa gagawing pagsagip sa mga kaluluwa ng mga catholico mula pagkabihag ng mga hindi binyagan. Maaari ring makinabang ang Inyong Kamahalan sa mga natutunan at natuklasan nila nuong bihag sila.

Fray Andres de Urdaneta

Ang Hari.
Para kay Fray Andres de Urdaneta ng Lipunan ni San Augustine:

Nabasa ko ang iyong liham nuong ika-28 ng Mayo ng nakaraan taon ng 1560 at aking naunawaan mula ruon na handa kang sumama sa mga barkong ipapalaot ni Don Luis de Velasco, ang aming virrey sa bayang iyan, patungo sa mga pulo ng kanluran. Sunod sa aming habilin, inaayos niya ang paglakbay ayon sa mga mungkahi mo sa amin. Minamahalaga ko ang iyong kusang maglingkod sa ating Panginoon Dios, at saka sa amin. Inuutos kong isulat ang mga ito upang ikaw ay makatanggap ng biyaya sa mga misa na gagawin sa iba't ibang lapat na puok. Inuutos ko, sang-ayon sa iyong alok, na makipaglakbay ka nang masunod mo ang udyok ng iyong pagsamba at kabutihan. Ipinahatid ko itong lahat sa virrey upang malaman niya at magawa ang lahat ng nararapat upang matupad ang mga hinabilin sa kanya.

Mula sa Valladolid, ika-4 ng Marso 1561
Ako, Ang Hari

 

Nakaraang kabanata       Ulitin mula sa itaas       Tahanan ng mga kasaysayan       Listahan ng mga pitak       Susunod na kabanata