![]() 3 TANGKA, 3 TALO: Ika-3 kabanata
Pumalaot Si Jofre de Loaisa, 1525-1526
ANG lipunang San Juan ay mga mandirigmang magiting (knights) na dati ay lipunang pagamutang San Juan (Order of Hospitaliers of Saint John), itinatag sa Jerusalem nuong 1023 upang alagaan ang mga cruzado (crusaders) na sumasakop duon nuon. Kinilala silang magiting ng Papa sa Roma nuong 1113, at matapos mapaalis ng mga Muslim ang mga cruzado mula sa Jerusalem, kinilala silang lipunang Rhoda (Order of Rhodes) dahil sa paghimpil nila sa pulo ng Rhodes, sa dagat ng Mediterranean, mula nuong 1291 hanggang 1523. Isa sa mga magiting (knights) ng lipunang Rhoda ay si Pigafetta nuong kapanahunan niya. Sa iba't ibang naging pangalan ng samahan, ang isa ay ang lipunan ng mga magiting ng Malta (Order of the Knights of Malta) nang ibigay sa kanila ang pulo ng Malta, nasa may paanan ng Italia sa dagat Mediterranean, ni Carlos 5, hari ng Espania. Nalanta at lumiit ang samahan nang sakupin ng mga taga-France ang Malta nuong 1798, sa utos ni Napoleon Bonaparte. Nakilala na lamang sila sa Pilipinas bilang tagapamahala sa Manila ng pagamutan ng San Juan de Dios (Order of Saint John of God), ang naging pangalan ng lipunan nuong bandang huli. Madrid, Abril 5, 1525.
Toledo, Mayo 13, 1525.
Kasama at isa sa mga pinuno sa capitana si Andres de Urdaneta, na magkakaroon ng bahagi sa kasaysayan ng Pilipinas. Ipinanganak si Urdaneta nuong 1498 sa Villafranca de Guipuzcon, sa Espania. Nag-aral siya sa colegio ngunit nang namatay ang mga magulang, napilitan siyang nagsundalo na lamang. Natanyag ang kanyang giting sa digmaan sa Alemania (Germany) at Italya at itinanghal siyang capitan, pinuno ng isang compania ng mga sundalo. Pagbalik sa Espania, nag-aral siya ng mathematica at astronomia, at naging magaling siya sa navigation, ang paglalandas sa lawak ng dagat. Corunna, Julio 24, 1525.
Sa talaan (ship log) ni Martin de Uriarte, piloto ng capitana, tumagal ng kulang-kulang kalahating taon bago naabot ng pangkat dagat ang ilog Santa Cruz sa timog ng Brazil, sa South America, nuong Enero 18, 1526. Hirap na hirap na ang pangkat, at bago pa nila narating nuong Enero 24, 1526 ang Cabo de Virgines (Cape of the 11,000 Virgins), ang silangang bukana ng lagusan ni Magellan (Magellan Strait), hinambalos uli sila ng isa pang dambuhalang bagyo at nawarak ang barko ni Del Cano, ang Santi Spiritus. Nalunod ang 9 tauhan. Cabo delas Virgines, Enero 1526.
Pagkalabas ng pangkat sa dagat Pacific, naubusan ng pagkain, tubig at gamit ang isa sa mga barko, ang Santiago, at napilitan itong humiwalay sa pangkat at magtuloy sa mga lupaing sinakop ni Hernando Cortes sa Nueva Espania (Mexico). Kulang-kulang 1 taon na ang nakaraan nuon mula nang umalis ang pangkat sa Espania. Dagat Pacific, Julio 1526.
Siniyasat ang pagkamatay ni Loaisa pagkaraan ng maraming taon at nuong Septiembre 7, 1534, hinayag ng nagsiyasat, si Juan de Mazuecos, na sa sakit namatay ni Loaisa sa kalagitnaan ng dagat Pacific, 400 leguas (1,920 kilometro) mula sa lagusan ni Magellan. Pati raw lahat ng kasalo kumain ni Loaisa ay namatay sa loob ng 40 araw. Ladrones, Septiembre 4, 1526.
Si Gonzalo Gomez de Espinosa ang capitan ng isang barko sa pangkat ni Magellan na nakarating sa Pilipinas nuong 1521. Mahirap ang buhay ng mga tauhan sa barko at malupit ang turing sa kanila ng mga pinuno kaya marami sa mga ‘naiwan’ ay, sa katotohanan, kusang ‘talon barko’ upang makatakas sa parusa ng capitan. Paminsan-minsan, kung nakararami ang mga tauhang puot sa capitan, pinapaslang nila ang capitan at mga pinuno ng barko, at sila ay nagiging mandarambong (pirates) sa dagat o nakikibahay na lamang sa mga katutubo sa mga pulo-pulo. Tulad ng nangyari sa isang barko sa pangkat na ito ni Loaisa, ang Santa Maria del Parral. Isang linggong naglagak ng tubig at pagkain ang nalalabing barko ni Loaisa sa Guam. Dumukot at bumihag pa sila ng 11 tagapulo, upang gamiting gabay at alila, bago lumisan patungo sa Maluku nuong Septiembre 10, 1526. Surigao, Octobre 1526.
May ulat na sa Surigao unang dumaong ang capitana, ngunit hindi na ito matiyak ngayon; hindi na rin matiyak kung sa Pilipinas nga ang pulo na narating ng pangkat ni Loaisa dahil maunti, magkakasalungat at malabo ang mga ulat tungkol dito. Nuong panahong iyon, itinuturing ng mga katutubo sa bahaging iyon ng kapuluan na kasama sa Maluku ang mga pulo ng Mindanao na walang pangalan nuon maliban sa turing na kalakihang Maluku ng mga taga-Maluku. Ang mga Espaniol sa sumunod na 100 taon ang nag-uso ng pangalang Mindanao mula sa pagdinig nila sa tawag sa ng mga Maingdanao o Maguindanao. Ang Malacca, na pinagmulan ng nagbabala laban sa mga Espaniol, ay malawak na dating kaharian ng mga Muslim na Malay sa bandang tinatawag ngayong Melaka, sa Malaysia, malapit sa Si Ang Puro (siyang pulo) na tinatawag ngayong Singapore. Nuong 1511, ang lungsod ng Malacca ay nilusob, pinuksa at sinakop ng mga sandatahang dagat ng Portugal. Nuon unang nakarating si Magellan sa Malacca bilang isang kawal sa hukbong sandatahan ng Portugal. Nuon din nagtakasan ang maraming Muslim papuntang Borneo at Pilipinas, kabilang ang maharlikang angkan ni Kabungsuan (ang bunso) na nagtatag ng Islam sa Mindanao. Maluku, Octobre 1526.
Tumalungko na lamang ang mga Espaniol sa Terrenate at naghintay ng inaasahang tulong mula sa Espania. Samantala, nakarating sa wakas sa Espania ang barkong San Gabriel nuong Mayo 28, 1527, pagkaraan ng 1 taon ng paliguy-ligoy sa dalampasigan ng South America matapos mapahiwalay sa pangkat ni Loaisa. Sakay ang 27 tauhan at 22 indio mula Brazil ngunit wala ang capitan, si Rodrigo de Acuna, na naiwang bihag ng mga taga-France sa bandang Brazil. Matapos siyang ipatapon ng mga ito sa dalampasigan, sinagip siya ng isang barko ng mga taga-Portugal at dinala sa Pernambuco, isang kabayanan sa Brazil na sakop ng kaharian ng Portugal, at siya ay ipiniit duon nang 1 ˝ taon bago pinayagang makabalik sa Portugal nuong katapusan ng 1528. Samantala, nagpatuloy ang paghanap ng barkong Santiago sa lupaing nabalitaan nilang sinakop ni Hernando Cortes para sa Espania, ayon sa mga hayag ni Francisco Davila, isa sa mga tauhan, at ni Juan de Areizaga, isang pari na sakay sa barko, nuong pagkatapos ng lahat, kapwa sila nakabalik sa Espania. Saklolo Ng Mexico.
Subalit nuong panahon ng lakbay ni Loaisa, katatapos pa lamang ni Cortes na sakupin ang mga Aztec nang dumating sa Mexico ang Santiago, isa sa mga nawalay na barko ni Loaisa, at inutusan niya si Capitan Alvaro de Saavedra Ceron na magtungo sa Maluku upang hanapin ang pangkat. Sakay sa 3 barko, tinunton ni Saavedra ang landas na pinaghilaang binagtas nina Loaisa, kahawig sa landas na dinaanan ni Magellan nuong unang paglakbay sa dagat Pacific nuong 1520-1521. Ngunit 5 - 6 araw bago nakarating sa kapuluan ng mga kawatan (Ladrones Islands), naligaw ang 2 kasamang barko sa lakas ng isang bagyo at ang barko ni Saavedra lamang ang dumaong sa isang pulo sa hilaga (north) ng Tidore (Tidor), isa sa mga pulo ng Maluku, nuong Marso 30, 1528. Tidor, Marso 30, 1528.
Hinayag ng tinubos na 3 tauhan ng Santa Maria del Parral na natambangan ang kanilang barko ng mga tagapulo na pumatay sa kanilang capitan at karamihan sa kanilang mga kasama, ngunit pinaratangan sila ng ibang mga tauhan ni Loaisa na sila mismo ang pumatay sa kanilang capitan, si Jorge Manrique, katulong ang iba nilang kasamahan na nagsitakas pagkatapos. Sa ulat ni Hernando de Bustamante, ang ingat-yaman ng pangkat ni Loaisa, at ni Diego de Salivas nuong Maio 3, 1529, hinayag na totoong ang mga tauhan ang pumatay kay Manrique. Sinabi rin nila na 61 tauhan sa pangkat ni Loaisa ang namatay sa sakit, 9 ang nalunod nang lumubog ang barkong Santi Spiritus, 9 ang pinatay ng mga Portuguese at 4 ay binitay bilang parusa sa iba't ibang kasalanan. Sa isang liham nuong Junio 11, 1528 ni Dela Torre, ang nalabing payag pang mamuno, hinayag ang tungkol sa mga dinanas ng capitana, ang Sancta Maria dela Victoria. Kalakip sa liham ang talaang barko (ship logs) ni Martin de Uriarte, ang piloto. Sinabi sa liham na si Sebastian Del Cano ang pumalit na capitan-general ng pangkat dagat pagkamatay ni Loaisa ngunit siya man ay namatay ilang araw lamang pagkatapos. Ayon kay Dela Torre, sa 123 tauhan ng barko ni Loaisa at 25 tauhang dala ni Saavedra, 20 na lamang ang buhay pa. Matapos makipagkasunduan sa mga taga-Portugal, sumuko ang mga Espaniol at sakay sa barko ng Portuguese, nagbalik silang lahat sa Europa. Duon isinulat ni Dela Torre ang pahayag niyang liham. Sa sumunod na Noviembre 2, 1528, inilahad naman ni De Acuna ang kanyang dinanas, matapos siyang dalhin ng mga Portuguese pabalik mula Pernambuco. At duon natapos ang mga pahayag ng mga nalalabing tauhan ng paglakbay ni Loaisa, maliban sa isa, na nahayag lamang pagkaraan pa ng 8 taon. Urdaneta, 1535.
'Ang mga indio ng kapuluan ay hubad-hubad, walang mga damit,' isa sa mga ulat ni Urdaneta ay tungkol sa mga pulo ng mga kawatan (Ladrones Islands), 'Matipuno sila, malulusog at mahahaba ang buhok at may balbas silang lahat. Wala silang bakal, pulos gawa sa bato ang kanilang mga gamit. Ang tanging sandata nila ay mga sibat - ang tusok ng iba ay kahoy na pinatigas sa apoy samantalang ang iba ay may pinatulis na buto ng isda, o ng buto ng binti ng tao. Duon, dinukot at binihag namin ang 11 indio upang maggayod ng bomba ng tubig, dahil pulos maysakit na ang mga tauhan na kasakay namin sa barko.' Inulat din ni Urdaneta ang pakikipagtunggali nila laban sa mga taga-Portugal. Tungkol sa mga tagapulo ng Java, sa Indonesia, sinabi niya, 'Ang mga tao dito sa pulo ay mabagsik at matakaw. Marami silang kanyon na tanso (bronze) na sila mismo ang gumawa. Mayroon din silang mga paputok, at mga sibat na tulad sa atin, at mainam ang pagkakagawa.' Isinalaysay ni Urdaneta kung paano siya nakabalik sa Lisbon, sa Portugal, nuong Junio 6, 1636, sakay sa isang barko ng Portuguese. Pagdating niya sa Lisbon, ang pangunahing lungsod ng Portugal, kinuha ng mga Portuguese ang lahat ng dala niyang mga ulat at documento. Isa sa mga puok na itinala ni Urdaneta ay 'Nasa bandang kanlurang hilaga ng Moluco ang Bendenao (Mindanao)...na maraming kanela (cinnamon), ginto at mga perlas. Nabalitaan namin na taon-taon, 2 dyong (tawag ng mga taga-Java sa kanilang barkong pandagat, Chinese junk ang tawag sa English) ang nagpupunta ruon mula sa China upang magkalakal. Nasa hilaga ng Bendenao ang Cebu, na ayon sa mga tagaruon ay may maraming ginto na kinakalakal din ng mga taga-China taon-taon.' Balik sa nakaraan Akyat at ulitin Tahanan ng mga kasaysayan Listahan ng mga kabatana Tuloy sa susunod
|