3 TANGKA, 3 TALO: Ika-4 Kabanata

 

Saklolo Ni Alvaro de Saavedra, 1527-1529

 

Nang bumalik sa Espania nuong Septiembre 1522 ang Victoria, isa sa 3 barko ni Ferdinand Magellan nang dumayo sa Pilipinas nuong 1521, naiwan sa kapuluan ng Maluku ang isa pang barko, ang Trinidad na capitana (flagship) ni Magellan. Walang balita anuman tungkol sa Trinidad mula nuon maliban sa ulat ng mga tauhan ng Victoria na may butas at kinukumpuni ang barko sa pulo ng Tidor nang iwan nila.

 

Granada, Junio 20, 1526.
Inutos ng hari ng Espania, si Carlos 5, na magpadala ng mga barko mula sa Nueva Espania (Mexico) upang magsiyasat tungkol sa Trinidad at sa mga tauhan nito na naiwan sa Maluku, hanapin ang nawawalang pangkat ni Loaisa, pati na ang pangkat ni Sebastian Cabot na naglayag din papunta duon.

Ito ang tinanggap mula Espania ni Hernando Cortes, ang conquistador ng Mexico, na abala nuon sa paglupig sa kaharian ng mga Aztec at pagtatag ng mga kabayanan ng mga Espaniol duon.

Inutos sa kanya na maglagak sa mga barko na magsisiyasat ng mga bagay na magagamit upang tubusin ang mga nabihag na Espaniol, at upang makipagkalakal sa mga tagapulo. Inutos din na piliin niya ang pinakabihasang marinero upang tauhan ang mga barko. Ipinayo sa kanya na sumulat na ang hari kina Ponce de Leon at iba pang pinuno ng mga pangkat Espaniol sa America na magbigay ng anumang tulong na kakailanganin ni Cortes.

Ulat sa 'Unang Espaniol', ang aklat ni Antonio Pigafetta, ang kinahinatnan ng Trinidad nang nagtangka itong bumalik sa America patawid sa dagat Pacific nuong 1522 ngunit, hindi nakayanan, nagbalik sa Maluku at sumuko, binihag ng mga Portuguese duon.

Si Sebastian Cabot na nabanggit sa utos ni Carlos 5 ay isang taga-Venice, sa Italia, bagaman at may nagsabing siya ay taga-England, na nagsilbi sa hari ng Espania, tulad ni Magellan, bilang tagatuklas ng iba't ibang lupa na masasakop ng Espania.

Mexico, Mayo 1527.
Ayon sa gawi sa Espania, pinagsabihan ni Cortes ang mga pinuno ng pangkat dagat na pinapalaot niya ng mga dapat nilang tupdin. Hinirang niya ang kanyang pinsan, si Alvaro de Saavedra, upang pamunuan ang paglakbay; si Antonio Guiral ang hinirang niyang punong ungkat-yaman ng pangkat (accountant of the fleet); at binigyan niya kapwa ng mga tungkulin:

  1. Dahil ang pangunang pakay ninyo ay hanapin sina Fray Garcia Jofre de Loaisa at Sebastian Cabot na, sa awa ng Dios, ay maaaring nawalan ng mga barko, at baka may mga kalakal na spice, dapat ninyong itala sa isang aklat kung sinu-sino ang may-ari ng mga spice na isasakay sa inyong mga barko.
  2. Kung sila o kayo ay may matuklasang mga lupa, dapat niyong isulat kung saan-saan ito matatagpuan at kung anu-ano ang mga bagay na maaaring ikalakal duon.
  3. Magtungo kayo sa Cebu upang tuklasin kung buhay pa si Joan Serrano, ang piloto, at iba pang Espaniol na binihag ng mga tagaruon, at tubusin ninyo sila kung ganoon. Matiyaga niyong hanapin sino pa mang tauhan ni Magellan ang maaaring naiwan sa mga pulo-pulo duon.

Si Joan Serrano, isa sa mga piloto sa pangkat ni Magellan nuong 1521, ay huling natanaw na bihag ng mga taga-Cebu at nagmamakaawa na tubusin siya sapagkat papatayin siya kung hindi, ngunit iniwan siyang humahagulhol sa dalampasigan ng Cebu ng mga tumatakas na mga Espaniol. Hindi na nabalitaan pagkatapos kung buhay pa siya o ang mga kasama niyang Espaniol sa Cebu.

Binanggit ni Cortes ang pagdating sa Mexico ng Santiago, ang barkong patache na nawalay sa pangkat ni Loaisa pagkasulpot sa lagusan ni Magellan. Kalakip sa mga utos ang isang liham ni Cortes ng pasalamat sa hari ng pulo ng Tidore (Tidor) dahil sa kabutihang ipinakita niya sa pangkat ni Magellan nuong 1522. Binigyan din niya ng liham si Saavedra para sa hari ng anumang pulo na daungan nila, naghahayag na walang masamang tangka ang Espania at humihingi lamang ng pagkakataong makipagkaibigan at makipagkalakal. Nilakip din ni Cortes ang isang liham para sa hari ng Cebu.

Dagat Pacific, Octobre 1527.
Sa talaan ng kalihim ng pangkat dagat, isinulat ni Saavedra ang kasaysayan ng kanyang paglakbay. Lumunsad ang 3 barko mula sa daungan ng Zaguatenejo (Zihuatanejo Bay), sa lalawigan ng Zacatala, sa baybayin ng Nueva Espania (Mexico) nuong Octobre 1527 at pagkaraan lamang ng ilang araw, namatay ang kanilang manggagamot at inilibing nila sa dagat. Hindi nagtagal, nagsimulang pasukin ng dagat ang isa sa mga barko at mabilis na napuno ng tubig kaya napilitang tumulong ang mga tauhan ng ibang barko upang mapigil ang paglubog ng barko. Deciembre 29, 1527 na nang natanaw nila ang kapuluan ng mga kawatan (Ladrones Islands, Marianas Islands ang tawag ngayon, kabilang ang Guam) at pagkalagpas dito, dumaong sila sa isang pulo na hiwalay sa kapuluan ng mga kawatan. Ang mga tagaruon ay nakatagpo na dati ng mga Espaniol, natanto sa sigaw-sigaw nila ng 'Castila, Castila!'

Visaya at Davao.
Sa pulo ng Visaya, natagpuan nila ang isa sa 3 Espaniol na sinagip nila. Inulat nitong tauhan na isang taon siyang naging bihag duon bago siya dinala ng kanyang panginoon sa Cebu, kung saan niya nalaman mula sa mga tagaruon na ipinagbili sa mga Intsik ang 8 Espaniol na nabihag mula sa pangkat ni Magellan. Ang mga taga-Cebu daw ay mga hindi binyagan, sumasamba sa kanilang poon na tinawag nilang Amito, inaalayan nila ng pagkain at alak at, kung minsan, pumapatay sila ng tao bilang parangal dito. Sa mga tabi ng dagat sila namamahay at madalas naglalayag sa dagat sa kani-kanilang mga bangka, parit-parito sa iba't ibang pulo upang magkalakal o mandambong. Kahambing sila ng mga Arabe, palipat-lipat ang kanilang mga baranggay. Maraming baboy na alaga sa Cebu, at may ginto duon. Nasabi rin na pumaparuon ang mga taga-China upang magkalakal sa mga pulu-pulo. (Inaamin ngayon na dumaong at nag-usisa ang pangkat ni Saavedra sa Mindanao, ang kauna-unahang mga taga-Europa na nakarating sa tinatawag ngayong Davao.)

Kahiwalay na inilahad ni Vicente de Napoles ang karanasan sa lakbay ni Saavedra, sa isang pagsusuri sa Madrid, Espania, nuong 1634. Kasisimula pa lamang daw ng paglakbay nang magkahiwa-hiwalay ang 3 barko, at hindi na muling nakita ng mga nasa barko ni Saavedra ang 2 barkong napahiwalay. Narating nila ang isang pulo na tinawag na Mondania, tinawag ng mga Portuguese na Mindanao. Isinaysay din ni De Napoles kung paano nila natagpuan ang 3 tauhan ng pangkat ni Loaisa, ang pakikiusap nila sa mga Portuguese hanggang, sa wakas, nakabalik sila sa Europa, sakay sa isang barko ng Portuguese.

Nagtangka si Saavedra na maglayag pabalik sa Nueva Espanya. Ang pangkat niya ang unang nakapag-ulat tungkol sa Nueva Guinea (pulo ng Irian Jaya at New Guinea ngayon) na nasa silangang timog (southeast) ng Maluku. Hinahayag ngayon na ang pangkat ni Saavedra ang unang mga taga-Europa na nakarating sa kapuluang tinatawag ngayong Marshall Islands, bahagi ng pulutong ng mga pulo ng Micronesia sa kalagitnaan ng dagat Pacific nuong 1529. Hindi sila nakarating sa Nueva Espanya dahil sa salungat na ihip ng hangin at namatay si Saavedra sa gitna ng dagat nuong Deciembre 1529.

Balik sa nakaraan           Akyat at ulitin           Tuloy sa susunod
Tahanan ng mga kasaysayan            Listahan ng mga kabanata

 

Hernan Cortes

Kagalang-galang na hari ng Cebu, sa bandang Maluco:

Ako, si Don Hernando Cortes, capitan-general at governador nitong Bagong Espania, sakop at pailalim sa kataas-taasang emperador at hari ng kalawakang Espania, ay malugod na bumabati sa iyo ng buong pagmamahal at naghahangad ng iyong mabuting kapalaran at pagpala ng Dios dahil sa mga magandang balita na aking natanggap tungkol sa mahusay na pakitungo mo sa mga Espaniol na dumating at dumaong sa iyong kaharian.

Maaaring nasabi na sa iyo ang lawak ng kapangyarihan at tanyag ng aming panginoon ng mga Espaniol na sadlak ngayon sa iyong kapangyarihan, mga Espaniol na ipinalaot ng aming makapangyarihang emperor at hari ng mga Christiano, 7 o 8 taon na ang nakaraan. Maaari ring mabatid mo ito mula sa capitan at tauhan nitong mga barko na ipinalaot ko upang ihatid itong liham sa iyo, sa ngalan ng aming mahal na hari, kaya hindi na kailangang pahabain ko pa itong liham.

Ngunit makapagsisilbing malaman mo na ang malakas naming principe ang nagsulong, upang malaman ang iyong bahagi ng mondo at makipagkalakal diyan, sa isa sa kanyang mga capitan, si Hernando de Magallanes, gamit ang 5 barko na, sa kakulangan ng ingat at kundangan ng nasabing capitan, isang barko na lamang ang nakabalik sa kaharian ng aming panginoon.

Mula sa mga tauhan, nalaman ng aming kagalang-galang na hari ang mga dahilan ng pagkawasak at pagkawala ng iba pang barko at bagaman at ikinalungkot niya ang nangyari, siya ay higit namighati sa balitang sinuway ng nasabing capitan ang utos ng aming mahal na hari at sa halip, sinulsulan pa ang digmaan na kinasangkutan mo at ng iyong kaharian. Atas ng aming hari sa nasabing capitan na kanyang tanging hangad na ituring kayong lahat na matalik na kaibigan at katulong, at bigyan kayo ng lahat ng ikakabuti ng inyong dangal at katauhan.

Dahil sa kapangasahan ng nasabing capitan, minabuti ng Dios na Maykapal ng sansinukob na pabayaan siyang magdusa, mamatay sa kalunos-lunos niyang pagsuway sa atas ng aming panginoong hari. At malaking awa ng Dios na pinabayaan siyang mamatay sapagkat kung siya ay nakabalik nang buhay, higit na malupit ang iginawad na parusa sa kanya.

At upang mabatid ninyong lahat na namumuno at hari ng mga puok diyan ang tunay na hangad ng aming kataas-taasang hari, at ang laki ng dalamhati niya sa pangahas na ginawa ng nasabing capitan, nagsugo siya nuong 2 taon na ang nakaraan ng 2 pang capitan, kasama ng kanilang mga tauhan, upang tubusin ang pinsalang nagawa ng naunang capitan.

At inutusan niya ako, na sa kanyang ngalan ay namamahay ngayon sa mga lupaing kalapit lamang sa inyo, inatasan niya akong magpalaot din agad ng mga maghahatid sa inyo nitong liham at ng mga pahinahon niya upang lubusang mabatid ninyo ang kabutihan ng kanyang hangad. Kaya ipinadala ko itong 3 barko na naghatid sa inyo nitong liham upang mapagtibayan ng mga tauhan, sa sarili nilang mga salita, ang mga inilahad ko sa liham na ito.

Dahil naman magkalapit lamang ang ating mga puok, at makakapag-ugnayan nang ilang araw lamang, magiging karangalan ko kung sasabihin ninyo sa akin ang anumang nais ninyong mabatid, at kung anumang payo ang nais ninyo mula sa akin, sapagkat alam kung ito ang nais ng aming mahal na hari, at pagtupad lamang sa kanya ang tulong na maibibigay ko. At sa saganang hangad ng aking panginoong hari para sa inyo, aking idadagdag ang aking pasalamat, at ipagbubunyi ko sa aking hari, kung mamarapatin ninyong isauli sa capitan na naghatid ng liham na ito ang sinumang Espaniol na buhay pa sa inyong piitan. Kung nais ninyong ipatubos sila, paaanyayahan ng capitan ang anumang naisin ninyo, tatanggap pa kayo ng mga pabuya mula sa aming mahal na hari, at mga gantimpala mula sa akin sapagkat, kung inyong nanaisin, magkakaugnay at magkakaibigan tayo sa mga darating na panahon.     Mayo 28, 1526.

Hernando Cortes