Conquistador

Conquistador Ng Pilipinas: Ika-2 kabanata

Invasions of the Philippines by European and Chinese would-be conquerors and the fierce resistance, intermittently successful, ultimately doomed, by scattered bands of fishermen and rice farmers

 

3 Tangka, 3 Talo
Pagbabalik Ng Mga Espanyol

 

PAGPAPATULOY ito ng kasaysayan ng pagdayo ng mga Espaniol sa Pilipinas, sinimulan sa isang aklat nitong website, Ang Unang Espaniol, ang ulat ni Antonio Pigafetta ng pagdating ni Ferdinand Magellan nuong 1521, at ng unang lakbay paikot sa mondo.

Sa Maluku talaga ang tungo ni Magellan, nalihis lamang ang tantiya at sa Pilipinas napadpad at, bagaman at malapit na, hindi niya narating bago siya napaslang ni Lapu-Lapu sa Mactan. Nagpatuloy ang mga nalabi niyang kasama sa paghanap sa Maluku at nagtagumpay naman ang mga Espaniol nang makapag-uwi ng isang katutak na spices sa Espania nuong 1522. Nang matanyag ang pahayag ni Pigafetta at ng mga kasama ng landas papuntang Maluku, nag-unahan ang mga Espaniol magpalaot ng mga barko, kahit walang pahintulot ng hari ng Espania, kahit hindi alam sa Espania, upang gayahin at daigin pa ang kayamanang natamasa nina Pigafetta mula Maluku.

Dahil Sa Pampalasa Sa Ulam

ISLAS de Poniente, the Western Islands, ang mga kapuluan sa kanluran, ang unang nabantog na pangalan ng Pilipinas sa Europa. Hindi inakala ni Ferdinand Magellan, - Fernan Magalhaes sa tinubuang Portugal, Fernando Magallanes pagkalikas sa Espania, - na magiging palasak ang palayaw na itinuring niya upang pagtakpan lamang ang pagpuslit niya sa mga lupaing inaangkin ng karibal na kaharian ng Portugal. Ang totohanang ibininyag niya nang angkinin niya ang kapuluan sa ngalan ng hari ng Espania ay Islas de San Lazaro, ang kapuluan ng San Lazaro, pangalan na karapat-dapat lamang na nilimot agad, dahil kapistahan ni Santo Lazarus nang una nilang namataan ang mga pulo ng Samar nuong Marso 15, 1521. Hindi nagtagal pagkaalis ng mga Espaniol, dumayo ang isang pangkat ng mga taga-Portugal at bininyagan ang kapuluan ng Yslas da Oriente, the Eastern Islands, ang mga kapuluan sa silangan, upang ipahiwatig na pag-aari ng kaharian ng Portugal ang kapuluan na sa pagkakaalam ng mga tagapulo nuon ay wala, at kahit kailan ay hindi nagkaroon, ng pangalan.

Kanluran. Silangan. Ito ay pagpapatuloy lamang ng agawan ng Espania at ng Portugal sa mga lupang masasakop at mananakawan sa magkabilang panig ng pinaghatian sa daigdig na pinagkasunduan nila sa Tordesillas, isang kabayanan sa Espania, sa pagtangkilik ni Julio 2, ang Papa catholico (catholic pope) sa Roma, Italia, nuong 1494: Ang Portugal ang sasakop sa mga lupang matuklasan sa silangan, sa Espania ang mga lupa sa kanluran. Pinakamalakas silang 2 nuon kaya walang nagawa ang ibang kaharian sa Europa sa paghahati ngunit lintik ang galit nila, samantalang walang kamalay-malay ang mga katutubo sa Pilipinas sa patuloy na paglusob ng mga walang pakundangang conquistador ng pinakamakapangyarihang kaharian sa buong daigdig.

Dahil lamang sa mga spice, pampalasa sa ulam.

Espania, 1522.
Pagkarating ng Victoria,, ang tanging barko ni Ferdinand Magellan na nakabalik sa Espania, naghayag ang hari, si Carlos 5, at ang reina, si Isabel, anak ng hari ng Portugal, ng 33 pabuya sa sinumang Espaniol na sumaling magpundar sa 5 susunod na paglakbay sa Moluccas, ang Spice Islands, at sa anumang pulo na matuklasan sa loob ng sakop ng Espaniol, ayon sa pinaghatian sa kasunduan sa Tordesillas (Treaty of Tordesillas) nuong 1492. Nasa pahayag ang mga karapatan ng hari at ng mga Espaniol na sasali, at kung paano gagawin ang hatian sa kikitain ng pagkalakal na, ayon kay Antonio Pigafetta, ang tagapagtala nuong lakbay ni Magellan, ay 10 taon nang sinasarili ng katabi at karibal na kaharian ng Portugal.

Napakalaking kayamanan ang inuwing spice ng mga kasama ni Magellan sa iisang barko lamang, ang Victoria, nuong Septiembre 1522. Namatay si Magellan at maraming kasamahan, 3 taon inabot ang lakbay, 4 barko ang lumubog o naglaho, at 18 Espaniol lamang ang nakauwi sa mahigit 270 kasama nang umalis sa Espania nuong Agosto 1519, ngunit galak ang lahat - nabalik ang gastos ng paglakbay, kumita pa nang malaki. Nabayaran ang mga utang ni Carlos 5, hari ng Espania na nagpakana kay Magellan, kay Jakob Fugger, Aleman na nagkakalakal ng mga spice at nagsulsol sa hari na tangkilikin si Magellan. Kumita si Christobal Haro, ang nagpa-utang at nagpundar kay Magellan. Yaman panghabang buhay din ang nabahagi ng 18 tauhan ni Magellan na nakauwi, sa pamumuno ni Sebastian del Cano. At nagtamasa ng clovas (cloves) ang buong Sevilla, Madrid at mga karatig lungsod. Kaya kasunduan ng pinaghatian man o hindi, nagbalak si Carlos 5 na magpalaot uli ng mga barko upang magkalakal sa kapuluan ng mga spice, ang Maluku o Moluccas Islands, sa Indonesia, sa landas na tinuklas ni Magellan patawid sa dagat Atlantic, South America at dagat Pacific. At hindi lamang isa o 2 lakbayan, magalit man ang mga taga-Portugal o hindi.

Isang pangkat dagat (fleet) papuntang Maluku ang pinamunuan ni Sebastian Cabot mula Espania nuong Abril 3, 1526 ngunit nahadlangan ng gutom, hirap, sakit at aklasan (mutiny) ng mga tauhan, at napilitang bumalik sa Espania nuong 1530. Kahiwalay ang pangkat na pinamunuan ni Francisco Vasquez mula sa South America naman, pinundaran ng isa sa mga conquistador na naglipana sa America nuon sa madugo at marahas na paglupig sa mga katutubo duon. Pati si Hernando Cortes, ang sumakop sa Mexico, ay gumastos ng ilang daang libong peso, milyon-milyon ang katumbas sa salaping kasalukuyan, upang tustusan ang paglayag ng mga barko papuntang Maluku. Bahagya ang balita tungkol sa kanila, wala silang nahita at wala sa kanilang nakarating sa Pilipinas.

Maliban kay Sebastian Cabot, 3 lamang ang sadyang pinalaot ng mga Espaniol upang tuklasin at sakupin ang mga kapuluan sa kanluran na kinabilangan ng Pilipinas, sa halip ng tuloy-tuloy sa Maluku upang magkamal lamang ng mga spice. Kaiba man ang kanilang hangarin, sa paghalo-halo ng malas, bagyo at puot ng mga magiging Pilipino, sunud-sunod silang nasawi tulad ni Magellan.

Balik sa nakaraan      Akyat at ulitin       Tahanan ng mga kasaysayan ng Pinas       Listahan ng mga kabanata       Tuloy sa susunod