![]() 3 TANGKA, 3 TALO: Ika-6 kabanata
Topo-topo Muna, 1546-1564 NAGSAWA rin, ayaw nang magpundar ang mga Espaniol at ang mga mapaghangad sa South America. Pati ang hari, si Carlos 5, ay hindi na nagpalaot ng luging paglakbay sa mga kapuluan sa kanluran, abala sa walang katapusang digmaan sa Europa laban sa mga naghimagsik, at ibang mga hari, na nagsikap bumuwag sa kanyang malawak na kaharian, ang pinakamayaman at pinakamakapangyarihan sa buong Europa. Binatilyo, 16 taon gulang lamang si Carlos 5 nang manahin nuong 1519 ang magkakamping kaharian ng Castilia at Aragon nuong mamatay ang kanyang lolo, si Fernando (Ferdinand), hari ng Aragon, viudo ni Regina Isabela ng Castilia, at tagapaghari (regent) ng Castilia. Bagaman at isinilang at lumaki siyang dayuhan, ni hindi marunong magsalita ng Espanyol, sa kanyang pagiging hari nagsimulang tawaging kaharian ng Espanya ang pinagsamang 2 kaharian ng Castilia at Aragon. Mula sa kaharian ng kanyang angkan ng Hapsburg sa Burgundia (Burgundy), kung saan siya lumaki, hinakot niya ang mga kaibigan at kakampi at binigyan ng matataas na tungkulin sa Espania - sa selos at galit ng mga pinuno ng Castilia, ngunit walang tiwala sa kanila si Carlos 5, magastos ang maghari, at kailangan niya ang mga sariling galamay upang kamkamin ng kayamanan ng Espanya.
Pagkaraan ng 2 taong paghahari, lalong pinag-ibayo ni Carlos 5 ang pagkamal ng salapi nang mamatay ang isa pa niyang lolo, si Maximilian, ang emperador ng Roma (Holy Roman emperor), upang suhulan ang mga nagtanghal (electors) sa kanya bilang kapalit na emperador at hari ng mga lupain ng kanyang angkan ng Hapsburg sa Italya at Alemanya (Germany). Ang dami ng gastos at utang ang dahilan kaya niya pinundaran si Ferdinand Magellan upang hanapin at ariin ang yaman ng Maluku (at ang nadamay na Pilipinas). Kaaalis pa lamang ng pangkat ni Magellan nang sampalin ang 19-taon gulang na Carlos 5 ng kanyang unang digmaan. Sa hirap ng buhay dahil sa pagkalkal ng salapi at laki ng mga buwis na sinisingil, naghimagsik nuong 1520 ang mga Comuneros, ang mga common tao sa Espanya. Napilitan si Carlos 5 na kampihan ang mga maharlika upang puksain ang mga tao pagkaraan ng isang taon, nuong 1521 at umiral mula nuon sa Espanya ang malupit na palakad sa mga tao upang pagyamanin ang mga maharlika at mayaman, - palakad na pinairal ng mga Espanyol sa Pilipinas sa sumunod na mahigit 300 taon.
Samantala, dumanak ang ligalig sa kanyang tinubuang lupa, Burgundia, bahagi ngayon ng France ngunit nuon ay kasama ng Belgium at ng Holland na bahagi mga kaharian ng mga Hapsburg na biglang pumaligid sa France nang maghari si Carlos 5 sa Espanya at manahin ang mga bayan sa Alemanya at sa Italya. Nangamba ang hari ng France, si Francisco 1 (Francis I), na 'kainin' ang kanyang kaharian at sinimulang digmain si Carlos 5 upang itiwalag at angkinin ang Burgundy, Belgium at Holland. Palaging panalo ang hukbo ni Carlos 5, ang pinakamalaki at pinakamahusay sa Europa nuon, ngunit walang puknat na sumalakay si Francisco 1. Nakarating na sina Magellan sa Pilipinas nang magsimula ang unang digmaan nuong 1521. Nakabalik sina Antonio Pigafetta sa Espanya nuong 1522, nakaalis na si Jofre de Loaisa nuong 1525 at sinaklolohan na siya ni Alvaro de Saavedra nuong 1527 at kapwa nabigo na sa Maluku ang 2 pangkat bago pa natapos ang unang digmaan nuong 1529. Nuong 1527, nang sumuko ang pangkat nina Loaisa at Saavedra sa mga Portuguese, nakasagupa rin ni Carlos 5 si Papa Clemente 7 (Pope Clement VII) sa lupain ng Roma (Sacco di Roma). Sinalakay ni Carlos 5 ang mga Muslim sa Tunis, sa Africa, nuong 1535, isang taon bago sumabog muli ang ika-2 digmaan laban kay Francisco 1 ng France nuong 1536. Natapos ito nuong 1538 ngunit nag-digmaan uli sila nuong 1542 hanggang 1544, bago pa man nakaalis si Ruy Lopez de Villalobos papuntang Pilipinas nuong 1546. Bilang emperador ng Roma at tagapagtanggol ng catholico, hinarap at nakipagdigmaan din si Carlos 5 laban sa mga Protestante sa Muhlberg, sa Alemanya nuon 1547, isang taon matapos masawi si Villalobos sa Maluku.
Nang maging hari ang anak ni Francisco 1, si Henri 2, dinigma rin niya si Carlos 5 nuong 1551 hanggang 1559. Sinimulan naman siyang lusubin ng mga Muslim ng Ottoman empire mula sa Turkey. Hirap na, ipinamana niya ang kaharian sa Alemanya at Austria sa kanyang kapatid, si Ferdinand ng Austria upang makatulong, at ito ang humarap at tumalo sa mga Ottoman sa isang malawak, madugo at magastos na digmaan. Nang magkasabay-sabay ang digmaan laban kay Henri 2 at sa mga Ottoman, at ang biglang salakay ni Mauricio, Protestanteng duque ng Saxony sa Alemanya, nuong 1552, nasiraan na ng loob si Carlos 5. Sumuko na siya sa mga Protestante at nakipagkasundo ng payapa sa Augsburg nuong 1555. Sinimulan uli ang ligalig.
Dapat sana ay natapos na ang pagligalig ng mga dayuhan sa Pilipinas, maliban sa pandarambong sa Visayas at Mindanao ng mga taga-Maluku at mga taga-Sulu. Mabangis ang mga tagapulo at malupit ang dinanas nina Magellan, Loaisa, Saavedra at Villalobos, ngunit, maliban sa Santo Nino na sinamba, at sinasamba pa hanggang ngayon ng mga taga-Cebu, bahagya lamang napansin ng mga taga-Pilipinas ang bulabog ng mga Espaniol. Kahit na ang papuslit-puslit na salakay ng mga Portuguese. At malamang madaling nalimutan, baka ni hindi nabanggit sa kasaysayan ng Pilipinas kung hindi sila nasundan ng iba pang mga conquistador. Kakaiba kasi ang pansin ng mga tagapulo nuon.
Ang mga barko na mahalaga sa mga katutubo nuon ay hindi mga taga-Europa kundi ang dayo taon-taon ng mga nagkakalakal na mga taga-China, dala-dala ang itinatangi ng mga tagapulo na porselana (porcelain) at sutla (seda, silk). At ang panganib na kinakatakutan ng mga katutubo nuon ay ang mga manlulupig hindi mula Europa, kundi mula sa tabi-tabi.
Balik sa nakaraan
Ulitin mula sa itaas
Tahanan ng mga kasaysayan
Listahan ng mga kabanata
Susunod na kabanata
|