Mga Conquistador Ng Pilipinas 5 Aklasan Ng Mga Conquistador PAGKASAKOP na pagkasakop sa Cebu nuong Abril 1565, walang inatupag ang mga Espanyol kundi nagkamkam ng kayamanan. Dahil naitakas ng mga taga-Cebu ang kanilang mga ari-arian nuong nakaraang araw, walang nakalkal ang mga conquistador sa nayon. Nagtuloy sila sa libingan (cementerio) at hinukay ang mga bangkay, ninakaw ang mga alahas, karamihan ay ginto, na inilibing kasama ng mga patay. Nuong Mayo 16, 1565, 2 linggo lamang pagkasakop duon, inutos ni Miguel Lopez de Legazpi, ang general at pinunong conquistador, at nakatakdang maging unang governador ng Pilipinas, na kailangang ipalista ang lahat ng nakalkal na ginto upang makunan ng buwis para sa hari ng Espanya, si Felipe 2. Hindi nagalak ang mga Espanyol sa pagbawas nang ika-5 bahagi sa kanilang ginto. Nang lumaon at sinundan ni Legazpi ng mga utos na huwag nakawan ang mga katutubo - lahat ng kinujha ay dapat may kapalit o bayad - lalong napanghal ang mga tauhan na walang minithi sa pagsama papuntang Pilipinas maliban sa magkamal ng yaman at ari-arian ng mga sasakuping tao. At nang sumidhi ang pagkulang ng pagkain at gutom ng mga Espanyol, nagsimulang umalma ang mga soldados. Ang unang aklasan.
Naghiganti ang mga ito at sinunog ang bahay ni Legazpi. Napuksa ang apoy ngunit nasunog at nasugatan ang ilang tauhan. Ipinadakip ni Del Sanz si De Mena at isa sa mga kasapakat, si Esteban Terra. Nilitis sila at nahatulan. Binitay kinabukasan si Terra. Pinatawad ni Legazpi si De Mena at iba pang kasangkot sa aklasan. Ang ika-2 aklasan.
Kung mapilitan, balak din nilang magdaan sa Lusutan ni Magellan (Magellan Straits) at magtuloy sa Espanya o sa France. Sakali namang salungat ang panahon, sa kabilang panig sila tutuloy, sa Malacca, at buong lugod silang tatanggapin ng mga Portuguese duon dahil nais nilang umalis ang mga Espanyol mula sa Pilipinas. Pinili ng mga kasapakat si Pablos Hernandez na taga-Venice (sa Italya) at iba pang mga pinuno ng aklasang itinakda nila sa Noviembre 27, 1565. Upang hindi sila mahabol nina Legazpi, balak nilang palubugin ang nalalabing galleon, ang San Pablo, ang bagong gawang maliit na barko, ang frigate na Espiritu Santo at anumang barko na ipinagagawa ni Legazpi. Mahigit 40 tauhan ang kasapi sa aklasan, pati ang kapatas (maestro, crew captain) ng San Pablo na may hawak sa lahat ng kanyon sa barkong iyon. Sa hindi matantong dahilan, ipinagpaliban nila nang isang araw ang aklasan, sa Noviembre 28, 1565. Ipinagkanulo ang kataksilan.
Umamin ang ibang kasangkot na kasama rin sana sila sa pagnakaw ng San Pablo at kasabay ng San Lucas, sa pagtalilis sa gitna ng dagat Pacific nuong nakaraang taon. Sa Puerta dela Navidad sa Mexico pa lamang daw, nagkasundo na sila. Sinubukan daw nila nuong gabing tumakas ang San Lucas na ibaba ang mga layag ng San Pablo dahil, kunyari, gumagaya lamang sa ginawa ng capitana, ang barko ni Legazpi subalit natutop sila ni Del Sanz at binalaan silang bibitayin kapag nahiwalay sila sa capitana kaya hindi naituloy ang pagtakas. Ang ika-3 aklasan.
Ang ika-4 aklasan.
Ang napiling capitan, ang pangalan ay Pericon, ay walang muwang. Ang piloto na piniling maglandas sa barko ay isang taksil. Si Lope Martin din ang piloto ng barkong San Lucas na tumakas mula sa pangkat dagat ni Legazpi habang papunta sa Pilipinas nuong Noviembre 1564. Matapos mahirang sa San Geronimo, nagbuo siya agad ng aklasan upang nakawin ang barko at mangulimbat (piracy) sa dagat Pacific. Walang alam at walang ginawa ang capitan, si Pericon, kahit na madalas siyang bastusin at hindi sinunod ng mga tauhan. Kahit na sinabi sa kanya ni Martin, ‘Kung akala mo ay madadala mo ako sa Pilipinas, nagkakamali ka. Bibitayin ako ni Legazpi oras na makita niya ako.’ Pinatay ng mga nag-aklas si Pericon at ang kasama niyang anak na lalaki. Naagaw nila ang barko subalit nag-away si Martin at ang isa pang pinuno ng aklasan, ang kapatas (maestro, ship master) ng barko, na balak sanang dakpin si Martin subalit inunahan siya nito at ang kapatas ang nabitay. Inikot niya ang barko pabalik sa Lusutan ni Magellan (Magellan Straits) upang dambungin sa dagat Atlantic ang mga galleon na papuntang Espanya, puno ng ginto at alahas na kinamkam mula sa mga Inca ng Peru at mga Aztec ng Mexico, sa America. Ipinangako ni Martin na lahat sila ay yayaman, subalit lihim na balak niyang itapon sa isang ligaw na pulo ang mga tauhan ng barko na ayaw sumapi sa kanya. Kunyari ay magpapalipas lamang ng tag-ginaw (invernal, winter) sa isang pulong malapit sa Barbudos, kasama sa tinatawag ngayong Marshall Islands, pinalapag niya ang karamihan ng mga tauhan. Natiktikan ang tangka niya ng isang pari, si Juan de Viveros, na nakiusap na huwag silang iwanan duon upang mamatay ng gutom, at dalhin man lamang sila sa Pilipinas at duon iwanan. Nang ayaw makinig, sumugod ang mga tauhan at, contra-aklasan (counter mutiny), inagaw ang barko mula sa pangkat ni Martin. Siya at 26 kasamahang nag-aklas ang iniwan duon sa maliit na pulo at nagpatuloy ang San Geronimo papuntang Pilipinas. Bago dumating, binitay nila ang 2 tauhan na kasangkot sa pagpatay kay Pericon, ang capitan, at sa anak nito. Pagkadaong ng barko sa Cebu, nilitis at binitay ang notario ng barko dahil kasangkot din sa pagpatay kay Pericon. Pinatawad ni Legazpi ang iba pang kasangkot sa aklasan dahil marami nang Espanyol ang namatay sa sakit at sakuna, at kulang na kulang sa tauhan ang mga conquistador ng Cebu. Bulok lahat ang dalang pagkain at gamit sa San Geronimo dahil hindi mainam ang pagkakahanda. Ang barko mismo ay sira-sira. Nais sanang tastasin at gamitin sa paggawa ng isang mas maliiit na barko, ngunit natuklasan ng mga carpentero na bulok na rin ang mga kahoy dahil hindi mahusay ang pagkakagawa at inapura ang pagtapos sa barko. Ang ika-5 aklasan.
Namatay si Mateo del Sanz, ang pang-2 (master-of-camp) ni Legazpi. At nag-aklasan uli ang mga kawal (soldados, soldiers) at mga tauhan. Dala-dala ng unang barko ang 2 sa mga pinuno ng aklasan, ipinabalik sa Cebu upang malitis at hatulan. Ang pangunahing pinuno, si Martin Hernandez, na taga-Portugal, ay nag-aklas nang ipagbawal ni Del Sanz ang mga kawal at tauhan na magkalakal ng kanela para sa sarili nila. Nuon, nag-iipon si Legazpi at nagpapadala ng tone-toneladang kanela kay Felipe 2, hari sa Espanya, upang pambayad sa paglakbay sa Pilipinas at pagtustos sa pagsakop nila sa Cebu at mga karatig pulo. Nag-aklas ang mga kasapakat ni Hernandez sa pagsarili ng hari ng mayamang kalakal subalit naudlot ang mga balak nila nang bitayin ni Del Sanz si Hernandez. Nagkataon namang nilagnat at namatay si Del Sanz at 15 pang Espanyol na kasama sa Mindanao. Pumalit sa kanya si Martin de Goiti, veteranong conquistador at kapatas (maestro) ng mga kanyon (artillery chief). Si Goiti ang nagpatuloy ng pag-usig sa mga nag-aklas at ipinabitay niya ang 2 kawal at isang marinero na, maliban kay Hernandez, ay pinakapuno ng aklasan. Siya rin ang nagpasiya, dahil sa dami ng mga Espanyol na namatay at maysakit, na pabalikin ang 2 barko sa Cebu, bihag ang 2 pang pinuno ng aklasan upang iharap kay Legazpi. |
![]() Armada forces the conquerors of Cebu to evacuate to Panay Sumalakay Ang Mga Portuguese ISANG oras bago magtanghali nuong Oct 21, 1568, lumusob ang mga galleon ng mga Portuguese at pinagkakanyon ang fuerza (fort) ng mga Espanyol sa Cebu. Hindi tumigil ang pagpapasabog sa mga Espanyol at mga taga-Cebu hanggang pagbaba ng araw. Kinabukasan, Octobre 22, 1568, pinasugod ni General Gonzalo Pereira, ang pinuno ng hukbong dagat ng Portuguese, ang 2 galleon at isang mas maliit na barko, tinawag na patache, sa kabilang pasukan sa Cebu upang harangin ang anumang sasakyan na magtangkang magdala ng pagkain o kagamitan para sa mga Espanyol. Pagkatapos ng 2 araw, kinanyon uli at nilusob ng mga Portuguese ang mga barangay sa paligid ng Cebu, pinatay ang mga tagaruon, pati ang mga babae at mga bata, ninakawan at sinunog ang mga bahay sa Gavi, Cotcot, Diluan, Denao at Mandavi (Mandaue). Pagkaraan ng 10 araw, nuong Octobre 30, 1568, inamin ni Pereira na pinaputukan niya ng mga kanyon buong maghapon ang Cebu at mga karatig na baranggay. ‘Maraming itim na tao, mga indio, ang napatay,’ sabi niya. ‘May ilang Espanyol ding namatay.’ Ipinilit niya na gumaganti lamang siya dahil kinanyon ang mga barko niya ng mga Espanyol mula sa kanilang fuerza (fort). Tatlong buwan hinarangan ng mga Portuguese ang daungan ng Cebu at kakaunting pagkain lamang ang naipasok sa mga Espanyol hanggang bagong taon, Enero 1, 1569. Hanapin si Legazpi!
Natanaw nina Del Sanz ang isang barko malapit sa Mindanao at 4 barko pa 150 kilometro sa banda ng Cebu. Kinabukasan, Noviembre 17, 1566, dumating ang 2 barko ng Portuguese sa Cebu, may sakay na 80 sundalong Portuguese at mga marinero (seamen) mula sa Malabar, isa sa mga sakop na lupa ng Portuguese sa India. Umurong agad ang 2 barko at, pagkatapos masdan ang campo ng mga Espanyol at ang nayon ng mga katutubo, umalis at naglaho. Lalong minadali ng mga Espanyol ang pagtayo ng kanilang tanggulan (fuerza, fort). Takbuhan ang mga taga-Cebu sa gubat at bundok, ang iba namangka papunta sa ibang pulo. Maraming taga-Cebu, hinakot ang kanilang mga familia sa campo at ipinangako sa mga kaibigan nilang Espanyol, ‘Sama-sama tayong mamamatay!’ Natagpuan, ang unang babala.
Mahigit kalahating taon ang lumipas bago lumitaw uli ang mga Portuguese sa Cebu. Handa na ang barkong San Juan nuong Julio 10, 1567 na maglakbay sa Mexico upang magdala ng mga liham at humingi ng tulong nang sumulpot ang 2 maliit na barko (galleys) ng Portuguese mula sa Maluku, pinamunuan naman ni Capitan Antonio Ronbo da Costa, (Antonio Rrumbo de Acosta ang sulat ng Espanyol) upang sunduin at dalhin ang mga Espanyol mula sa Cebu. Tapos, ayon sa mga liham na dala nila mula sa kanilang general, si Gonzalo Pereira, itutuloy ang mga Espanyol sa India upang makasakay sa mga barko pabalik sa Portugal at Espanya. Tumanggi si Legazpi kahit na nuon, ang San Juan na lamang ang barko nilang kayang tumawid pa ng dagat. Binalaan siya ni Da Costa bago umalis ang 2 galley na kapag hindi sila pumayag maalis sa Pilipinas, babalik silang may dalang malakas na armada upang puksain lahat ng Espanyol sa Cebu. Isinulat ni Legazpi nuong Julio 23, 1567 na wala silang sapat na tauhan o sandata, o kahit bala ng kanyon, upang lumaban sa mga Portuguese dahil kulang at mabagal ang dating ng tulong mula sa Nueva Espanya, ngunit hindi siya tuminag mula sa campo Espanyol sa Cebu. Armadang Portuguese: Alis dyan!
Dalawang araw lamang, nuong Septiembre 30, 1568, dumating ang armada ni Pereira, - 4 malalaking galleon, 5 maliliit na barkong galley at mas maliliit na fusta (patache) Kasunod ang maraming mga parao ng mga mandirigma mula sa Maluku. Mapayapang nagtagpo sila ni Legazpi, dumalaw si Pereira sa campo nuong una, at si Legazpi naman ang nagtungo sa barko ni Pereira, ang San Francisco, nuong pang-2 pakikipag-usap. Nuon sinabi ng Portuguese na bibigyan niya ng patawag (summons) ang mga Espanyol. Dumating ang unang patawag nuong Octobre 14, 1568, at matapos sagutin ni Legazpi, ay sinundan ng 2 pa, nuong Octobre 19 at Octobre 21, na dadalhin nina Pereira ang mga Espanyol sa India upang makabalik sa Espanya mula duon, na kailangang umalis ang mga Espanyol dahil sakop ang Pilipinas sa bahagi ng mondo ng Portugal, ayon sa pinagkasunduan sa Tordesillas nuong 1494 (Treaty of Tordesillas) at binago at pinagtibay ng kasunduan sa Zaragosa nuong 1529 (Treaty of Zaragosa). Pagkatapos kapwa sagutin uli palansi nang palansi, nainip si Pereira sa mga katwiran ni Legazpi at pinalusob niya ang mga barko at pinagkakanyon at winasak ang tanggulan ng mga Espanyol. Tatlong ulit pang nagsulatan sina Pereira at Legazpi pagkatapos, nuong ika-27, ika-30 at ika-31 ng Octobre 1568, nagsisihan kung sino ang may sala sa bakbakan. Sa 3 buwan ng pagharang ng Portuguese sa Cebu, paulit-ulit ang salakay nila at ng mga mandirigmang taga-Maluku sa mga walang laban na mga baranggay at mga pulo sa paligid, subalit hindi sila lumusong kahit minsan sa Cebu sa takot na marami sa kanila ang mapapatay ng mga Espanyol. Ang mga Espanyol na nabihag o sumuko sa kanila ay hindi nila sinaktan, subalit maraming katutubo ang nakita mula sa campo ng mga Espanyol na pinatay o binihag ng mga Portuguese at mga taga-Maluku upang gawing alipin. Nagsawa, lumayas ang mga Portuguese.
Hindi alam ni Pereira nuong umalis siya sa Cebu na ito ang pinakahuling lusob ng mga Portuguese sa Pilipinas. Hindi na rin nagampanan ni Pereira ang mga tungkulin, namatay siya sa Maluku pagkabalik mula sa Cebu. Pumalit sa kanya si Diego de Sanbucho bilang governador ng Maluku, ngunit dinatnan niyang watak na ang kanilang fuerza (fort) sa Terrenate (Ternate), winasak ng mga tagaruon nuong 1574 sapagkat pinatay ng isang Portuguese ang hari ng pulo, binihag ang isang anak nito, si Francisco, at and 3 kamag-anak, sina Enrique, Pablo Desa at Jordan de Fletes. Dinala muna nila sa India, tapos sa Malacca. Himagsikan sa Maluku.
Nagtagal din ang mayamang kalakal ng mga Portuguese sa Goa, India, sa Macao, China, at sa Hirado at Nagasaki, kapwa sa Japan. Subalit hindi na lumawak pa ang abot ng Portugal at, mula nuong himagsikan sa Terrenate, isa-isang naglaho ang mga sakop nila sa Asia at timog-silangan (southeast). Nuong 1578, napatay si Sebastian, ang hari ng Portugal, habang nakikipagdigmaan sa mga Moro sa Morocco, sa Africa. Walang siyang iniwang tagapagmana, at inangkin ni Felipe 2 ang trono (throne) bilang anak ni Princesa Isabel ng Portugal, naging asawa ng kanyang ama, si Carlos 5, emperador ng kaharian ng Roma (Holy Roman empire). Nuong 1581, iniluklok si Felipe 2 sa Lisbon, lungsod ng kaharian ng Portugal. Mula nuon, ang hari ng Espanya ay hari din ng Portugal, hanggang nuong 1640 nang nakapagsarili (independent) muli ang mga Portuguese. Ngunit nuon, nalagpasan na ng ibang kaharian sa Europa ang kanilang lakas at kapangyarihan. Nuong 1593, nagtatag ng fuerza (fort) sa Ternate ang mga Espanyol mula sa Pilipinas. Sa sumunod na 50 taon, ang Manila ang namamahala, at hindi na ang mga Portuguese kundi ang mga Espanyol, katulong ang mga Kapampangan ng Luzon, ang naghari sa Maluku. ‘Hindi maaaring pagkatiwalaan’ BAGAMAN at 3 buwan matatag na humarap si Legazpi sa mga Portuguese mula nuong Octobre 1568 hanggang Enero 1569, nayanig ang lahat ng mga Espanyol, alam nilang kahit anong oras nuon, kaya silang puksain ng mga kalaban at wala silang maaasahang tulong mula kahit saan. Nagpasiya si Legazpi at ang mga pinuno na umalis sa Cebu. Mawawari ang gimbal na dinanas ni Legazpi sa kanyang sulat kay Marquez Gaston de Peralta, ang pang-3 virrey (viceroy) sa Nueva Espanya nuong Julio 7, 1569. ‘Winasak ng mga kanyon ang campo namin,’ sabi niya. Umangal siya na may mga Portuguese na dumating sakay sa San Pablo mula sa Nueva Espanya, at hiniling niya kay Peralta na huwag payagan ang mga Portuguese na pumunta sa Pilipinas. ‘Hindi maaaring pagkatiwalaan ang mga Portuguese,’ sulat niya kay Peralta, ‘at maligaya ako kung wala sila dito.’ Nuong 1570, sunod sa utos ng hari, si Felipe 2, na alisin ang mga hindi-Espanyol sa kanyang pangkat, pinabalik ni Legazpi sa Mexico ang mahigit 10 Portuguese na tauhan niya. Mayroon pang ibang Portuguese na naiwan, sulat niya sa hari nuong Julio 25, 1570, na pababalikin niya sa susunod na barko. Makakaiwas daw sa gulo, kung hindi pagsasama-samahin ang maraming Portuguese sa isang barko. Umangal din si Legazpi sa kanyang liham na nawalan ng tiwala ang mga katutubo sa mga Espanyol dahil wala silang nagawa sa paglapastangan ng mga Portuguese. ‘Magiging mas mahirap kaysa nuong una,’ sabi niya, ang hulihin muli ang kalooban ng mga tao. Lumipat ang mga Espanyol sa Panay.
Lagi nang nagpapagawa si Legazpi ng maliliit na barko upang magamit panghakot ng buwis na pagkain at gamit sa mga pulo at nuong Marso 5, 1567 pinalaot sa Cebu ang isang bagong frigate, ang Espiritu Santo upang maghanap sa mga pulo ng Gigante, sa silangang hilaga (northeast) ng Panay, at maghakot ng pagkit (wax) na pinambabalot ng barko upang hindi pasukin ng tubig. Bihira at mahirap hanapin ang pagkit, dagta ng isang uri ng punong-kahoy, na ginagawang kandila (candela, candles) ng mga katutubo at ng mga Intsik. Walang nakitang pagkit ang Espiritu Santo kaya naghakot na lamang ito ng maraming bigas mula sa Panay. Ito ang naalaala ni Legazpi at ipinasiya niyang sa malaking pulo ng Panay ilipat ang campo ng mga Espanyol. Hindi nagpalit ang taon pagkaalis ng mga Portuguese, nuong 1569, itinatag nina Legazpi sa tabi ng ilog Banica ang kanilang campo na tinawag nilang Capiz, mula sa malaking kabibi (tulya) na naglipana duon, at pangalan ngayon ng lalawigan sa pulo ng Panay. Mas maunti ang tao kaysa sa Cebu, subalit hindi sila nasangkot sa lapastangan ng mga Portuguese, hindi pa sila galit sa mga Espanyol at, nakuha sa pa-asta-asta nina Legazpi, payag pa silang magsilbi at magpakain sa mga bagong salta. Higit sa lahat, maraming palayan (ricefields) at bigas duon. (Sa sumunod na 50 taon, ang Panay ang pinagkunan ng bigas ng mga Espanyol, hanggang nasakop nila ang mga palayan ng gitnaang Luzon, ang naging palabigasan ng Pilipinas.) Ang pinakahuling conquistador.
|
|
Balik sa nakaraang kabanata Ulitin mula sa itaas Tahanan ng mga kasaysayan Listahan ng mga pitak Susunod na kabanata |