![]() Conquistador Ng Pilipinas: Ika-12 kabanata
2 Salakay Sa Mindoro MAYO 8, 1570. Pumeka mula sa ilog Panay si Martin de Goiti, ang pangalawa (master-of-camp) ni Miguel Lopez de Legazpi, at si Capitan Juan de Salzedo, governador ng pulo ng Panay at conquistador ng Mamburau at Loban, kapwa sa Mindoro. May dala silang 110 sundalong Espaniol - 90 sandatahang deboga (arquebusiers) at 20 marino - sakay sa dyong (barkong pandagat ng mga taga-Java) na San Miguel, na may 3 kanyon, at sa frigate, maliit na barkong La Tortuga. Kabuntot ang 15 parao, bangkang pandagat ng mga tagapulo, sakay ang mahigit 400 mandirigma mula Cebu at Panay, tinawag na pintados ng mga Espaniol dahil sa mga tattoo nila, at sa pagpahid nila ang pulang tisa (red clay) sa buong katawan ngunit Visaya ang tawag nila sa mga sarili. Lulusob sila sa mayamang kaharian ng Luzon. |
|
Ang Unang Lusob Pagka-alis na pagka-alis ng mga Portuguese nuong 1569, tumawid si Miguel Lopez de Legazpi, kasama ang kanyang mga pinunong mandirigma, sa pulo ng Panay upang kumalkal ng buwis (tribute) mula sa mga tagaruon. Inutusan din niya si Capitan Salcedo, ang kanyang apo, na maglibot sa iba't ibang pulo sa tabi-tabi upang humanap ng pagkain at buwis mula sa mga tao. Pinuno na si Salcedo nuon ng mga soldado (sundalo) na dinala sa Pilipinas ng kanyang kapatid, si Felipe de Salcedo. Sakay sa 15 malalaking banca na kinuha sa mga taga-Cebu at taga-Panay, hinakot ni Juan de Salcedo ang 40 soldado at maraming taga-Cebu sa pulo ng Elem (Ilin ang tawag ngayon) sa timog (south) ng Mindoro. Walang lumaban sa mga taga-Elem, mabilis na sumuko lahat at nagbigay ng buwis at pagkain. Kumuha ng isang gabay si Salcedo at tumawid sa pulo ng Mindoro. Tinunton nila ang baybayin sa kanluran (western coast) at isang madaling-araw (dawn), nilusob nila ang malaking barangay ng Mamburau (Mamburao) at marami ang nakamkam nila duon. Takbuhan ang mga tao at tumakas sa gubat-gubat sa paligid ngunit marami sa mga taga-Mamburao ay nabihag ng mga Espanyol. Kinunan ng pantubos ang mga may ari-arian, ang mga mahirap ay pinakalawalan na lamang nang walang bayad, maliban sa isa na pilit nilang isinama bilang gabay sa marami pang mayamang bara-barangay sa maliit na pulo ng Loban (Lubang), 15 leguas (15 leagues, 72 kilometro) sa kanlurang hilaga (northwest) ng Mindoro. Pagkaalis ng pangkat ni Salcedo, nagbalikan ang mga taga-Mamburao mula sa mga gubat subalit nang makita nilang wasak-wasak ang buong barangay dahil sa pagkalkal ng mga Espanyol, ayaw na nilang itayo muli duon ang kanilang barangay. Sila na mismo ang sumunog sa kanilang mga bahay at sinilaban at lubusang binura ang buong barangay. 3 kuta ng Lubang.
Dalawa sa mga kuta ay malaki, cuadrado ang corte, may 10 culverin (maliliit na kanyon) sa bawat tagiliran. Bawat pader ng kuta ay mahigit 3 metro ang tayog (2 estado, 10 feet), at bawat kuta ay paligid ng tubig, kulang-kulang 5 metro ang lalim (2.5 brazas, 15 feet deep). Maliban sa mga culverin, ang mga sandata ng mga nasa kuta ay mga pana at palaso, mga sibat, at mga malapad na cuchillo (knife, kampit ang tawag sa Tagalog). May pahid na lason ang kanilang mga palaso (flecha, arrows). Pinaligiran ng mga Espanyol ang unang kuta, at inamuki ni Salcedo ang mga taga-Lubang na sumuko at magbayad ng buwis. Sinagot siya ng mga palaso at putok ng mga culverin. Fuego! Isinigaw ni Salcedo ang paglusob at pinagbabaril ng mga Espanyol ang mga taga-Lubang ngunit wala silang nagawa sa 3 oras ng pagsalakay, hindi sila makalapit sa kuta dahil sa lalim ng tubig. Nagtago ng isang banca ang mga taga-Lubang, nakatali sa labas ng kuta, upang gamitin sa pagtakas kung sakali man. Sa malas nila, namataan ito ang mga taga-Cebu at nilangoy ng 2 sundalong Espanyol, at hinila papunta kay Salcedo habang binabaril ng mga sundalo ang sinumang taga-Lubang sa kuta na pumana o kumanyon sa 2 lumalangoy. Pinagbabaril uli nang tumawid ang 15 sundalong Espanyol na sakay na sa banca, at pagdating sa kuta, sinugod ang mga taga-Lubang. Napaurong sa kabilang panig ang mga nasa kuta, naiwan ang 40 mandirigma na pinatay nang dumami na ang mga Espanyol sa paulit-ulit na hakot ng banca. Tuluyan nang nagtalunan at tumakas ang mga taga-Lubang nang dumating at sumampa na rin ang mga taga-Cebu at nadaig ang mga nagtatanggol sa kuta. Mayo 2, 1570.
Kinabukasan mismo, sumugod ang mga Espanyol at ang mahigit 400 mandirigma mula Cebu at Panay, nadagdagan pa ng ilan-ilang taga-Mindoro. Humarap si Salcedo sa pang-2 kuta ang ipinasigaw sa tagapagsalita (interpreter) na magdurusa sila kapag hindi sila sumuko at ibigay ang kanilang mga pagkain at ari-arian sa mga Espanyol. Sigaw din ang sagot ng mga mandirigma sa pang-2 kuta, sinundan ng mga pana at paputok ng kanilang mga culverin. Pinagbabaril naman sila ng mga Espanyol. Buong maghapon silang nagbarilan at nagputukan sa init ng araw, walang nangyari. Malapit na ang takipsilim (night), pagod na ang mga Espanyol, gutom at buong araw hindi kumain, nang umurong sina Salcedo sa mga banca nilang nakadaong sa pampang ng kalapit na ilog. Ipinasiya niya na lumusob uli kinabukasan, paligiran nang gitgit ang pang-kuta hanggang magiba nila ang kuta. Umasa ang mga tao sa pang-2 kuta na umalis na mga kalaban kaya napanghal sila at nasiraan ng loob nang makita nilang bumalik kinabukasan ng madaling-araw ang mga Espanyol at ang daan-daang mandirigma kakampi. Lalo silang nasindak nang agad at masugid silang ginitgit at binakbakan uli ng mga Espanyol at mga mandirigma. Natanto nila na hindi sila titigilan ng mga Espanyol hanggang hindi sila napapatay na lahat, at hindi nagtagal silang nagpasiyang sumuko na. Binigyan nila si Salcedo ng 100 tael, mahigit 4 kilo ng ginto, na pinaghati-hati sa mga sundalong Espanyol. Kinalkal din ng mga Espanyol at ng mga kasamang mandirigma ang mga pagkain at ari-arian sa pang-2 kuta. Nuong araw ding iyon, bandang ika-10 ng umaga, sinugod nina Salcedo ang pang-3 kuta sa isang maliit na pulo sa tabi ng Lubang. May 300 mandirigmang tagaruon ang nagkubli sa isang tuktok ng maliit at mabatong burol (hill) na mabilis pinaligiran nina Salcedo kaya naharang pa nila ang isang kulelat na banca, sakay ng bandang 30 mandirigma mabagal sa pagtakas. Maghapon uling nakipagbarilan ang mga Espanyol sa 300 tao sa tuktok ng burol. Kinabukasan, gumawa ang mga Espanyol at mga kakamping mandirigma ng mga hagdanan upang akyatin ang burol. Nang magsimulang isaklay ang mga hagdanan sa burol, nasiraan na ng loob ang mga nasa sa burol at sumuko na kay Salcedo. Nagbigay sila ng 100 ta el ng ginto, gaya ng mga sumuko sa pang-2 kuta. El conquistador.
|
![]()
UPANG hindi magkalansag-lansag ang kanilang hukbo, nagpulong ang mga pinuno at mga frayle at nagpasiya silang subukang sakupin ang Luzon, nabalitaan nilang malawak at mayamang kaharian na maaaring tahanan nang permanente ng buong hukbo. Subalit ipinaalaala ng mga frayle, at sumang-ayon sina Legazpi at ang mga pinuno, na gagawing mapayapa ang gagawing pagpasok sa Luzon, gaya ng habilin ni Felipe 2, hari ng Espanya, na huwag tularan ang pagdanak ng dugo na naganap sa pagsakop ng Espanyol sa America. Sina Goiti at Salcedo ang napiling mamuno sa pakikipag-kaibigan sa Luzon. Maliban kay Salcedo, na apo ni Legazpi at kapatid ni Capitan Felipe de Salzedo, alalay ni Goiti bilang mga pinuno si Sargento Mejor Juan de Moron, Mejor Amador de Rriaran, punong pulis Graviel de Rribera, at ang tagapag-ulat (notario) ni Legazpi, si Hernando Riquel. Pagkalayag pahilaga nang 2 araw, nakarating sila sa pulo ng Zibuyan (Sibuyan, sa pagitan ng Romblon at Masbate), matayog at bundukin at bantog sa dami ng mina ng ginto. Hindi sila tumigil sa pulo na 14 leguas (67 kilometro) ang layo sa Panay. Bandang 15 leguas (72 kilometro) sa hilaga ng Sibuyan, nadaanan nila ang maliit, bilog at matayog na pulo ng Banton (sa pagitan ng Romblon at Marinduque), kung saan nakatira ang ilang Espaniol kasama ng maraming tagapulo, makikisig at kinukulayan ang mga katawan at nabubuhay sa pag-pastol at paglako ng mga kambing. Barko ng mga Intsik.
Biglang lumusob ang mga Intsik. Bakbakan sa dagat.
Ano'ng ginawa n'yo!? Narinig ang bakbakan, agad dumating si Salcedo kasama ang ibang mga parao. Nagalit siya nang nakitang sinalanta ng mga sundalo at mga mandirigma ang mga sangley. Pagdating ng San Miguel, lalong galit si Goiti, binulyawan pati ang mga Intsik. Hindi kayo dapat sumugod! Gusto lang naming makipagpayapa! Pagkabalik ng hinahon, pinakawalan ni Goiti ang mga bihag na Intsik at ibinigay ang isa sa mga barko nila upang makabalik sila sa China. Dumaong sila sa baranggay sa tabi ng ilog Baco. Si Riquel, ang tagapagsulat ni Legazpi, ang inutusang mangasiwa ng pagkumpuni sa barkong babalik sa China. Ang pang-2 barko ng mga Intsik ay pinapunta ni Goiti sa Panay, sakay ang mga nakalkal na kalakal, 4 sundalo, 4 Intsik at 12 taga-Mindoro na sumapi sa mga Espaniol. Nangako ang mga taga-Baco na magbibigay sila ng 200 tael ng ginto, kung maghihintay si Goiti nang ilang araw. (Ang tael ay lumang sukat sa China, katumbas ng 1.5 onsa o ounce. Ang 200 tael ay kulang-kulang 9 kilo ng ginto.) Ibinalita nila kay Goiti na may 3 pang dyong ng mga sangleys sa Mindoro, ang pangunang nayon sa pulo, 5 legua (24 kilometro) ang layo. Inutos ni Goiti sa mga taga-Baco na ipunin nila ang ginto at tatanggapin niya pagbalik mula sa Mindoro. Sumulong ang buong pangkat kinabukasan ng umaga. Kutang Mindoro.
Sa bawat sigaw na utos, magilas na nagpangkat-pangkat ang mga sundalo, iba't ibang panig ang hinarap, sabay-sabay ang paputok ng baril, sabay-sabay ang duro ng mga sibat at espada, tapos magsasama-sama uli, susugod at babaril, nakatutok ang mga espada at sibat, babaligtad at susugod sa ibang dako, baril at tutok uli. Nasindak lahat ng tagapulo, pati ang 400 Visaya na nahaluan ng 200 mandirigma mula ilog Baco at mga karatig baranggay, lalo nang sumali sa pakita ang mga kanyon sa San Miguel. Unang ibinayad ng mga taga-Mindoro ay 60 tael ng ginto at sa sumunod na 5 araw, nakapagbigay sila ng 200 tael lahat-lahat. Panay ang usisa nina Goiti tungkol sa kaharian sa Luzon at sinabi ng mga taga-Mindoro na lubhang malayo ito, at maaaring hindi nila marating dahil sa masama ang panahon. Dagdag pa na napakaunti ng mga Espaniol upang humarap sa kaharian, na may maraming dambuhalang parao na nakapagsasakay ng maraming culverin at 300 mandirigma, kayang gumapi at palubugin ang 2 parao nang sabay. Sa halip na matakot, lalong nasabik ang mga Espaniol sa hayag ng yaman at lakas ng Luzon. Inutos ni Goiti na mag-ipon pa ng ginto at kukunin niya pagbalik mula Luzon, at hatinggabi nuong Mayo 13, 1570, pumalaot pahilaga ang buong armada. Tanghali ng araw na iyon nang dumaong ang San Miguel at La Tortuga sa isang kapuluan (maaaring sa Verde o sa Maricaban Islands) sa pagitan ng Mindoro at Luzon upang hintayin ang mabagal na mga parao ng mga mandirigma na pinamunuan ni Salcedo. Humimpil 2 araw duon sina Goiti, bago naglayag nang banayad, nang hindi gaanong maiwanan ang mga parao papuntang Luzon. Natuklasan nila ang isang malawak na luok (Balayan Bay) at dumaong ang San Miguel sa tabi ng baranggay ng Balayan, sa dalampasigan ng tinatawag ngayong Batangas. Kaiba ang nilandas ng mga parao pagkapasok sa luok, mas malapit sa dalampasiga, at nasalubong nila ng mga bangka ng mga taga-Balayan na kasalukuyang nangingisda nuon. Nakipagkaibigan sila at itinuro kay Salcedo ang bukana ng ilog Pansipit na papasok sa malaking lawa ng Bombon (Taal Lake ang tawag ngayon) na mayroon daw malaking kuta (fort) ng mga taga-Bombon. Maiglap na naghanda ng mga sandata at pananggalang ang mga Espanyol at, kasunod ang mga taga-Balayan, pinasok ang ilog upang lusubin ang kuta.
Nakaraang kabanata
Ulitin mula sa itaas
Susunod na kabanata
|