![]() Conquistador Ng Pilipinas: Ika-10 kabanata Ang Pagsakop Sa Cebu ‘NAGPASIYA akong dalhin duon ang buong armada - pasiyang isinagawa ko sa tangkang makipagkaibigan at makipagpayapa sa mga katutubo, at bumili sa kanila ng pagkain sa maayos na halaga. Kapag tumanggi, balak kong digmain sila.’ Nuong una, pasiya ni Miguel Lopez de Legazpi at ng mga pinunong Espanyol na sa kalapit na pulo ng Camiguin magtatag ng pamahayan (colony) kahit kaunti lamang ang mga tao dahil parang maraming ligaw na hayop na makakain at walang dumidigma sa kanila duon. Ngunit sa balitang dala ng frigate tungkol sa Cebu, nagkaisa ang mga Espanyol na magtuloy duon dahil maraming pagkain, maraming tao na makapagsisilbi sa kanila at, sakali mang pumalag ang mga taga-Cebu, karapat-dapat lamang na lupigin sila dahil sa pagpatay nila sa pangkat ni Ferdinand Magellan nuong 1521. Maging si Andres de Urdaneta at ang iba pang mga frayle ay sang-ayon sa pagsakop sa Cebu, kaya nuong Abril 27, 1565, dumaong ang buong pangkat ni Legazpi sa harapan ng Cebu. Nasa likod nila ang pulo ng Mactan. Alsa-balutan, Abril 27, 1565.
Kararating lamang nina Legazpi nang lumapit sa capitana (flagship) ang isang indio na sakay sa isang bangka, at naghayag na si Tupas, ang panginoon ng pulo, ay nasa kabayanan at siya ay darating upang makipagkita sa mga Espanyol. Hindi nagtagal, dumating mula sa kabayanan ang isa pang indio, marunong magsalita ng Malay, at pasabi daw ni Tupas na naghahanda na siya upang makipag-usap, na darating siya nuong araw na iyon mismo, at isasama niya ang 10 sa pinakamataas na pinuno ng pulo. ‘Naghintay ako maghapon,’ sulat ni Legazpi kay Felipe 2, ang hari ng Espanya, ‘ngunit namasid ko na abala ang mga tao sa pagtanggal ng kanilang mga ari-arian mula sa kanilang mga bahay, at hinahakot sa bundok. At buong maghapon, at hanggang tanghali kinabukasan, si Tupas, ang anak ni Sarriparra na pumatay sa mga tauhan ni Magallanes, ay hindi dumating.’ Mga sugo at pangako.
Walang bisa ang mga pangako ni Legazpi. Nagsimulang magsama-sama ang mga mandirigma ng Cebu sa dalampasigan at nagsuot ng kanilang escaupiles (rope armor, mga damit na gawa sa makapal na lubid) at nagsandata na ng kanilang mga sibat, kalasag (shields), mga pana at kampilan, ang mahabang pantaga (espada) ng mga katutubo. Marami ang nagsuot sa ulo ng makukulay na balahibo ng manok at ang mga ito ay nagkakampayan sa hangin. Dumating pa ang maraming kakampi, sakay sa mga parao mula sa mga kalapit. Sa tantiya ng mga Espanyol, halos umabot sa 2,000 ang mga mandirigma sa harap nila. ‘Oras na upang matatag kami ng permanenteng pamahayan,’ ulat ni Legazpi sa liham kay Felipe 2. ‘Angkop ang daungan at kabayanan ng Subu sa pangangailangan namin, at walang katuturang maghintay pa kami, at nakita na naming walang pag-asang makipagpayapa.’ Sugod, sabay kanyon!
Matapang na sumagot ang mga indio, ‘Mangyayari na ang mangyayari! Hali kayo, naghihintay kami!’
At naghiyawan na sila, nakataas ang kanilang mga kalasag at wagayway ang kanilang mga sibat. Handa na ang mga Espanyol, bumaba sa mga barko at lumunsad sakay sa mga bangka. Ang mga nagsisigawang mandirigma, mula sa kanilang hanay, ay sumugod nang tig-3 lalaki, at hinagis ang kanilang mga sibat sa mga bangka ng mga Espanyol na dumadaong sa dalampasigan. Tapos, takbo sila pabalik sa hanay, at 3 ibang mandirigma ang susugod naman at maghahagis ng kanilang sibat. Ganito paulit-ulit, parang laro ng canyas, (canes,) taktikang gawa rin ng mga Espanyol sa Europa, ngunit habang nakasakay sa kabayo. Sabay sa utos, pinagkakanyon mula sa mga barko ang hanay ng mga mandirigma, pati ang kumpol ng mga parao sa may kalayuan. Ang mga bahay ay pinagkakanyon din.
‘Kahit na magana ang ipinakita nilang pakikidigma,’ sulat ni Legazpi, ‘nang marinig nila ang putok ng mga kanyon, at nakita ang pagsabog sa mga tinamaan, nagtakbuhan sila at iniwan ang kanilang kabayanan. Hindi na naghintay ng bakbakan, tumakas lagos sa malalawak, magaganda at mayayabong na bukirin sa paligid. Hinabol namin ang mga tumakas, ngunit sila ang pinakamailap at pinakamatuling tumakbo na nakita ko.’ Takbuhan, bakbakan.
Tumagal ng ilang araw ang bakbakan, gumapang pa isang gabi ang ilang mandirigma at sinunog ang mga kubo na tinutulugan ng mga Espanyol. Sa kalat-kalat na labu-labo, isang Espanyol, si Pedro de Arana, ang napatay ng mga tagapulo, habang may mga 20 Taga-Cebu ang nabihag ng mga sundalo ni Legazpi. Nagsimula ang pangkat-pangkat ng mga Espanyol na humakot ng mga pagkain, mga baboy, manok at bigas, mula sa mga karatig na bukid at baranggay. Sa mga bahay-bahay, nabihag din nila ang 6 babae. Isa sa mga ito ay pamangkin ni Tupas, at asawa ng isang pinuno ng Cebu. Kasamang nabihag ang 2 anak ng babae at sa takot nito, ipinangako ng babae kay Legazpi na mapapalapit ng asawa niya si Tupas. Nuong Mayo 8, 1565, inangkin ni Legazpi ang Cebu at mga karatig pulo, sa ngalan ng hari ng Espanya. Nagpatayo siya ng matayog na bakod, mga pinatulis
Simula ng kahariang Espanyol.
Isang umaga, pagka-alis ng San Pedro pabalik sa Mexico nuong Junio 1, 1565, dumating ang isang sugo mula kay Tupas upang makipag-usap. Ipinasabi ni Legazpi na kahit pinatay ang isang Espanyol, nais niyang mapayapang makabalik sa Cebu ang mga tao. Nuong hapon ding iyon, dumating ang 2 pinuno ng Cebu, isa si Makio (Simaquio ang sulat ng Espanyol), ang asawa ng bihag na babae. Nang makitang mahusay ang turing ng mga Espanyol sa asawa at 2 anak nito, - ‘Bilang mga panauhin ang tingin ko sa kanila,’ hayag ni Legazpi, - nangako ang mga pinuno na isasama nila si Tupas sa susunod. Hindi sumipot ang mga pinuno sa araw na takdang pag-uusap muli, at ilang araw pa bago nagpakita si Tupas at sumuko sa mga Espanyol. Lumuhod siya at ang mga kasamang taga-Cebu sa harap ni Legazpi at sumumpang susunod sa utos, at magbibigay ng buwis at pagkain mula nuon. Gaya ng kanyang ama, si Rajah Humabon, sumumpa siya ng pagsilbi sa hari ng Espanya. Pagkatapos, hinainan sila ng merienda at pinalaya ang mga bihag, pati ang asawa at mga anak ni Makio. Gulat at tuwa ang mga tao sapagkat hindi akalaing palalayain ang mga ito nang walang tubos (ransom).
Sa hiling ni Tupas, dumalaw kay Legazpi ang kanyang asawa, akay-akay ng mahigit 60 babae. Lahat sila ay naka-postura, makukulay ang mga damit at nakasuot ng maraming gintong alahas at mga sinsing. Pagkaraan ng ilang araw, dumating ang isang babae, pamangkin ni Tupas, at nagpabinyag na catholico, sa ngalang Isabel. Tapos, nagpakasal siya sa kay Maestro Andrea, isa sa mga tauhan ni Legazpi gumagawa ng mga barko. Pati ang anak ni Isabel, 3 taon ang gulang, at 2 pang bata, - isang 7 taong gulang na lalaki at 8 taong gulang na babae, - ang bininyagan din. Maraming taga-Cebu ang sumunod at gumaya, nagpabinyag din. Nagsimulang magkampihan ang mga taga-Cebu at ang mga Espanyol sa paglusob sa mga kalaban ng mga taga-Cebu. Tinangka rin ni Legazpi na sakupin ang pulo ng Mactan, bilang ganti sa pagpatay duon kay Magellan nuong 1521, ngunit gaya ng nangyari nuon, nabigo uli ang mga Espanyol na umiwas na duon mula nuon. Nuong sumunod na taon, 1567, namatay sa lason ang isang marinero at isang Mexicano, at nagkasakit ang ilan pang tauhan ni Legazpi. Natuklasan na nilason ng isang babaing taga-Cebu ang alak na ipinagbili niya sa mga Espanyol. Kinausap ni Legazpi si Tupas at nadakip ang babae na, matapos magkumpisal (confesar) at mabinyagan, ay binitay. Nuong gabi ring iyon, isinuplong ni Tupas at nabihag ang isang pinuno ng Cebu na kasangkot sa pagpugot kay Pedro de rana. Binitay siya kinabukasan duon mismo sa puok na pinugutan niya si Arana. Kahit malupit ang parusa, laging tapat ang turing at ipinagtanggol ni Legazpi ang mga taga-Cebu mula sa pagnakaw at pagmalabis ng mga Espanyol, na hindi lahat nasiyahan sa pagpigil sa mga gawi nila bilang conquistadores. Ang iba ay lumaban kay Legazpi. |
Milagro Ng Santo Nino SA ISANG bahay, nuong araw na sinakop ang Cebu, natuklasan ng isang marinong Espanyol, si Mermeo, ang estatwa ng Santo Nino na handog ni Magellan sa asawa ni Humabon nang magpabinyag itong catholico nuong 1521. Wala na ang cross sa maliit na mondo na hawak, medyo pudpod ang ilong ng Santo Nino at tuklap na ang isang pisngi sa kapupunas, ngunit nakahimlay pa rin ito sa sariling lumang kuna (cradle) na balot pa rin ng ginto. Maraming bulaklak sa paligid ng Santo Nino nang matuklasan, maniwaring patuloy na sinamba ng mga taga-Cebu kahit na pagkaalis ng pangkat ni Magellan 44 taon sa nakaraan. Walang nakakaalam kung bakit.
Ipinakita ni Mermeo ang kanyang natagpuan kay Juan de Camuz, isa ring sundalo at magkasama silang
‘Himala!’ gilalas si Legazpi at ipinatago niya ito, nag-utos na magtayo ng isang simbahan na pagtatanghalan ng mapaghimalang estatwa. Nuong Mayo 8, 1565, inilipat ni Urdaneta at mga frayleng Augustinian ang Santo Nino sa isang procesion sa bagong simbahan, nuon ay isang kubo lamang, na tatawaging Santissimo Nombre de Jesus (kabanal-banalang ngalan ni Jesus).
Umuwi Si Urdaneta BAGO PA nakarating sa Cebu, nagpasiya na si Miguel Lopez de Legazpi, si Fray Andres de Urdaneta at ang mga pinuno ng armada na pabalikin na sa Nueva Espanya (Mexico) ang capitana (flagship), ang barkong San Pedro, dahil ito ang pinakamalaki at pinakamatibay, oras na makapag-imbak ng sapat na pagkain para sa paglakbay. Utos ni Felipe 2, ang hari ng Espanya, na magbalik at tuklasin agad nina Legazpi ang landas pabalik sa Nueva Espanya upang gamiting landas ng palagiang kalakal ng mga spice mula sa Maluku. Ngunit ang San Pedro na lamang ang nalalabing barko na kaya pang tumawid uli sa dagat Pacific, maliban sa isang frigate, ang San Juan, na nais ni Legazpi na gamiting pangsiyasat at panghakot ng bagong tatag na pamahayan (settlement) sa Cebu. Nagagiliwan ni Legazpi ang kapuluan at maniwaring nagpasiya na siyang tumira duon habang buhay.
‘Mula sa kabayanang ito ng Subu, pinabalik ko ang isang barko (ang San Pedro), sakay ang prior (Urdaneta) at ang aking apo, si Phelipe de Zauzedo, na dala ang mahabang salaysay na isinusulat ko rito para sa Inyong Kamahalan. Ihahayag nila nang lubusan, bilang mga saksi sa lahat, lalo na sa mga nangyari rito, ang kalagayan ng bagong pamahayan, at lahat ng mga ginawang pagsasaayos dito.’ Nag-imbak ng 8 buwang pagkain at inumin sa San Pedro at naglayag ni Urdaneta nuong Junio 1, 1565, kasama si Salcedo, si Fray Andres de Aguirre, 10 sundalo at 200 tauhan. Piloto si Estavan Rodriguez, katulong ang piloto ng San Juan na naiwan sa Cebu, si Rodrigo de Espinosa na sumulat araw-araw ng mga naganap sa paglakbay. Patungong silangang hilaga (northeast) narating nila ang isang pulo na may 2 matayog na bulkan, at nag-imbak sila ng inuming tubig. Pagkaraan ng 10 araw, nuong Junio 10, umabot sila sa pulo ng ‘Felipina’ (Samar) at nagsimula nilang bagtasin ang dagat Pacific. Sa 11 taon paglibot ni Urdaneta sa Pilipinas at Maluku mula 1526 hanggang 1536, natutunan niya mula sa mga katutubo kung paano maglayag patawid sa dagat Silangan (Pacific). Isinulat pa ito nuong 1573 ni Capitan Diego de Artieda, kasama ni Legazpi papuntang Pilipinas bilang tagamasid (observer) ni Felipe 2: Makakapaglayag nang derecho mula Nueva Espanya hanggang Pilipinas o Maluku mula katapusan ng Octobre hanggang Abril, nang umiihip pakanluran (westerly) ang masarap na hangin (brisas, breezes). Pabalik sa Nueva Espanya, kailangang maglayag sa lamig ng hilaga (north), kapantay ng Japan, mula Octobre hanggang Abril nang umiihip ang malakas na hangin (vendavals, strong winds) patungong silangan (east). Nuong 1544 at 1545, sinubukan 2 ulit ang landas sa hilaga ng pangkat ni Ruy Lopez de Villalobos upang makabalik sa Mexico ngunit hindi nila nainda ang lamig, sakit at gutom sa matagal na paglayag, napilitang bumalik sa Maluku at sumuko sa mga Portuguese. Nuong 1565, umakyat hanggang sa ginaw ng ika-36 guhit pahilaga (36 degrees latitude north) sina Urdaneta bago lumihis pasilangan. Pagkaraan ng 3 linggo, nuong Junio 21, 1565, narating nila ang isang pulo na tinawag nilang Espiritu Santo. Alam ni Urdaneta ang dinanas nina Villalobos, kaya nagdala sila ng maraming pagkain, at kahit nagkasakit halos lahat sila, at 16 ang namatay sa sakit at ginaw, nagpatuloy silang maglayag - mabilis paminsan-minsan, lagpas 120 kilometro sa isang araw, at kung minsan naman, 25 kilometro lamang sa isang araw. Hanggang nuong Septiembre 18, 1565 natanaw nila ang pulo na tinawag nilang Deseada (desired, ang minimithi), ang unang lupang nakita nila sa 3 buwan at halos 8,000 kilometro mula Cebu. Sumunod na Sabado, Septiembre 22, 1565, natanaw nila ang usling lupa (cabo, cape) tinawag nilang Santa Catalina. Nasa America na sila. Lumiko sila patimog (southward) at binagtas ang baybayin ng California hanggang nuong ika-10 ng umaga nuong Septiembre 27, namatay sa sakit ang piloto, si Rodriguez, at inilibing siya sa dagat sa tapat ng maputing usling lupa, tinawag nina Urdaneta na Cabo Blanco (White Cape). Nilagpasan pa nila ang isa pang usling lupa, Cabo Chamela naman ang ibininyag, at kinabukasan, Octobre 1, 1565, narating nila ang Puerta dela Navidad, ang unang pinagmulan ng lakbay ni Legazpi. Lahat ay maysakit, kulang na lamang sa 20 ang nakatayo pa, ngunit pinatuloy ni Urdaneta ang barko sa Acapulco, narating nuong Octobre 8, 1565, nang si Urdaneta at si Salcedo na lamang ang may lakas pa upang magbaba ng ankla (anchor). Mahigit 9,000 kilometro ang nalayag nila mula Cebu. Nagtuloy si Urdaneta sa Espanya upang ihayag sa harap ni Felipe 2 ang paglayag at pagtuklas ng landas pabalik sa ueva Espanya. Ginawaran ng parangal at gantimpala si Urdaneta bago siya nagbalik sa Nueva Espanya at tutuloy sana uli sa Pilipinas ngunit sinaway siya ng mga kaibigan. Pumasok siya uli sa convento at isinulat na lamang ang kasaysayan ng 2 paglakbay niya, nuong kasama siya ni Jofre de Loaisa, at nuong kasama siya ni Legazpi. Nalathala ang ulat tungkol kay Loaisa, ang kasaysayan ni Legazpi ay nasama na lamang sa mga kasulatan sa mga indio (archives of the indies) sa Espanya. Ang tinuklas niyang landas ang ginamit sa sumunod na 200 taon ng Galleon Trade, ang balikang kalakal mula Pilipinas hanggang Mexico. Ang kalakal na ito ang dahilan nagtatag ng mga mision na magagamit ng mga barko sa baybayin ng California, mga mision na naging mga lungsod ng America, kabilang ang San Francisco, Monterey, Los Angeles at San Diego. Namatay si Urdaneta sa Nueva Espanya nuong 1568. Nuon sinalakay ng mga Portuguese ang pangkat ni Legazpi sa Cebu. |
Balik sa nakaraan Ulitin mula sa itaas Tahanan ng mga kasaysayan Listahan ng mga pitak Susunod na kabanata |