KASAYSAYAN NG MINDANAO, JOLO AT MGA KAPIT-PULO NUONG 1667
Paniwala At Pagsamba Sa Mindanao
Historia de las Islas de Mindanao, Jolo y sus Adjacentes
|
Alay Ng Dugo
NAG-AALAY sa kanilang uri ng pagsamba ang mga hindi-binyagan sa Mindanao. Ang pagcayog ay pag-alay ng kanin, salapi at buyo (dahon ng ikmo o betel nut, gamit sa nga-nga) sa harap ng maliit na kahoy na estatua ng diwata o manaug. Karaniwang gamit ang maliit na hapag (mesa, table) o altar na may palamuting kawayan at bunga (betel nut). Sariling ukit upang malihim mula sa mga frayle at Espaρol, karaniwang pangit ang estatua, kinulayan ng dagta (sap) ng punong narra, at pula ang mga mata mula sa bunga ng punong mabugahay.
Ang pag-alay ng dugo, tinawag na talibong, ay karaniwang pagkatay ng tandang na manok. Kapag baboy ang kinatay, ang tawag ay pagbabalig.
Ang mga pari sa pagsamba ay mga babae, tinawag na mga bailan. Sabay sa tunog ng agun at guimbao (mga uri ng gong) ang pasok nila upang simulan ang ceremonia. Nakadamit sila ng pula, may mga kuwintas ng butil-butil na salamin, at may alahas na ginto (oro, gold) o pilak (plata, silver) na nakasabit sa dibdib. Malalaki at gintoang kanilang mga hikaw (pendientes, earrings). Nakatapis (faldas, skirts) sila ng jabol o dagmay na binordahan ng buaya at iba pang debujo o diseρo (design).
Sa mga bisig (brazos, arms) ay mga pulseras (bracelets) ng sagai-sagai at pamoan. May pulseras din sa mga binti, may kabit na mga kulingling na tumutunog sabay sa kanilang sayaw. Mabango ang mga bulaklak na nakapulupot sa kanilang baywang, mayruon pang mga kulingling (campanillas, small bells). Duon nakasukbit ang balaraw (cuchillo, dagger), gamit sa pagkatay.
Sumasayaw sila paligid o sa tabi ng altar saliw sa kulintangan, tugtog ng mga gong, habang umaawit ng miminsad. Nginig sila at tumatahak hanggang bumagsak sila sa sahig, hinimatay at kumikisay. Pinagyayaman sila ng mga dumalo, pinapaypayan at hinihimas ng tubig, kalung-kalong ng ibang babae hanggang magbalik ang kanilang malay. Sumasayaw sila uli hanggang itarak ng punong baylan ang balaraw sa puso ng baboy, o gilitin ang leeg ng manok.
Sinisipsip ng mga baylan ang dugo ng hayop. Nuon nila ihahayag na habang kumikisay sila, nagpakita sa kanila si Mansilatan at isiniwalat kung mabuti o masama ang mangyayari sa digmaan, pag-ani, pagkakasakit, o anumang dahilan ng pag-aalay. Tapos, nagdiriwang ang lahat ng tao, sa kainan at inuman.
Ang pag-alay ng pagpatay sa tao ay tinawag na huaga, na gawa lamang ng mga Bagobo at ng pinaka-mabangis na ligaw na tao sa Mindanao. Ang pagpatay ay alay kay Mandarangan, ang dios ng bundok Apo.
Nag-aambag lahat ng dumalo sa pag-aalay para pambili ng tao, karaniwang isang alipin, na papatayin. Ang may pinaka-malaking ambag ay siyang unang tumataga sa tao na, pagkatapos, mabilis na tina-tadtad ng mga naghihiyawang panauhin. Palihim lamang ipinagdiriwang ang huaga, karaniwang sa liblib ng gubat, dahil sa pagsigasig ng mga misonario at ng mga maykapangyarihan.
Higit pa rito, may mga tunay na naganap na kinain ng mga Bagani ang mga bituka at lamang-luob ng mga tao na pinatay nila. Sa tingin nila, takda ito ng kanilang katapangan, at mayruon silang kasabihan: Matagal na akong sanay kumain ng bituka ng tao. |
|
NANINIWALA sa mga pangitain (visions) o pahiwatig (presagios, omens) ang mga tao halos sa lahat ng pulo. Mga ibon tulad ng limocon (uri ng kalapati na pula ang paa at tuka), mga hanip (insects), butiki at bubuli (lizards) - siksik ang bawat pulo ng mga pahiwatig. Kahit na sakuna (accident), hatsing (sneeze), lindol (earthquake), o kahit na ano ang nangyari o nakita nila habang naghahanap-buhay, nagtatanim, nag-aani at anumang gawain, ay paniwala nilang pahiwatig ng mabuti o malas. Mayruon din silang ginagawa upang magtagumpay o maiwas sa panganib at panalig nila na kapag hindi ginawa, may masamang mangyayari o malulugi sila. (Hindi binanggit ni Combes ang tawag sa gawing ito, na kalat sa buong Pilipinas. Antanda ang tawag sa Tagalog, tulad ng pagku-krus (sign of the cross) ng tao bago lumabas ng bahay.)
Marami rin silang iniiwasan na, kapag nangyari, hindi na nila itinutuloy ang anumang ginagawa nila. Sa ibat ibang puok, malas sa tingin nila kung habang palakad upang mangahoy (cazar, hunting) ay may magsabi, Bigyan mo ako ng piraso ng mahuhuli mo! Uuwi na sila at hindi na mangangahoy dahil wala rin naman silang mahuhuli. Ang mga taga-bundok lamang ang umaamin na wala silang dios dahil wala silang mosque o dambana (altar, shrine) na pinagdadasalan. Kapag maysakit sila o nahihirapan, ang tinatawagan nila ay mga ninuno nila gaya ng, Inang ko po! o kaya, Ay, Ingkong! Sa ilang puok, hindi na masyado ngayon (nuong 1667), may mga tao na kumaka-usap sa mga kaluluwa (espiritu). Tinatawag sila upang manawagan (petition) at mag-alay (sacrifice) kapag mayruong maysakit o may kailangan. Ngayon (nuong 1667), lumabnaw na ang gawaing ito. Ang mga nag-mana ng galing na kuma-usap sa mga espiritu ay karaniwang mga babae. Hindi na taus-puso ang kanilang panawagan, pasayaw-sayaw na lamang kaya katuwaan sa halip na pagsamba ang nangyayari. Pati sa pagka-catholico, hindi sila taimtim ay ayaw nilang sumunod sa dapat gawin kapag hindi pinilit palagi ng mga misionario. Sa Caraga, mayruong sila dating mabangis na gawi. Upang magka-suerte ang kanilang bangka na bagong gawa, binibinyagan nila sa pangalan ng isang alipin na papatayin nila bilang alay. Lihim Ng Mga Mangkukulam PINAKA-MAHALAGA sa buong kapuluan ang kulam (brujeria, sorcery). Inililihim nila kahit sa kanilang mga anak, maliban na lamang kung may malaki silang mahihita. Takot lahat ng tao sa mga bantog na mangkukulam (brujos, sorcerers), na nahihiyang aminin na kumukulam sila sapagkat sumbat sa kanila ang matawag na mangkukulam. Palagay ko, sa mga nakita kong pag-kulam, pare-pareho itong mga kasunduan sa mga ninuno (antepasados, ancestors). Hindi kapani-paniwala ang ibang kulam, tulad ng pagpatay sa tao nang buga ng hininga (expedir, exhale) lamang kapag ngumuya (masticar, chew) ng halamang may lason. O kaya, itatanim lamang ang halamang may lason, mapapatay na ang tao na magdaan duon. Walang halaman (hierba, herb) na may ganuong katalab na lason (veneno, poison). Gumagamit din ang mangkukulam ng mga munting manyika (muρeca, dolls) ng tao na kukulamin. Sisirain nila ang manyika at ang tao ay magkakasakit o mamamatay. Gamit ng ibang mangkukulam, lalo na ng mga pinuno (caciques, despots) ng Moro, ang pagsulat ng mga pangalan (letras, alphabet). Bali-balita rito na ang hari ng Burney (Brunei sa pulo ng Borneo) ay nakakapatay kung alam niya ang pangalan ng tao. Ito ang pinaka-mahirap paniwalaang kababalaghan (magia, wonder) sapagkat si sargento Pedro Duran Monforte ay sumalakay duon nuong nakaraang 3 taon. Nalaman daw ng hari ang pangalan niya, at ipinahayag na sinumpa niya si Monforte at mamamatay ito agad. Pero hanggang ngayon, buhay pa si Monforte. Ganito kalabo ang mga paniwala dito. |
||
Nakaraang kabanata Balik sa itaas Lista ng mga kabanata Tahanan ng mga Kasaysayan ng Pilipinas Susunod na kabanata |