KASAYSAYAN NG MINDANAO, JOLO AT MGA KAPIT-PULO NUONG 1667 Karamihan Ay Pagano, Kaunti Lamang Ang Muslim
“Historia de las Islas de Mindanao, Jolo y sus Adjacentes”
HINDI binyagan ang karamihan ng tao sa mga pulong ito. Karaniwan, walang religion ang mga taga-rito maliban sa ilan, na mga mangkukulam (brujos, sorcerers). Ang mga Moro naman, walang alam tungkol sa kanilang pagsamba, maliban sa hindi pagkain ng baboy, pagtuli sa mga lalaki, at pag-asawa ng maraming babae. Mas malakas silang uminom ng alak kaysa sa ating mga Español, at lahat ng kanilang pagdiriwang ay lasingan na, sa tingin nila, ay dapat ipagyabang. Magaling sa kanila ang ubusin ang lahat ng alak sa anumang kasiyahan. May isang kasalan, inubos nila ang 200 banga (cañas, jars) ng alak. Nabubuhay silang parang mga tao na walang batas, walang Dios at bale wala sa kanila kung mayuon o walang religion sa buong mondo. Ang sinusunod lamang nila, at bahagya lamang kung sundin, ay ang mga gawi at ugali na iral sa kani-kanilang puok. Kaya kung tutuusin, hindi sila Moro, at hindi sila catholico. Matatawag lamang silang mga walang Dios (ateos, atheists). Si Corralat (si Kudarat), na nagdala ng kabihasnan sa kanila, ay nagpatayo ng mga simbahan (mezquitas, mosques) at duon niya pinagsisimba ang kanyang mga tao. Subalit pag-alis nila sa sariling baranggay at nayon, ginagawa ng bawat tao kahit ano ang maisipan nila. Ang kaiba lamang ay ang ilang mga maharlika na, tulad sa hari nila (si Kudarat), ay sadyang nag-aasal na marangal na mga Moro. Para sa mga karaniwang tao, maliit na bagay lamang ito. |
Unang Pasok Ng Islam Hindi na alam ngayon kung saan ang Sangil na, ayon sa ibang lumang ulat, ay tawag sa isang bulkan. Marami nang napalitang pangalan sa nagdaang 400 taon, subalit malamang ang tukoy ay ang pulo ng Balut sa tabi ng pulo ng Sarangani sa dulong timog ng Davao. May bulkan sa Balut, lagpas 800 metro ang tayog. Katunayan, ang buong pulo ay malaking bulkan na sumibol mula sa sahig ng dagat. Samantala, ang Sangil ay isa sa mga tawag sa kapuluan ng Sangihe (tinawag ding Sanguir at Sangiles) sa pagitan ng Mindanao at Sulawesi, ang dating Celebes, sa Indonesia. Pahiwatig ito marahil ng pinagmulan ng mga Muslim sa dakong iyon ng Mindanao na tinatawag pang Sangil hanggang ngayon. MULA sa Sangil hanggang Samboangan, ang mga nakatira sa baybayin (playa, coast) ay sumasamba sa batas ni Mahomet. Ganuon din ang mga tao sa mga pulo ng Basilan at Jolo. Jolo ang puso at Mecca ng pagsamba sapagkat nanduon ang libingan ng unang guro (maestro, preacher). Maraming hiwaga tungkol sa kanya ang pinalawak duon ng mga pinuno (caciques, chiefs) at naging bahagi na ng mga kasaysayan ng mga tagaruon ngayon. Isa sa mga cuento ay dumating daw siya, may 3 kasama, mula Paraiso. Ang isa ay nagpunta sa Java (malawak na pulo sa Indonesia), ang pang-2 ay nagtungo sa Burney (Brunei sa pulo ng Borneo) at ang guro ay naiwan sa Jolo. Nawasak ang sasakyang dagat sa batuhan ng pang-4 na tumuloy sa Mindanao. Pinahirapan siya ng mga tagaruon kaya nagalit siya at, naglakad sa dagat, tumawid sa ibang pulo upang magbuhay nang sarili lamang (hermitaño). Ang damit niya ay parang lambat (red, net) at ginamit daw niya ito upang humuli ng mga isda, kinaladkad niya sa lupa habang naglalakad. Nuong hinanap siya ng kanyang mga tauhan, wala silang natagpuan kundi ang lambat, nakaladlad na parang pinatutuyo. Mula nuon, nanaig ang guro sa Jolo at napalaganap ang kanyang pagsamba sa mga ligaw na tao (barbaros) duon dahil, hayag niya, nakakahuli siya ng isdang tabang (fresh water fish) sa dagat, nakakapag-layag siya sa lupa at nakakapag-lagay siya ng palaisdaan sa taas ng bundok, tulad ng pang-4 niyang kasama na naglaho. Hanggang ngayon, naniniwala pa ang mga tao na tunay at buo pa ang sasakyang dagat sa batuhan. Pagkamatay ng guro, sinamba siya ng mga tao. Ibinurol siya sa isang maganda at marangyang puntod (mausoleo). Sa paanan ng puntod, itinanim na isang puno ng mangosteen na tumutubo sa Mindanao at Jolo lamang, at itinuturing na frutas ng hari. Tinamnam din ng maraming jasmine sa paligid at binakuran ang libingan upang hindi dumihan ng mga hayop. Sa harap ng puntod, nagtayo sila ng maliit na kubo na ginamit na altar ng mga tao, hinainan ng kanilang mga alay, para sa ikabubuhay ng familia ng guro. Duon din nila hinuhulaan ang mga mangyayari sa kanilang mga digmaan. Naglalagay sila ng tubig sa isang lalagyan na may kaunting lupa. Kapag pumait ang tubig, masama ang mangyayari; kung nanatiling matamis, magtatagumpay sila sa bakbakan. Sinasabing malas ang hula kaya sumuko agad si Raja Bunso nang lumusob si Sebastian Hurtado de Corcuera, governador ng Pilipinas (1635-1644), nuong 1638. Nang akyatin ng ating hukbong Español ang bundok na libingan ng guro, naglaho ang hiwaga ng puntod, lalo na nang halungkatin ng mga sundalo, hinukay pa ang kabaong upang nakawin ang anumang alahas o yaman. Wala silang nakita, wala ring bangkay silang natagpuan sa puntod. Takot na takot ang mga tao, bakit hindi raw namatay agad ang mga pangahas na sundalo. Mula nuon, sa utos ng mga pinuno (caciques), mahigpit na pinasunod ng mga tauhan ng guro ang mga tao sa batas ni Mahomet at sa mga utos ng mga pinuno. Sinumang lumabag ay isinusumpa (excommunicated), hinahampas 2 ulit ang bahay o bangka ng maysala. Mula nuon, sakit at kasawian na lamang ang nagiging palad ng maysala. Isang agimat (relic) na minamahalaga sa Jolo ay ang putong sa ulo (becoquin, cap), na pamana raw sa mga hari. Ang sumumpa sa ngalan ng putong ay mahalaga raw sa langit at pinaka-matibay na pangako. Minsan, sumumpa ang mga taga-Jolo sa harap ng putong ni Tampan, isa sa mga unang guro ng Islam. Subalit kaunti lamang ang mga ito. |
|
Ang ‘Galing’ Ni Kudarat HINALUAN ni Corralat (si Kudarat) ang pagsamba ni Mahomet ng kapangyarihan ng kulam. Kung mangisda siya, pinatatalon niya ang isda sa bangka. Minsan, kasama niya sa bangka ang isang frayleng Jesuit nang biglang lumagpak ang isda sa luob ng bangka. Pinulot ni Corralat at ibinigay sa frayle sabay sabi, “Ito ay para sa padre.” May cuento pa na napalutang niya sa tubig ang isang cañon, sinuksok lamang ang sagwan sa bunganga ng cañon. May agimat din siya na, kapag sinindihan, ay nagsasabi kung tagumpay o malas ang kanyang gagawin. Talagang tutuo na matalik niyang kausap-usap ang demonio. Ito ang ulat ng isang Español, sinumpa niyang tutuo sa harap ko mismo. Naging sugo raw siya kay Corralat minsan, sinalubong at hinatid ng isang alalay ng hari. Pagpasok nila sa ilog, sinabi ng alalay na nuong nakaraang gabi, tinanong siya ni Corralat kung may barkong dumating. Wala, sagot ng alalay. Sinabi raw sa kanya ni Corralat, “Bantayan mo bukas, may darating na 3 barko at isa ay Español.” Nagkatutuo, dumating kinabukasan ang 2 barko mula sa Java - at ang barko ng Español. Nuon daw niya binulalas, sabi ng alalay, “Dakila ka, panginuong Corralat, wala nang ibang katotohanan!” Sa mga ganitong gawa, natanghal na pagkataas-taas si Corralat, higit kaysa sa mga ninuno niyang naging hari. Pagkamatay niya, kapag hindi ihulog ng mga Español ang bangkay niya sa gitna ng dagat, sasambahin siya ng mga Mindanao at ipagtatayo siya ng isa pang Mecca tulad nang ginawa nila sa Jolo. Paniwala nilang napaka-lakas ng kanyang kapangyarihan, lalo na sa paghiganti. Kaya wala silang ginagawang labag sa mga utos niya sapagkat tiyak nilang mamalasin sila. |
||
Ang Unang Census Sa Mindanao Hindi kasama sa Historia, sinali itong ulat dito bilang patibay ng pahayag ni Combes na kaunti lamang ang mga Muslim sa Mindanao. Nuong 1579, ang mga Muslim ay tatag lamang sa kanlurang baybayin ng Mindanao, at sa Basilan, Jolo, Palawan (tinawag na Paragua nuon) at mga katabing pulo. Ito ay halaw lamang, ang buong census ay ililimbag sa website na ito sa mga darating na araw, kasama ng salaysay ng paglusob sa Mindanao ni Gabriel de Ribera at ng iba pang Español. Pahiwatig din itong ulat kung gaano kaunti ang mga tao sa Pilipinas nuon. SA nayon ng Magindanao nuong Abril 2, 1579, nagpahayag si Dato Bahandil, pinuno ng baranggay ng Silangan, sa usisa nina capitan Gabriel de Ribera, Francisco Gomez at Lope de Catalinaga, mga pinuno ng hukbong pinapunta ni governador Francisco de Sande upang ipailalim ang mga Magindanao. Nais malaman ni Ribera kung ilan ang tributos o tagabayad ng buwis sa paligid, kaya nilahad ni Bahandil na halos 8,000 ang mga nakatira, kasama na ang mga alipin at mga timawa (timagua, free men), sa halos 30 barangay at nayon sa paligid ng ilog ng Magindanao (rio grande de Mindanao) at mga katabing putikan (pantanos, swamps) at lawa (laguna, lake, tinatawag ngayong Liguasan). Sinabi ni Bahandil na may isa pang ilog, tinawag na Ytilurey, na tumatagas sa lawa mula sa mga bundok ng Butuan at Caragan, at may 6,000 ang nakatira sa ilog na ito. May isang ‘sanga’ (brazo, branch) ang ilog, tinawag na Dumanen, at may 700 tao duon. Isa pang ‘sanga’ ang tinawag na Sula, bandang 1,000 tao ang nakatira duon. Sa baranggay ng Megatan, malapit sa pinagtagpuan ng 3 ilog, may 2,000 tao sa pamumuno ni Cacopi (si Ka Kupe). Matapos ng isang araw na pag-bangka sa ilog ng Magindanao, turan ni Bahandil, mararating ang lupain ng Tabungao, halos 20 kilometro sa luoban. Mayruong 3,000 indio na nagsasaka ng palay duon. Lagpas pa, sabi ni Bahandil, ang lupain naman ng bandang 1,500 Picon na sagana sa pagkain. Pabaybay 2 araw sa dagat pasilangan (eastward) mararating ang nayon ng Bilan (Bilaan). May 10,000 Ytingues, mga taga-bundok, na paligid-ligid sa ilog duon. Kaibigan nila ang mga taga-nayon sa bunganga ng ilog, tinawag na Canipaan. Sagana silang lahat sa pagkain. Kalaban nila ang lahat ng iba pang tao, pati na ang mga Lutao na nakatira sa lahat ng baybayin. Ito ang pahayag ni Bahandil, na isinalin ng mga tagapag-salita, sina Laguian at Miguel Godines. |
||
Nakaraang kabanata Balik sa itaas Lista ng mga kabanata Tahanan ng mga Kasaysayan ng Pilipinas Susunod na kabanata |