KASAYSAYAN  NG  MINDANAO,  JOLO  AT  MGA  KAPIT-PULO  NUONG  1667

Nag-away Ang Mga Taga-Butuan, Natapon Sa Basilan At Jolo

Historia de las Islas de Mindanao, Jolo y sus Adjacentes
ni Francisco Combes, SJ

Ang katumbas ng Paguian Tindig ay haring makatarungan; ibig sabihin,
“siyang nagtutulak sa mga tao at mga gawain nila sa tamang landas...”
--Wenceslao Emilio Retana, manalaysay (historian), 1897

Nauna Ang Mga Nanay

Hango sa ‘Saliksikan ng kasaysayang Pilipino bago nag-panahon ng Español’ (‘Prehispanic Source Materials for the Study of Philippine History’) ni William Henry Scott, manalaysay (historian), 1984

Ay, mali pala ang akala na ang mga Tausog ang unang tao sa Sulu, at sumunod lamang ang mga Samal at mga Badjao na namamahay ngayon kasama nila. Ang nausong mga Pinay na ‘mail order brides’ kamakailan ay pagpatuloy lamang pala ng gawi na daan-daan taon na, maaaring libu-libong taon pa, ng paglipana ng mga bagong kasal na Pinay sa iba’t ibang bahagi ng kabihasnan. Natuklasan ng mga nag-agham (scientists) na tumuos sa nakalipas ng Pilipinas na isang halimbawa nito ang mga nanay na lumikas at naging ninuno sa tinatawag ngayong Moro Autonomous Region.

Ayon kay A. Kemp Pallesen (‘Culture Contact and Language Convergence,’ sa University of California nuong 1977), nauna ang mga Sama at mga Badjao sa banda ng kapuluan ng Basilan nuong 1,000 taon sa nakaraan, batay sa kanilang wika na tinawag ni Pallesen na Sama-Badjao. Kumalat sila, at nagkaiba-iba ang kanilang mga wika, pahilaga sa Zamboanga at Sibuguey, at patimog sa Sulu, tuloy sa Sabah at hilagang bahagi ng Borneo. Sulsol marahil ng kalakal, nakarating ang mga Sama-Badjao sa bukana ng ilog Agusan at nakaugnay nila ang mga tagaruon, ang mga Butuan (ang Butuanon ngayon), at nakisilong kapag inabutan ng bagyo o tag-ulan.

Sinabi naman ni David Zorc nuong Febrero 6, 1984 na wikang Indonesia, hindi Pilipino, ang Sama-Badjao - patibay ng matagal nang angkin ng mga taga-Maluku (Moloccas, spice islands) na ang Mindanao ay bahagi ng Celebes (ang Sulawesi ngayon), Sangihe, Talaub at iba pang kapuluan nila nuong unang panahon.

Sa haba ng panahon ng taon-taong pakiki-ugnay, marami sa mga Sama-Badjao ang nag-asawa ng mga babaing Butuan na inuwi nila sa mga kapuluan ng Basilan at Sulu. Dumating ang panahon, dumalang na ang dalaw ng mga Sama-Badjao, - malamang dahil nabaling ang kalakal nila sa pagluwas ng mga pampalasa sa ulam (spices) sa mga kaharian sa Java at Sumatra. Mga pampalasa na itinatawid sa Europe ng mga taga-India at mga Arabe. Ang mga lalaking Butuan naman ang nagsimulang dumayo sa Basilan at Sulu upang makisali sa malago at mayamang kalakal ng mga Sama-Badjao.

Ayon kay William Henry Scott, bantog na manalaysay ng Pilipinas, bago pa nagsiwalat si Pallesen, matagal nang alam ng mga nag-agham sa wika (linguists) na dayuhan lamang sa Sulu ang wikang Tausog, nagmula sa silangang bahagi ng Mindanao, at kaugnay ng salita sa Butuan. Nuong una, ayon kay Pallesen, nagtatag ng baranggay o nakisukob ang mga Sama at mga Badjao at nakipagkalakal ng kahoy at ginto sa mga Butuan. Hindi naiwasan, nasali sa wika ng mga tagaruon ang mga katagang Sama at Badjao. Sumunod, pagdayo naman ng mga Butuan, dinala at inuso nila ang paggamit ng mga banca na may katig. Hanggang ngayon, naghahalo ang 2 wika, Butuan at Sama-Badjao, sa mga baranggay sa Basilan, Sulu at Tawi-Tawi. Natanto ito ni Pallesen nang suriin niya ang mga kataga sa wikang Tausog at wikang Sama. Ang tawag sa mga bahagi ng katawan ang mga katagang Tausog na nahalo sa wikang Sama. Dahil mga ina, hindi mga ama, ang nagtuturo sa mga anak ng mga tawag na ito, nakuro na mga babaing Tausog ang nadala sa Sulu at Basilan.

Sa kabilang panig, nasali sa wikang Tausog ang mga katagang Sama at Badjao ang mga pangalan ng gamit at damit, gaya ng sinturon, butonis at hikaw, palakol at askarol (adze), sibat, panaksak at patalim (swords). Patibay ito ng 2 kuru-kuro: Una, higit na marangya sa gamit at damit ang mga Sama at Badjao nuong una, kaya nakabili sila ng kahoy at ginto sa mga Butuan; at pang-2, walang tawag ang mga Tausog sa mga bagay na ito nuon, kaya mawawari mga Sama at mga Badjao ang naghatid sa kanila ng mga ito. Tulad ito ng nangyari pagkaraan ng panahon sa Manila, sabi ni Scott, nang masali sa wikang Tagalog ang mga kataga ng mga bagay na dala ng mga dayuhang nagkalakal, gaya ng soriso (chorizo, Español), hopia (Intsik) at cavan (kaban, Malay), mga bagay na wala ang mga Tagalog nuong una.

NAGBAKBAKAN ang magkapatid na principe, kapwa tagapagmana ng kaharian ng Butuan. Natalo ang mas mahina at sapilitang pinalayas, kasama ng kanyang mga tauhan, upang hindi na magbalik kailan man. Ang pangalan niya ay Paguian Tindig. Dinala niya ang kanyang pangkat sa pulo ng Basilan (tinawag ding Taguima). Ngayon, ang dugong maharlika ng mga hari ng Jolo ay tunton mula sa kanya. Patayang Moro

Kasama niyang napatapon mula Butuan ang kanyang pinsan, si Adasa Ulan, na siyang nagbunga ng kanyang kasawian. Marami sa pangkat ni Tindig ang naakit sa sagana ng pulo ng Basilan at humiwalay, duon na namalagi. Kasama ng nalabing mga tauhan, tumuloy si Tindig sa Jolo dahil sa balita ng yaman duon, ang igi ng paglayag at lakbayan, at sagana ng mga bundok duon. Madali nilang nasakop at pinailalim ang mga katutubo sa mga pulo, mga ligaw na tao (barbaros) na walang alam tungkol sa bangis at hirap ng digmaan, at mga pabuyang nakakamit sa pamamagitan nito.

Duon sa Jolo naghari si Tindig mula nuon. Sakop at nakapa-ilalim na ang Butuan sa mga Español bago pa umalis si Tindig kaya ipinag-patuloy na lamang niya ang pagkampi at pagbayad ng buwis sa mga ito nang maging hari siya sa Jolo.

Upang magpalakas laban sa kanyang kapatid, tinangka ni Tindig na maka-kampi si Dimasancay (Liman Sancay ang tunay na pangalan), ang hari ng mga Mindanao (Magindanao ang tawag ngayon). Kaya ipinakasal niya si Ulan, ang kanyang pinsan, sa anak ni Dimasancay, si Paguian Goan. Nuon nagsimula ang wakas ni Tindig.

Balak ni Ulan na siya ang maging hari sa Jolo, at patayin si Tindig. Upang maka-kampi ang mga Mindanao, na mga Muslim, nag-aral ng Islam si Ulan mula kay Imbog, nanay ni Corralat (Kudarat ang tunay na pangalan) na naging hari ng mga Mindanao. Taga-Jolo si Imbog at upang magka-kapangyarihan duon, sinulsulan niya ang mga balak ni Ulan. Kasabwat din si Corralat na naghangad maka-kampi ang mga taga-Jolo laban sa mga Español.

Kasama ng 400 tauhan, pinaligiran ni Ulan ang bahay ni Tindig subalit nabigyan na ng babala si Tindig at bago pa dumating ang salakay, nabuhusan niya ng langis (aceite, oil) ang mga haligi (poste) na tukod ng kanyang bahay. Dahil madulas, hindi naka-akyat sina Ulan at napilitang umurong nang bigo. Bagaman at naligtas sa paglusob, batid ni Tindig na mapanganib ang tayo niya.

  • Kalaban pa rin niya ang kapatid, kaya walang tutulong sa kanya mula sa Butuan
  • Kalaban at hindi kakampi ang mga Mindanao na lubhang marami
  • Kaunti lamang ang kanyang mga tauhan dahil sa maraming nagpaiwan sa Basilan
  • Kapag nabawasan pa sa digmaan ang mga tauhan niya, hindi na siya makakapag-hari sa Jolo

Walang nabalingan si Tindig kundi ang mga Español. Kasama ang kanyang mga tauhan sa isang dyong, bangkang pandagat na gaya ng sa Java, nagtungo si Tindig sa Manila upang humingi ng tulong. Malugod siyang tinanggap ng mga Español na nag-alok ng isang buong pangkat-dagat ng mga sundalo. Subalit tumanggi si Tindig, tinanggap lamang ang 2 caracoa na puno ng mga sundalong Español.

Patayan Sa Dagat Ng Jolo

Ang caracoa ay bangkang pandagat, mas malaki kaysa sa dyong, kung minsan ay may ika-2 palapag (upper deck). Masigasig tumulong ang mga Español dahil nais nilang magapi ang mahigpit nilang kalaban, si Kudarat at ang kanyang mga kakampi. Hindi na matanto kung bakit tumanggi si Tindig subalit baka balak pa rin niya, matapos niyang supilin si Ulan, na makasundo si Kudarat at maka-kampi sa kanyang digmaan laban sa kapatid niya sa Butuan.

Inasahan ni Tindig na 400 tauhan ni Ulan lamang ang kanyang kalaban. Hindi niya alam, dumayo si Ulan sa Jolo at hinimok ang mga tagaruon na kumampi sa kanya. Kaya sa halip na 400 kalaban lamang, napuno ni Ulan ng mga mandirigma ang 8 dyong na bigay sa kanya ni Buhisan, ang tatay ni Corralat.

May isa pang mali si Tindig. Nang malapit na siya sa Jolo, pinauna niya ang kanyang dyong upang tawagin at ipunin ang mga taga-Jolo, na akala niya ang kampi pa sa kanya. Naiwan sa huli ang 2 mas malaki at mas mabagal na caracoa na puno ng mga sundalong Español at kanilang mga baril na di-sabog (arquebuses).

Bigla siyang hinarang at pinaligiran ng mga bangka ni Ulan. Dinumog ang nag-iisang dyong ni Tindig na napatay kasama ng kanyang mga tauhan. Saksi at nasugatan ang kamag-anak at kasama ni Tindig, si Bonso na batang paslit pa nuon at nagka-peklat buong buhay niya dahil sa bakbakan. Tapos na ang labanan nang abutan ng mga Español. Dahil wala silang sapat na lakas upang lusubin ang Jolo, walang nagawa ang mga Español at bumalik na lamang sa Manila.

Simula Ng Lagim Sa Visaya At Luzon

Ganito nagsimula ang bakbakan na naging dahilan ng paghimagsik ng mga Moro sa Jolo laban sa mga Español. Ito rin ang umpisa ng pandarambong mula sa munting kapuluang iyon na nagdulot ng malaking wasak at malawak na pagdaloy ng dugo, sukdulang nasalanta ang mga tao sa maraming pulo ng mga Visaya at mga Tagalog... --Wenceslao Emilio Retana y Gamboa, manalaysay (historian), 1897

Bilang hari ng Jolo, kumampi si Ulan sa mga Mindanao at mga taga-Borneo laban sa mga Español. Masipag na sinalakay at sinalanta ng kanilang mga pangkat-dagat ang mga pulo sa Visaya at naging mahigpit na

kalaban ng Español mula nuon.

Kahit na nuong tumanda at naging hari na si Bonso bilang raja, nanatiling kalaban ng Jolo ang mga Español. Sinalakay pa siya minsan at pinahirapan ni Sebastian Hurtado de Corcuera, governador ng Pilipinas (1635-1644), nang sakupin niya ang Jolo nuong 1638.

Sa pagtunton sa mga pangyayaring naganap, maaaring sabihin na ang kaharian sa Jolo ay mas bago pa kaysa sa kaharian ng Español sa Pilipinas.

Nakaraang kabanata          Balik sa itaas          Lista ng mga kabanata          Tahanan ng mga Kasaysayan ng Pilipinas          Susunod na kabanata