KASAYSAYAN NG MINDANAO, JOLO AT MGA KAPIT-PULO NUONG 1667
Magkakampi Ang Jolo At Borneo
“Historia de las Islas de Mindanao, Jolo y sus Adjacentes”
KAUGNAY na mainam ng mga Lutao ang mga taga-Borneo. Sa mga baranggay at nayon ng malawak na pulo ng Borneo nila itinanghal ang paghahari ng kanilang pinuno. Tinuturing silang kaisa ng mga tao duon at magkasama sa iisang bansa dahil sa malaganap nilang ugnayan - magkakamag-anak sa dugo at sa kasalan - at sa kampihan nila sa pagdambong at pagsakop sa mga pulo dito. Halos araw-araw, natatanaw dito ang kanilang mga pangkat dagat, naglalayag lahat sa ilalim ng watawat ng iisang kaharian. Sa kabilang dako, inaamin ng mga pinuno at maharlika ng Jolo at Basilan na nagmula sila sa nayon ng Butuan. Kahit na nasa Mindanao ang nayong ito, bahagi ng bangsa ng Visaya ang Butuan na nasa hilagang baybayin, natatanaw mula sa pulo ng Bohol. Ilang legua (lumang sukat ng Español, katumbas sa 4.8 kilometro o kulang-kulang sa 5 kilometro) lamang ang layo ng Butuan mula sa Leyte at Bohol, at silang lahat sila ay kabilang sa iisang kabihasnan, magkakatulad sa gawi, anyo at ugali. |
||
Kaya maipapag-malaki ng nayon na iyon ng Butuan na sila ang nagbigay ng mga hari at maharlika sa mga bansa ng Mindanao, Jolo at Basilan. Kung kailan lamang naganap ang paghiwalay ng mga taga-Butuan at pagsikat nila sa mga bahaging ito, kaya hindi pa nalilimutan ang karanasan. Katunayan, nasaksihan ng matandang hari ng Jolo, na buhay pa hanggang ngayon (si Bonso, tinawag nang ganuon sapagkat siya ang pinaka-bata sa mga anak ng sultan), ang paglikas ng mga naging hari ng Jolo mula sa Butuan nuong siya ay musmos pa. Masamang kapalaran, ayon sa kanya, ang nagtulak sa kanyang mga ninuno na lumayo sa lupang sinilangan at magtatag sa ibang lupain ng sariling kaharian, na kinatatakutan ngayon sa bangis at kapangyarihan. Mula pa nuong unang sibol, lumaki at lumakas ang kahariang ito dahil sa pagtangkilik ng hukbong Español, kaya matagal na silang napailalim at nagbubuwis (tributos, taxes) sa kaharian ng España. Kaya mainam marahil na isaysay ang pinagmulan ng kaharian ng Jolo bago ito malimutan sa paglipas ng panahon. |
Mga Malayang Negro MAY mga itim na tao sa pulong ito ng Mindanao na hindi napailalim kahit kanino at hindi nagbabayad ng buwis. Kahawig nila ang mga Aeta, mga maitim ding tao sa pulo ng Negros at sa mga bundok sa paligid ng Manila. Nabubuhay silang parang mga hayop na ligaw (brutos, beasts) at mailap, tumatakas tuwing makakita ng ibang tao. Kahit kailan sila magkaruon ng pagkakataon, sinasaktan at pinapatay nila ang sinumang maharang nila sa gubat at bundok. Wala silang mga baranggay o nayon, at kahit sa tag-ulan, wala silang silungan o bahay maliban sa mga punong kahoy. Sa luok ng Pangil (sa bahaging timog ng Iligan Bay, Panguil Bay ang tawag ngayon), natatanaw sila halos araw-araw, at marami sila sa baranggay ng Layauan na bini-visita ko. Wala silang mga damit, alahas o palamuti sa katawan. Hindi sila nahihiya na mag-anyo ayon sa kalikasan kaya hindi nila tinatakpan kahit na ang mga tanging bahagi ng kanilang katawan. Ang sandata nila ay mga pana (bow and arrows), at mga palaso na may lason (poison) sa dulo. Sa mga natutunan namin mula sa mga itim na tao na naglipana sa mga liblib at ligaw na bundok sa ibang pulo, maniwaring sila ang unang tao sa mga kapuluang ito. Subalit patago-tago at napaka-tanda na ang kabuhayan nila kaya hindi na mahulaan kung saan sila nagmula, maliban sa pagiging kabit-kabit ng mga pulo hanggang sa Burney, Macazar at kalakihang Maluco. (Ang kaharian ng Brunei ang naging pangalan ng buong pulo ng Borneo. Ang dating Makassar at Ujung Pandang ngayon, ay malaking lungsod sa pulo ng Sulawesi na dating tinawag na Celebes. Ang Moluccas, spice islands ay Kepluan Maluku.) Isa lamang ang maipagma-malaki ng bansang ito - ang kanilang pagiging malaya. Walang sinumang nakasakop sa kanila, kahit na ang mga Español natin. Sukdulan ang pagiging malaya nila, hindi sila sumusunod kahit na sa mga kapwa nila, wala silang kinikilalang nakakataas. Ito marahil ang dahilan ayaw nilang magtipon nang maramihan, ayaw magtatag ng baranggay o anumang pag-aayos ng lipunan. Subalit ang kapalit nitong lubusang kalayaan ay ang sukdulang pagka-aba ng buhay nila, ang paglimayon parang hayop. |
|
Nakaraang kabanata Balik sa itaas Lista ng mga kabanata Tahanan ng mga Kasaysayan ng Pilipinas Susunod na kabanata |