Luksa, Libing Sa Patay,
Pag-aalay Ng Maysakit

KAPAG MAY SAKIT ang mga Pilipino, nag-aalay ang mga kamag-anak nila sa mga anyito o mga diwata, ang sinasamba nilang mga ‘dios,’ upang gumaling ang maysakit. Saliw sa pag-aalay ang tugtog ng gong at ang awit at sayaw ng catalonan o babaylan, at nangyayari na sa pinakamasiglang bahagi ng sayaw, biglang titigil lahat dahil namatay na ang maysakit.

Kaiba ang tugtog sa patay, mga panaghoy at dalamhati na inaawit din hindi lamang ng mga kamag-anak kundi pati ng mga binabayaran upang umiyak sa lamay, na ginagawa rin sa ibang mas tanyag na mga bansa. Sa tunog ng patuloy na panaghoy, hinuhugasan nila ang bangkay at pinapahiran ng pabango, ang latik ng tanging halaman at punong kahoy na karaniwang ginagamit ng mga tao duon.

Isang gamit nila, ang buyo (buyo anis, betel leaf pepper) ay matapang ang amoy. Ginagamit din ito ng mga buhay pa, Espanyol at indio, nginu-nguya upang sumigla, bumango ang hininga at tumibay ang ipin at gilagid. Ang katas nito ay pinapahid sa bangkay at ibinubuhos sa lalamunan upang kumalat sa tiyan at bituka, para hindi maagnas agad. May mga bangkay na ginawan nito ay natuklasang buo pa pagkaraan ng mahabang panahon.

ISINUSUOT ang pinakamagandang damit ng bangkay at, pagkaraan ng 3 araw ng lamay, inililibing - hindi sa lupa kundi sa loob ng bahay. Ang kabaong ay gawa sa matigas na kahoy, hindi nabubulok, at lapat na lapat ang pagpinid kahit hangin ay hindi nakakapasok.

Madalas, nilalagyan nila ng ginto ang bibig ng bangkay at ang mga mamahaling pag-aari ng patay ay isinasama sa kabaong. Pagkaraan ng

PAGHANAP SA MGA UNANG PILIPINO: Chronicles

Relacion de las Islas Filipinas
ni Pedro Chirino, 1595-1602

Kasaysayan Ng Mga Pulo Ng Pilipinas
Isina-English nina Frederic W. Morrison ng Harvard University, at Emma Helen Blair

panahon, inililibing din ang kabaong sa lupa, madalas sa ilalim ng bahay ng patay. Isinasama sa hukay ang isang lalagyan ng mga damit, at ang mga alay ng mga kamag-anak, mga handog at pagkain, na gagamitin ng patay sa ‘kabilang buhay.’

Nuong nakaraang panahon, hindi nila pinalalayong mag-isa ang kaluluwa ng patay. Sinasamahan nila ng kaluluwa ng mga alipin, lalaki at babae, upang patuloy na magsilbi sa kaluluwa ng may-ari. Pinapatay nila ang mga alipin pagkatapos na pakainin ng marami.

MAY SALAYSAY na isang pinuno ang inilibing nila na may kasamang bangka, at mayroon pang mga taga-sagwan (rowers, oarsmen) upang makapaglakbay ang pinuno sa ‘kabilang buhay.’

Malaki at malalim ang hukay na pinaglilibingan sa kabaong. Nilalagyan pa ng bakod at sa loob nito naglalagay ng pagkain ang mga kamag-anak sa mga susunod na araw. Kung minsan, sa bukid o bundok ibinabaon ang kabaong.

Nagsisiga sila paligid sa kanilang mga bahay sa mga susunod na araw, naglalagay pa ng mga bantay kahit sa gabi, upang hindi makabalik ang kaluluwa ng patay at kunin ang mga kamag-anak at kakilala niya nuong buhay pa siya. Pagkabaon sa kabaong, natatapos ang lamay subalit nagpapatuloy ang kainan at lasingan kung mataas na pinuno ang namatay. Samantala, ang mga kamag-anak naman, dahil sa kanilang dalamhati, ay hindi kumakain maliban sa

kaunting gulay lamang.

ITIM ANG KULAY ng luksa sa mga Tagalog, puti sa mga Bisaya. Inaalis din ng mga Bisaya ang kanilang buhok at kilay kaya nagmumukha silang pangit.

Kapag namatay ang isang pinuno, bawal mag-ingay sa baranggay hanggang hindi ibinababa ang luksa - matagal o madali, batay sa taas ng katayuan ng namatay. Sinumang mag-ingay ay pinarurusahan. Sa mga baranggay sa tabi ng dagat, naglalagay sila ng pahiwatig sa bukana ng ilog na bawal pumasok o mamangka sa ilog habang may luksa. Sinumang dayuhan ang lumabag, pinapatay nila sa lubhang masakit na paraan.

PINUPURI nila sa mga panaghoy (cantos, dirges) ang mga napatay sa digmaan, inaawit ang kanilang tapang at giting, at matagal ang pag-alay para sa kanila, sinusundan ng malakas na kainan at inuman ng alak.

Hindi natatapos ang luksa hanggang hindi naipaghiganti ang pinatay. Ang mga anak, kapatid at mga kamag-anak ng pinaslang ay maghahanap at papatay ng maraming tao. Hindi lamang ang mga pumatay ang gagantihan nila kundi pati mga walang kinalaman. Magdarambong sila sa dagat at mga pulo-pulo at papatayin kahit sino ang makasalubong, hanggang lumamig ang kanilang galit. Saka lamang nila tatapusin ang luksa at magbibigay ng malaking handaan para sa maraming panauhin.

Ang pinagkunan:   Relacion de las Islas Filipinas, ni Pedro Chirino, SJ, inilathala sa Roma, 1604, at bahagi ng
The Philippine Islands, 1493-1898, nina Emma Helen Blair at James A. Robertson, inilathala sa Manila, 1903,
Bank of the Philippine Islands commemorative CD re-release, 1998

Nakaraang kabanata          Balik sa itaas          Lista ng mga kabanata          Tahanan ng mga Kasaysayan          Sunod na kabanata