Lasingan At Kainan
Sa Mga Handaan

SOBRA-SOBRA ang kain at inom sa mga handaan ng mga Pilipino kapag nag-aalay para sa maysakit, o kapag may patay. Sinasabayan ang handaan ng pagdiriwang ng mga panauhin kapag may pamanhikan (betrothal) o kasalan, o nag-aalay para sa mga anyito.

Ang tawag nila sa mga ganitong pagtitipon ay inuman, hindi kainan, at lahat ng tao ay maaaring pumasok at makisalo. Kapag nag-aalay sa mga anyito, naglalagay sila ng isang pinggan (plato, plate) na walang laman sa isang hapag (la mesa, table). Duon inululuwa ng sinumang magnais ang pagkain na hindi niya nilulon bilang paggalang sa anyito.

Nakatalungko o nakasalampak kung kumain sila. Mababa ang kanilang mga hapag, walang takip (mantel, table cloth) kahit ano at wala ring pamunas ng bibig (servilleta, napkins). Nakapaligid sila sa hapag at napupuno ng mga hapag ang buong bahay o bakuran. Ang mga

PAGHANAP SA MGA UNANG PILIPINO: Chronicles

Relacion de las Islas Filipinas
ni Pedro Chirino, 1595-1602

Kasaysayan Ng Mga Pulo Ng Pilipinas
Isina-English nina Frederic W. Morrison ng Harvard University, at Emma Helen Blair

pinggan ng ulam at kanin ay nasa gitna ng hapag at kanya-kanya silang dumukot. Walang nandidiri kahit sumawsaw ang daliri ng ibang tao sa pagkain. Lahat ng nasa hapag ay umiinom mula sa isang inuman.

Kaunti lamang sila kumain, malakas namang uminom (ng alak), at nagtatagal sila sa pagdiriwang. Kapag busog na lahat, at lasing na, inaalis nila ang mga hapag at nagiging maluwag ang bahay o bakuran. Maliban lamang kung lamay sa patay, saka sila nag-aawitan, tumutugtog sa mga gamit-tugtugin (musical instruments), nagsasayawan nang maghapon o magdamag. Malaki ang ingay at malakas ang sigawan hanggang mahapo na at umuwi, o matulog nang tuluyan duon.

Subalit kahit na lasing na lasing na, hindi sila nanggugulo o nang-aaway. Katunayan, mahinahon pa rin ang kilos nila tulad ng karaniwan.

Magalang pa rin sila at hindi kumikilos ng pabugso, kahit na mas masigla at mas masalita, biro nang biro, kaysa dati. Napatunayan na naming lahat, kahit na lasing na lasing pag-uwi mula sa pagdiriwang, lagi silang nakakarating sa kanilang bahay. Kahit na kung may kailangan silang bilhin, hindi nagkakamali sa pagtawad sa halaga. At kapag bayaran na, at kailangang timbangin ang ginto o pilak na bayad, hindi rin sila nagkakamali sa pagsukat. Ni hindi nanginginig ang mga kamay kahit lubhang lango na.

Ang pinagkunan:   Relacion de las Islas Filipinas, ni Pedro Chirino, SJ, inilathala sa Roma, 1604, at bahagi ng
The Philippine Islands, 1493-1898, nina Emma Helen Blair at James A. Robertson, inilathala sa Manila, 1903,
Bank of the Philippine Islands commemorative CD re-release, 1998

Nakaraang kabanata          Balik sa itaas          Lista ng mga kabanata          Tahanan ng mga Kasaysayan          Sunod na kabanata