Kasalan, Paghihiwalay
Ng Mga Mag-asawa

10 TAON na ako sa Pilipinas bago ako nakatuklas ng isang lalaki na marami ang asawa. At nangyari ito nuon lamang nagpunta ako sa mga pulo ng Ibabao (Samar ang tawag ngayon) at Leite (Leyte) sapagkat sa Manila, Mindoro, Marinduque at Panai (Panay), hindi ako nakakita nang ganuong ugali. Datapwa, may isang Espanyol na nagsabi sa akin, sa isang bahagi ng Mindanao, bandang Dapitan (nasa Zamboanga del Norte ngayon) na ugali ng mga babaing Bisayan (Bisaya) - ang mga taga-Mindanao ay Bisaya din - na mag-asawa ng 2 lalaki.

Talaga namang hindi karaniwan sa Pilipinas na mag-asawa ng higit sa isa (polygamy). Kahit na sa mga puok na ginagawa ito, hindi laganap at ni hindi rin karaniwan. Ang ugali ng halos lahat ay mag-asawa ng isang babae lamang.

Ang mga Bisaya ay laging pumipili ng babae na kapantay sa kanilang katayuan (class), at kaugnay nilang malapit o kakilalang matalik. Hindi masyadong pinipilit ng mga Tagalo (Tagalog) na katalik ang maging asawa. Kasya na sila na hindi mas mababa ang katayuan ng babae.

Sa 2 pangkat na ito, hindi bawal ang mag-asawa ang magkamag-anak kahit malapit, huwag nga lang magka-familia. Kaya ang magpinsang buo ay maaaring mag-asawa, gayon din ang mag-tio o mag-tia, basta hindi magkapatid, mag-ama o mag-ina, maglolo at maglola, atbp.

MALAKI ang kaibahan ng pag-aasawa at pagsasama lamang (concubinage). Sa pag-aasawa, may kasalan (ceremonies) at lantad na pagka-kasintahan (betrothal) na may kasamang parusa kapag pinutol.

Halimbawa: Nag-alok si Cai Polosin (si Ka Polo) na ipakakasal ang anak niya sa anak ni Apai, sakaling maging babae at lalaki ang mga

PAGHANAP SA MGA UNANG PILIPINO: Chronicles

Relacion de las Islas Filipinas
ni Pedro Chirino, 1595-1602

Kasaysayan Ng Mga Pulo Ng Pilipinas
Isina-English nina Frederic W. Morrison ng Harvard University, at Emma Helen Blair

ito. Magkakasundo sina Polo at Apai sa kasalan kahit buntis pa lamang ang mga asawa nila, at itatakda ang multa ng 10 tael ng ginto. Ang kasunduan ay paiiralin nila sa isang handaan, saksi ang maraming panauhin, at silang lahat ay magkakainan at mag-iinuman hanggang malasing. Ito ang pagkakasintahan. Ang familia na bumali sa pangako ay kailangang magbayad sa kabila ng 10 tael ng ginto.

SA KASALAN, mayroon namang bigayan ng bigay kaya (dote, dowry) sa panig ng lalaki, at ang pagsang-ayon, sa panig ng babae bagaman at para sa kasalukuyan lamang, hindi panghabang-buhay. Ang laki at halaga ng ibinibigay na bigay kaya ay batay sa yaman o katayuan ng lalaki, kaya ganuon ang tawag. At kaya rin hinawag ng ibang manalaysay na ‘binibili’ ng mga Pilipino ang kanilang asawa.

Dagdag sa bigay kaya, naghahandog ang lalaki sa kanyang magiging biyenan at sa mga kamag-anak nito, ayon sa kaya niya.

Habang patuloy ang pagiging mag-asawa, ang lalaki ang kinikilalang ‘hari’ ng kanyang familia at ng anumang yaman na natamo (pati na ang bigay kaya) at napalago nilang mag-asawa, bagaman at gamay nilang kumupit mula sa isa’t isa, para sa sari-sariling dahilan.

Gaya ng nangyari: Pinakasalan ng anak na lalaki ng pinuno sa pulo ng Cuyo ang anak na babae ni Tarabucon, ang pinuno sa baranggay ng Oton, malapit sa Yloylo (Iloilo). Bukod sa bigay kaya, naghandog pa ang lalaki sa mga magulang ng babae, pati sa mga kapatid na lalaki at mga alipin ng babae. Mas matagal pa ang kasalan kaysa sa pag-aasawa nila sapagkat

naghiwalay agad sa kauna-unahang pag-aaway.

KUNG MAY dahilan ang paghihiwalay (divorce), at iniwan ng lalaki ang asawa, kailangang ibigay niya ang bigay kaya sa babae. Sa babae rin ang bigay kaya kung lalaki ang may kasalanan at iniwan siya ng babae. Kung ang babae ang umalis, o kung siya ang may kasalanan at iniwan siya ng lalaki, kailangang ibalik sa lalaki ang bigay kaya. Sapat na dahilan ng paghihiwalay ang pagsiping ng babae sa ibang lalaki. Mas maunti ang dahilan maaaring hiwalayan ng babae ang asawa.

Kapag nagkahiwalay, pinaghahatian nang pantay ng mag-asawa ang mga anak, maging lalaki man o babae. Sa paghihiwalay ng mag-asawang alipin, pinaghahatian din nang pantay kung magkaiba ang panginuon ng lalaki at babae. Pinaghahatian din ng pantay ng mag-asawa ang kanilang alipin.

Sinusunod ang mga tuntuning ito sa pag-aasawa ng maraming babae ng isang lalaki. Hindi niya kailangang pakasalan nang sabay-sabay, maaaring may palugit na maraming taon bago siya mag-asawa uli. Katunayan, gaya ng mga Mohametan (Muslim), maaari siyang mag-asawa kasing dami ng kaya niyang buhayin.

Pumasok ang ugaling ito sa mga pulo ng Mindanao at Leyte mula sa Brunei nuon pang bago natin inari ang Filipinas. Nagtungo sa Manila ang mga taga-Brunei at nagpapalawak na nang dumating ang mga tao natin at sinugpo ang pagmu-Muslim. Wala pang 14 taon nang ipasok nila ito sa Mindanao, sa gawi na malapit sa Brunei.

Ang pinagkunan:   Relacion de las Islas Filipinas, ni Pedro Chirino, SJ, inilathala sa Roma, 1604, at bahagi ng
The Philippine Islands, 1493-1898, nina Emma Helen Blair at James A. Robertson, inilathala sa Manila, 1903,
Bank of the Philippine Islands commemorative CD re-release, 1998

Nakaraang kabanata          Balik sa itaas          Lista ng mga kabanata          Tahanan ng mga Kasaysayan          Sunod na kabanata