Milagro Sa Manila,
‘Pulis Sa Tubig’

ISANG HIMALA ang naganap nuong taon ng 1587 sa Manila. Tumatawid sa ilog ng Manila (Pasig River ang tawag ngayon) ang isang indio sa kanyang bangka, maliliit na sasakyan na naglipana sa buong kapuluan. Mababa ang mga ito, wala pang lapad ng 2 daliri ang taas sa tubig kaya madaling abutin ang sakay ng anuman ang nasa tubig.

Ang nangyari sa indio, laging maraming buaya sa ilog at tumabi sa bangka niya ang isa at sinakmal siya. Hinila siya sa ilalim ng tubig, karaniwang gawa ng mga buaya upang malunod ang anumang nahuli bago kainin.

PAGHANAP SA MGA UNANG PILIPINO: Chronicles

Relacion de las Islas Filipinas
ni Pedro Chirino, 1595-1602

Kasaysayan Ng Mga Pulo Ng Pilipinas
Isina-English nina Frederic W. Morrison ng Harvard University, at Emma Helen Blair

Upang maligtas, buong pusong nanawagan ang indio sa Dios ng mga catholico. Biglang siyang nakakita ng 2 nilalang na nakasuot ng puti. Inagaw siya mula sa buaya at hinatak papunta sa pampang, at nasagip siya sa kamatayan.

Dahil dito, nagtungo siya sa simbahan, dala ang 2 anak niyang lalaki, at nagpabinyag silang 3 at naging catholico.

KABALIGTARAN ang nangyari sa isang catholico nang nakaharap niya ang tinatawag naming ‘pulis sa tubig’ (alguazil de agua). Gabi-gabi, tumatawid sa ilog ng Manila itong Espanyol (mula sa Intramuros) upang magpasasa sa kasalanan. Nayamot na rin ang Dios ng kahihintay sa kanya kaya, isang gabi, ipinadala niya ang isang buaya at ‘binitay’ ang makasalanang Espanyol bilang parusa.

Ang pinagkunan:   Relacion de las Islas Filipinas, ni Pedro Chirino, SJ, inilathala sa Roma, 1604, at bahagi ng
The Philippine Islands, 1493-1898, nina Emma Helen Blair at James A. Robertson, inilathala sa Manila, 1903,
Bank of the Philippine Islands commemorative CD re-release, 1998

Nakaraang kabanata          Balik sa itaas          Lista ng mga kabanata          Tahanan ng mga Kasaysayan          Sunod na kabanata