Mga Asal Sa Kasal
MARAMING mali ang nangyari sa bayang ito mula nuong maging catholico ang mga tao dahil hindi naintindihan maigi ang mga lumang gawi nila tungkol sa kasal at pag-aasawa. Ikinasal ng mga frayle ang mga tao, pinaghiwalay naman sila ng ibang frayle, tapos ikinasal uli ng iba pang frayle. Kaya nagkagulo-gulo hanggang ngayon. Dahil dito, maingat kong ipapaliwanag ang mga ugali ng mga tao tungkol sa kasal at pag-aasawa. Palaging sa lalaki nagmumula ang pag-aasawa. Kung nais mag-asawa ng isang pinuno, nagpapatawag siya ng timaguas (mga timawa) na kilala at iginagalang sa baranggay upang makiharap sa mga magulang ng babae. Kukunin ng isa sa timaguas ang sibat mula sa ama ng pinuno at, pagdating nila sa bahay ng babae, isasaksak ang sibat sa hagdan (stairs) ng bahay. Habang hawak-hawak niya ang sibat, nananawagan lahat ng timaguas sa kanilang mga diyos at anitos na pagpalain (bless) ang pag-aasawa. Kapag natuloy ang kasal, ang sibat ay nagiging pag-aari ng timaguas bilang bayad, o maaaring tubusin ng pinuno ng ginto. Makikipagtawaran ang timaguas tungkol sa laki ng bigay kaya (dote, dowry) na ibabayad ng lalaki sa babae. Sa mga pulong ito (sa Visayas), karaniwang 100 tael (mahigit 4 kilo) ng ginto, alahas at mga alipin ang bigay kaya ng pinuno, katumbas ng 100 pesos (nuong 1582). Matapos magkasundo sa halaga, pinapasan ng timaguas ang babae sa kanilang balikat at inihahatid sa bahay ng lalaki. Suhol sa babae.
Magkukunyari uli ang babae, ayaw pumasok sa bahay, hanggang bigyan siya uli ng isa pang alipin. Sa loob ng bahay, mahinhin uli ang babae, hindi uupo hanggang hindi binibigyan ng alahas naman. Isang alahas pa uli bago siya pumayag na uminom, at pang-3 alahas upang siya ay kumain. Tapos, sabay silang mag-iinuman ng lalaki. Nuon tatayo ang isang matandang lalaki, patatahimikin lahat, at sa malakas na tinig ay ihahayag na mayroon siyang nais sabihin: ‘Ikakasal si ...(pangalan ng lalaki)... kay ...(pangalan ng babae)... subalit sa kasunduan lamang na sakaling hindi kayang buhayin ng lalaki ang kanyang asawa, iiwanan siya nito nang hindi kailangang ibalik ang anumang bahagi ng bigay kaya na ibinigay ng lalaki, at malaya ring makapag-aasawa ang babae ng ibang lalaki. At kung sakaling ang babae ay magtaksil sa kanyang asawa, mababawi ng lalaki ang bigay kaya na ibinigay niya, iwanan ang babae ang mag-asawa ng ibang babae. Kayong lahat ay saksi sa kasunduang ito!’ Pagkatapos ng talumpati (speech) ng matandang lalaki, naglalabas sila ng isang mangkok (plato, dish) ng bigas (arroz crudo, uncooked rice) na nahugasan na. Isang matandang babae ang nagdadantay ng kamay ng babae at lalaki sa ibabaw ng bigas bago isasabog ang bigas sa lahat ng nasa bahay, sabay sigaw ng matandang babae. Sigawan din ang mga tao, at tapos na ang kasal. Bata pa para magsiping.
Bago makasal, sa katapusan ng kasunduan, ibinibigay na ng lalaki ang bigay kaya sa babae. Sakaling nag-iba ang isip ng lalaki at ayaw tuluyan ang napagkasunduang pag-aasawa, o nais niyang makasal sa ibang babae, lugi siya sa bigay kaya na aangkinin na ng familia ng babae, kahit na hindi pa niya nakakasiping ang babae. Kapag nakikipag-inuman ang isang lalaki, o may kausap lamang na mga tao at sinabi niya na, ‘Nais kong mapangasawa si ...(pangalan ng babae)... na anak ni ...’ Ito ay itinuturing na pangako na dapat niyang tuluyan. Kapag sinuway niya o ipagkaila pagkatapos, pinarurusahan siya ng multa, tapos kinukuha pa ang mahigit kalahati ng mga ari-arian niya. Tungkol sa bigay kaya: Hindi maaaring magtamasa ang mag-asawa, ang babae man o ang lalaki, hanggang hindi sila nagkaka-anak. Hanggang nuon, ang ama ng asawang babae ang humahawak sa yaman. Kung ang baae o lalaki ay bata pa upang magsiping, kapwa sila nagsisilbi sa bahay ng ama ng babae hanggang umabot sila ng sapat na gulang upang magsiping. Kasal ng mga timawa.
Nagaganap ang kasal ng timaguas sa pag-inom ng babae at lalaki, sa iisang mangkok, ng pitarilla (palayok na lalagyan ng alak na tinawag din sa ganuong pangalan). Tapos, kapwa sila sisigaw na sasagutin din ng sigaw ng mga panauhin (guests). Mag-uuwian na ang mga tao upang maging mag-asawa na ang babae at lalaki, sapagkat pagkaalis lamang ng mga panauhin maaaring uminom nang magkasama ang 2 bagong kasal, at ‘magkatuluyan’ na. |
PAGHANAP SA MGA UNANG PILIPINO: Chronicles Census At Analysis Ng Pilipinas Nuong 1582
|
|
Kasal ng mga alipin.
Namamagitan lamang ang panginoon kung ang lalaking ayuey niya ay nais makasal sa babaing ayuey ng ibang panginoon. Inuutusan niya ang isang matandang babae na magsabi sa kabilang panginoon tungkol sa pag-aasawa ng 2 alipin. Pagka nagka-ayos ang 2 panginoon, binibigyan ang alipin ng isang palayok at 3 - 4 pinggan (platos, dishes). Wala nang iba pang gawi pagkatapos nuon. Pinaghahatian ng 2 panginoon ang mga anak ng kanilang alipin, upang maging alipin din. Pag laki ng mga bata at maaari nang magsilbi sa halip ng mga magulang nila, ang mga magulang ay ginagawa nang aliping tumaranpoc - maaari na silang magbahay ng sarili, at 1 sa bawat 4 araw na lamang sila nagsisilbi sa panginoon. Kung mga pinuno ang panginoon ng mga alipin na nag-asawa, binibigyan sila agad ng sariling bahay bagaman at tuwing umaga, bumabalik sila sa bahay ng mga panginoon upang magsilbi. Kung nakapag-asawa ng malayang tao ang isang alipin, kalahati ng mga anak nila ay malaya din, ang silang mag-asawa ang pipili kung sino sa mga anak nila ang magiging alipin. Mga mangkukulam.
Mapamahiin ang mga katutubo. Hindi sila naglalayag sa bangka o barko na may sakay na kambing (cabra, goat) o tsonggo (mono, monkey) dahil masamang palad (mala suerte, bad luck) daw at tiyak lulubog sa dagat. Libu-libo ang mga pamahiin nilang tulad nito. Kapag napa-hatsing (estornudo, sneeze) ang sinumang papunta sa digmaan o nagsisimula ng anumang malaking gawain, bumabalik agad at umuuwi dahil sasamaing palad daw. Ilang taon na silang may isang uri ng kulam (hechiceria, witchcraft) na sinimulan ng mga taga-Ybalon mula nuong pagdating ng mga Espanyol. Nagdarasal at nag-aalay sila ng langis ng niyog (coconut oil) at ipin ng buaya (crocodile teeth) sa mga multo (demonios) nina Naguined, Arapayan at Macbarubac upang bigyan sila ng lakas na pumatay ng tao. Ang kapangyarihan daw ay naiimbak sa langis ng niyog. Pinapatay sa kulam.
Maraming tao ang napinsala sa pag-kulam na ito sapagkat ‘pinaglaruan’ sila ng 3 multo. Pinag-iibayo ng mga frayle na sugpuin ang kulam sa pamamagitan ng pangaral sa mga tao, at kinukuha ang lahat ng pinag-multuhang langis na makita nila. Walang fiesta.
Ang hangin at ang calendario.
Hinati nila ang bawat taon sa 12 buwan (meses, months) bagaman at 8 lamang sa mga ito ang binigyan nila ng pangalan:
|
Ang ibang 4 buwan ay walang pangalan at hindi nila pinapansin dahil walang gawain sa bukid nuong mga buwan na iyon. Dambuhalang hayop.
Malalaki rin ang mga ahas dito sa kapuluan. Ang iba ay kasing laki ng puno ng niyog subalit mabagal silang gumalaw. Libu-libo ang mga buaya (crocodiles), nakatira sa lahat ng ilog at dagat. Marami silang pinipinsala. Maraming pulo dito ang binabahayan ng mga civet (isang uri ng pusa na pinagkukunan ng mamahaling pabango; naglaho na lahat, naglaho na rin ang tawag sa kanila ng mga Pilipino). May isang uri ng ibon dito na mas maliit kaysa manok Espanyol (Spanish fowl) subalit ang itlog ay mas malaki pa kaysa itlog ng gansos (goose), at ang itlog ay halos lahat ay pula (yolk). Nagpupugad ang ibon sa tabi ng dagat o ilog. Humuhukay sa buhangin, abot sa isang braza (halos 2 metro) ang lalim, at duon nangingitlog. Pagka-pisa ng itlog, lumilitaw ang mga sisiw mula sa buhangin, hinuhukay nila ng kanilang maliliit na paa. Pagkatapos, lumilipad sila agad palayo. (Ito ang tabon (mound builder), tinawag nang ganito dahil pagka-itlog, kinakahig ang buhangin at tinatabunan ang itlog. Gawi ng mga ibong ito na mangitlog lahat sa iisang pugad, kaya tumataas ng 1 metro ang pugad. Giliw ang mga Pilipino sa itlog nito kaya nalipol na silang lahat, dinadagit kasi bawat pugad na makita. Natatagpuan na lamang ngayon ang tabon sa mga liblib na puok sa New Guinea.) Mahalaga ang niyog.
Tuluy-tuloy ang paggawa ng indios ng alak mula sa niyog. Sa isang hapon lamang, nakakuha daw ng 2 arrobas (23 kilo) ng dagta (sap) ang isang indio sa mga puno ng niyog na pag-aari niya. Matamis ang dagta at ginagamit sa paggawa ng maraming alak (brandy, tuba), malinamnam na suka (vinegar) at matamis na pulot (honey). Kapag naubusan ng bigas, kinakain ng indios ang laman ng niyog sa halip ng kanin. Gumagawa sila ng mga pinggan (platos, dishes) mula sa bao ng niyog (coconut shell). Ang bunot ng niyog (coconut husk) at tinitirintas nilang tali (cords). Hinahawi naman nilag buslo (basket) ang mga dahon nito. Kaya malaki ang pakinabang nila sa puno ng niyog. Sa mga pulong ito, maraming maraming baboy at kambing na mainam kainin. Nagkalat din ang mga ligaw na kalabaw (buffalo, mga tamaraw) na, kapag nahuli nang bata pa ay madaling amuin (domesticado, tamed). May mga bibi (patos, ducks) at gansos (geese) na dala ng mga Intsik. Maraming mga manok na katulad ng mga nasa sa Espanya. Mayroon pang mga manok na walang buntot na ayaw kainin ng mga katutubo, natatakot, subalit mas masarap ang lasa nito kaysa sa ibang manok. Bulaklak lasang isda.
Marami ring masarap at iba’t ibang uri ng dalandan (oranges, naranjitas, dalanghita ang dinig at tawag ng Pilipino) at mga kalamansi (limas, lemons), na marami ay galing pa sa China kung saan mas maraming uri nito. Sa Ylocos, may isang malaking punong kahoy (arbol, tree) na nagbubulaklak ng puti (azucena, white lily) na lasang isda. Pinupulot ito ang mga indio at tuwing umaga, niluluto nila at kinakain sa halip ng isda. Kaginsa-ginsa, kinabukasan, pulos bulaklak uli ang puno! Nangyayari ito araw-araw. Mahirap ang tubig sa bundok. Mayroon duong isang uri ng yantok (bejuco, rattan) na tumutubo nang 6 - 8 brazas ang tayog (lagpas 10 metro) at mas mataba kaysa daliring hinlalaki (pulgar, thumb). Kapag pinutol iyong yantok, tumutulo nang malakas ang tubig mula sa loob. Masarap ang tubig na ito, at bawat yantok ay naglalabas ng 2 - 3 cuartillos (pints, bandang 1 litro) ng tubig. |
|
Ang pinagkunan: Relacion de las Yslas Filipinas, ni
Miguel de Loarca, sinulat nuong Junio 1582, at bahagi ng
Nakaraang kabanata Balik sa itaas Lista ng mga kabanata Tahanan ng mga Kasaysayan Sunod na kabanata |