Ang Mga Taga-Manila
Ang kanilang mga diyos at ugali, batas at pamahalaan, pag-aasawa at ‘asawa sa labas,’ patayan, nakawan, pag-alipin at paghatol sa hukuman

SI ‘BATALA’ (Bathala) ang sinasamba dati ng mga Moro na taga-Manila bilang dios na naghahari sa lahat, at siyang lumikha (creator) sa mga tao at sa mga baranggay.

( Munting paliwanag: Dahil maraming taga-Borneo sa Manila nuong unang dating ng mga Espanyol, tinawag nila ang mga taga-Manila na Moro, ang turing sa Muslim ng mga Espanyol. Bagay na binulaan ng mga frayle nuon dahil, maliban sa hindi pagkain ng baboy, wala raw alam ang mga taga-Manila tungkol sa pagsamba ng Muslim. Pilit at matagal na tinawag na Moro ang mga taga-Manila dahil matibay na dahilan ito upang sakupin at alipinin sila ng mga Espanyol. )

Ayon sa mga Moro, maraming alagad (ayudantes, agents) si Batala na umaalalay sa kanya at pinapupunta niya sa mondo upang ibigay sa mga tao ang lahat ng tinatamasa nila. Itong mga alagad ay tinatawag nilang anitos (mga anyito) at may kanya-kanyang tungkulin daw ang mga ito. Ang iba ay ukol sa bukid, ang iba ay pang-lakbay sa dagat, mayroon para sa digmaan, at mayroon din sa pagpapagaling sa sakit. May sari-sariling pangalan daw sila, gaya ng anyito ulan (rain god) at anyito lupa (earth god). Sinasamba at nag-aalay ang mga Moro sa iba’t ibang anyito, ayon sa kung ano ang kailangan nila.

Pagsamba ng ‘catalonan’
Ang pagsamba ng mga taga-Manila ay katulad ng Pintados (mga Visaya). Tumatawag sila ng isang catalonan (katalo o kausap ng diyos) na, tulad sa Pintados, ay nagsisilbing pari sa kanilang pagsamba o pag-aalay. Nananawagan ang catalonan sa anyito upang makamit ang anumang hinihingi ng tumawag sa kanya.

Nag-aalay ng maraming pagkain - kanin, carne at isda - ang catalonan na nagdadasal hanggang ‘pasukin’ ng anyito ang katawan niya at hinihimatay siya, bumubula ang bibig. Umaawit at dasal nang dasal ang mga tao hanggang matauhan uli ang catalonan at sabihin sa kanila ang sagot ng anyito. Kung ang panawagan ay para sa isang maysakit, maraming alay na ginto, kuwintas at mga alahas, upang ‘tubusin’ ang paggaling ng maysakit. Nagtatagal ang pag-aalay hanggang hindi gumagaling ang sakit.

Nang tanungin ko kung bakit sila nag-aalay sa anyito at hindi kay Batala, sabi nila na lubhang malaking poon si Batala at hindi maaaring kausapin ng kung sino na lamang. Sa langit daw siya nakatira, subalit dahil kaluluwa na sugo sa lupa ang anyito, nakakaharap niya si Batala at maaari siyang makiusap para sa mga tao.

Sa ibang puok, lalo na sa mga bundok, kapag namatay ang tatay, nanay o malapit na kamag-anak, nagtutulong ang mga tao sa pag-ukit sa kahoy ng isang estatua (wooden idols, larawan ang dating tawag ng mga Pilipino sa estatwa) bilang alaala (recuerdo, memorial) sa namatay. Nagpipitagan (respeto, cherish) sila sa mga larawan kaya sa isang bahay, natagpuan ang mahigit 200 estatua.

Ang mga ito ang tinatawag nilang anitos (mga anyito). Sabi nila na kapag namatay ang tao, nagiging anyito at nagsisilbi kay Batala kaya sila nag-aalay ng pagkain, alak at ginto sa mga ito upang makiharap kay Batala para sa kanila.

Pamahalaang baranggay.
Gaya sa Pintados (mga Visaya), wala ring pamahalaan ang Moros (mga taga-Manila). Mayroon lamang sila sa kani-kanilang puok na mga pinuno na pinagpipitagan at sinusunod nila. Ang mga pinuno ang nagpapairal ng mga batas na dapat sundin, at nagpaparusa sa mga may kasalanan. Sa mga baranggay (pueblos, villages) na may 10 - 12 pinuno, isa lamang, ang pinakamayaman, ang sinusunod ng lahat. Kinikilala nila ang mga matatandang familia, kaya malaking tulong din ito sa sinumang nais maging pinuno.

Kapag kailangang magpairal ng bagong batas, tinitipon ng pinakamataas na pinuno sa kanyang bahay ang lahat ng ibang pinuno. Nagtatalumpati (discurso, speech) siya tungkol sa maraming kasalanan na dapat ituwid ng mga bagong batas, at parusa sa mga tampalasan, upang matahimik uli ang baranggay. Itong sunduan (conferencia, meeting) ay hindi ginagawa ng Pintados dahil wala sa kanilang payag na pailalim sa ibang pinuno.

Pagkatapos ng talumpati, sumasagot ang ibang mga pinuno na tama ang mungkahi, at dahil siya ang pinakamataas na pinuno, maaari niyang gawin ang anumang nais niya at sila ay sasang-ayon (aproban, agree). Sa ganitong paraan, nagpapairal ng mga kautusan (reglas, regulations) ang pinuno para sa ikagiginhawa ng baranggay, lalo na’t marunong sumulat at bumasa ang mga Moro dito, ugali na hindi pa kilala ng mga katutubo sa ibang mga pulo (nuong 1582).

Sasang-ayon ang ibang mga pinuno sa mga bagong kautusan. Tapos, agad lalakad ang tagapaghayag (heraldo, town crier) na tinatawag nilang umalahocan. Ang umalahocan ay maaari nating ituring na mayordomo o administrador. Liligid siya sa

PAGHANAP SA MGA UNANG PILIPINO: Chronicles

Census At Analysis Ng Pilipinas Nuong 1582
‘Relacion de las Yslas Filipinas’   ni Miguel de Loarca

buong baranggay at mga kalapit na sakop ng pinuno, may dalang kulingling (campanilla, bell) at ipapahayag sa lahat ng tao ang bagong alituntunin at parusa sa mga lumabag. Sasagot ang mga tao na susundin nila ang mga kautusan.

Nakiusap, inalipin.
Mula nuon, sinumang lumabag ay dinadakip upang iharap sa pinuno, at pinarurusahan ayon sa panibagong utos. Kung ang parusang gawad ng batas ay bitay (ejucucion, death penalty), maaaring makiusap ang maysala na magpapaalipin na lamang siya sa halip na mabitay. Kung sa gayon, patatawarin siya at gagawing alipin.

Ang lahat ng ibang pinuno ay hukom (juez,judge) din sa kani-kanilang purok (district) subalit ang malalaking usapin (asunto, case) ay dinadala sa pinakamataas na pinuno. Ipinatatawag nito ang lahat ng iba pang pinuno upang pag-usapan at pagpasiyahan (consenso, agreement) nilang lahat kung ano ang magiging hatol (sentencia, judgment).

Karaniwang ang mga pinuno ang nagpapataw ng buwis (tribute) sa kanilang mga tao, subalit walang takdang halaga maliban sa pasiya (decision, decree) ng kinaukulang hukom.

Kasalan, paghihiwalay.
Katulad sa Pintados ang mga ugali ng Moros (mga taga-Manila) ukol sa bigay kaya (dote, dowry). Kaya kung sumuway ang lalaki sa pangako at humiwalay sa asawa, hindi na niya mababawi ang bigay kaya na aariin nang lubusan ng asawang babae. Gayon din kung ang babae ang humiwalay, kailangan niyang isauli ang bigay kaya na ibinigay ng asawang lalaki.

Kung sumiping sa ibang lalaki ang asawa at umalis ang asawang lalaki dahil sa pakiapid (adultery) doble ng bigay kaya ang kailangang isauli ng babae. Kung mag-asawa ng iba ang babae, the pang-2 asawa ang dapat magbayad ng bigay kaya sa iniwang lalaki, may patong pang multa na kapantay higit-kumulang ng bigay kaya, ayon sa hatol ng hukom na nagpasiya sa usapin.

Nakiapid, nahuli.
Kapag nahuli ng isang pinuno ang asawang babae na nakikiapid sa ibang lalaki, may karapatan siyang parusahan ang babae ng bitay. Pati ang ibang lalaki ay maaari niyang patayin nang walang ganti (sin castigo, with impunity). Kung isa lamang ang napatay at nakatakas ang pang-2 nakiapid, nagdidigmaan ang 2 angkan (familias, clans) hanggang mapatay ang maysala. Kung nakatakas parejo ang 2 nakiapid (adulterers), kailangan tubusin nila ng ginto ang kanilang buhay. Kung pinuno rin ang nakiapid, ang tubos (amortizacion, ransom) ay 100 tael (higit-kulang sa 4.2 kilo), 50 tael (timbang ng Intsik) bawat isa. Pagkabayad ng tubos, patatawarin ang nakiapid at magkaibigan na uli sila. Hindi kasing laki ang multa sa timaguas (mga timawa)

Asawa ‘sa labas’
Sinumang nahuling nakikiapid sa asawa ng iba ay pinarusahan. Kung datu of pinuno ng baranggay ang nahuli, binibitay. Pinapatay din ang lalaking sumiping sa ‘babae’ o asawa sa labas ng datu o maharlika.

Maari ring patayin ng lalaki ang kasiping ng asawa niya kung mahuli niya ang dalawa ‘sa acto,’ subalit kung nakatakas ang kasiping na lalaki, multa lamang ang parusa sa kanya. Hanggang hindi nababayaran ang multa, mahigpit na magkaaway ang 2 familia. Ganito rin ang batas sa mga timawa.

Digmaan.
Katulad ng Pintados (mga Visaya) ang mga gawi ng mga taga-Manila tungkol sa digmaan at pag-alipin ng mga bihag sa labanan (prisioneros, captives). Sinumang nabihag sa digmaan ay ginagawang alipin.

Nakawan, malaki at munti.
Mayroong batas ang mga katutubo ukol sa mga magnanakaw, ayon sa laki ng ninakaw. Kung hindi abot sa 4 taels o 20 pesos (1 guhit o .10 kilo) ang halaga ng ninakaw, kailangan lamang isauli ng nagnakaw at bayaran ang multa o anumang parusa na igawad ng hukom.

Kung 4 tael o higit pa ang ninakaw, ginagawang alipin ang nagnakaw. Kung abot sa isang cati (8 guhit o .8 kilo) ng ginto o higit pa ang ninakaw, malaking nakawan ang turing at mabigat din ang parusa. Binibitay ang nagnakaw, o kung nagmakaawa siya, inaalipin siya at ang buong familia niya o kung walang asawa, ang lahat ng kasama niya sa bahay.

Walang pitagan, patay!
May batas dito na bitayin ang sinumang lumapastangan o magsalita ng bastos sa isang pinuno. Kung kaya niyang tubusin ang kanyang buhay, dapat siyang magbayad ng 15 tael (mahigit kalating kilo) ng ginto. Nag-aambag ang mga kamag-anak upang bayaran ito. Kung

walang pambayad, maaaring humingi ng awa ang bibitayin, at magpapa-alipin na lamang siya sa pinuno na winalang-hiya niya.

Kung ang lapastangan ay isa ring pinuno o mataas na tao sa baranggay, pinagkakasundo sila ng iba pang mga pinuno ayon sa kanilang mga lumang gawi, at pinarurusahan ng multa ang maysala. Kung ayaw pumayag ang lapastangan, nagkakaroon ng digmaan ang 2 pangkat o baranggay ng mga pinuno.

Pagsira sa puri.
Batas din dito na kapag ininsulto ng isang timagua ang isa ring timaua, dapat magbayad ang lapastangan ng multa ayon sa hatol ng pinuno o hukom. Kung malaki ang insulto, malaki rin ang multa, higit sa karaniwang 5 tael (2 guhit o 1/5 kilo) ng ginto. Kung walang pambayad ang lapastangan, ginagawa siyang alipin ng winalang-hiya niya.

Maaaring magmakaawa ang lapastangan at umutang ng pambayad ng multa mula sa isang kaibigan o sa pinuno ng baranggay. Nagiging alipin siya ng sinumang nagpahiram ng pambayad. Hindi ginagawang alipin ang kanyang mga anak o mga kamag-anak, maliban lamang sa mga anak na isinilang habang siya ay alipin. Makakalaya siya kapag nabayaran nang buo ang multa o utang na pinambayad sa multa.

Umutang, inalipin.
Karaniwan ang pag-utang ng mga tagapulo kapag gipit, at magpa-utang upang makatulong. Kapag umutang sa pinuno ng baranggay, kailangang bayaran ang inutang pagkaraan ng takdang panahon na pinagkasunduan nila. Dagdag sa bayad, kalahati ng anumang tinubo ng umutang ay kailangang ibigay sa pinuno, kasama na ng utang na loob dahil pinautang siya.

Kung nalugi ang umutang at hindi makabayad, ginagawa siyang alipin. Pati na ang mga anak niya na ipanganak pagkatapos niyang maging alipin ay itinuturing na alipin din. Yung mga anak na ipinanganak nuong malaya pa siya ay nanatiling malaya.

Socio sa negocio.
May mga batas ang mga tao dito ukol sa 2 lalaki na naghati sa kalakal at kapwa nagpundar ng magkapantay na puhunan. Naglayag ang isa upang magkalakal habang naiwan ang isa sa baranggay. Kung dala ng naglakbay ang buong puhunan, salapi (ginto) o paninda, at nabihag siya ng mga kalaban o ng mga talipandas, kailangan siyang tubusin ng ka-socio na naiwan sa baranggay. Subalit kalahati lamang ng tubos (rescate, ransom) ang babayaran niya dahil ka-socio lamang siya. Ang bihag ay pinakawalan at wala na siyang dapat bayaran, kahit na yung pinambayad upang tubusin siya.

Kung naubos ang salapi o paninda dahil sa sugal o ginasta sa babae ng ka-socio, kailangang bayaran niya ang buong halaga ng ginamit niya. Pati ang mga anak niya ay inaasahang tumulong magbayad. Kung wala siyang pambayad, siya at kalahati ng mga anak niya ay nagiging alipin ng ka-socio na dinaya. Kung matapos bayaran ang winaldas na salapi o paninda, pinapalaya na sila.

Parusa sa pagpatay.
Ang batas nila ay sinumang pumatay ay dapat mamatay din. Subalit kung magmakaawa ang pumatay, gagawin na lamang siyang alipin ng familia ng napatay.

Kung alipin ang pinatay, lahat ng kasangkot sa pagpatay ay toka-toka nagbabayad sa panginoon ng halaga ng alipin. Tapos, hahatulan pa sila ng hukom ng anumang parusa, karaniwang dagdag na multa. Kung walang pambayad sa panginoon o ng multa, ginagawang alipin ang mga pumatay.

Kung timawa ang pinatay, bitay ang hatol sa lahat ng pumatay subalit pagkatapos mahatulan, maaaring piniliin ng pumatay na maging alipin na lamang siya, kung magmamakaawa siya.

Kung datu o maharlika ang pinatay, lahat ng tao sa baranggay na pinagpatayan ay ginagawang alipin; ang mga pinuno lamang ng pagpatay ang binibitay. Kung mapatunayan na hindi buong baranggay kundi sapakat (conspiracy) lamang ng isang pangkay ang pagpatay, ang 3 o 4 pinakapuno ng sapakat ang binibitay; and iba pang kasapakat ay inaalipin, pati na ang kanilang mga familia.

Pinasok ang bahay.
Binibitay ang sinumang umakyat ng bahay ng datu o maharlika sa gabi nang walang pahintulot. Pagkahuli sa kanya, karaniwang pinahihirapan muna upang isiwalat kung may kasapakat siya, o kung inutusan siya ng ibang datu o maharlika. Kung inutusan siya, hindi siya pinapatay, ginagawang alipin na lamang. Sa halip, ang nag-utos na datu o maharlika ang bibitayin, maliban na lamang kung bayaran niya ang multa ng ginto. Malaya na ang nag-utos na datu o maharlika pagkabayad.

Ang pinagkunan:   Relacion de las Yslas Filipinas, ni Miguel de Loarca, sinulat nuong Junio 1582, at bahagi ng
The Philippine Islands, 1493-1898, nina Emma Helen Blair at James A. Robertson, inilathala sa Manila, 1903,
Bank of the Philippine Islands commemorative CD re-release, 1998

Nakaraang kabanata          Balik sa itaas          Listahan ng mga kabanata          Tahanan ng mga Kasaysayan