Mga Alipin Ng Pilipino
At Ang Mga ‘Timagua’

SA BATAS ng mga indio, wala silang parusa ng bitay o ng pag-alipin kanino man, kahit na gaanong kabigat ang kanilang kasalanan, kahit na pagnakaw, pagsiping sa asawa ng iba, o pagpatay sa kapwa tao. At bawat kasalanan, sa gawi nila, ay may katumbas na parusa - multa lamang, at mas malaki ang kasalanan, mas malaki ang multa.

Ang multa ay dapat bayaran ng ginto o alahas at kung walang pambayad ang maysala, kailangan siyang umutang sa kaibigan o kamag-anak. Magpapaalipin siya sa nagpautang hanggang mabayaran lahat ng utang, nang siya ay magiging malaya muli. Sa ganitong paraan, maraming maysala ang nagiging alipin kahit na hindi pagkaalipin ang parusa sa anumang kasalanan.

Ang mga kasalanan na may mabigat na parusa, na maaaring matuloy sa pagkaalipin ng maysala, ay:

  • pagpatay sa kapwa tao (murder)
  • pagsiping sa asawa ng ibang lalaki (adultery)
  • pagnakaw ng malaking halaga (grand theft)
  • paghubad sa babae na mataas ang katayuan sa baranggay sa harap ng mga tao
  • paghabol o pagbuno sa kanya hanggang malaglag ang kanyang damit at makita siyang hubad ng mga tao.

Maliit at malaking nakawan.
Kung malaki ang halaga ng ninakaw, ang nagnakaw at lahat ng kanyang familia ay minumultahan nang malaki. Kung wala silang pambayad, silang lahat ay inaalipin, kahit na ang mga pinuno at mga tao na mataas ang katayuan sa baranggay. Minumultahan din ang pinuno kahit na alipin o alalay niya ang ninakawan, subalit hindi siya inaalipin kung hindi makabayad sa multa. Ang mga maysala lamang na hindi mataas ang katayuan sa baranggay ang ginagawang alipin kapag hindi makabayad sa multa.

Kung maliit lamang ang halaga ng ninakaw, ang nagnakaw lamang ang minumultahan, hindi kasali ang kanyang mga kamag-anak.

Nagpaalipin sa gutom.
Kung magkaroon ng panahon ng tag-gutom (famine), nagpapaalipin ang mga mahirap sa mga mayaman upang hindi mamatay sa gutom. Kahit na hindi tag-gutom at nagipit lamang ang mga dukha at walang ipakain sa sarili, lumalapit sila sa mga kamag-anak at nagkukusang maging alipin upang makaraos sa gutom.

May 3 clase ng mga alipin: ang ayuey, ang tumaranpoc at ang tomataban.

Aliping ‘ayuey’
Ang mga ayuey ang sukdulang alipin at nagsisilbi sa bahay ng kanilang panginoon (amo, master). Pati ang asawa ng ayuey ay nagsisilbi rin bilang alipin. Sa bawat 4 araw, 3 araw silang nagsisilbi at isang araw lamang ang pahinga nila. Sa lahat ng alipin, sila lamang ang binibigyan ng damit at pagkain ng kanilang panginoon. Pag namatay sila, lahat ng ari-arian nila ay kinukuha ng panginoon.

Halos lahat ng alipin na ipinagbili ng mga indio sa mga Espanyol ay mga ayuey. Ang halaga nila sa timbang ng ginto ay 2 tael (kulang-kulang 1/10 kilo) ng ‘labin sian’ (labing siyam), ang katumbas ng 12 pesos.

Aliping ‘tumaranpoc’
Magkapantay ang halaga ng mga aliping tumaranpoc at ng ayuey. Kaiba, ang mga tumaranpoc ay nakatira sa sarili nilang bahay, hindi sa bahay ng kanilang panginoon. At sa halip na magsilbi sila 3 sa bawat 4 araw, isang araw lamang sila nagsisilbi sa bawat 4 araw.

Maaari pa silang pumalya sa pagsisilbi, halimbawa kung nagsasaka sila o nangingisda sa dagat. Kailangan lamang bayaran nila ang panginoon ng 10 chicubites (510 litro) ng palay (arroz, husked rice).

Ang asawa ng mga aliping tumaranpoc ay nagsisilbi tuwing kalahating buwan. Kung mayroon silang mga anak na inaalagaan, gumagawa na lamang sila ng sinulid (hilo, thread) mula sa bulak (algodon, cotton) na dinadala sa kanila ng panginoon. Hinahawi rin nilang tela (cloth) ang mga sinulid.

Kapag namatay ang tumaranpoc, kinukuha ng panginoon ang lahat ng kanhyang ari-arian.

Aliping ‘tomataban’
Ang pang-3 clase ng alipin, ang tomataban, ay iginagalang sa lahat ng mga alipin. Ang halaga nila ay 1 tael (1/20 kilo) ng ginto, katumbas ng 6 pesos. Nagsisilbi lamang sila kung may pagdiriwang o handaan sa bahay ng panginoon. Inaasahan silang magbigay ng munting handog (regalo, gift) sa ganuong pagdiriwang. Nagdadala rin sila ng alak na gagamitin sa handaan.

PAGHANAP SA MGA UNANG PILIPINO: Chronicles

Census At Analysis Ng Pilipinas Nuong 1582
‘Relacion de las Yslas Filipinas’   ni Miguel de Loarca

Maliban dito, nagsisilbi sila sa panginoon 5 araw buwan-buwan, o bilang katumbas, nagbabayad sila sa panginoon ng 5 chicubites (255 litro) ng palay taon-taon. Ang pagsilbi ng asawa ng tomataban ay gumawa ng isang ikid (carrete, spool) ng sinulid buwan-buwan mula sa bulak na ibinibigay ng panginoon.

Kapag namatay ang tomataban, kalahati lamang ng kanyang ari-arian ang kinukuha ng kanyang panginoon, ang kalahati ay minamana ng kanyang mga anak.

Alipin 2,000 taon sa nakaraan.
May isang uri ng pag-alipin na sinimulan mahigit 2,000 taon sa nakaraan ng isang pinuno, si Dumaguer, sa pulo ng Bantayan (sa kanluran ng hilagang Cebu). Nilusob at winasak ang kanyang baranggay, ang Languiguey, ng mga taga-ibang baranggay. Bilang ganti, inutosan ni Dumaguer ang mga lumusob na pagkamatay nila, ipamana sa kanya ang 2 sa bawat 10 alipin nila, pati na ang ika-5 bahagi ng lahat ng kanilang ari-arian.

Ang ganitong alipinan bilang ganti ay unti-unting lumawak at naging gawi ng mga indio na namumuhay sa pampang ng dagat at mga ilog, subalit hindi naging ugali ng mga Tinguianes (mga Tinggian, ang mga tagabundok)

Ang mga ‘Timagua’
Ang mga malayang tao dito sa kapuluan ay tinatawag na mga timaguas (mga timawa). Hindi sila mga pinuno at hindi sila mga alipin. Ganito ang kanilang buhay:

Kung nais ng timagua na tumira sa isang baranggay, kailangang sumapi siya sa pangkat ng isang pinuno - karaniwang maraming pinuno ang bawat baranggay, at may kani-kanilang puok sila na tinitirhan ng kanilang mga kamag-anak, mga alipin at mga timagua na kampi sa kanila. Bilang alalay ng kakamping pinuno, ang mga tungkulin ng mga timagua ay:

Kung magbigay ng piging (banquet) ang pinuno, kailangang dumalo ang mga timagua dahil ugali na sila ang unang uminom sa pitarilla bago uminom ang pinuno. Kapag naglakbay ang pinuno, kailangan sumama ang timagua, dala ang kanyang sandata. Kapag namangka ang pinuno, ang mga timagua ang nagsasagwan, at nagtatanggol laban sa paglusob ninuman. Kapag nasira ang bangka, pinagagalitan ang mga timagua subalit hindi sila pinarurusahan.

Ipinagtatanggol, ipinaghihiganti
Sa kabilang panig, tungkulin ng pinuno na ipagtanggol ang mga timagua at mga kamag-anak nila laban sa sinumang nais na saktan sila nang walang dahilan. Nangyayari na, upang maipagtanggol ang mga timagua, nakakalaban ng pinuno ang sarili niyang mga kamag-anak, kahit ang kanyang mga anak o kapatid.

Kung magpunta sa ibang baranggay ang timagua at sinaktan siya duon, nagsisikap ang pinuno na lusubin, kasama ng buong pangkat niya, ang baranggay upang ipaghiganti ang timagua.

Dahil sa lahat ng ito, nabubuhay nang ligtas at malaya ang mga timagua. Maaari silang lumipat at kumampi sa ibang pinuno kahit kailan nila naisin dahil walang balakit na tatag upang pigilan sila.

Dasal at pahula sa kapalaran.
May ugali ang mga katutubo dito ng paghula sa darating na panahon, gamit ang mga ipin ng buaya o baboy damo. Nababasa rin nila sa buhol-buhol ng mga pisi (cuerdas, cords) kung ano ang mangyayari sa kanila. Sa mga pulong-pulong, nagdadasal sila sa kanilang mga diyos at mga ninuno, humihiling ng tagumpay sa kanilang mga digmaan o maligtas sa panganib ang kanilang paglalakbay. Ginagawa nila ang mga ito sa lahat ng balak nila.

Mga bihag sa pagsalakay.
Taon-taon, pag panahon ng bonanzas (bandang Abril-Mayo), ugali ng mga indio na nakatira sa pampang ng dagat at mga ilog, ang mga tagabaybay, na salakayin ang kanilang mga kaaway. Ang mga tagabundok ay sumasalakay pagkatapos nilang mag-ani ng kanilang palay (bandang Noviembre-Deciembre).

Dahil ugali nilang digmain o dambungin hindi lamang ang kanilang mga kaaway, kundi pati na ang kaaway ng kanilang mga kaibigan at kakampi, hindi sila nauubusan ng puok na masasalakay.

Sa kanilang dambungan, hindi nila pinapatay at sinisikap nilang mabihag nang buhay ang kanilang mga kaaway. Kung may pumatay sa bihag nila na sumuko na, ang pumatay ay kailangang magbayad sa bumihag. Kung wala siyang pambayad, ginagawa siyang alipin ng bumihag sa pinatay.

Ang ninanakaw nila sa dambungan ay karaniwang nagiging ari-arian ng mga pinuno ng sumalakay. Binibigyan na kaunting bahagi ang mga timagua na kasama nila dahil sila ang nagsagwan sa mga bangka.

Bago sila umalis upang mandambong, nag-aalay sila sa kanilang mga anyito sa isang kainan at lasingan na tinawag nilang maganito (nag-aanyito). Ang pinuno na gumasta para sa maganito ang tumatanggap ng kalahati ng lahat ng nanakaw sa dambungan. Ang nalabing kalahati ang pinaghahati-hatian ng iba pang mga pinuno.

Kung makabihag sila ng isang pinuno, hindi nila sinasaktan at inaalagaan nang mahusay. Upang mailigtas at mapalaya ang pinuno, tinutubos siya ng kaibigan o kamag-anak. Pagkabalik ng pinuno, doble ang ibinabayad niya sa tumubos sa kanya, bilang pasalamat sa pagligtas sa kanya. Kung walang tumubos, nananatiling bihag ang pinuno.

Kung bihag ang pinuno o namultahan siya dahil sa pagpatay o pagsiping sa asawa ng ibang lalaki, lahat ng kanyang kamag-anak ay nag-aambag (contribution) upang mapunuan ang pantubos (ransom) o ang multa (fine). Mas malapit na kamag-anak, mas malaki ang ambag. Kung walang sapat na yaman ang mga kamag-anak, nananatiling bihag o alipin ang pinuno.

Pautang at patubuan.
Kapag nagpautang sila ng palay, isang taon ang taning upang mabayaran ang utang dahil ganuon katagal ang pagtanim at pag-ani ng pambayad na palay. Kung hindi mabayaran pagkaraan ng isang taon, bibigyan uli ng isang taon pang taning subalit doble na ang bayad na palay. Kung hindi pa rin mabayaran sa ika-2 taon, doble uli ang singil.

Kaya ang isang sako ng palay na utang ay binabayaran ng 2 sako ng palay pagkaraan ng 2 taon, 4 sako pagkaraan ng 3 taon, at 8 sako pagkaraan ng 4 taon, at palaki nang palaki, taon-taon.

Ito lamang ang gawi nila sa patubuan (usury) bagaman at sabi ng iba, mayroon pa raw, subalit ang mga tao na nagsasabi nito ay mga walang alam.

Ngayon, may mga indio na umuutang upang pambayad ng buwis (tribute) sa Espanyol. May dagdag na patong ang ibinabayad nila sa utang na ito.

Singil sa buong baranggay.
May isang ugali ang mga katutubo dito na sobra at walang sentido comun (common sense). Halimbawa, kung may utang na 20 pesos ang isang indio sa isang taga-ibang baranggay. Kung nagtago siya at ayaw bayaran ang utang, bibihag ang taga-ibang baranggay ng kahit na sinong ka-baranggay ng umutang - kahit na hindi kaanu-ano ng may utang, kahit ni hindi kakilala - at pinipilit na magbayad ng 20 pesos.

Ang kaawa-awang bihag, pagkabayad ng 20 pesos at pagkabalik sa kanyang baranggay, ang sisingil naman sa balasubas (estafador, swindler) na ayaw magbayad ng utang. Kaso, doble ang singil niya, 40 pesos, dahil sa perjuicio ng pagbihag sa kanya. Ginagawa daw nila ito upang maiwasan ang digmaan kung lusubin ng nagpautang ang balasubas sa kanyang baranggay.

Hati-hati sa ‘mana’
Gawi dito na paghati-hatian ang mana (herencia, inheritance). Kay ang namatay ay may 4 anak, ang kanyang ari-arian, pati na ang kanyang mga alipin, ay hinahati sa 4 at pantay-pantay ang mana ng bawat anak. Kung may anak siya ‘sa labas’ (bastardo, illegitimate), wala siyang karapatang mana maliban sa kung anuman ang nais ibigay sa kanya ng ‘tunay’ na anak, o kung mayroon hinabilin ang tatay bago namatay. Kung nais ng namatay na mas malaki ang mana ng isang anak, maaari niyang ihabilin din.

Kung walang anak ang namatay, ang kanyang ari-arian ay pinaghahatian ng kanyang mga kapatid nang pantay-pantay. Kung wala siyang mga kapatid, ang mga pinsan niyang ‘buo’ (primos, first cousins) ang nagmamana nang pantay-pantay. Kung walang mga pinsang ‘buo,’ ang mana ay pinaghahatian ng sinumang kamag-anak.

(Munting paliwanag: Ang pinagmulan ng pinsang buo ay ang lumang taguri ng kapisan sa buho o pisang buho, tukoy ang alamat sa ika-7 kabanata nitong ulat ni Loarca, tungkol sa unang babae at lalaki na nagmula sa nabiyak o napatid na kawayan o buho. Wala silang mga magulang, kaya tinatawag ngayong ‘putok sa buho’ ang sinumang anak ‘sa labas.’ Ang patid na buho ang pinagmulan ng taguring magkapatid, at dahil nag-asawa ang unang babae at lalaki, ang tawag ngayon sa asawa ay kabiyak (ng kawayan). Matanda at malayo ang pinagmulan ng ating wika at dahil dito, lubhang mahalaga at dapat mahalin. -- ejl)

Ang pinagkunan:   Relacion de las Yslas Filipinas, ni Miguel de Loarca, sinulat nuong Junio 1582, at bahagi ng
The Philippine Islands, 1493-1898, nina Emma Helen Blair at James A. Robertson, inilathala sa Manila, 1903,
Bank of the Philippine Islands commemorative CD re-release, 1998

Nakaraang kabanata          Balik sa itaas          Lista ng mga kabanata          Tahanan ng mga Kasaysayan          Sunod na kabanata