Napigil Ang Digmaan
Sa Leyte Nuong 1601

LUMILIGID ang frayle sa kanyang mga visita (maliliit na baranggay na walang simbahan at dinadalaw lamang ng frayle linggo-linggo o mas matagal pa) nang matagpuan niya ang isang hindi binyagang indio na maysakit. Hinabilin niya sa isang matimtiman duon na turuan ng mga dasal at aral ang maysakit upang mabinyagan.

Inakala niya na mabubuhay pa nang matagal ang lalaki kaya aalis na sana siya nang biglang bumuhos ang malakas na ulan. Hindi nakaalis ang frayle at, sa tagal ng paghintay, tinuruan niya ang maysakit hanggang natutunan nito ang kailangang malaman. Bininyagan niya ang lalaki na iginaligaya nito. At biglang tumigil ang malakas na ulan.

Nagpatuloy ng pagligid ang frayle at pagkaraan ng araw, isang indio ang humabol sa kanya at ibinalita na namatay na ang maysakit na bininyagan niya. Nuon naisip ng frayle na sinadya siyang pinigilan ng Dios upang masagip niya ang kaluluwa ng isang yayao bago siya makabalik duon.

Nuong mahal na araw (cuaresma, Lent), nag-penitencia ang mga binyagan at malakas na dumaloy ang dugo sa mga sugat nila, sa paghataw sa sariling mga likod. Napilitan ang mga frayle na pigilin sila upang hindi magkasakit o mamatay. Pati ang mga batang lalaki ay humiling na payagan silang maghataw sa sarili kahit na lubhang musmos pa sila. Isa pang pahirap na ginawa ng mga binyagan,

PAGHANAP SA MGA UNANG PILIPINO: Chronicles

Relacion de las Islas Filipinas
ni Pedro Chirino, 1595-1602

Kasaysayan Ng Mga Pulo Ng Pilipinas
Isina-English nina Frederic W. Morrison ng Harvard University, at Emma Helen Blair

lalo na ang mga bata, ay ang lumigid sa baranggay hanggang sa simbahan, nakadipa ang mga bisig (brazos, arms) sa isang pirasong kahoy o kawayan, at may hawak na malaking bato sa bawat kamay. Magkatali sila dala-dalawa at pagkarating sa simbahan, naghahalinhinan - ang isa naman ang dumidipa at bumubuhat ng bato sa bawat kamay habang lumiligid sa baranggay.

Isang batang lalaki, 6 taon gulang lamang, ang lumapit sa frayle, masakit daw ang mata niya. Nakilala siya ng frayle, ang tinuruan niya ng Ave Maria nuong kamakalawa, kaya inutusan niyang magdasal sa loob ng simbahan at ialay ang kanyang panalangin sa mahal na Virjen. Pagkatapos magdasal, tumakbo ang bata at nakipaglaro na sa mga kasama niya. Nang tanungin ng frayle, sabi ng bata na nawala ang sakit niya sa mata nang magdasal siya sa mahal na Virjen.

Si Humbas, magiting na pinuno ng baranggay ng Ugyao (malapit sa Alangalang, sa hilaga ng Leyte), ay pinatay ng nakaaway na mga maharlika at nabingit ang buong pulo sa digmaan. Mabilis na pumagitna ang 2 frayleng Jesuit sapagkat kapwa mga catholico ang mga maharlika sa magkalabang panig. Suerte

naman, si Philipe Tipon, ang panganay ni Humbas, ay butihin at malapit sa mga frayle. Lahat ng kapatid niya ay binyagan din at nakikinig sa mga frayle.

Matagal nagsikap ang mga frayle upang unti-unti, napahinahon ang mga pinuno ng baranggay ng Tunga, kung saan sana sasabog ang digmaan. Mahalaga ang nagawa nila sapagkat habang abala ang mga pinuno, naglipana ang mga pusakal at mandarambong sa mga bundok. (Walang mga pulis nuon at ang mga pinuno ng baranggay ang nagpapairal ng katahimikan.)

May 12 mamamatay-tao na namumundok at sinalihan sila ng mga takas na alipin at mga masasamang tao, pati na ang mga babaing naglalako ng kanilang katawan at mga mangkukulam na nagtatago mula sa mga catholico.

Nang mapahinahon ng mga frayle ang mga nag-aaway na mga maharlika, isa-isang lumuwas ang mga talipandas, pati ang mga babae, at humingi ng tawad at parusa mula sa mga frayle. Naliban ang isa na, sapantaha ng mga Jesuit, siyang nagsimula ng gulo at pagtutulisan ng mga tao.

Ang pinagkunan:   Relacion de las Islas Filipinas, ni Pedro Chirino, SJ, inilathala sa Roma, 1604, at bahagi ng
The Philippine Islands, 1493-1898, nina Emma Helen Blair at James A. Robertson, inilathala sa Manila, 1903,
Bank of the Philippine Islands commemorative CD re-release, 1998

Nakaraang kabanata          Balik sa itaas          Lista ng mga kabanata          Tahanan ng mga Kasaysayan          Sunod na kabanata