![]() ![]() Ang Himagsikan Ng Mga Pilipino
Sinulat ni Apolinario Mabini
Isinalin sa Tagalog mula sa English translation by Leon Ma. Guerrero |
|
DUKHA pa rin at nanghihina na, nagbalik din sa wakas si Mabini sa kanyang munting dampa, isang bahay kubo sa Nagtahan, Manila, nuong Febrero 1903, at namuhay nang nag-iisa, matapos ng kanyang mahaba at malungkot na pagkakatapon sa Guam. Hindi nagtagal, mahigit 2 buwan lamang, nahawa siya sa cholera na lumaganap bunga ng matagal na himagsikan at digmaan sa Pilipinas. May pahayag na lubhang nalugod sa muling paglasa sa gatas ng kalabaw, na nuon ay hindi iniinit (un-pasteurized) upang mamatay ang mga microbio. At nuong Mayo 13, 1903 namatay ang ulilang bayani. Ngayon, pagkaraan ng 100 taon, maniwaring saklaw pa rin ng mga kataga niya ang kasalukuyang buhay at pagsisigasig ng mga tao. Kasunod ang 3 balik-tanaw sa kasaysayan at buhay ng mapag-pasakit na bayani. |
|
tumulong sa pamamahala ng mga Amerkano. Ang balintunang ito ay isa lamang sa marami na danak sa buhay at mga sulat ni Mabini, maniwaring dahilan kaya bihira siyang paksain ng mga manalaysay.
Hiwalay na sa himagsikan si Mabini nang isulat niya ang La Revolucion, hiwalay sa malayong pulo ng Guam, at hiwalay sa init ng labanang patapos na bagaman at may mga pangkat-pangkat pang nakikibaka sa mga bundok at gubat ng Pilipinas. Mula sa ganitong pagtanaw, pinagkabit-kabit niya ang mga pangyayari sa Pilipinas at sinadya ng dunong niya na isaliw ang gunita ng mga pagkakataong hindi sinamantala:
|
Marami pang mga ‘kung’ sa kasaysayan, ngunit daig na panguna ang isa -- kung hindi nagtaksil ang mga pinuno at inako ang himagsikan para sa kanilang sari-sariling kapakanan. Ipinagduldulan ni Mabini na ang himagsikan ay nagmula, at nasasa mga tao. Na ang himagsikan ay lawak at pangkalahatang paglisan sa kapayapaan ng mahinahong pagbabago at pagbaling sa marahas at mapanganib na pagwasak ng lumang palakad at pagtataguyod ng bagong pamahalaan, bunga lahat ng pangangailan ng mga tao na mapagbuti ang kanilang kalagayan. Ang nasang mapagbuti ang buhay ay atas ng kalikasan, ayon kay Mabini, at mistulang bahagi ng kasaysayan ng tao, at kapag inantal ng may-kapangyarihan ay sumasabog sa isang himagsikan. Ngunit ang himagsikan ay politica, at ibinunyag ni Mabini ang panganib na likas dito, na pangahasan ang pagsisikap ng madla (sa katauhan ni Andres Bonifacio) ng pangkat ng mga maykaya upang ibahin ang mga adhika, nang masarili ang pamunuan, at biyaya, ng pagsisikap (sugo ang kataksilan ni Emilio Aguinaldo at ng mga kasapakat). Kay Mabini, magka-tuligsa, lubusang magkalaban, ang paglingkod sa tao at ang pagtangkilik ng sariling kapakanan. Maaari, sabi niya, at kinakailangan, na pangatawan ng pinuno ang mga hangarin ng madla, at ganap ang himagsikan sa sandaling lubusang napag-isa ang mga tao at pamunuan, samantalang mismong ang pagkakaroon ng kapangyarihan sa sandaling iyon ang siyang bumubulok sa mga pinuno. |
Ngunit ang panganib na tinuran ni Mabini, ang paglihis ng mga hangarin ng himagsikan upang magpagsilbihan ang sarili ay naganap dahil ang kabutihan at katwiran, katwa sa akala ni Mabini, ay hindi likas sa mga pinuno at, kung tutuusin, hindi rin likas sa mga tao mismo. Walang ipinanganak na butihin, at walang butihin palagi. Ang pagtanto niya na ang himagsikan ay ang malawak na pagkaka-isa ng pinuno at ng madla ang dahilang tinuring niyang mga away-away lamang ang mga naunang aklasan. Ngunit ang pagiging ‘isang tao’ ng mga pinuno at madla, ang tinawag ni Mabini na ‘sandali ng himagsikan’ ay pag-irap sa katunayang pangkat-pangkat ang mga pinuno, pati na ang madlang naghihimagsik mismo. Sa madaling salita, hindi angkop na ituro ang isang kumpol ng mga Pilipino at sabihin, ‘Sila ang mga tao.’ |
|
Maraming kahulugan ang ‘tao’; maging si Mabini ay gumamit, salit-salit, ng 2 magkaiba:
Ang pagturing sa ‘tao’ bilang pagiging isa ng marami ay nagawa lamang sa balik-tanaw, nang bagsak na ang himagsikan, sa hangad ni Mabini na bigyan katuturan ang aklasang hindi niya napaghandaan bago ito sumabog, at hindi niya nabigyan hugis nang ito ay nagaganap na, matama man niyang tinangka sa pamahalaan ni Aguinaldo habang nag-aalab na sa buong paligid ang digmaan. Mahalaga kay Mabini itong pagsalit-salit ng 2 kahulugan ng ‘tao’ sapagkat |
batay dito ang kanyang panaghaw ukol sa himagsikan - anuman ang hangarin at pangangailangan ng mga tao, ang himagsikan ay hindi lamang pagtupad sa mga ito kundi ang pagbabago na rin ng mga hangarin at pangangailangan mismo. Pag-angat ng damdamin at pag-iisip ng mga tao, samakatuwid, ang politica na hinirang ni Mabini na kailangang matutuhan ng mga tao.
Katuwang ang sanga ng politica ng himagsikan, ayon kay Mabini: Una, kailangang magkaroon ng mahigpit na samahan, partido o lipunan; at pang-2, malinaw na tuntunin at pagtanto kung ano ang mga dapat ganapin. Gayun lamang magiging binhi ang mga hangarin, nasa at pagkukulang na madama ng mga tao ng pababago ng lipunan, at ng mga tao. Mabilis at marahas ang mga pangyayari, naging masyadong abala si Mabini sa pagkupkop at pagsusulong ng pamahalaan upang maiwasto ang hugis ng himagsikan, ngunit nanatili ang panalig niyang ang himagsikan ang binhi ng pagbabago at pagiging malakas ng lipunan. Kaya ang kasaysayan niya ay may lamang banta ng maaaring mangyaring paulit-ulit na aklasan na magpapa-walang halaga sa pagwa-wakas ng himagsikan. |
Mapayapang pagpapalaya Malaki ang tiwala at hanga ni Taft kay Mabini, sinangguni pa niya tungkol sa pagbubuwis sa mga Pilipino, at sa pagpaparangya sa buong kapuluan, dahil sa tanyag na dangal at kakayahan nito. Ngunit tinanggihan ni Mabini ang alok, tulad ng pagtanggi niya, nuong nakatapon pa siya sa Guam, ng alok na maging isa sa mga pinunong hukom ng Pilipinas. Ninais ni Mabini na maging karaniwang tagapagsulat na lamang sa mga pahayagan sa Manila, sapagkat sa paligsahan ng pagsakop ng mga Amerkano at paglaya ng mga Pilipino, siya ay tatag sa panig ng mga tao. Nang sumumpa si Mabini at tanggapin ang pagsakop ng America sa Pilipinas, nagbunyi ang mga taga-Manila na nakiki-apid sa mga Amerkano, tulad nina Pedro Paterno at Trinidad Pardo de Tavera, na hangad isapi ang kapuluan sa America at hadlangan ang mga Pilipino na magkaroon ng sariling pamahalaan sapagkat ‘likas na walang kakayahan ang mga tao’ na ganapin ito. |
Salungat sa akala nila, pasiya ni Mabini, ayon na rin sa isinulat niya sa La Revolucion Filipina, na ipagpatuloy itaguyod ang paglaya ng Pilipinas bagaman at tinanggihan na niya ang paggamit ng dahas at digmaan sapagkat ito ang pasiya ng mga tao. Nangyari pa na sumangguni rin kay Mabini si General Luciano San Miguel, namumuno pa rin nuon ng mga naghihimagsik laban sa mga Amerkano, kung ano ang dapat gawin sa mga darating na panahon.
Kararating ko lamang, ang unang sagot na liham ni Mabini, at wala pa akong sapat na kaalaman sa mga kasalukuyang kalayagan upang magbigay ng payo ngunit sa ipinangakong kasunod na liham, ipinayo niya na lalo lamang manghihina ang mga tao sa patuloy na pakikipag-digmaan, na maaari pang matuloy sa paghahamok ng mga Pilipino laban sa mga kapwa Pilipino. Sa ngayon, sulat ni Mabini, piliin natin ang mapayapang pagsigasig na maging malaya, labag man sa ating damdamin at hangarin, sapagkat ito ang pasiya ng karamihan. Hayaan, tulungan nating mapagbuo muli ng mga tao ang mga nawarak nilang pamumuhay. |
Napatay si San Miguel bago natanggap ang pang-2 sulat ni Mabini, ngunit sa isa pang liham kay Taft naman nuong Abril 1903, maliwanag ang pasiya ni Mabini na magsikap mapalaya nang mapayapa ang bayan sa pagturo sa mga tao ng tinawag niyang himagsikan ng kaluoban: Hindi makakamit ang kalayaan kung walang magandang kaluoban; at kapag hindi sumunod sa mabuti ang mga naghihimagsik, ang himagsikan ay masasawi. Ipinilit ni Mabini na kailangan itong ‘himagsikan ng kaluoban’ bago pa simulan ang digmaan sapagkat ito ang atas ng kalikasan, at hindi patatawarin ng Tadhana ang anumang kalabisan at pang-aapi na gawin ng mga Pilipino. Panalig si Mabini na nakatakda sa mga Pilipino na maging sandata ng Diyos sa pagtutubos ng buong lahing Malay mula sa pagsakop ng mga dayuhan nuon. |
|
Katuwang sa kapangyarihan na maging sagisag ng kalayaan ng lahi, nakapasan sa Pilipino ang tungkulin na makamit ang kalayaang ito.
Sa tingin niya, ang kasaysayan ng bayan ay nagsisilbing hatol, gaya ng kinatakutan ni Andres Bonifacio, at walang patawad na gawad sa sinumang lumabag. Sa madaling sabi, ang pagiging sakop at hindi malaya ay kasalanan ng mga tao na rin, at nararapat na aba ang maging tingin sa Pilipino ng mga taga-karatig bayan dahil sa pagkagapi ng himagsikan. Hindi sapat na maging malaya ang Pilipino lamang, sa tingin ni Mabini. Lalong nagiging tiyak ang pagkatalo sa Amerkano, lalo namang binigyan ni Mabini ng halaga ang layunin ng himagsikan. Nang tumakas ang mga kasama niya upang maki-apid sa mga Amerkano, kinutya niya sa pagiging maramot, ang mga sarili lamang ang tinangkilik, sukat ika-sadlak ng |
kapakanan ng bayan, tinalikuran ang pagkakataon, ang tungkulin, na ganapin ang himagsikan bilang ‘sagisag ng kalayaan at kabihasnan sa buong timog silangan, upang bigyang liwanag at pagyamanin ang lahing Malay mismo at ihatid ito sa landas ng karangalan at pag-unlad.’
‘Huwag nating kalimutan na tayo ay nasa unang baytang ng ating buhay bilang isang bayan,’ sulat ni Mabini isang taon pa bago siya nakaalis sa Guam, ‘at panawagan sa ating umakyat nang buong dangal at pagka-bayani; higit sa lahat, huwag nating kalimutan na kapag hindi natin mapagbuo ang bayan, tayo ay papanaw na mga musmos pa, walang pinagkalakihan.’ Pahiwatig niyang matagal at mahabang panahon ang kailangan upang maganap ang pagka-bansa ng Pilipino ngunit, pagkaraan ng daan-daang taon bilang indio, nagkaroon sa wakas ng pagkakataon ang Pilipino na magtaguyod ng sariling buhay. |
Ang pag-asa ni Mabini ng panalig ng mga pinuno sa mga tao ay lantay sa panawagan niya sa mga tao na magsigasig at manatiling mabuti upang makalaya. Kaya tumulong at tapat na kumampi si Mabini kay Emilio Aguinaldo sa paniwalang kinakatawan ni Aguinaldo ang mga hangarin ng mga naghihimagsik, subalit sunud-sunod ang mga nangyari na humantong sa pagpalit sa kanya ni Pedro Paterno. Kilala ni Mabini ang pangkat ni Paterno bilang mga mayamang taga-Manila na walang hangad kundi ang pagsikat ng mga sarili, ang pagkamal ng mga ari-arian at pagpapalago ng kayamanan, hinikayat pa si Aguinaldo na magtatag ng bangko na magpapautang sa pamahalaan ng himagsikan, kaya malamang tinanggap ni Mabini ang pagpapa-alis sa kanya ni Aguinaldo bilang huling pahiwatig na hindi na itinuturing ni Aguinaldo na ‘isa’ siya sa madla. At nalantad si Aguinaldo bilang gahaman lamang sa kapangyarihan at walang pakundangan sa kapakanan ng mamamayan, ‘walang pagkatao,’ wika ni Mabini. |
|
Wala nang kakampi Wala na si Jose Rizal, si Andres Bonifacio, pati si Antonio Luna, nasawi na ang himagsikan, at nang mahubaran si Aguinaldo, nabatid ni Mabini na wala na siyang kakampi, ngunit hindi natinag ang kanyang pananalig sa kakayahan ng mga tao na magkamit ng kalayaan, animo’y natanto pa niya ang kanyang dapat gampanan sa patuloy na pagsisigasig ng mga tao, kung ano ang maitutulong niya upang makamit ang mga hangarin ng bayan. Hindi siya umuwi muli sa Pilipinas upang ‘dito na lamang mamatay,’ pahayag |
niya sa kanyang pagbalik, kundi upang tumulong sa pasiya ng mga tao na magsikap sa kapayapaan, kailangan man niyang talikuran ang lahat ng pagkakataong maparangya ang sarili, mapasarap ang kanyang buhay.
Ngunit maigsi ang hirap na buhay ni Mabini, at nang pumanaw siya, wala nang nalabi kundi ang pamana niyang mga adhika at pangaral sa mga tao. Mga pangaral ng kabutihang luob, pagsisikap at dangal na dantay pa sa mga Pilipino ngayon upang itanghal at tularan nila, dahil sa pag-unawa lamang sa mga pangyayaring naghugis sa kasalukuyan maaari nilang malaman ang mainam na landas papunta sa kinabukasan. |
3. Lumitaw, paglipas ng panahon, ang sabwatan ng mga ilustrado at ng mga mayamang haciendero ay upang mapagbuti ang mga sarili, sa halip na mapalaya ang Pilipinas. Isiniwalat ni Mabini ang pangahas ng mga ilustrado tulad nina Pedro Paterno at Felipe Buencamino na pamunuan ang pananalapi ng pamahalaan ng himagsikan, at magpayaman sa mga sarili.
Kahit si Aguinaldo ay nagpakita ng gahaman at pagsasamantala upang mapa-unlad o mailigtas ang sarili. Walang isang buwan pagkabihag ng mga Amerkano ni Colonel Frederick Funston sa Palanan, Isabela, sumumpa na siya ng panalig sa America at nanawagan sa ibang naghihimagsik na sumuko na rin. Tumiwalag uli ang matanda nang Aguinaldo nuong panahon ng |
Hapon, kumampi at nagsilbi sa mga mananakop.
4. Natanto rin ng mga karaniwang Pilipino na, hindi tulad sa mga Español, hindi malupit o mapag-samantala ang mga Amerkano. Pagdating ng mga guro mula sa America, nakamit ng mga tao ang hinahangad na makapag-aral at matuto ng kabihasnan. Binuwisan din sila ng Amerkano, tulad ng Español, subalit kung magpa-trabajo ang mga Amerkano, nagbabayad ng sueldo, hindi walang bayad tulad ng Español. At sa paglatag ng maraming lansangan at iba pang gawaing bayan, sa pagtanghal ng mga Pilipino sa Batasan Bayan at pangako ng napipintong kalayaan, napanatag ang mga tao sa pagkamit ng mga hangaring ipinaglaban nila sa himagsikan. |
Si Mabini ang nanlumo sa kawalang katapatan ni Aguinaldo, ang pinunong tinulungan at itinanghal niya nang buong puso, pati na sa pangahas ng ibang Pilipino sa mga kapwa Pilipino, sa gahaman ng mga ilustrado at pag-api ng mga katipunero sa mga tao*. Nang panguna pa siya sa cabinete nuong Junio 19, 1898, sumulat siya ng atas upang supilin ang kalabisan ng mga sundalo ng himagsikan subalit hindi pinansin ni Aguinaldo ang atas o ang mga abuso. Hindi natapos ang pighati ni Mabini nang mabihag siya ng mga Amerkano nuong Deciembre 10, 1899. Ikinulong siya sa sariling tahanan, bago ipinatapon sa Guam nuong 1901 sapagkat ayaw niyang pumanig sa mga Amerkano, bagkus patuloy na inudyukan ang mga tao na ipaglaban ang kanilang kalayaan. Sanay sa hirap si Mabini, lumaki sa dalita bagaman at principale ang mga magulang - cabeza de baranggay ang ama, at nakapag-aral nang kaunti ang kanyang ina. Guro ang kanyang lolo, si Juan |
Maranan, at ito at ang ina ang unang nagturo sa batang Mabini bago nakapasok sa Colegio de San Juan Letran nuong 1881, at nakatapos ng pagka-abogado sa Universidad de Santo Tomas nuong 1894.
Upang tustusan ang pag-aaral, nagturo ng Latin si Mabini at naging taga-copia sa hukuman sa Manila (Court of First Instance). Duon niya naging amo at kaibigan si Numeriano Adriano na nagmulat sa kanya ng lumalawak na pagka-makabayan ng mga Pilipinong nakapag-aral tulad niya. Huli na nang nagpasiya si Mabini na iukol ang buhay niya sa pagbubuti ng bayang Pilipino, sa mapayapa at mahinahong paraan ng La Liga Filipina ni Jose Rizal* na sinapian niya bago siya nagkasakit ng polio mellitus at nalumpo nuong bandang 1896. [ * Nagnanakaw ng pagkain ang mga katipunero pagkalabas sa kanilang lalawigan, nanggahasa pa ang iba. * Naipatapon na si Rizal sa Dapitan nuong 1892 pa. -- ejl ] |
Nuong Agosto ng taon na iyon sumambulat ang himagsikan ni Andres Bonifacio, dati niyang kasapi sa Liga bagaman at tinanggihan niya ang dahas at lagim ng binalak nitong himagsikan. Gayon man, dinakip din si Mabini ng mga Español at ipiniit kasama sa iba pang kasapi sa Liga sa salang kasabwat sila sa himagsikan. Ang pagka-lumpo lamang ni Mabini ang nagligtas sa kanya sa pahirap, pagpatapon at pagbitay na dinanas ng mga kapwa niyang ilustrado. Ang pait na sinapit niya at ng mga kaibigan, lalo na ang pagbitay nuong Deciembre 1896 sa pinupintuho niyang Rizal, ang nagtulak kay Mabini na pag-ibayuhin ang sigasig niya para sa bayan. At nang nasaksihan niya ang lawak at init ng pakibaka ng mga tao, lalo na sa Cavite at iba pang puok na lubusang inalipin ng mga frayle, bumalikwas si Mabini at nagbago ng pagtangi. Kung pasiya ng bayan na palayasin ang mga |
Español at lumaya mula sa kaharian ng España, ito ang kanyang itataguyod. Iniwan ni Mabini ang mapayapang pagsanib sa España at pagiging Español na panawagan ni Rizal, at inako ang lubusang kalayaan ng himagsikan ni Bonifacio. Mula nuon, itinaguyod ni Mabini ang kapakanan ng karaniwang tao, anuman ang parusang ipataw sa kanya ng Español*.
[ * Sinulat ni Mabini nuon ‘Ang Tunay na Sampung Utos ng Dios’ (Decalogo) at iba pang pangaral na magpapalakas sa mga tao sa kanilang paglaban para makalaya. At bilang gabay at hantungan na matatanaw ng mga naghi-himagsik, sinulat niya ang ‘Panukala sa Pagkakana nang Repúblika nang Pilipinas’ na nabasa ni Aguinaldo pagbalik sa Pilipinas nuong Mayo 1898 at dahilang ipinasundo niya si Mabini. Subalit, tulad sa pagsapi niya sa Kalampagan sa Ikabubuti (Propaganda Movement), huli na rin ang pagsapo ni Mabini sa himagsikan. Ipinapatay ni Aguinaldo si Bonifacio nuong Mayo 1897 pa, matapos agawin ang pagka-supremo ng Katipunan sa Tejeros, Cavite. -- ejl ] |
Nahati ang himagsikan, na ikinasawi ng hangaring mapalaya ang bayan. Nuong una, lawak sa Katipunan ni Bonifacio ang mga maralita subalit kaiba ang layunin ng mga kasaping mayayaman at principale. Walang tiwala itong mga ilustrado sa mga walang pinag-aralan at lalong ayaw nilang mapasa-ilalim o maka-pantay man lamang ang itinuring nilang mga taga-bitbit (cargadores) lamang. Maralita rin, bagaman at principale at ilustrado, namagitan si Mabini sa 2 pangkat, sinikap ipatupad sa mga pinuno ng pamahalaan ang mga hangarin ng madla: “Ang unang tungkulin ng pamahalaan ay tapat na tuparin ang mga hangarin ng |
mga tao.”
Buong sipag niyang itinatag ang pamahalaan ni Aguinaldo, ang paggawad ng katarungan, ang pagpili at pagtipon ng mga kinatawan ng bawat lalawigan sa gagawing batasan (congress) ng himagsikan, minungkahi ang mga tungkulin ng mga gawad ng pamahalaan ng himagsikan, at ang dapat na turing ng mga pinuno sa kanilang mga kawani. Panata siya sa democracia, subalit para mapatibay ang bayan laban sa pumapasok na hukbong Amerkano, sinamo ni Mabini kay Aguinaldo na mag-dictador muna hanggang matapos ang bakbakan. |
Kinalaban siya ng mga kinatawan ng mga lalawigan na nagtitipon nuong Septiembre 1898 sa simbahan ng Barasoain sa Malolos, Bulacan. Mga principale na hangad manatiling pinuno sa kani-kanilang purok, bagkus angkinin pa ang mga dating pagha-hari ng mga tumakas na Español at frayle, hinirang ng karamihan na republica ang itatag na unang pamahalaan sa Pilipinas. At upang mapatibay ito, inako ng mga kinatawan na bumuo ng isang constitucion, sa panulat ni Felipe G. Calderon. Sa gulo ng digmaan, angal ni Mabini, dapat bigyan ng kapangyarihan ang mga pinunong Pilipino na gawin ang kailangan sa ikata-tagumpay - gaya ng pag-alis ng kalayaan ng mga tao o pilitin silang gumanap sa bakbakan - nang |
walang constitucion na nilalabag.
Kumampi sa mga kinatawan at kapwa principale si Aguinaldo upang manatiling pinuno ng Pilipinas, sukat ika-sadlak ng mga tao, at pina-iral ang constitucion ni Calderon nuong Enero 1899. Pinilit pa rin ni Mabini na sapuhin ang nalalagas na digmaan laban sa mga Amerkano kahit inalis na siya sa katayuan sa pamahalaan ng himagsikan. Kahit nuong napatay si Antonio Luna, ang nalalabing principale na tulad niyang kampi sa karaniwang tao. Kahit nuong Deciembre 1899 nang nabihag siya ng mga Amerkano sa Nueva Ecija. |
Napipi lamang ang tinig ni Mabini nang ipatapon siya sa Guam nuong 1901, ang kahuli-hulihang pasakit na sumugat sa ulirang bayani. Hindi siya inabuso o pinahirapan duon. Pinayagan siyang sumulat* at lumibot, tinuruan pa siya ng English ng kanyang mga bantay habang tinuruan niya naman ang mga ito ng wikang Español. Subalit sukdulan ang pighati niya sa pagkawalay sa tinubuang lupa, ang bayang pinag-alayan niya ng kanyang sikap at buhay. Awa sa kanya ang ilang pinuno ng America, pati na si Senator George Hoar, na nanawagang palayain siya. Subalit matigas ang ibang pinunong |
Amerkano, kabilang sina Elihu Root, ang kalihim ng digmaan, at si William Howard Taft, ang Amerkanong governador sa Manila. Hanga rin sila sa dunong at dangal ni Mabini, bagkus higit pa, paulit-ulit inamin ni Taft. Subalit si Mabini, sulat ni Taft, “ang pinaka-masugid na katunggali sa mga Pilipino.” At dahil dinidinig si Mabini ng madla, takot si Taft na magkaruon uli ng digmaan kung pabalikin siya nang hindi sumusumpa ng panalig sa America.
[ * Duon at nuon niya sinulat ang La Revolucion Filipina. -- ejl ] |
Nagtalo ang kaluoban ni Mabini nang 2 taon sa Guam, panahong lubha ang kirot ng kanyang mga sugat sa katawan at damdamin, bago niya natantong nagpasiya na ang mga tao sa Pilipinas na mabuhay nang mapayapa, magpagaling sa sarili. Sumang-ayon uli si Mabini sa hangad ng madla, at nuon lamang siya pumayag na kumampi na sa Amerkano. Nagbunyi lahat, Pilipino at Amerkano, pagbalik ni Mabini sa Pilipinas nuong 1903, sa kanya-kanyang dahilan. Akala ng mga principalia na naki-apid sa mga Amerkano na tutulad sa kanila si Mabini. Akala ng mga Amerkano na tatanggapin ni Mabini ang inalok nilang mataas na tungkulin sa pamahalaan. Nasawi silang lahat nang tumanggi si Mabini. Subalit nasawi rin si Mabini sa panawagan niyang sikapin ang lahat upang magkamit ng kalayaan, sukat tulungan ang mga Amerkano sa pamahalaan kung kina-kailangan. Iniwan siya ng minamahal niyang madla, abalang abala |
sa pagsunod sa pinamudmod na kabihasnan at makabagong kaalaman ng America, at tinuring na walang kabuluhan ang panawagan niyang palayain ang Pilipinas.
Naiwan siyang nag-iisa sa kanyang dampa sa Nagtahan, at nilimot hanggang namatay siya walang 3 buwan pagkabalik mula sa Guam. Dagsa ang mga nakipag-libing, subalit nilimot siya uli nang halos 50 taon*. Nuong natupad lamang ang pangarap niyang makalaya ang Pilipinas muling ‘natuklas’ si Mabini, muling nasukat ang tayog ng kanyang pag-iisip, muling naunawaan ang mga sugat na dinama niya sa ngalan ng bayan. [ * Pinarangalan si Bonifacio at si Rizal ng mga sariling bantayog, subalit walang monumento o estatua ni Mabini na itinayo, gayong kasing sidhi ang sikap niyang maging malaya ang bayan. -- ejl ] |
Mabini and the Philippine Revolution, by Cesar Adib Majul, University of the Philippines Press, Quezon City, 1960
|
|
Nakaraang kabanata Tahanan ng mga Kasaysayang Pilipino Balik sa itaas Bayani: Hindi Karaniwang Pinoys at Pinays Lista ng mga kabanata |