Balintawak Apolinario Mabini     The PHILIPPINE REVOLUTION   Written by one the greatest heros of the doomed struggle

Ang Himagsikan Ng Mga Pilipino
La Revolucion Filipina

Sinulat ni Apolinario Mabini
Dakilang Bayani at Utak ng Himagsikan

Isinalin sa Tagalog mula sa English translation by Leon Ma. Guerrero

Pangwakas

PATAWARIN ako kung, dala ng pagtahak sa mga pangyayari, napaka-pait ng mga dinatnan kong mga pagtanto, hinangad ko lamang na maging tunay na mag-usisa at maglahad ng totoo. Aking nasa sa pagsulat ng mga karanasang ito na tuntunin ang mga mahahalagang aral ng mga lumipas upang maunawaan ang mga nagaganap sa kasalukuyan at sa mga darating na araw.

Sinikap ko sa aking pagsulat na walang kampihan at walang tuligsain, at hatulan ang mga pangyayari at hindi ang mga tao, ngunit sa pagsuri ko sa himagsikan, hindi ko naiwasang usigin ang isang lalaki, hinatulan ko siya na hindi nakiming magpapatay upang angkinin at masarili niya ang himagsikan mula sa una hanggang katapusan. Tiyak ko na aking inilahad ang mga pangyayari ayon sa pagka-saksi o sa pagkarinig ko sa mga ito, at ang aking mga pahayag ay sapat at walang pakana, subalit kung mayroon akong pagkamali, o mayruon akong nakaligtaan, handa akong isaayos ang mga ito.

Sa aking mga pahayag, madalas kong binanggit ang sarili hindi upang maging tanghal at iangat ang sariling upuan kundi upang ipahiwatig lamang na kasama ako sa mga gumanap ng mga pangyayari, bagaman at kung minsan ay bilang

saksi lamang sa makahalagang dula ng himagsikan, upang matanto ng bumasa hanggang saan mapagkakatiwalaan ang aking mga pahayag.

Hindi masama ang magsuri ng lumipas upang timbangin ang dami ng ating mga pagkakamali, ng ating pagkukulang, ng saan tayo mahina; sinumang nagkusang umamin ng mga kasalanan ay nagpapakita ng katapatan at pagsang-ayong iwasto ang mga pagkakamali at ng hilig matututo sa mga pagkakamali. Ang masama ay ang itago ng mga mali, nagpapalakas loob sa mga masasamang budhi at, kapag natuklasan ng ibang tao, nagbabahid sa karangalan sa halip na mapagbuti ang katauhan.

Nais ko sana na gawing taginting ang pahayag na ito ng kasaysayan ng Pilipinas, pagtabihin ang mga kakayahan at kakulangan ng mga gumanap, ang mainam at ang masagwa sa bawat samahang nasangkot, upang ipakita na dito sa daigdig, kahit ang pinaka-mahusay ay may dungis. Ngunit hindi sapat ang aking kakayahan upang tupdin ito. Una na, ang ganitong pagsusuri ay kailangang gawin sa mahabang panahon, at ang panahon ko ay maigsi na. Kaya nagkasiya na akong isiwalat na lamang ang aking mga alam upang magbigay daan, sa mga darating na panahon, sa mga ibang higit na mahusay magsuri at sumulat ng salaysay ng Pilipinas.

Napatay Sa Caloocan Mapatay sana si Aguinaldo

Mabalik ang paksa kay Ginoong Aguinaldo, ang aking mga inulat nang walang galit at pagtupad lamang sa nadama kong tungkulin, sana ay huwag makadagdag sa kanyang sama ng loob at, sa halip, ay makagising sa kanya upang magsikap maiwasto at mapagbayaran ang kanyang mga kasalanan, nang siya ay mabalik sa karangalan at pagtangkilik ng mga tao. Nuong ako ay bilanggo na ng mga Amerkano sa Manila, pinasintabi ko kay Ginoong Aguinaldo, sa isinulat ko sa El Comercio, na ang tanging pag-asa niya ay mamatay nang magiting sa pakikihamok sa himagsikan.

Pagkatapos, sa isa pang isinulat ko, sa La Fraternidad naman, inulit ko ang pasaring nang mas maliwanag, at inihambing ko siya kay Mister Kruger. Alam kong nainis ang mga Amerkano sa mga isinulat ko, ngunit paniwala ko na ang kamatayan ni Aguinaldo sa pagtatanggol ng ating kalayaan ay makapagbabalik ng kanyang dating pagiging tanghal, at makapagbibigay pa ng dangal sa mga Pilipino.

Walang pumansin sa aking mga pasaring, subalit wala akong angal dahil sundin man ni Ginoong Aguinaldo ang aking mungkahi, alam kong mahirap ganapin ang mga nais nating mangyari. Baka pa, na sukdulan ang mga kasalanan niya, ang Maykapal mismo ay nagpasiyang hindi siya karapat-dapat na tanghaling isang bayani, na higit maiging makita at marinig niya ang sumbat at paratang ng mga tao, nang magkaroon siya ng pagkakataong pagsisihan ang kanyang mga kagagawan.

Ang hatol sa kasaysayan ng bayan

Madalas sabihin ni Andres Bonifacio nuong buhay pa siya, sa harap ng kanyang walang patid na pagkatalo, na wala tayong dapat katakutan maliban sa kasaysayan ng ating bayan. At tunay na walang patawad ang kasaysayan sa pagbibilad ng katotohanan, at buong lupit nito sa mga nagkasala. Sa kabila ng lahat na ito, hindi dapat mawalan ng pag-asa si Ginoong Aguinaldo sapagkat mapagbabayaran niya kahit kailan ang kanyang mga kapangahasan at maaaring maging tanghal muli, bata pa siya at nakapag-pakita na ng galing niyang gamitin ang anumang mga pagkakataon upang mapaganda ang sarili, kahit na karumal-dumal ang mga paraang ginagamit niya dahil sa wala siyang pinag-aralan at walang pagkatao na lapat sa kanyang katungkulan.

Paniwala ni Ginoong Aguinaldo na sa mataas na tungkulin lamang maaaring makapag-silbi nang marangal sa bayan, - mapanganib sa kinabukasan ng bayan ang maling paniniwalang ito sapagkat ito ay nagbunga ng bakbakan ng mga magkababayan, na ikinahirap ng maraming lalawigan at nakatulong nang malaki sa pagkatalo ng himagsikan.

Ang tunay na makabayan ay ang tumutupad ng pagbubuti ng kanyang mga kapwa, gaano mang ka-aba ang kanyang katungkulan. Anumang munting

kabutihang nagawa sa mababang katayuan ay marangal at tanghal, habang kapag maliit na kabutihan lamang ang nagawa sa makapangyarihan at mataas na katungkulan, ito ay kapabayaan at kawalang-kusa. Nakikita ang tunay na dangal ng isang tao sa kanyang mga galaw at salita, hindi sa mga palamuti at magandang damit na nagbabalatkayo ng kabuktutan ng isang tao. Kasama Ni Aguinaldo

Ang tunay na dangal ay nakakamit sa pagsasanay sa ating mga pag-iisip na makilala ang katotohanan, at pagtuturo sa ating mga puso na mahalin ito. Ang katotohanan ang maghahatid sa atin sa katarungan at kung anu-ano ang ating dapat gawin. Dapat nating alalahanin na tayo ang nasa unang hakbang ng buhay pambayan, na tungkulin nating akyatin ito, at makakayanan lamang natin sa kabutihan at pagpapakasakit. Huwag nating kalimutan na kapag hindi natin naakyat at hindi tayo lumaki, tayo ay papanaw nang walang katuturan, walang naabot at isang abang lahi.

Nanggahasa ang ilang Katipuneros

Hindi ko maiwawaksi sa ulat na ito sa aking mga kabayan ang pandidiri na nararamdaman ko tuwing marinig ko ang paglapastangan sa mga Pilipina ng mga sandatahang Pilipino. Kahit na iilang ulit lamang nangyari, at aamining kong mahirap hadlangan sa magulo at walang pitagang mga panahon ngayon, ngunit ang paggahasa sa mga dalaga natin ay maniwaring mapipigil at hindi na sana naulit-ulit pa kung pinarusahan ng mga pinuno ang mga kawal nilang nanggahasa.

Paano natin maaasahang igalang ng mga dayuhan ang mga Pilipina kung tayo

mismo ay walang pitagan sa kanila? Tayo bang mga Pilipino ay igagalang ng iba kung tayo ay walang paggalang sa mga Pilipina?

Nuong mga unang panahon ng mga magiting, ang pangunahing tungkulin ng mga maginoo ay ipagtanggol at igalang ang mga babae sapagkat sa ganitong gawi ng pagtatanggol sa mga mahina naaaninag ang karangyaan ng loob at karangalan ng pagkatao. At ito ay dapat sundin ngayong mga panahong ito at sa mga darating na araw upang magkaroon ang mga babae ng dangal at tiwala sa hinahon ng kanilang pamumuhay, na maituturo nila sa kanilang mga anak nang sa gayon, lumaki silang may tapang at tiwala na maaari nilang makamit ang mga magiting na hangarin.

Karapatan ng mga Pilipino

Pahuli, umaasa ako na ang salaysay kong ito ay maglalantad ng hangarin ng mga Pilipino na magkaroon ng malayang politica at pamahalaan. Ang mga Español at ang mga Amerkano ay kapwa mababa ang tingin sa mga tao, tinuring nilang mga walang pinag-aralan at mga balasubas na hindi kayang mamahala sa mga sarili, dahil nakita nilang walang karanasan sa politica ang mga Pilipino. Kapwa sila nalansi. Ang mga tao na walang kakayahan sa kabihasnan ay hindi umaasang makamit ito dahil hindi nila kailangan, gaya ng mga Igorot at mga Aeta na maligayang namumuhay sa bundok-bundok sa halip na sa mga kabayanan.

Ang mga Español ay nagparatang na iilan-ilang mga Pilipino lamang, ang mga nakapag-aral, ang naghangad ng kalayaan at hindi ang daig-karamihan ng madla, ngunit ang madla ay naghimagsik, sa pamumuno nina Andres Bonifacio at Emilio Aguinaldo, kapwa bahagya lamang nakapag-aral, dahil pinipilan ng mga Español ang kanilang nasang makalaya.

Ang mga Amerkano ay naniniwala rin na ang mga nakapag-aral lamang ang nagnanais mamahala sa bayan; hinahangad ko sa pagsulat nitong kasaysayan na makita ng America ang kanilang kamalian, at hindi mangyari ang isa pang madugong himagsikan. Sa mga adhika na unang hiniling sa mga Español, iilan

lamang mga karapatang iginawad ng batasan ng America, at ang mga ito ay iniipit pa ng pamahalaan ng mga Amerkano dito sa kapuluan, pamahalaang sinasarili ang lahat ng kapangyarihan ng pamumuno at ng batasan, at siya ring pumipili ng mga hukom. Kalat din ngayon sa pamamahala ng mga Amerkano ang hindi pantay na sahod na pina-iral dati ng mga Español nuong panahon nila, at kinamumuhian din ngayon gaya nang nuon, kaya hindi mapaganap ang pakiki-isa ng mga Pilipino at mga Amerkano. At ang mga constabulario, karaka-raka, ay alinsunod sa pagmamalupit ng Guardia Civil nuong panahon ng Español.

Itinanong ko kay Governador William H. Taft, bago ako ipinatapon sa Guam, nuong pinuno pa lamang siya ng Philippine Commission at hindi pa siya governador, kung hanggang saan aabot ang pagsakop ng America sa Pilipinas. Tapatang inihayag ni Ginoong Taft na gagawin ng America ang uri ng pagsakop na gagawin ng Russia o ng Turkey kung ang mga ito ang naka-angkin ng kapuluan. Ang tanging kaibahan ng America, sabi niya, ay lumaki sa laya ang mga Amerkano kaya mas maluwag ang magiging palakad nila sa Pilipinas. Idiniin ko sa kanya na mapanganib para sa pamahalaan ang kalabanin nang lantaran ang mga hangarin ng mga tao, ngunit pinutol agad ni Ginoong Taft ang aming pag-uusap, sinabing hindi siya maaaring makipagtalo tungkol sa paksang iyon dahil sa mga utos sa kanya ng pamahalaan ng America.

Sugod Ng Amerkano Maliwanag, sa aking pagmuni-muni, na sumusunod lamang si Taft sa adhika ni McEnery at mga pakana ng pamahalaan sa Washington. Dahil dito, isip ko ay walang silbing ulatin ang paksa sa ngayon. Kukuruin ko lamang na walang karanasan ang mga Amerkano sa paghihigpit at pagmamalupit na sinisimulang pairalin ngayon ng pamahalaan sa Manila, kaya hindi nila maaaring sabihin na mas maalam at mas may kakayahan sila kaysa sa mga Pilipino. Kung higit na nakapag-aral man ang mga Amerkano, ang mga Pilipino naman ay higit na maraming karanasan sa malupit na pamahalaan. Isa pa, higit na alam ng mga Pilipino ang kanilang mga hangarin at pangangailangan.

Inaamin ko na napatunayan na ng mga Amerkano ang galing nila sa pamamahalang democratico, ngunit kaibang-kaiba ang malupit at mahigpit na pamahalaan at hindi maaaring subukin sa America dahil tutol ang mga tao duon at labag sa kanilang ginagisnan. Kaya ang mga Amerkano ay higit na walang alam tungkol sa malupit na paghahari at hindi nila kayang pairalin ito sa Pilipinas; ang tanging kaya nilang itatag ay ang democraticong pamahalaan na alam nila, at nais matutunan ng mga tao. Kung ipagpapatuloy nila ang malupit na paghahari na sinisimulan nilang pairalin, kinakailangan nilang humanap ng mga malupit at makaharing dictador upang mamuno rito, at malamang wala silang makita sa America na may ganoong kakayahan.

Naki-apid sa mga Amerkano

Tatapusin ko itong kasaysayan sa isang tanong. Tatanggapin ba ng mga Pilipino ngayon ang mga pagbubuti na dating hiningi mula sa mga Español? Sa tingin ko ay hindi, sapagkat ang hangaring maging malaya, na hindi pinag-iisipan nuon, ay tatag na ngayon sa puso ng lahat. Ang paghadlang dito, sa pananakot at amba ng dahas ng pamahalaan sa Manila, ay nagsisilbi lamang na palakihin ang lagablab ng pagnasa ng mga tao. Hindi tayo nakibaka at nagdusa para sa wala.

Ang mga nakikiapid lamang, ang ilang nagsasamantala upang mapagbuti ang mga sarili nila, sila lamang ang nasisiyahan sa paglaho ng pag-asang makalaya ang bayan. Maunti lamang sila, at kinamumuhian ng madla dahil ikinakatwiran nilang walang muwang ang mga tao upang magkamit ng kalayaan gayong, sa katunayan, pinapatunayan nilang sila ang walang muwang, ipinapakitang wala silang hangad kundi maging sagana sila-sila lamang.

Bago ako napatapon sa Guam, nagbuo ng isang partidong politica ang mga tao na nakikiapid sa mga Amerkano. Tinalikuran nila ang hangaring makalaya ng mga tao at ginawang adhika ng kanilang partido na isapi ang Pilipinas sa

America. Ang katotohanan ay ito: Walang may ibig sa America na maisapi ang Pilipinas, at walang Amerkano na naniniwalang maaaring maging mga Amerkano ang mga Pilipino.

Paniwala ng mga nakikiapid na walang muwang ang mga tao tungkol sa mga bagay na ito, kaya sinabi ko nang may kabastusan, na nangangarap sila nang gising, na kung nais nilang magkamit ng tunay, hiyakatin nila ang pamahalaan sa Manila at sa America na magpatawad nang kaunti, at ipangako ang kalayaan ng Pilipinas sa mga darating na araw. At tutulungan ko sila, pangako ko, na tanggapin ng mga tao ang ganitong kasunduan, at kalimutan na muna ang kalayaan hanggang sa kahit matagal na panahon.

Kahit na inaamuki ko sa magkabilang panig na magtawaran upang magkasundo, ang tanging batayan ng kapayapaan, hinatulang akong matigas na ulo at ipinatapon sa Guam, kung saan ako mistulang bilanggo at hindi pinayagang makipag-ugnay sa Pilipinas nang mahigit 2 taon. Ang bawat paglabag sa katarungan ay nakakagulo ng isip at nagpapasiklab ng damdamin, ngunit handa akong kalimutan ang paglapastangan sa akin sapagkat sa pakiramdam ko, tungkulin ko ang maging mapilit na naman, at imungkahi muli na magkasundo ang mga Amerkano at mga Pilipino.

Nakaraang kabanata                 Tahanan ng mga Kasaysayang Pilipino                 Balik sa itaas                 Lista ng mga kabanata                Sunod na kabanata