Balintawak Apolinario Mabini     The PHILIPPINE REVOLUTION   Written by one the greatest heros of the doomed struggle

Ang Himagsikan Ng Mga Pilipino
La Revolucion Filipina

Sinulat ni Apolinario Mabini
Dakilang Bayani at Utak ng Himagsikan

Isinalin sa Tagalog mula sa English translation by Leon Ma. Guerrero

Ang Pagbagsak Ng Himagsikan

GAYA ng aking inaasahan, hindi nainda ng samot-samot na sandatahan natin ang unang dagok ng mga disiplinadong sundalong Amerkano. Ni hindi handang makipagbakbakan ang mga Pilipinong nakapaligid sa Manila nuong gabing iyon - si General Ricarte, pinuno ng mga sandatahan sa timog, at si General Luciano San Miguel, pinuno naman sa silangan, kung saan nagsimula ang bakbakan, ay kapwa nasa Malolos. Wala kasing alam sa digmaan, hindi minahalaga ng mga pinuno ng sandatahang Pilipino ang mga aral ng labanan at disiplina, kaya magulo at walang silbi ang kinalagyan at ugnayan ng aming mga sandatahan. Hindi sinuri, ni hindi inisip ng aming mga general kung ano ang mga dapat gawin, kung saan tutungo o paano magsasama-sama, sa pagtanggol o paglusob, kung sakaling sumabog ang

labanan. Gaya ng nangyari nga. Walang nakahandang balak kung paano makakausap o mababalitaan man lamang ang iba’t ibang pangkat ng mga Pilipino kung sakaling maputol ang telegrama o biglang mapaurong ang mga nakapaligid sa Intramuros.

Dapat sana ay may isang tagapagpaganap duon mismo sa Manila na mabilis na makakapag-ugnay sa lahat ng pangkat, ngunit tinanggihan ni Ginoong Aguinaldo na bumuo nito, ninais niyang siya lamang ang mag-utos-utos mula sa bahay niya sa Malolos ng tindig at galaw ng lahat ng mga sandatahan sa Manila. Wala naman siyang sapat na panahon mangasiwa sa mga sandatahan dahil abala siya sa pagpapatakbo ng pamahalaan. At duon man, nadaig siya ng yabang, siya ang nagpasiya sa lahat, pati sa mga maliliit na bagay na dapat asikasuhin ng iba’t ibang kagawaran ng pamahalaan.

Hukbong Amerkano Nuon lamang sumabog na ang digmaan, nang wasak na ang mga kawad ng telegrama, nang nagtatakbuhan na ang mga sandatahang Pilipino, malabo o lubusang naglaho na ang ugnayan at balitaan ng kalat-kalat na mga pangkat, nuon lamang itinanghal ni Ginoong Aguinaldo si General Antonio Luna bilang pinuno ng mga sandatahan sa Manila. Huli na, wala nang panahon upang mapigil ang pagkatalo, at pagpalayas mula Manila ng aming mga sandatahan. Madali pang nagbitiw ng tungkulin si Luna dahil kinalaban siya ng isang tauhan ni Aguinaldo, nakialam sa pagtatag ng mga pangkat ng sandatahan sa hilaga ng Manila.

Ngunit nag-alsa balutan ang buong pamahalaan, napilitang umalis sa Malolos, lubusang iniwan ang lalawigan ng Bulacan mismo at lumipat sa kabayanan ng San Isidro, sa Nueva Ecija. Napilitan si General Luna na pamunuan muli ang mga sandatahang sasagupa sa sumusugod na hukbong Amerkano, upang hadlangan sila sa kabayanan ng Calumpit. Duon, nakapagtatag si Luna ng mga mainam na pangkat na magtatanggol. Hinikayat niya ang mga Pilipino na dating sundalo ng hukbong Español, mga sanay makipag-digmaan. Ginamit niya ang mga ito bilang buto ng buong sandatahan. Hinigpitan din ni Luna ang disciplina ng mga sundalo upang mapigil ang pagkasira ng luob ng mga ito.

Nagselos naman ang maraming pinuno ng iba’t ibang pangkat, ayaw bitawan ang kanilang pagmamando sa kanilang mga sundalo, ayaw sumunod sa mga utos ni Luna. Kaya umiral ang pakyawang pag-alis ng maraming pinuno ng sandatahan. Sinisante ni Luna ang mga ayaw sumunod sa kanya, ipinadakip ang mga tumakbo nang lusubin ng mga Amerkano, tinanggal ang mga sandata at pinalayas ang mga lumabag sa kanyang mga utos. Mga Naghihimagsik Liban sa mga gulong ito, maaaring nagtagumpay si Luna sa pagbuo ng may disiplinang hukbo kung kinampihan at sinapo siya ni Aguinaldo, ngunit si Aguinaldo man ay nagsimula na ring magselos at mainggit sa lumalawak na tanyag ni Luna dahil sa tapang, dunong

at giting ng general. Lahat ng nagalit kay Luna ay nagsumbong kay Aguinaldo, nagpapakana daw na siya, si Luna, ang papalit kay Aguinaldo bilang supremo ng himagsikan.

Nuong natalo ang mga Pilipino sa bakbakan sa tulay ng Calumpit, tinalo ng mga Amerkano dahil naubusan ng bala ang mga Pilipino, nagtungo sa akin si Luna sa San Isidro at nakiusap. Tulungan ko raw siyang hamukin si Ginoong Aguinaldo na dapat nang mag-guerrilla na lamang ang hukbong Pilipino. Ipinangako ko sa kanya ang tulong ko ngunit inuna ko na wala akong magagawa sapagkat walang pumapansin sa mga payo ko tungkol sa pakikipagdigmaan, hindi naman ako sundalo at wala akong muwang tungkol sa hukbo. Hindi ko pa mandin natupad ang aking pangako kay Luna sapagkat hindi ko na nakausap si Ginoong Aguinaldo nang matagal na panahon, kundi nuong nilapitan na lamang ako upang tanungin kung payag ako kung ayusin niyang muli ang cabinete.

Hindi ko napaglabanan ang aking damdamin na tupdin ang nararapat gawin kaya pumayag ako at nagbitiw ako ng tungkulin. Nuong mga unang araw ng Mayo 1899, isinuko ko ang aking tanggapan sa aking kapalit, si Pedro A. Paterno, at lumisan ako papuntang kabayanan ng Rosales, malapit sa Bayambang.

Patibong ni Aguinaldo sa Cabanatuan

Pagkaraan ng ilang linggo, nagpadala si Ginoong Aguinaldo ng telegrama kay General Luna, niyakag na makipagkita sa kanya sa Cabanatuan at mayroon silang pag-uusapan. Ngunit nang dumating sa Cabanatuan si Luna, hindi si Aguinaldo ang nakaharap niya kundi kamatayan, kataksilan sa kamay ng mga sundalo mismo na sinisante niya dahil hindi tinupad ang kanyang utos at sa halip, tumakas mula sa labanan. Pati ang kasama ni Luna, si Coronel Francisco Roman, ay pinaslang din ng mga sundalo na naghintay sa kanila sa Cabanatuan.

Habang pinapatay si Luna, si Ginoong Aguinaldo ay nasa Tarlac, inaangkin ang pumumuno ng mga sandatahan na binuo ni Luna. Bago siya pinaslang, nagtatag ng himpilan si Luna sa Bayambang at inusisa ang pali-paligid ng

Bangued kung mainam duong magtanggol kung sakaling mapaurong sila uli ng mga Amerkano. Sinimulan na niyang ipalipat duon ang mga kanyon at iba pang mga gamit sa digmaan. Kahit na, binale wala lahat ito ni Aguinaldo at itinatag ang kanyang pamahalaan sa Tarlac at inubos ang kanyang panahon sa politica at mga balagtasan.

Nang natunugan ni General Otis ang kapabayaan ni Aguinaldo, sinamantala niya ang pagkakataon. Pinalaot niya ang kanyang mga sundalo at lumapag sa San Fabian habang pinaikot niya ang kanyang hukbong nakakabayo (cavalry) sa San Jose at Umingan, tapos sinakop ang mga kabayanan ng San Quintin at Tayug. Napaligiran niya nang husto ang ating sandatahan, naputol na ang lahat ng landas na matatakasan ng mga Pilipino.

Nuon napatay ng Amerkano ang himagsikan.

Bakit ipinapatay si Luna

Hanggang ngayon, hindi ako naniniwala na nagtangka si Luna na agawin ang pumunuan mula kay Ginoong Aguinaldo kahit na alam ko na ninais niyang siya ang pumalit sa akin bilang pinunong ministro, sa halip ni Ginoong Paterno na karibal niya. Laban si Luna sa uri ng pagsasarili na mungkahi ni Ginoong Paterno, na labag pati sa kasulatan ng katauhan ng bayan, ang constitution at sa ganuon ay dapat parusahan ng batas.

Napatunayan ito ng ulat na inilathala sa pahayagang La Independencia ilang araw bago pinaslang si Luna, na ang cabinete na pinamunuan ni Paterno at Felipe Buencamino ay papalitan at pamumunuan ni Luna bilang pinunong ministro at ministro ng digmaan. Si Luna na rin ang may pakana ng ulat na ito. Nang natanggap niya ang telegrama ni Ginoong Aguinaldo, inakala niya na ang pagbabago ng cabinete ang kanilang pag-uusapan.

Hindi niya inasahan na ipapatay siya sa kalagitnaan ng paghahamok laban sa Amerkano, kung kailan pinaka-kailangan ang kanyang galing sa pagkikipag-

digmaan. Hindi rin niya inakala na masisindak si Aguinaldo ng mainam at magiting na hangarin niyang maging pinuno ng cabinete, - si Aguinaldo na naghirang sa kanya bilang pinuno ng hukbong Pilipino. Totoo, ilang ulit narinig nagsabi si Luna na mahina ang loob ni Aguinaldo at hindi lapat maging pinuno, ngunit ito’y bugso lamang ng kanyang maalab at tigas ng loob na tuwi nang nauunsiyami dahil sa kawalan ng pagkampi at pagsapo ni Aguinaldo.

Lahat ng ginawa ni Luna ay nagpatunay ng kanyang pagkamagiting at pagiging Antonio Luna makabayan, hinaluan ng walang pagod na pagsikap na malutas ang mga suliranin at kakulangang hinarap ng bayan. Kung siya man ay paminsan-minsan naging marahas o naging malupit pa, ito’y bunga ng kahabag-habag na kalagayan at kahinaan ng hukbong Pilipino, nasiraan na ng loob at nawalan na ng bala ng baril. Ang tatag at lakas ng loob lamang ni Luna ang humadlang sa lubusang pagkawatak ng hukbo.

Kung bakit nasawi ang himagsikan

Ang pagpatay kay Andres Bonifacio ang nagpakita na sukdulang hayok sa kapangyarihan si Ginoong Aguinaldo, at itong kahinaan ang sinamantala ng mga kaaway ni Luna upang udyukan siyang ipapatay din si Luna. Mali na sabihing maaaring nagwagi ang himagsikan kung hindi ipinapatay ni Aguinaldo si Luna, ngunit wala akong alinlangan na mas mataas sana ang pagtingin at paghanga ng mga Amerkano sa kakayahan ng mga Pilipino kung buhay pa si Luna. Tiyak ko na nasangga sana niya ang pamatay-dagok ni Otis at malamang napagtakpan ang kawalan muwang ni Aguinaldo sa

pamumuno ng hukbo.

Isa pa, upang burahin si Luna, ginamit ni Aguinaldo iyong mga sundalo mismo na pinarusahan ni Luna sa pagkaduwag at kawalan ng disciplina sa pakikipagdigmaan. Kaya nang bumagsak si Luna, ang pinakamatibay na gabay ng aklasan, nagwakas na rin ang himagsikan, at ang sala at kasawian ng pagkabuwag ay nakapatong na lahat kay Aguinaldo. Siya na rin ang nagkusa ng kanyang hamak na katapusan, kamatayan ng kanyang pagkatao, sanlibong mas mapait kaysa kamatayan ng kanyang katawan. Isinadlak siya ng sarili niyang mga pakana. Ganito siya pinarusahan ng tadhana.

Sa madaling sabi, nasawi ang himagsikan dahil hindi mainam ang pamunuan nito, dahil nakamit ng pinuno ang kapangyarihan sa kabuktutan, hindi sa kagitingan, dahil sa halip na kampihan niya ang mga taong makakatulong sana sa himagsikan, ipinapatay niya dala ng kanyang pagseselos.

Sa tingin niya, ang kabutihan ng tao ay nakasalalay sa kanyang pagiging tanghal. Hinatulan niya ang mga kasama hindi batay sa kanilang galing, pagkatao at pagka-makabayan, kundi batay sa kung sino ang sunud-sunuran

at sipsip sa kanya. Dahil sabik siyang patuloy tanghalin ng mga ganitong tao, pinabayaan ang mga layaw nila, pinatawad pati na ang kanilang mga kasalanan. Dahil binale wala niya ang kapakanan ng bayan, iniwan siya ng bayan. At dahil isinadlak na siya ng mga mamamayan, natakda ang kanyang pagbagsak, tulad ng kandilang natunaw sa init ng paghahamok.

Harinawang ipaubaya ng Diyos na hindi natin malimutan ang mapait na aral na ito, na natutunan natin sa napakalaking pagdurusa.

Nakaraang kabanata                 Tahanan ng mga Kasaysayang Pilipino                 Balik sa itaas                 Lista ng mga kabanata                 Sunod na kabanata