Balintawak Apolinario Mabini     The PHILIPPINE REVOLUTION   Written by one the greatest heros of the doomed struggle

Ang Himagsikan Ng Mga Pilipino
La Revolucion Filipina

Sinulat ni Apolinario Mabini
Dakilang Bayani at Utak ng Himagsikan

Isinalin sa Tagalog mula sa English translation by Leon Ma. Guerrero

Unang Yugto Ng Himagsikan

HINDI nag-isang taon, narinig ko na lumawak na ang Katipunan sa buong lalawigan ng Manila at nagsimula nang lumaganap sa Cavite at Bulacan. Napagkinita ko ang pagdurusang magaganap sakaling matuklasan ito ng mga Español ngunit wala akong nagawa upang hadlangan sila nuong una, at lalo nang wala akong nagawa nuong ako ay maysakit na at nanghina ang katawan. Isa pa, balisawsaw na makabayan ang tingin sa akin ng mga pinuno ng Katipunan.

Nangyari nga na nuong Agosto 1896, natuklasan ng namamahala sa limbagan ng pahayagang Diario de Manila na ilan sa kanyang mga kawani ay kasapi sa lihim, at bawal, na samahan at madali niyang ipinadakip ang mga ito sa Guardia Civil upang usigin. Dinaan sa pagpapahirap at pananakit, ibinulgar ng mga bihag hindi lamang ang Katipunan kundi pati ang mga samahan ng mga mason at ang mga lipunang naglaho na, gaya ng Liga Filipina at ang Cuerpo de Compromisarios. Nabigyan ng babala si Bonifacio at ang kanyang mga kasama, kaya hindi sila nadakip kasama ng marami, at nakatakas sa bundok at duon, nanawagan sila na mag-aklas na ang mga

tipon ng mga tao at sumama na sa kanila sa bundok upang hindi madakip ng Guardia Civil.

Sinulsulan ng mga frayle ang mga maykapangyarihan na ‘turuan ng leccion’ ang mga kumakalampag at ipinadakip lahat, hindi lamang mga katipunero kundi pati ang mga kasapi ng iba’t ibang lipunan at ang mga mason. Sa paniwalang hindi kayang magbuo ng samahan ang mga mangmang na hindi marunong bumasa o sumulat, pati ang mga educado at ang mga tanghal sa lipunang Pilipino sa bawat lalawigan ay pinagdadakip. At pinahirapan.

Karamihan sa mga katipunero ay nabalaan at nakatakas, at ang mga hindi kasapi sa Katipunan ang siyang nakulong at pinagmalupitan. Pilit na pinaamin sa hindi nila alam, bihira ang nakatakas sa pagpapahirap na ginawa sa piitan. Marami ang namatay, marami ang binitay matapos litisin ng hukumang militar. Marami ang binaril at pinatay nang walang paglilitis kahit na ano. Marami ang basta namatay na lamang sa kawalang hangin sa mga kulungan ng Intramuros. Mapalad na, kung masasabing magandang kapalaran ito, ang mga napiit lamang at ang mga naipatapon sa labas ng bayan.

Binitay Si Rizal Binitay si Rizal, binaril nuong Deciembre 30, 1896, sa salang pumumuno sa himagsikan, samantalang ang mga tunay na maysala, ang mga nagbigay ng dahilang mamuhi ang mga Pilipino sa Español, ay pinuri at itinanghal sa kanilang pagiging makabayan. Hindi pa sumasabog ang aklasan, sinikap na ni Rizal ang tapusin ang kanyang pagkakasadlak sa Dapitan. Inalok niyang magsilbi bilang manggagamot sa sandatahang Español na nakikipagdigmaan nuon sa mga naghihimagsik sa Cuba. Pumayag ang pamahalaan at ibinarko siya mula sa Dapitan at naghihintay siya duon ng barkong magdadala sa kanila sa España nang sumabog ang himagsikan. Gayon pa man, pinayagan ng governador general na magtuloy sa España si Rizal ngunit ipinabalik siya sa Manila ng hukumang militar upang managot sa mga sakdal sa kanya ng mga frayle. Kahit na walang sala - wala siyang pagkakataong magpakana dahil sa pagkasadlak sa Dapitan - hinatulan siya ng bitay. Kung hindi raw niya isinulat ang mga siwalat sa La Solidaridad, at kung hindi niya inilimbag ang mga nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo, hindi sana nagkaisip ang mga tao na mag-politica at mag-aklas laban sa Español.
Maling-mali ang hatol na ito, dahil mayroon nang politica ng protesta bago pa ipinanganak si Rizal at masasabing ang politica ng protesta ang ‘lumikha’ ng sagisag na nabaon sa katauhan ni Rizal. Kung wala si Rizal, ibang tao sana ang naging sagisag ngunit magkakaroon at magkakaroon ng sagisag sapagkat ito ang kailangan ng bayan. Sadyang mabagal at mahinahon ang politica ng protesta, naging marahas lamang ito dahil pilit na pinigilan at hinadlangan. Hindi si Rizal ang nagsimula ng paghihimagsik ngunit siya ang pinagbuntunan at pinarusahan ng kamatayan - isa siyang martir sapagkat wala siyang kasalanan.

Kaiba kay Padre Burgos, na lumuha dahil pinatay siya nang walang sala, mahinahong hinarap ni Rizal ang kanyang kamatayan, nakangiti pa upang ipakitang giliw niyang hinandog ang kanyang buhay sa ikabubuti ng lahat ng Pilipino, tiwalang lagi siyang maaalaala nang may pagmamahal at utang na loob ng madla na hahanga at susunod sa kanyang halimbawa. Totoong ang

giting ni Rizal ay nakasalalay sa kusa niyang pagpakasakit. Batid niya na kapag isiniwalat niya ang mga kalabisang ginaganap sa Pilipinas, hindi tutugot ang mga Español hanggang hindi siya napupuksa.

Ngunit pinili pa rin niyang gawin ito sapagkat sa ganitong paraan lamang malulunasan ang mga sakit na dinaranas ng Pilipino. Mula nang maunawaan ni Rizal ang kasawian ng kanyang tinubuang bayan at nagpasiyang magsigasig upang malunasan ito, lagi na lamang niyang naguguni-guni ang takot ng magiging pagpatay sa kanya. Sa tagal ng panahon, natutunan niyang huwag katakutan ang kamatayan, at hindi siya nasindak nang dumatal ang oras nito, sapagkat ang buhay niya, mula nuong araw na nagpasiya siyang magsilbi sa bayan, ay isang mahaba at patuloy na pagpanaw na tiniis niya, sa laki ng pagmamahal niya sa mga kabayan, hanggang sa katapusan. Pabuya ng Maykapal na malaman nating mga Pilipino kung paano siya alayan ng lapat na parangal - ang tularan ang kanyang mga kabutihan.

Binaril Ng Español Ang kalupitang gaya ng pagbitay ay walang ipinagbunga kundi ang galit ng lahat, at kaysa pagdusahan nila, minatamis pa ng mga naghimagsik na mamatay nang nakikipagbaka kahit na mga itak lamang ang sandata nila. Pinakamalawak ang Katipunan sa Cavite dahil sa paunti-unti lamang ang mga sandatahang Español duon, kalat-kalat pa sa iba’t ibang kabayanan ng lalawigan, maliban sa daungan at sa imbakan ng mga sandata, kapwa hindi nasukol ng mga naghimagsik.

Ang malawak na kilusan ay nahati sa 2 pangkat sa Cavite, ang pangkat ng mga Magdalo sa Kawit at pali-paligid, pinamunuan ni Don Baldomero Aguinaldo, at ang isa pang pangkat, ang mga Magdiwang sa bandang Noveleta na pinamunuan ni Mariano Alvarez. Mayroon silang mga kakamping mga katipunero sa San Francisco de Malabon.

Pagsigaw ng aklasan ni Andres Bonifacio, lumusob ang mga katipunero at ang mga kasama, nilupig ang mga himpilan at cuartel ng mga Guardia Civil at mga sundalong Español, pinagpapatay ang mga pinunong Español duon. Sa Noveleta, ang mga naghihimagsik na pinamunuan ni Artemio Ricarte ay nakakamal ng mga sandata mula sa mga Español. Ito ang mga ginamit upang talunin ang mga sandatahan ni General Ramon Blanco nuong Noviembre 9, 1896.

Kataksilan sa Tejeros

Sa Kawit naman, nabawi ng mga sundalong Español ang imbakan ng pulbura ng Binacayan ngunit pagkaraan ng ilang araw, nilusob muli at nagapi sila ng mga katipunero nuong Noviembre 11, 1896, sa pamumuno ni Candido Tirona, na napatay sa labanan, at ni Emilio Aguinaldo, ang alcalde ng kabayanan ng Kawit.

Dahil sa magkahiwalay, at walang tulungang panalo ng 2 pangkat, pinaghatian nila ang lalawigan ng Cavite. Napasailalim ng mga Magdalo ang mga kabayan ng Kawit, Imus, Bacoor, Perez Dasmarinas, Silang, Mendez Nunez at Amadeo, habang nahanay sa mga Magdiwang ang iba pang mga bahagi ng lalawigan. Hacienda Tejeros Naanyayahan ng mga kaibigan, nagtungo sa Cavite si Andres Bonifacio upang pag-isahin ang magkaribal na pangkat ngunit hindi pinansin ng mga Magdalo ang mga mungkahi niya.

Mabuti na lamang, nagkusa si Edilberto Evangelista na

tumulong sa himagsikan duon, kahit na siya ay taga-Manila. Isang ingeniero, nakapagtapos sa Pamantasan ng Ghent, Belgium, sa Europa, pinamunuan niya ang paghukay at paglatag ng mga tanggulan sa Cavite.

Nang pasukin ng libu-libong sandatahang Español ni General Camilo Polavieja ang Cavite, sinupalpal sila ng mga katipunero sa ilog ng Zapote hanggang napatay si Evangelista nuong Febrero 17, 1897. Mula nuon, mabilis na sinakop ng mga Español ang mga kabayanang hinahawakan ng mga Magdalo, na napaurong hanggang sa San Francisco del Monte, kung saan sila napilitang nakipag-ugnay sa mga kasapi ng Magdiwang upang maipagtanggol ang lalawigan.

Nagpulong silang lahat, kasama ng mga pangunahing pinuno ng Katipunan sa hacienda ng Tejeros nuong Marso 12, 1897. Nangulo si Bonifacio sa pulong na nagpasiyang maghalalan ng mga pinuno ng pamahalaan ng himagsikan na itatatag upang maging isa ang pamunuan ng laban sa Español.

Si Emilio Aguinaldo ang nahalal na pangulo at si Mariano Trias ang nagwaging pang-2 pangulo. Si Andres Bonifacio ay nahalal na pang-3 pinuno, director ng kagawarang panloob ngunit nilibak siya ng ilang kasapi sa pulong dahil wala siyang natapos na pag-aralan.

Insulto Ni Tirona Panting ang tenga, iniwan ni Bonifacio ang pulong at nagsisigaw, siya pa rin ang supremo ng Katipunan at hindi niya kinikilala ang kagaganap na halalan. Nagpasiya si Bonifacio na mamundok sa San Mateo, kasama ang 2 kapatid na lalaki, samantalang nagsimulang manungkulan ang mga nahalal sa Tejeros. Inutusan ni Aguinaldo ang 2 pangkat ng mga tauhan niya na bihagin si Bonifacio. Lumaban ang pangkat ni Bonifacio at napatay ng mga tauhan ni Aguinaldo ang isang kapatid at 3 katipunero ni Bonifacio. Si Bonifacio mismo ay nasugatan at, kasama ng isa pang kapatid, kinaladkad ng mga tauhan ni Aguinaldo hanggang Naic, tapos sa Maragondon. Kinaladkad muli sila sa kalapit na bundok ng Buntis at duon pinatay ang magkapatid na Bonifacio.

Kuro sa buong bayan na walang katwiran, walang kapatawaran, ang ginawa ni Ginoong Aguinaldo na pagkalaban at pagpatay kay Bonifacio. Katumbas ang napag-aralan ni Bonifacio sa ibang mga nahalal sa Tejeros, at kilala ang dunong niya sa pagtatag niya ng Katipunan. Ngunit mga kaibigan ni Aguinaldo at ni Trias ang karamihan ng mga naghalal sa Tejeros at nagkaisa sila laban kay Bonifacio na bagama’t magiting at kilalang mabuting tao, ay inalinlangan nila dahil hindi taga-Cavite. Ito ang iginagalit ni Bonifacio, bagama’t pinigilan ang sarili at nang makitang walang nagnanais na magkaisa ang Katipunan, nagkusa na lamang na lumisan papuntang San Mateo. Ang pagpatay kay Bonifacio ay karumaldumal na kawalang-hiyaan ni Aguinaldo, at ang unang pagwawagi ng sariling kapakanan at ang pagkatalo ng tunay na pagkabayani.

Sinuhulan si Aguinaldo ng 400,000 Pesos

Ang kasuklaman ay nagpalanta ng sigasig ng Katipunan, at lalong napadali ang pagkatalo ng himagsikan sa Cavite sapagkat marami sa mga lumalaban, mga taga-Manila, Laguna at Batangas, ay napanghal, nasiraan ng loob at nag-uwian. Hindi nagtagal, ang kunyaring pamahalaan ng himagsikan ay napilitang tumakas sa mga bundok ng Biak-na-Bato sa Bulacan.

Duon nagtago ang pamahalaan ni Aguinaldo, ayaw lumusob duon ang mga Español dahil sa kapal ng sukal ng mga gubat-gubat. Hindi rin naman nakipaglaban sina Aguinaldo dahil wala na silang sapat na mga tauhan upang harapin ang mga Español. Kaya agad-agad nilang tinanggap ang alok ni Pedro A. Paterno, mula kay General Primo de Rivera, ng ‘marangal’ na pagsuko ng himagsikan.

Si Ginoong Paterno ay hindi kasapi sa pamahalaan o ng himagsikan, kundi karaniwang mamamayan na nagkusang maging tagapagkasundo. Nais ni General Rivera na ipatapon sa labas ng bayan ang mga pinuno ng himagsikan dahil maagap na masusundan sila duon ng mga alagad ng España. Mahahadlangan nila ang pag-iimbak ng sandata, lalo na ang anumang tangka ng mga pinuno ng himagsikan na makabalik sa kapuluan. Kaya inalok niyang

suhulan ng salapi sina Aguinaldo upang umayaw na at tahimik na umalis sa Pilipinas. Pakiwari ng kunyaring pamahalaan ng himagsikan na susuko na rin lamang sila pagkaraan ng madaling panahon, dahil sa kulang sila sa sandata at wala na silang mga tauhan, tinanggap nila ang alok na 400,000 piso ni General Rivera, kapalit ng panawagan ni Aguinaldo sa lahat ng naghihimagsik na sumuko sa mga Español.

Sa unang tingin, nakaligtas ang kunyaring pamahalaan ng himagsikan mula sa pagkatalo, ngunit hindi sapat ang kasunduan upang mapahinahon ang himagsikan sapagkat walang turing ito tungkol Pedro Paterno sa mga pagbubuting hinihingi ng mga tao. Inakala ng mga Español na matapos mabayaran sina Aguinaldo, tatahimik na sa kapuluan ngunit kabaligtaran ang nangyari.

Ang mga pagbabago lamang na panawagan sa La Solidaridad ang maaaring nakapagpayapa sa Pilipinas, ngunit tinanggihang lahat ng mga Español, gamit lahat ng galing nila sa pakikipag-kasunduan at kataksilan. Kaya marami sa mga tao ang nanatiling nakikibaka sa mga bukid, at walang nakapagsabi kung ano ang mangyayari sa mga susunod na araw.

Nakaraang kabanata                 Tahanan ng mga Kasaysayang Pilipino            Balik sa itaas            Lista ng mga kabanata            Sunod na kabanata