Balintawak Apolinario Mabini     The PHILIPPINE REVOLUTION   Written by one the greatest heros of the doomed struggle

Ang Himagsikan Ng Mga Pilipino
La Revolucion Filipina

Sinulat ni Apolinario Mabini
Dakilang Bayani at Utak ng Himagsikan

Isinalin sa Tagalog mula sa English translation by Leon Ma. Guerrero

Ang ‘Liga Filipina’ At Ang Katipunan

HINDI naipagkaila, naging masidhi at lawak na sa Pilipinas ang hangad ng pagbubuti. Ito lamang ang tunay na paliwanag sa nagsimulang alinlangan at pagkamuhi sa mga frayle ng mga tao, mula sa pinaka-educado hanggang sa pinaka-mangmang na Pilipino, dahil sa hinala nilang laban ang mga ito sa anumang pagbabago na kailangan ng bayan. Nuong unang panahon, ipinagtanggol ng mga frayle ang mga tao laban sa kasakiman at lupit ng mga encomendero dahil wala pang mga pag-aari nuon ang mga frayle, at bahagya lamang natatag sa kapuluan ang simbahang catholico.

Kailangan nila nuon ang tulong at kalinga ng mga katutubo, pagtitiwala at katapatan na sinamantala ng mga frayle hanggang sa sila ay yumaman, nagka-kapangyarihan at naging palalo. Bakit nawa nalimot nila ang tamis at hinahong sumaliw sa mga himalang napaganap nila? Ang dahilan ay sinumang mapagkunyari ay inaagnas ang sarili, at ang mga sakmal ng agnas ay hindi nakikinig sa tuwiran, kundi sunud-sunuran sa takot at dahas.

Malinaw na ipinahayag ng mga Pilipino ang hangad nilang mapagbuti ang kalagayan nila sa giliw at parangal na ibinuhos ng lahat kina Rizal, Marcelo del Pilar at iba pang makabayan na sumaliw sa kanilang mga panawagan sa ikabubuti ng mga tao. Nabunyag ding tunay ang mga adhika ng La Solidaridad nang tustusan ito ng mga Pilipino sa kapuluan, sa harap ng sindak at panganib sa kanilang buhay.

Nuong simula pa, nang unang ilathala ang pahayagan, maraming taga-Manila ang nagtaguri sa mga sarili na maka-panawagan, nagpuslit sa lungsod at ipinamudmod ang La Solidaridad, at nag-ipon ng mga bayad at ambag mula sa mga kapwa makabayan sa Manila at mga karatig lalawigan.

Pati ang mga maykaya at mga nakapag-aral na lumuwas sa Manila mula sa malalayong lalawigan ay kumampi at nagbigay ng tulong. Ang mga mayayaman lamang sa Manila ang tumanggi, o maliit lamang ang inambag, dahil wala silang tiwala sa mga nagtitipon ng salapi, at takot silang matutop ng mga may-kapangyarihan.

Tanaw Mula Manila Nang natanto ni Rizal na ang mga munti at sali-salibat na panawagang nagawa na ay walang kinahinatnan, nagpasiya siyang magbuo ng isang lipunan. Tinawag niyang Liga Filipina, itinatag ilang araw lamang bago siya ipinatapon ng mga may-kapangyarihan sa liblib ng Dapitan, sa Mindanao. Ang nabuong batas ng lipunan ay ang ukol lamang sa pagtatag, sa pamamagitan ng halalan ng mga kasapi sa Liga, ng consejos o mga pulong ng mga kinatawan sa bawat kabayanan, sa bawat lalawigan, at isang pang-unang pulong na sasaklaw sa buong kapuluan. Hindi banggit sa batas ng lipunan ang mga hangarin ng Liga. Kung pinag-usapan at tinukoy ang mga hangarin sa unang pagkikita ng mga kasapi sa Liga, pinamunuan ni Rizal mismo, hindi ko nabatid sapagkat hindi ako naanyayahan. Hindi ako kailan man naging malapit sa dakilang manggagamot.

Masasabi ko lamang na naglaho ang Liga ilang araw pagkaraan ng unang pagkikita dahil sa pagdukot kay Rizal. Nang muling itatag ang Liga sa pasimuno ni Don Domingo Franco, Andres Bonifacio at iba pa, ibinigay nila sa akin ang tungkulin ng pagiging kalihim ng pang-unang pulong. Tinunton namin nuon ang mga hangarin ng lipunan:

  1. Tustusan ang La Solidaridad nang maipagpatuloy nito ang mga panawagan sa pagbubuti
  2. Mag-ipon ng sapat na salapi upang makatagpo at maghikayat ng mga abogado at mga kinatawan ng Cortes, ang batasan sa España, na handang tumulong sa pagbabago sa Pilipinas
  3. Pag-ibayuhin ang pagsigasig sa lahat ng paraang ayon sa batas, mistulang maging isang partido ng politica ang Liga sa halip ng isang lipunan lamang

Ngunit madaling nasawi uli ang Liga, naglaho pagkaraan ng ilang buwan, bagaman at mainam ang pasimula nito. Ang karamihan ng mga kasapi ay tanghal sa lipunan, kilala sa dunong at pagiging makabayan. Sa pagsisikap ni Andres Bonifacio at ng mga kasama Andres Bonifacio niya, nakapagbuo ng mga consejo ng mga mamamayan sa Tondo at sa Trozo. Nagsimulang magtipon ng mga consejo din sa Santa Cruz, Ermita, Malate, Sampaloc, Pandacan at iba’t ibang purok sa paligid ng Manila. Humingi sa bawat kasapi ng maliit na ambag buwan-buwan upang makatulong magtustos sa La Solidaridad, ang pangunahing adhikain ng Liga.

Nuong una, maagap na nagbigay ang mga kasapi ngunit hindi nagtagal, tumigil sila at sinabing hindi sila sang-ayong tustusan ang pahayagan sapagkat

hindi ito pinapansin ng pamahalaan sa España, at hindi papansinin, paniwala nila, ang anumang gawain na hindi labag sa batas.

Sa pagsuri sa kung ano ang nangyari, napag-alaman na hindi hiningi sa mga sumasapi ang pananalig nila sa mga adhika at alituntunin ng Liga Filipina. Kabaligtaran, lumabas na si Andres Bonifacio, ang pinakamasugid sa mga nagtatag ng mga consejo at nakapag-amuki ng pinakamaraming kasapi, ay naniwalang walang silbi ang anumang mapayapang adhika. Ang pangunahing consejo ng Liga ay tagapag-amuki lamang at hindi tunay na pulong sapagkat hindi sila napili sa pamamagitan ng halalan ng mga kasapi.

Nuon nila nabatid na kapag nagkaroon ng halalan ng mga kasapi upang piliin ang kanilang mga pinuno, mag-iiba ang alituntunin ng Liga. Sa kauna- unahang panahon, nakita ng mga nasa pang-unang consejo na ang mga tao, sa halip na walang muwang at sunud-sunuran lamang, gaya ng paniwala ng mga Español, ay siyang nangunguna sa pag-adhika ng politica sa bayan.

Estero Sa Manila Dahil balintuna ito sa hangarin ng mga pinuno ng Liga, mabilis nilang kinitil ang lipunan nang hindi umalingawngaw ang pagtatalo ng mga kasapi, pagtatalo at ingay na maaaring mabulgar sa mga maykapangyarihan. Naghiwalay ang samahan; ang mga sang-ayon sa mapayapang pag-aadhika ng pagbabago, at sa pagtustos sa La Solidaridad, ay nagbuo ng kanilang pangkat na tinawag nilang Compromisarios dahil nagbayad ang bawat kasapi ng 5 piso buwan-buwan. Si Andres Bonifacio at ang mga nag-adhika ng kalayaan, hindi pagbabago, ay tumiwalag at nagbuo ng sariling lipunan, tinawag na Katipunan Ng Mga Anak Ng Bayan.

Mabilis na lumaki ang Katipunan dahil panghal na ang mga tao sa sigasig ng mga frayle na pigilan ang mga panawagan at anumang tangka ng pagbabago. Kung napayagan sana ang pagpulong political ng mga Pilipino, at kung ang mga maykaya at mga may pinag-aralan ay hinayaang naglibot, maaaring napahinahon nila ang puot ng mga tao at napigil ang paglawak ng Katipunan, dahil ang mga sumapi duon ay sang-ayon din naman sa mga alituntunin ng Liga, kahit na matapos magdanas ng pinaka-mahapding pagdurusa, lalo na pagkatapos ng kasunduan sa Biak-na-Bato.

Nakaraang kabanata                 Tahanan ng mga Kasaysayang Pilipino                 Balik sa itaas                 Lista ng mga kabanata                 Sunod na kabanata