Balintawak Apolinario Mabini     The PHILIPPINE REVOLUTION   Written by one the greatest heros of the doomed struggle

Ang Himagsikan Ng Mga Pilipino
La Revolucion Filipina

Sinulat ni Apolinario Mabini
Dakilang Bayani at Utak ng Himagsikan

Isinalin sa Tagalog mula sa English translation by Leon Ma. Guerrero

Ang 2 Nobela Ni Rizal

ANG MGA pahayag na inilathala tuwing ika-2 linggo ay hindi sapat upang matawag ang pansin ng pamahalaan ng España. Magaling na patnugot si Marcelo del Pilar, at mainam ang mga pahayag na ipinapasok ng mga katulong na manunulat, kaya tumiwalag si Rizal upang kumatha ng Jose Rizal higit na mapapansin at mabisang hayag sa kanyang mga panawagan. Kinakailangang isalarawan nang mas makulay ang dalamhati ng mga Pilipino upang tunay na makita ang mga kalabisan, at ang paghihirap na nagmumula sa mga kalupitang ito. Sa isang aklat lamang magaganap ito kaya nagpasiya si Rizal na sumulat ng nobela.

Ang pambungad ng Noli Me Tangere (‘Huwag Akong Salingin’) ay naghayag ng hangarin ng sumulat, walang iba kundi ang pagbunyag sa tanaw ng lahat ng mga paghihirap

ng mga Pilipino, tulad ng pagbibilad ng mga maysakit nuong unang panahon, upang makapagpayo at makatulong sa pagpapagaling ang mga nagdaraan na nais dumamay. Ang pangunahing tauhan sa nobela ay si Ibarra, kaisa-isang anak at tagapagmana ng isang mayamang familia ng mga mestizo, halong dugo ng Intsik at Español. Pinag-aral siya ng mga magulang mula pagkabata sa Ateneo sa Manila, ang paaralang palakad ng mga frayleng Jesuit; pagkatapos, ipinagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral sa Europa, sa kahilingan ng kanyang ama.

Lumaki si Ibarra na hiwalay sa mga kapwa Pilipino, walang karanasan sa Pilipinas, at bahagya lamang niyang alam ang sariling bayan nang bumalik mula sa Europa. Kaya hindi siya napaniwala ni Elias, nang lumapit ito sa kanya upang humingi ng tulong para sa mga naaapi at pinagmamalupitan. Sa halip, sinabi ni Ibarra, ang palakad sa Pilipinas ay ang pinakamainam at angkop sa kasalukuyang katayuan ng lipunang Pilipino. Hindi pa oras upang palitan ang pamahalaan ng bayan, ang sagot ni Ibarra kay Elias.

Dahil sa pag-ibig ni Maria Clara

Mahal ni Ibarra ang kanyang bayan, at hindi siya bulag at bingi sa nadatnang paghihirap ng mga tao, ngunit tapat siyang naniniwala sa sinabi niya kay Elias dahil siya ay maligaya, at umiibig sa isang dalagang kababata niya, anak ng frayle sa paroco ng kanyang nayon, at iniibig din siya ng dalaga, si Maria Clara. Sa isang tula na karaniwan sa mga umiibig, ipinangako ni Ibarra sa kasintahan - ang katauhan ng minamahal niyang bayan - na tutustusan niya ang pagpagawa ng mga kailangan sa kabayanan, gaya ng isang paaralang bayan.

Ngunit ang frayle ng paroco ay salungat sa ibigan, at damdamin niyang tungkulin na pigilan ang kanyang anak na babae na magpakasal kay Ibarra sapagkat hinahamak ang mga Pilipino at higit na mainam mag-asawa si Maria Clara ng isang Español nang mamuhay siya nang tahimik sa piling ng kanyang mga magiging anak. Isa pa, isang pangahas si Ibarra na ni hindi humahalik sa kamay ng frayle at ang turing sa frayle, kahit na magalang, ay hindi ang paluhod na pagsumamo na karaniwang inaasahan mula sa mga katutubo. Siklab ang luob niya nang ibalita sa kanya ng alcalde ng kabayanan na balak ni Ibarra na magpatayo ng isang paaralan, at sinumpa niyang maghihiganti siya sa ang sinumang tumulong kay Ibarra.

Napilitang lumapit si Ibarra sa alcalde-mayor (governador ng lalawigan), sa director ng pamamahalang civil, pati sa governador general ng Pilipinas mismo. Tinulungan naman siya ng mga ito, ngunit sa pagdiriwang nuong simula ng pagtatayo ng paaralan, naganap ang isang ‘sakuna,’ at si Elias lamang ang nakapagligtas kay Ibarra sa kamatayan.

Lalong pumait ang kalagayan ni Ibarra nang isa pang frayle ang napaibig kay Maria Clara, at 2 frayle ang naging kalaban niya. Nangyari naman na biglang nagkaroon ng aklasan upang patayin ang frayle na, hindi inaasahan, ay wala sa kanyang convento. Hindi rin inaasahan, nanduon ang mga Guardia Civil na dumakip sa ilang kasapi sa aklasan. Pinilit ang mga bihag na ituro si Ibarra bilang pinuno ng pag-aklas. Ang mga tumanggi ay pinahirapan at pinatay. Ang iba ay hindi nakatiis sa pahirap at pumayag na

paratangan si Ibarra.

Nabalaan naman ni Elias at nakatakas si Ibarra sa Manila at duon nagpadakip sa mga maykapangyarihan. Ikinulong siya sa Fuerza Santiago at minsan pa uli, sinagip siya ni Elias. Pagkatakas sa fuerza, hinayag niya kay Ibarra na ibinaon niya sa isang lihim na pook ang salapi at kayamanan ni Ibarra. Maaari niyang gamitin iyon upang mamuhay sa labas ng Pilipinas at magsikap mapagbuti ang kalagayan ng mga Pilipino mula duon. Dahil sa mayaman si Ibarra at nakapag-aaral, higit na mahalaga at mabisa si Ibarra, kaya nang malapit na silang masukol ng humahabol na Guardia Civil, nilansi sila at iniligaw ni Elias. Napatay siya ng mga sundalo.

Maraming tunay na pangyayari sa buhay ng mga Pilipino ang lakip sa aklat.

El Filibusterismo

Nagpatuloy ang kasaysayan ni Ibarra sa pang-2 aklat, El Filibusterismo (‘Ang Subersivo’). Nakalabas si Ibarra ng Pilipinas at yumaman sa kalakal, nanirahan sa Cuba bilang mag-aalahas at nakaibigan ang governador duon sa pamamagitan ng mga mamahaling handog. Nagpa-utang pa siya ng salapi upang mabigyan ng pahintulot na lumipat sa Pilipinas, gamit ang ibang pangalan at balatkayo. Tinupad niya, pagkabalik sa kapuluan, ang sumpa niyang maghiganti. Inudyukan niya ang lupit at pagpamamalabis ng mga may-kapangyarihan sa mga tao upang mapilitan ang mga itong mag-aklas sa puot at takot mamatay sa pagpapahirap.

Abot langit ang panaghoy ng mga tao dahil sa dalamhati, subalit hindi sila naghimagsik. Ang tiyaga nila ay higit kaysa kay Ibarra na hindi na nakapaghintay pa. Naghanda siya ng isang pagdiriwang na dadaluhan ng mga

pinuno ng pamahalaan at ng mga pangunahing familia sa Manila, at naglagay siya sa ilalim ng bahay ng dinamita na pasasabugin niya sa kalagitnaan ng kasayahan. Sa gulong inaasahan niyang maghahari pagkasabog ng bomba, balak ni Ibarra na lusubin ang Intramuros, kasama ang mga kasapakat na mga tulisan, upang agawin si Maria Clara sa convento ng mga mongha ni Santa Clara, at tatakas silang dalawa.

Ngunit may isang Pilipino na pinagsabihan ni Ibarra ng kanyang mga balak. Magimbal ito at hinadlangan siya hanggang sa tuluyang natuklasan ang mga pakana ni Ibarra. Sugatan, agaw-buhay at hinahabol ng Guardia Civil, nagkubli si Ibarra sa bahay ni Padre Florentino na nagmulat sa kanya ng kanyang mga kamalian. Hindi nagtagal, namatay siya nang nagsisisi na hindi niya nagamit ang kanyang panahon sa mabuting gawain. Ang baul ng mga alahas at kayamanan na ibinigay ni Ibarra ay itinapon ni Padre Florentino sa dagat upang hindi na magamit uli sa masamang tangka.

Kaunti lamang ang bumasa

Sa 2 nobela, tinangka ni Rizal na ihayag ang 2 payo hindi lamang sa mga Español kundi pati na sa mga Pilipino. Sa una, ipinaalam niya sa pamahalaan na kapag hindi sinupil ang pagmamalabis ng mga frayle, mapipilitan ang mga nagdurusang tao na maghimagsik at maghangad ng kalayaan upang maputol ang kanilang paghihirap. Sa mga Pilipino, ang payo ni Rizal ay lalo lamang lalala ang pagdurusa ng bayan kung makikibaka sila para lamang sa sariling mga hangarin. Sa katauhan ni Elias, inihayag niya na tunay na pagka-makabayan at pagpa-pasakit lamang ang makakatulong sa bayan.

Naunawaan ba ng mga Español kung paano magagamit ang payo ni Rizal? Dininig ba ng mga Pilipino ang payo sa kanila?

Kung susubaybayan ng bumabasa itong kasaysayang isinusulat ko, na tatangkain kong walang kampihan upang maging higit na malinaw, maaaring masagot ang mga tanong na ito pagdating sa dulo. Sa kasalukuyan, sasabihin ko na lamang na iilang mga Español lamang ang bumasa sa mga sulat ni Rizal dahil sa siya ay isang ‘filibustero,’ at hindi maraming Pilipino ang nakabasa dahil ipinagbawal sa kapuluan ang mga aklat ni Rizal. Sang-ayon na nga sa isang kasabihan, ang magkasala ay siyang parusa na rin.

Nakaraang kabanata                 Tahanan ng mga Kasaysayang Pilipino                 Balik sa itaas                 Lista ng mga kabanata                 Sunod na kabanata