![]() ![]() Ang Himagsikan Ng Mga Pilipino
Sinulat ni Apolinario Mabini
Isinalin sa Tagalog mula sa English translation by Leon Ma. Guerrero |
|
Palakad Ng Español Bago Naghimagsikan DATI-RATI, may mga paaralan sa Manila na nagturo ng kaunting Latin at Español, mga tanging kailangan upang makapasok sa Universidad ng Santo Tomas, palakad ng mga frayleng Dominican, at mag-aral ng pag-aabogado, ng pagpa-pari at ng filosofia. Ang Pilipinong naging mga pari at mga abogado nuong panahon ni Padre Jose Burgos ay natutong maigi ng Latin ngunit bahagya lamang nakaunawa ng Español, maliban sa mga anak ng mga Español, dahil pulos religion ang itinuturo sa kanila. Kaunti lamang ang mga Pilipino na may sapat na yaman upang makapag- aral sa Manila. Karamihan ay nag-pari sapagkat mababa ang tingin ng mga frayle sa mga abogado, samantalang ikinarangal ng mga tao ang sinumang Pilipinong naging pari. Pagtagal-tagal, binago ng mga frayle ang tuntunin ng aralan sa Manila upang masaway ang pagdayo ng mga Pilipino sa España o |
iba pang bayan sa Europa upang mag-aral ng mga hindi itinuturo sa Manila. Napupulot kasi ang mga makabago at mapagpalayang pag-iisip sa labas ng bayan, lalo na ang mga panukalang labag sa palakad ng simbahan.
Nagbukas ang mga frayle sa Manila ng mga paaralan ng medicina at ng pharmaceutica, pangga-gamot at pagbu-botica, upang mapili nila ang mga aklat at mga guro na sang-ayon sa mga tuntunin ng Español, upang manatiling masunurin sa simbahan ang mga Pilipino, at upang matigil ang pagpasok sa Manila ng mga makapag-palayang panukala. Subalit lubusang uhaw sa kaalaman ang mga anak mayaman sa Pilipinas at patuloy ang pagdanak nila sa Europa upang mag-aral at matuto. Sa mga lumikas upang matutuhan kung paano mapagbubuti ang kalagayan ng mga tao, dapat itanghal sina Jose Rizal, mag-aral ng panggagamot, at Marcelo H. del Pilar, abogado sa Bulacan na inusig ng frayle sa kabayanan niya. |
Kung politica ang pag-uusapan, karumal-dumal ang kalagayan ng Pilipinas nuon. Dahil pag-aari lamang, at hindi kasapi sa kaharian ng España, walang mga karapatan ang mga Pilipino bilang mamamayan. Kaya maaaring gawin ng hari, at ng kanyang mga ministro, ang anumang nais nila. Dahil walang mga batas, kahit sinong hukom ay nailuluklok, o natatanggal, sa Pilipinas. Ang hari ng España ay kinakatawan ng isang governador, na laging general sa hukbong Español, at mistulang dictador sa kapuluan. Pati ang mga utos ng hari ay maaari nilang ibinbin, ibahin o kalimutan nang lubusan kung sa tingin nila, mapapahina ng mga ito ang paghahari ng España sa Pilipinas. May kapangyarihan din silang ipatapon sinuman nang walang laban o paglitis, ang ipagbawal ang pagbasa ng anumang aklat o pahayagan, ang pasukin nang walang pahintulot at saliksikin ang anumang tahanan, ang supilin ang anumang pagpupulong ng mga tao, at ang pagsamba maliban sa catholico. Sa madaling salita, supil ang anumang karapatan ng mga mamamayan, mga kalayaan na likas na sa mga katutubo mula nuong unang panahon pa. Samakatuwid, ang kapuluan ay sadlak sa paghahamok, kahit na lawak ang katahimikan sa lahat ng dako nang mahigit 300 taon. Ang governador ay pinuno rin ng hukbo sa Pilipinas. Bilang kinatawan ng |
![]() May consejo ng pangangasiwa na nagpapayo sa governador sa mga mahalagang paksa, at natatawag ng governador upang tumulong ang isa pang pulong, ang consejo ng kapuluan, na kinabibilangan ng mga pinunong nabanggit na, at ng pinuno ng hukbong dagat sa Pilipinas, ng arsobispo ng Manila at ng pangulo ng hukuman sa Manila. |
Lahat ng pangunahing kawanihan at pamahalaan ng mga lalawigan ay pinamumunuan ng mga Español na ipinanganak sa España, hindi ng mga Español na isinilang sa Pilipinas. Ang mga pinunong ito ay walang alam tungkol sa kapuluan at pinababalik agad sa Madrid tuwing may bakanteng katungkulan sa España. Iilang Pilipino lamang ang napiling manungkulan sa hukbo, sa mga kagawaran ng pamahalaan, o bilang mga hukom at abogado sa litisang bayan. May ilang mayayamang Pilipino na kasapi sa consejo ng pangangasiwa subalit tagapagpayo lamang at walang bayad. Lahat ng naging kawani sa pamahalaan ay nagsamantalang nagpayaman upang hindi maging dukha kapag natanggal sa tungkulin. Sila-sila ay nagtatakipan upang hindi matutop at mabulgar ang kanilang mga kagagawan, na nagiging kahihiyan nilang lahat. Kaya sinumang Pilipino na nagsumbong ng pagnanakaw at kalabisan ng mga frayle at mga kawani ng pamahalaan ay pinaratangan at pinarusahan bilang subersibo, kalaban ng bayan. Walang kinatawan ng kapuluan sa Cortez, ang batasan ng España, kahit na sa pamahalaang municipal maliban sa lungsod ng Manila. Ang mga alcalde ng kabayanan ay mga tagapag-kalkal lamang ng buwis at tagasunod sa utos ng mga pinuno ng lalawigan. Sila ang nagpapa-ayos ng mga lansangan, gamit ang sapilitan at walang bayad na paglilingkod ng mga taong bayan. Hindi sila binibigyan ng salapi o kapangyarihang magpaganap ng iba pang gawain, kaya ang mga alcalde ay hindi pinuno ng kanilang mga kabayanan kundi utusan lamang ng mga frayle at ng Guardia Civil sa kanilang purok. |
|
Nakaraang kabanata Tahanan ng mga Kasaysayan Balik sa itaas Lista ng mga kabanata Sunod na kabanata |