![]() ![]() Ang Himagsikan Ng Mga Pilipino
Sinulat ni Apolinario Mabini
Isinalin sa Tagalog mula sa English translation by Leon Ma. Guerrero |
|
BAGO-BAGO lamang ang himagsikan ng Pilipinas, at masasabing nagsimula ito sa pagbukas ng Suez Canal nuong 1869. Ang mga aklasang naganap bago nito ay saklob lamang sa maliliit na bahagi ng Pilipinas, udyok ng kawalang-hiyaan sa iba’t ibang pook o ng paglapastangan sa pailan-ilang tao. Wala nuong aklasang nagmula sa malawak na pagnanasa ng pagbabago, kaya masasabi na ang mga aklasan nuon ay munting away-away lamang. Pati na ang aklasan ng mga sandatahan sa Cavite nuon 1872 ay ganitong uri ng labanan. Sina Padre Jose Burgos, Padre Mariano Gomez at Padre Jacinto Zamora, ang mga pinalabas na may pakana ng pag-aaklas at binitay nuong Febrero 1897 sa paratang na ito, ay humihingi lamang ng kabayaran o kapalit ng mga paroco na inagaw ng mga frayleng Español mula sa mga Pilipinong pari. Ang adhika nila ay pang-kanila lamang, na kilalanin ang karapatan ng mga Pilipinong pari na magpalakad sa mga simbahan dito sa kapuluan. Kanya-kanya ang mga adhika nuon, maging nuong simula’t simula pa, sapagkat nang sakupin ng mga Español ang kapuluan nuong kalagitnaan ng |
ika-16 sandaang taon, nagsisimula pa lamang ang pagbuo ng mga lipunang Pilipino. Bawat pangkat ay may sariling wika at mga gawi, at sariling mga pinuno na hindi nanagot sa iba pang mga pinuno. Sa malalaking purok, kahit na iisa ang wika at magkakahawig ang gawi, hati-hati at hiwa-hiwalay ang pumumuno at ang lipunang sinasaklaw, gaya sa Manila, ang mataong kabayanan, ay may 2 pamunuan, tinawag na mga rajah, isa sa hilaga ng ilog Pasig at isa sa timog.
Hindi tinangka ng mga pinuno duon na pag-isahin ang mga pamahalaan at pagsama-samahin ang kabayanan sa pamamagitan ng kasunduan o kahit na sa dahas at paglusob, kaya hindi nagkaroon kailan man ng malawakang pagkakaisa o pagsasamahan. Kaya naman agad silang nasakop ng mga Español na nakipag-kaibigan at kampihan sa mga pinunong nakitungo sa kanila, at sa tulong ng mga ito, nilusob at ginapi ang mga pinunong laban sa kanila. Nang pagtagal-tagal at naunsiyami ang mga kaibigan nilang mga pinuno, nang naging pagsakop at paghahari ang huwad na pakikipag-kaibigan ng mga Español, isa-isang inalis sa kapangyarihan ang mga pinuno o sila ay lubusang binura na, sa anumang dahilan na naisipan ng mga Español. |
Kunyari pagpalawak ng catholico Pinahina o pinatay pati na ang sinumang may sapat na kapangyarihan o mga kakampi upang lumaban o mag-aklas. Ipinagbawal din ng mga Español ang dating gawi ng mga katutubo ng paggamit ng mga sandata, at naiwang walang lakas o pananggalang ang mga tao laban sa mga Muslim mula Mindanao na ilang ulit lumusob at dumukot ng mga maa-alipin sa Luzon at Visaya. Ni hindi sila naipagtanggol ng mga Español, nuong bago nagkaroon ng mga barkong de-makina ang mga ito. Kunwa’y pagpapalawak ng simbahang catholico ang tuntunin ng pagsakop ng mga Español, iligtas ang mga tao mula sa mga pakana ng mga talipandas at ni Satanas upang magkaroon sila, ang mga tao, ng pagkakataong mamuhay nang matiwasay sa kabihasnan, at nang walang hanggan sa kabilang buhay. Napaka-inam na tuntunin, wala ng kapantay pa. Ngunit ang mga sumakop, ang mga conquistador, ay nagtaya ng kanilang buhay sa ligalig ng malawak na dagat at sa pakikibaka laban sa mga mababangis na tao, sa pagtahak sa mga hindi kilalang lupa at pagdurusa sa init at lamig ng hindi nakasanayang panahon. Ang mapagbuti ang kapakanan ng mga hindi kilalang tao ay hindi sapat na dahilan upang makipag-sapalaran ang sinumang nilalang. May iba at higit na madaliang layunin ang mga conquistador, - ang magpayaman. Ang ginto sa America, at ang pagka-ganid ang nagsulsol sa mga sumakop na maglagalag. Ano ba, at ang pagsakop sa mga bagong lupa ay humantong sa mga |
Matapos sakupin ang Luzon at Visaya, pinaghati-hati ng mga Español ang kapuluan sa mga bahagi na tinawag nilang mga encomienda. Ang mga sumikat sa paglupig ay binigyan ng kanya-kanyang encomienda na maaaring manahin ng kanilang mga anak, upang gamitin sa pagpapayaman. Lahat ng tao sa bawat encomienda ay ginawang alipin, at upang bumilis ang pagyaman ng mga encomendero, kinalkal bilang buwis ang malalaking bahagi ng kanilang ani at pag-aari. |
Nawalan ng pagsisikap ang tao Walang naiwan sa mga tao matapos mabuwisan taon-taon, at nawalan sila ng ganang magsikap pa dahil kinukuha rin namang lahat ng mga encomendero. Kaya nilimot nila ang mga galing at gawaing natutunan nila mula sa mga ninuno, mga Intsik, Hapon at iba pang dayuhan na nakipagkalakal sa kanila nang daan-daan taon sa nakaraan, at inasikaso na lamang ang kailangan upang mabuhay sa kasalukuyan. Mabuti na lamang, nuon, maunti pa ang mga tao at may sapat na mga tanim at bungang kahoy sa gubat-gubat, at mga isda sa ilog at dalampasigan, upang ikabuhay ng mga alipin, ngunit biglang-bigla, naging isang kahig isang tuka ang pamumuhay ng mga katutubo. Itong pamumuhay, saliw sa kawalang pag-asang makaahon sa paghihirap, ang tinawag ng mga Español na katamaran ng mga Pilipino. Sa kabilang dako, masugid na pinuksa ng mga frayle ang mga lumang gawi ng mga tao sa malupit na pag-uusig ng mga hindi-binyagan, bahagi ng tinawag |
na Inquisition, upang mapalawak ang pagsambang catholico, at naglaho ang mga nakagawian, ang mga awit at mga kasaysayan ng mga ninuno tungkol sa pinagmulan, paglibot at pagdanak ng mga tao sa kapuluan, - napalitan ng mga gawi at paniniwala ng mga dayuhan. Napaka-laki ng mga pagbabago, napaka-hapdi at napaka-gimbal, ano ba’t sinabayan pa ng hindi masukat na pagmamalupit at pagbihag sa mga tao hanggang, lunos na sa paghihirap, nagapi ang mga ito at yumuko sa ang mga aral ng dayuhan.
Dito makikita kung paanong naging musmos uli ang isang lipunang natuto na at patuloy pa sanang umunlad, ngunit naantal ang paglaki at mistulang nawalan ng malay, walang pagkakilala sa sarili bilang isang lipunan, nang 300 taon. Upang mapatagal ang kanilang pagsakop, pinanatili ng mga Español ang pagka-mangmang at pagka-mahina ng mga tao. Ang kaalaman at kayamanan ay kapangyarihan kaya ang mga dukha at mga walang muwang ay mahina. |
![]() Pilit inilihim, sinupalpal pati ang alingawngaw ng mga himagsikan sa hilagang America ng mga Amerkano laban sa mga British, sa Europa ng mga Frances laban sa kanilang hari at mga maharlika, at sa timog America ng mga sakop duon laban sa mga Español. Ayaw hayaang magising ang mga Pilipino mula sa kanilang pagkakaidlip sa kawalang muwang, kahit binabangungot paminsan-minsan. Sa madaling salita, nagtulong ang mga Español, ang maykapangyarihan at mga frayle, upang ihiwalay ang mga Pilipino nang lubusan mula sa ibang bahagi ng daigdig, nang hindi mahawa ang mga tao sa mga alituntunin at pag-iisip mula sa labas, maliban sa mga sinang-ayunan ng mga sumasakop. |
|
Nakaraang kabanata Tahanan ng mga Kasaysayang Pilipino Balik sa itaas Lista ng mga kabanata Sunod na kabanata |