Luksa Sa Patay,
Mga Babae Ang Pari

MARANGAL ang makain ng buaya, o mapatay sa saksak o tama ng mga palaso (flechas, arrows), ayon sa paniwala ng mga tao dito. Tuluy-tuloy silang lahat sa langit (cielo, heaven), dumadaan sa arco na nabubuo kapag umuulan (bahaghari, rainbow), at nagiging mga diyos.

Ang kaluluwa ng mga nalunod ay naiiwan sa dagat habang panahon (siempre, forever). Bilang parangal sa namatay, natatayo sila ng mahabang kawayan at isinasabit sa itaas ang damit ng namatay. Iniiwanan nila duon hanggang maagnas at maglaho na ang damit.

Panawagan ng ‘baylana’
Kung magkasakit ang mga anak o kamag-anak ng nalunod na tao, dinadala sila sa dagat, sakay sa bangka na tinatawag na baranggay. Kasama nila ang isang baylana, babae na pari nila, na nagtuturo kung saan sa dagat nila ihahagis ang isang tampipi (baul, chest) na may damit ng nalunod. Sabay sa paghagis, nagdadasal ang baylana at ang mga nakasakay sa bangka sa mga namatay nilang ninuno na pagpalain at iligtas sa panganib ang mga maysakit.

Kapag namatay sa sakit ang isang bata, sinasabi ng mga Pintados (mga Visaya) na kinain ng mga mangalo (duendes, goblins) ang bituka (entranias, bowels) ng bata kaya namatay. Hindi kasi alam ng mga tagarito na ang baho ng bulok ang sanhi ng mga sakit.

[ Munting paliwanag: Nuong panahon ng Espanyol, paniwala ng mga taga-Europa na ang mabantot o ‘masamang hangin’ (mal aire, malaria) ang pinagmumulan ng mga sakit. Bandang panahon na ni Jose Rizal umunlad ang mga agham (sciences) at natuklasan na mga microbio (germs) pala ang sanhi ng mga sakit. ]

Kung matanda naman ang namatay, ang sabi nila ay ‘tinangay ng hangin’ ang kaluluwa. Ang mga namatay nang ganuon ay napupunta sa Arayas, ang mga baranggay ng patay sa tuktok ng Mayas, isang mataas na bundok sa pulo ng Panay. Paniwala naman ng mga Yligueynes (mga Iligan o mga tao ng ilogan o ilog) na taga-Cebu, Bohol at Bantay (sa tabi ng Cebu, Bantayan Islands ang tawag ngayon) na ang mga kaluluwa ng mga namatay ay nagpupunta sa sinapupunan ni Siburanen (si Buranen), isang diyos na nakatira sa isang mataas na bundok sa pulo ng Burney (Borneo).

Sukat ng buhay
Sabi-sabi nila, may isa pang diyos sa langit, Sidapa (si Dapa), na may isang matayog na punong kahoy sa bundok Mayas. Nilalagyan niya ng takda ang puno tuwing may ipinapanganak na bata, at pag laki nito at naabot ang tangkad ng takda, namamatay agad ang tao.

Mayroon ding naniniwala rito na ang mga kaluluwa ng namatay ay napupunta sa ‘kabilang buhay’ (infierno) na sakop ng 2 diyos duon, sina Simuran (si Moran) at Siguinarugan (si Ginarugan). Sabi nila, napapalaya uli ang mga kaluluwa kung mag-aalay (sacrificio, offering) ang mga kamag-anak sa mga pagdiriwang na tinatawag nilang maganito (mag-aanyito).

Naghihirap ang mahirap.
May Yligueynes (mga Iligan) na nagsasabi na ang mga kaluluwa ng namatay ay kinukuha ni Maguayen, isang diyos din, at dinadala sa kanyang baranggay na tinatawag na Sumpoy. Subalit hindi nagtatagal duon, sabi nila, at inaagaw ng isa pang diyos at dinadala kay Siburanen (si Buranen). Binibihag daw nang pantay-pantay, mabuti man o masama, ang lahat ng kaluluwa.

Kailangan daw maganito (mag-anyito) upang mapalaya ang kaluluwa. Subalit ang mga mahirap, dahil walang nag-aalay ng maganito para sa kanila, ay naiiwang bihag habang panahon sa ilalim ni Buranen.

Mula dito, nakikita na walang halaga sa kanila kung mabuti o masama ang tao. Nakikita rin ang muhi nila sa pagiging mahirap.

Babae ang pari, inuman ang ‘misa’
Ang mga katutubo sa kapuluang ito ay walang takdang panahon ng pagsamba sa kanilang mga diyos. Wala rin silang takdang puok na pinag-aalayan o simbahan. Kung mayroon lamang na may sakit saka sila nag-aalay, o kung mayroong digmaan o bago magtanim ng palay.

Ang pag-aalay ay tinatawag na baylanes (mga baylanan, tinawag ding nag-aanyito) at baylanes (mga baylan o babaylan) din ang tawag sa mga pari (sacerdotisas, priestesses) na namumuno sa pag-aalay. Makulay at magara ang suot ng mga baylan, may mga kuwintas na bulaklak (guirnaldas, garlands) pa sa ulo at maraming alahas na ginto.

Nagdadala sila (sa bahay ng maysakit) ng mga pitarillas (isang uri ng banga o palayok) na puno ng alak (arrach, liquor) na gawa sa kanin (tinawag ding pitarilya,). Nagdadala rin sila ng kanin, mga ulam at isang buhay na baboy.

Umaawit at nagdadasal ang mga babaylan, tinatawag ang multo (espirito, demon) na nagpapakita sa kanila, balot na balot ng ginto. Pumapasok ang multo sa katawan ng babaylan at bumabagsak siya sa lupa, kumikisay at tumutulo ang laway parang baliw. Habang ‘hawak’ siya ng multo, ihahayag niya kung gagaling ang maysakit o mamamatay.

PAGHANAP SA MGA UNANG PILIPINO: Chronicles

Census At Analysis Ng Pilipinas Nuong 1582
‘Relacion de las Yslas Filipinas’   ni Miguel de Loarca

Sa ibang pag-aalay, sinasabi ng babaylan kung ano ang mangyayari sa darating na panahon. Ang pag-aalay ay sinasaliwan ng tugtog ng mga kulingling (campanillas, bells) at mga gong (tambors, drums). Pagkatapos sabihin ng babaylan ang kanyang hula (prediccion, prophesy), tumatayo siya at kumukuha ng sibat (lanza, spear) at pinapatay ang baboy, sinasaksak sa puso.

Tapos, nililinis ang baboy at niluluto upang ialay sa multo. Sa isang hapag pang-alay (altar), ilalatag ang nilutong baboy at lahat ng pagkain at alak na dala ng babaylan at ng mga kamag-anak ng maysakit. Ginagawa rin nila ito upang mapalaya ang kaluluwa ng namatay mula sa ‘kabilang buhay,’ humihingi ng tulong mula sa kanilang mga ninuno na nagpapakita raw sa kanila at sinasagot ang kanilang mga tanong.

Kung aalis sila upang lusubin ang mga kaaway, nag-aalay din sila kay Varangao, ang diyos ng bahaghari (rainbow), at 2 pang diyos din, sina Ynaguinid (Inang Ginid) at Macanduc.

Walang katapusang daigdig.
Paniwala ng mga tao na walang katapusan ang mondo. Sabi nila, si Macaptan ang nakatira sa pinakamataas na langit. Masamang diyos daw si Macaptan dahil naghuhulog ng sakit at kamatayan sa mga tao. Kasi, sabi nila, hindi siya nakakatikim ng pagkain mula sa lupa, at hindi rin umiinom ng alak na pitarilla. Kaya hindi niya mahal at pinapatay ang mga tao.

Mayroon daw na babaing diyos sa pulo ng Negros, si Lalahon. Duon daw nakatira sa tuktok ng isang bulkan (volcan, volcano) na 5 leguas (bandang 24 kilometro) mula sa kabayanan (poblacion, town) ng Arevalo, at siya raw ang naghahagis ng apoy mula sa bulkan. Nagdadasal sila kay Lalahon tuwing panahon ng pag-ani. Kung ayaw daw ng diyosa (diosa, goddess) na bigyan sila ng mabunying ani, nagkakalat daw ng maraming balang (langosta, locust) upang kainin ang lahat ng palay sa bukid.

Lamay at libing ng patay.
Kapag may namatay dito, nagsisindi ng maraming siga (hogueras, bonfires) sa paligid ng bahay niya at gabi-gabi, nagbabantay ang mga tao, hawak-hawak ang kanilang mga sandata. Natatakot daw sila na baka may lumapit na mangkukulam (brujo, sorcerer) na hihipo sa kabaong (ataud, coffin).

Kapag nangyari daw iyon, sasabog bigla ang kabaong at aalingasaw ang amoy ng patay, at hindi na maaaring ibalik ang bangkay (cadaver, corpse) sa kabaong. Ang kabaong ay gawa sa inukit na punong kahoy na pinupuno nila ng mga damit at ginto ng namatay. Marami pang pag-aari ng namatay ang inilalagay nila sa kabaong na inililibing sa tabi ng bahay ng patay.

Kapag mayaman daw ang libing, mainam daw ang tanggap sa ‘kabilang buhay,’ subalit matumal daw ang tanggap sa mga mahirap (pobre, poor).

Inililibing pati ang alipin.
May matandang ugali ang mga Dumaguet (Dumagiti, mga tao na natagpuan ng mga Espanyol sa pulo ng Negros, sa banda ng ngayong Dumaguete City). Kapag namatay ang isang pinuno, pumapatay din sila ng isang alipin nito upang magsilbi sa kanyang panginoon (amo, master) sa ‘kabilang buhay.’ Hanggang maaari, ginagaya nila kung paano namatay ang pinuno, ganuon din ang ginagawa nilang pagpatay sa alipin.

Dahil hindi naman sila lubusang malupit (severo, cruel), ang pinipili nilang alipin ay ang pinakamatanda at pinakamahirap, at isang tagalabas (estranjero, foreigner) at hindi tagarito (indigena, native).

Sabi nila, matanda na ang ugaling ito, minana pa nila 10,000 taon na ang nakalipas mula sa isang pinuno, si Marapan. Minsan, nagpahinga raw si Marapan at humingi sa alipin niya ng damo upang punasan ang sarili. Hinagis daw ng alipin ang isang malaking talahib (elephant grass), tinamaan at nasugatan sa tuhod si Marapan. Dahil matanda na siya, nagkasakit at namatay si Marapan dahil sa sugat.

Bago siya namatay, hinabilin ni Marapan na patayin din ang alipin at ang familia nito. Mula nuon, sabi ng mga Dumaguet, naging ugali na nila ang pumatay ng alipin tuwing mamatay ang isang pinuno.

‘Maglahe’ at luksa sa patay.
Kapag namatay ang magulang o malapit na kamag-anak, hindi kumakain ng kanin ang mga naulila, pulos saging (bananas) at camote lamang, at hindi sila umiinom ng pitarilla hanggang hindi sila nakakabihag o nakakapatay ng isang tao sa digmaan o dambungan (asalto, raid).

Palatandaan ng kanilang pagluluksa (luto, mourning), nagtatali sila ng yantok (bejucos, rattan) sa buong bisig (brazo, arm), at nagku-kwintas din ng yantok sa leeg.

Hinuhubad lamang nila ang yantok, at kumakain uli ng kanin sa babang luksa, kapag nakabihag o nakapatay na sila. Nangyayari na isang taon silang nagluluksa, at nanghihina silang maigi at nagiging malamya (debilitado, languid).

May isang uri ng luksa na tinatawag nilang maglahe. Kung minsan, nagpapa-gutom hanggang mamatay ang isang pinuno na naulila, subalit agad liligid sa buong baranggay ang kanyang mga timagua (timawa, ipinaliwanag sa susunod na kabanata) at mga galipin. Mag-iipon sila mula sa mga tao ng mga pagkain at tuba, alak na gawa mula sa puno ng niyog (vino cocotero, palm wine). Pilit nilang pakakainin at paiinumin ang pinuno upang hindi ito mamatay at natatapos ang maglahe.

‘Morotal,’ luksa ng babae.
Kahawig ang pagluluksa ng sinusunod ng mga babae, na tinatawag nilang morotal, subalit sa halip na bumihag o pumatay ng tao, nagsusuot sila ng mga puting damit at dumadalaw sa baranggay ng mga kaibigan nila. Sakay sila sa isang bangkang pandagat, tinatawag ding baranggay, kasama ang 3 magiting na indio - isang gabay (piloto, steersman), isang taga-limas (achico, bailer) at isang taliba (vanguard) sa harap ng bangka. Pinipili ang 3 lalaki na maraming tagumpay sa digmaan.

Habang lumalaot, panay ang awit ng 3 indio tungkol sa kanilang maraming panalo, ang dami ng mga nabihag, at ang mga kalaban na napatay nila sa bakbakan. Inom nang inom silang lahat, ang mga babae at 3 lalaki, ng pitarilla at iba pang alak na dala nila sa bangka habang naglalakbay. Pagdating nila sa baranggay ng kaibigan, nagdidiwang sila, kainan at inuman. Inaanyayahan nila ang kaibigan na dumalaw din sa kanilang baranggay. Tapos, inaalis na nila ang puting damit at mga yantok na kuwintas at pulupot sa bisig. Ito ang katapusan ng luksang morotal. Nagsusuot na uli sila ng makulay na damit at kumakain na ng kanin mula nuon.

‘Larao,’ luksa sa pinuno.
May isang mabagsik na uri ng luksa, tinatawag na larao, na sinusunod ng mga tao kapag namatay ang isang pinuno at walang sumusuway sa mga utos:

  • Bawal makipag-away habang nagluluksa, lalo ka sa araw ng libing.
  • Sa ibaba dapat nakatutok ang tulis ng sibat kapag dala-dala. Ang balaraw o panaksak ay dapat nakasukbit nang baligtad sa baywang.
  • Walang dapat magsuot ng magara o makulay na damit.
  • Bawal umawit habang namamangka sa banda ng baranggay. Dapat tahimik ang lahat sa loob ng baranggay.
  • Gumagawa sila ng bakod paligid sa bahay ng namatay na pinuno. Bawal pumuslit dito, at sinumang bumastos, kahit na pinuno rin, ay pinarurusahan.

Para malaman ng lahat ng tao na may luksa para sa pinuno at walang makapag-maangan na hindi nila alam, pinapaligid sa buong baranggay ang isang timagua na iginagalang ng lahat, upang ipaalam ang pagkamatay ng pinuno. Sinuman lumabag sa mga bawal ay pinagbabayad agad ng multa. Kung ang lumabag ay isang alipin, ang panginoon niya ang nagbabayad ng multa. Kung ang alipin ay tumarampoc, na may sariling bahay, siya ay ginagawang aliping ayuey pagkatapos bayaran ang multa, at kailangan na siyang magsilbi sa bahay ng kanyang panginoon.

Sa mga Espanyol, lubhang malupit ang ugaling ito na sinusunod ng lahat, alipin, timagua at mga pinuno, subalit sabi nila na ipinamana itong mga gawi ng kanilang mga diyos, si Lupluban at si Panas.

Ang simula ng digmaan.
Si Panas ang anak na lalaki ni Anor-anor na apo (nieto, grandson) ng mga unang tao sa mondo. Si Panas ang nagsimula ng digmaan sa daigdig, nang labanan niya si Mangaran. (Hindi ipinaliwanag ni Loarca kung sino si Mangaran.) Si Panas din daw ang unang gumamit ng sandata, sa bakbakan nila ni Mangaran tungkol sa pamana (herencia, inheritance).

Dahil duon, nahati ang mga tao sa 2 pangkat at nagkaroon na ng digmaan mula nuong panahon na iyon. Sabi pa nila, may 3 dahilan kaya nagiging karapat-dapat ang digmaan:

  1. Kapag pinatay nang walang dahilan ang isang indio pagpunta niya sa ibang baranggay
  2. Kapag dinukot ang kanilang asawang babae
  3. Kapag nakipagkalakal ang isang indio sa ibang baranggay at, kunyari ay kaibigan, siya ay dinaya, nilinlang o sinaktan ng mga traidor.

Ang pinagmulan ng batas.
Ang mga nagdidigmaan, isa-isang tao o baranggay laban sa baranggay man ang nag-away, ay napagkakasundo sa pamamagitan ng casi-casi. Nagpapatulo sila ng dugo mula sa bisig ng mga nag-aaway at hinahaluan ng alak sa isang bao (coconut shell), tapos ipinaiinom sa magkalaban. Sa pagtikim ng dugo na kalaban, nagkakaibigan silang matalik.

Sabi nila, ang mga batas ay pamana ni Lupluban, ang apong babae ng unang babae at lalaki sa mondo. Ugali nila na mga pinuno lamang ang nagpatupad ng batas at nagpaparusa sa mga lumabag. Wala silang palagiang hukom bagaman at may mga tao na namamagitan at pinagkakasundo ang mga nag-aaway upang matigil ang labanan.

Ang pinagkunan:   Relacion de las Yslas Filipinas, ni Miguel de Loarca, sinulat nuong Junio 1582, at bahagi ng
The Philippine Islands, 1493-1898, nina Emma Helen Blair at James A. Robertson, inilathala sa Manila, 1903,
Bank of the Philippine Islands commemorative CD re-release, 1998

Nakaraang kabanata          Balik sa itaas          Lista ng mga kabanata          Tahanan ng mga Kasaysayan          Sunod na kabanata