Ang Mga ‘Pintados’

ANG MGA VISAYA ay maputi. Maganda ang mga babae at makisig ang mga lalaki. Karaniwan ang kanilang mga mukha. Mahaba ang kanilang mga buhok na maayos nilang pinupusod sa tuktok ng ulo.

Tadtad ng tattoo ang buong katawan ng mga lalaki. Iba-ibang hugis at anyo ang mga ginuguhit nila sa balat, gamit ang pako o karayom na bakal (hierro, iron) na isinasawsaw sa tinta (ink). Humahalo ito sa dugo at hindi na nabubura ang inukit na tattoo.

Mabuti ang panahon sa pulo ng mga Pintado at malusog ang mga Visaya. Wala silang mga pilay (lisiados, cripples), bingi o pipi (sordomudo, deafmute). Wala sa kanilang baliw (loco, insane) o minulto (possessed). Lahat sila ay malakas ang katawan kahit matanda na.

Walang takot sa patayan.
Matapang ang mga Pintados at handang makipagdigmaan kahit kailan. Lagi na lamang silang nakikipaglaban sa dagat at sa lupa.

Nagbubutas sila sa tenga at sinasabitan ng mga hikaw (pendientes, earrings). Nagsusuot din sila ng magagarang mga kuwintas (alhajas, necklaces) at sinsing sa bisig (pulseras, armlets). Maayos at mahinhin ang kanilang mga damit, karaniwang hawi sa bulak (cotton), madrinyaque (sinamay, tela na gawa sa abaca) at sutla (seda, silk) na nagmula pa sa China.

Mahusay magdamit ang mga babae, tinatakpan lamang ang mga bahagi ng katawan na dapat itago. Mahilig silang gumamit ng pabango.

PAGHANAP SA MGA UNANG PILIPINO: Chronicles

Census At Analysis Ng Pilipinas Nuong 1582
‘Relacion de las Yslas Filipinas’   ni Miguel de Loarca

Sugapa sila sa inuman. Masarap ang mga alak na ginagawa nila mula sa kanin (arroz, rice) o mula sa niyog. Kahit na lasing sila, hindi sila nagagalit o nakikipag-away, kundi dinadaan nila sa biro o natutulog na lamang.

Mahal na mahal ng mga lalaki ang kanilang mga asawa. Sila ang nagbibigay ng bigay kaya (dote, dowry) sa kasal. Wala silang paki kung malinis (doncella, virgin) o hindi ang babae pagkasal nila. At kahit na sumiping sa ibang lalaki ang asawa, hindi nila pinarurusahan - ang ibang lalaki ang inuusig nila.

Ugaling pampalibog
Isang karumal-dumal na ugali ng mga lalaki: binubutasan nila ang kanilang titi at sinasaksakan ng maliit na tubong bakal (estano, tin tube), tapos kinakabitan sa magkabilang dulo ng kalikot (espuelas, spurs). Kung minsan, umaabot ng ¼ kilo ang bigat ng gamit na ito.

May 20 hugis ang iba’t ibang kalikot na ginagamit nila, hindi ko lamang mailarawan dahil nakakahiyang pag-usapan. Ginagamit nila ito upang masiyahan daw ang kanilang mga asawa kapag nagsisiping sila.

Hindi ugali ito ng mga tagabundok, ang tinatawag na mga tinguianes (mga Tinggian). Lahat ng mga lalaki, sa bundok man o sa tabing-dagat, ay nagpapatuli (circuncidar, circumcize) para daw maging malinis at manatiling malakas ang katawan.

Family planning, birth control.
Maganda ang mga babae subalit hindi sila tapat. Hindi sila nangingiming makiapid (adultery) sapagkat alam nilang hindi sila parurusahan.

Ikinahihiya ng mga babae ang magkaroon ng maraming anak. Sabi nila, kapag pinaghati-hati ang mga ari-arian para sa mana, lahat ng mga anak ay magiging mahirap kung marami sila. Kaya mas maigi raw ang magkaroon ng isang anak lamang, mas malaki ang mamanahin.

Maingat pumili ng asawa ang mga Pintados, ayaw nilang makasal sa mas mababang tao kaysa sa kanila. Kaya ang mga pinuno ng baranggay ay hindi nag-aasawa kundi ng mga anak ng mga pinuno rin. Sanay ang mga lalaki na mag-asawa ng kasing dami ng kaya nilang tustusan.

Mga babaing magaslaw.
Lubhang magaslaw ang mga babae. Sinusulsulan pa ng mga ina ang kanilang mga anak na babae na makipag-asawa nang masigla at marami, kaya walang ugali silang ikinahihiyang gawin kahit sa harap ng mga magulang dahil hindi sila pinagagalitan.

Ang mga lalaki ay hindi kasing gaspang ng mga Moro. Mahal na mahal nila ang kanilang mga asawa. Kapag may away, kinakampihan nila ang asawang babae, kahit na makaaway nila ang sariling kamag-anak, kahit na ang mga magulang at kapatid.

Ang pinagkunan:   Relacion de las Yslas Filipinas, ni Miguel de Loarca, sinulat nuong Junio 1582, at bahagi ng
The Philippine Islands, 1493-1898, nina Emma Helen Blair at James A. Robertson, inilathala sa Manila, 1903,
Bank of the Philippine Islands commemorative CD re-release, 1998

Nakaraang kabanata          Balik sa itaas          Lista ng mga kabanata          Tahanan ng mga Kasaysayan          Sunod na kabanata