Mindoro At Palawan

MUNTING LUZON ang dating tawag ng mga katutubo at mga nagkalakal mula sa China sa malaking pulo ng Mindoro dahil walang pinag-iba ang mga nakatira duon sa mga tao sa Manila na tinawag na Lui-song (playa, beach o dalampasigan) ng mga taga-China.

Nuong una, maraming tagapulo ang dumayo dito upang makipagkalakal sa mga Intsik. Itinaboy nila ang mga katutubo ng Mindoro, ang tinatawag ngayong mga Mangyan, sa mga gubat at bundok sa looban, at itinatag nila ang malaking nayon ng Mindoro, kung saan nanggaling ang tawag ngayon sa buong pulo.

Pagdating nina Miguel Lopez de Legazpi, sinalakay at sinakop ang nayon Mindoro ng mga Espanyol, sa pamumuno nina Martin de Goiti at Juan de Salcedo, nuong 1570. Dagdag sa malaking buwis (tributo, tax) na panay na kinalkal mula sa mga taga-Mindoro, patuloy silang sinalanta ng mga Espanyol nang mabatid na maraming Moros (tawag ng Espanyol sa mga Muslim) ang nakatira sa pulo.

Isa pang pahirap na dinanas ng mga taga-Mindoro ay ang pagpigil ng kalakal sa mga Intsik, kalakal na inangkin ng mga Espanyol sa Manila. (Inagaw din ang kalakal sa Cebu.) Halos ganap na ang paglipol sa Mindoro nang sinulat ni Loarca sa relacion na halos wala ng tao nuon sa pulo. Patuloy na nasalanta ang pulo hanggang Palawan nuong bandang huli ng panahon ng Espanyol, ang Mindoro ay lubusang nabalik sa mga Mangyan at itinuring na ligaw (wilderness) ang pulo na dating kapantay ng Cebu at Manila sa kalakal at pakipag-ugnayan sa mga dayuhan.

Mandato, Buyon.
Sa kanlurang panig, malapit sa pulo ng Luzon, may 2 maliliit na pulo, ang Mandato at ang Buyon na may mga nakatirang tao. Ang bawat pulo ay bandang 25 kilometro lamang ang laki paikot. Ang mga nakatira duon ay Moros na malamang galing

PAGHANAP SA MGA UNANG PILIPINO: Chronicles

Census At Analysis Ng Pilipinas Nuong 1582
‘Relacion de las Yslas Filipinas’   ni Miguel de Loarca

sa Luzon dahil napakalapit nila sa lawa ng Manila (Manila Bay ang tawag ngayon)

Mindoro.
Sa tapat ng Bonbon (Bumbong, ang dating pangalan ng Taal) at Batangas matatagpuan ang malaking pulo ng Mindoro. Karamihan ng mga nakatira duon ay Moros (tawag ng Espanyol sa mga Muslim).

May mainam na daungan (puerto, harbor) duon, halos 15 kilometro mula sa Luzon, at nanduon ang baranggay ng Mindoro. Mayroon lamang 250 Moros ang nakatira duon. Ang buong pulo ay halos 400 kilometro ang laki paikot subalit kaunti lamang ang mga tao duon, bandang 500 lahat-lahat.

May mga itim na tao na nakatira sa mga bundok (mga Mangyan ang tawag ngayon) na nabubuhay sa pagkuha ng maraming pagkit (cera, wax). Kaunti lamang ang pagkain sa buong pulo.

Lubang.
Halos 20 kilometro mula sa kanlurang baybayin (west coast) ng Luzon, sa tapat ng lawa ng Manila (Manila Bay), nakikita ang pulo ng Luban (Lubang ang tawag ngayon; katunayan, nasa tapat ito ng lawa ng Balayan, sa Batangas). Halos 100 kilometro ang layo nito mula sa Manila.

Ang sukat ng pulong ito ay wala pang 50 kilometro paikot. Mayroon duong 6 baranggay na binabahayan ng mahigit 500 indios. Sa tabi nito, may isa pang mas maliit na pulo, tinawag ding Lubang (Ambil ang tawag ngayon) at tinitirhan ng bandang 100 indios. Silang lahat ay katulad ng mga indios sa Luzon. (May 2 pang pulo, ang Cabra at Golo, na hindi binanggit ni Loarca dahil walang nakatira duon nuon.)

Ilin.
Ang pulo ng Elin (Ilin ang tawag ngayon) ay bandang 10 kilometro sa timog (south) ng Mindoro. Maliit lamang ito, halos 35 kilometro ang sukat paikot, at bandang 200 Pintados (mga Visaya) ang nakatira duon.

Calamian.
Mahigit 55 kilometro mula sa Elin, sa dako ng kanlurang timog patungo sa Burney (Borneo), may mga pulo-pulo na tinawag na Calamianes (Kalami-an ang lumang pangalan ng isang pulo lamang, ang tinatawag ngayong Linapacan - tinapakan o dinaungan

Mindoro

ng mga unang naglayag duon. Ginamit ang pangalang mga Calamian o Calamianes tukoy sa magkakatabing pulo duon bagaman at wala nang pulo na tinatawag na Kalami-an ngayon.)

Medio malayo sa lahat ang mga pulo kaya halos walang alam tungkol sa mga tao na nakatira duon. Ilan-ilang baranggay lamang ang nakita sa mga baybayin, at sila ang hinihingan ng buwis (tributo, tax). Sila ay Pintados (mga Visaya). Ang mga nakatira sa mga bundok ay mga maitim na tao (negros). Marami silang nakukuhang pagkit (cera, wax) na ipinagbibili nila sa mga karatig pulo. Kaunti lamang ang pagkain duon at halos wala silang damit.

Palawan.
Ang pinaka-mahalagang pulo sa lahat ng Calamianes ay ang Paraguan (Palawan ang tawag ngayon). Malaki ito, mahigit 700 kilometro ang sukat paikot. Ang ibang mga pulo sa tabi nito ay maliliit, at ang mga may tao lamang ay ang Tanianao, Binorboran (Binulbulan ang tawag ngayon), Cabangaan, Caramian (Calamian, Linapacan ang tawag ngayon), Dipayan at Coron (Culion ang tawag ngayon).

Sa lahat ng pulong ito, pati na ang Paraguan, 300 indios lamang ang nagbibigay ng buwis (tributo, tax). Halos walang alam tungkol sa kanila, at sa iba pang katutubo sa mga pulong iyon.

Ang pinagkunan:   Relacion de las Yslas Filipinas, ni Miguel de Loarca, sinulat nuong Junio 1582, at bahagi ng
The Philippine Islands, 1493-1898, nina Emma Helen Blair at James A. Robertson, inilathala sa Manila, 1903,
Bank of the Philippine Islands commemorative CD re-release, 1998

Nakaraang kabanata          Balik sa itaas          Lista ng mga kabanata          Tahanan ng mga Kasaysayan          Sunod na kabanata