Census Ng Visayas,
Mindanao At Sulu

SA LAHAT ng pulo-pulo dito, mayroong tanim na palay at bulak (cotton) kaya mayaman at mahalaga ang lupa. Magkakatulad ang lagay ng lahat ng Pintados (ang tawag ng Espanyol sa mga Visaya). Lahat sila ay may mga manok, baboy, kambing, mga patani (frijoles, beans) at isang uri ng raiz (root) na tinatawag nilang camote at kahawig ng patatas (isang uri ng camote sa South America na dinala sa Pilipinas ng mga Espanyol).

Ang pinaka-pagkain dito ay bigas (arroz, rice). Sunod ang isda (pescado, fish) dahil nahuhuli sa lahat ng pulo dito. Maraming iba’t ibang isda rito at masasarap lahat. Natatagpuan ang usa (ciervos, deer) sa lahat ng pulo maliban sa Cebu. Kahit magdala ng usa sa pulong iyon, namamatay agad.

Cebu.
Ang pulo ng Cebu ang unang himimpilan nina Miguel Lopez de Legazpi. Malaki ito, umaabot ng 100 leguas (halos 500 kilometro) paligid subalit 50 leguas (240 kilometro) ang haba, kaya masyadong makitid ang pulo, bandang 20 leguas (96 kilometro) lamang sa pinakamalapad.

Ang lagay ng pulong ito ay halos tuwid mula hilaga (north) hanggang timog (south). Sa pinakadulo sa hilaga ang baranggay ng Burula. Sa kabilang dulo, sa timog, ang Sanbuan, ang baranggay na tinatawag naming Las Cabezas (the heads, ang mga ulo).

Mahirap maglayag sa tabi ng Cebu dahil sa dami ng mga luok (bahias, bays), sali-salibat ang bawat baybayin (costa, coast). Mayroon lamang 3,500 indios sa buong pulo, nakatira sa maraming maliliit na baranggay. Ang mga malalaki lamang ang aking babanggitin, ang ibang baranggay ay lubhang maliit, may 8 - 10 bahay lamang sa bawat isa.

Sa Jaro, may 500 indios.Sa Daraguete, 200 indios. Sa Penyol, 200 din. Sa Jaro, 200; sa Temanduc, 570; Barile, 400; Burugan, 70; Candaya, 350.

Sa kabayanan ng Santisimo Nombre de Jesus (pangalang ibinigay ni Legazpi, Cebu City ang tawag ngayon) ang pinakamahusay na daungan ng barko sa mga pulo dito. Malapit dito ang baranggay ng bandang 800 indios. (Tulad sa Manila, mga Espanyol lamang ang nakatira sa Cebu; ang mga katutubo ay nasa labas ng dati nilang nayon.) Ang paligid nito ay maralita (pobre, poor). Walang minahan ng ginto sa mga pulo maliban sa Mindanao, at kahit duon, maunti ang ginto.

Gitnaang Visayas

Hindi mayabong ang lupa sa Cebu, kaunting palay lamang ang inaani duon, kaunting dawa (mijo, millet) at mais (borona, corn; si Ferdinand Magellan ang nagdala ng unang mais sa Cebu nuong 1521). Katiting lamang ang bulak (cotton) na ani duon. Ang damit ng mga taga-Cebu ay gawa sa isang uri ng tela (cloth) na tinatawag na medriniaque. Hawig ito sa calico (magaspang na tela na damit ng mga katutubo sa America) at gawa raw sa isang uri ng saging (banana; sa katunayan, ang medriniaque ay sinamay, tela na hawi sa abaca).

Mactan.
Sa timog ng Cebu, bandang 2 putok ng arquebus (baril na di-sabog ng Espanyol) ang layo, ang pulo ng Matan (Mactan) kung saan napatay si Fernando Magallanes (Ferdinand Magellan). Ang mainam na daungan ng Cebu ay nabuo dahil sa pagtaklob nitong pulo. (Tahimik ang tubig sa harap ng Cebu dahil sinasangga ng Mactan ang mga alon ng dagat.)

Maliit ang Mactan, 4 leguas (19 kilometro) lamang ang sukat paligid, at kalahating legua (2˝ kilometro) lamang ang lapad. May 300 indios lamang ang nakatira sa Mactan, nakatira sa 4 o 5 maliit at hiwa-hiwalay na mga baranggay.

Bohol.
Sa kabila ng Mactan papuntang timog ang pulo ng Vohol (Bohol), bandang 38 kilometro mula sa kabayanan ng Santisimo Nombre (Cebu City). Ang laki ng Bohol ay 192 kilometros paikot, at 38 o 48 kilometro ang lapad. Mayroon duong 2,000 indios, kahawig at malapit na kaugnay ng mga taga-Cebu.

Ang mga nakatira sa tabi ng dagat ay mga mangingisda at nagkakalakal. Maraming isda sa paligid, pati na sa mga kalapit na pulo na walang tao. Mahusay silang mamangka at nuong bago dumating ang mga Espanyol ay sanay lumaot sa kanilang mga bangka upang mandambong (atraco, raid).

Dati mayroong malaking kabayanan duon, subalit nilusob ng mga taga-Maluku (Moluccas, spice islands) at nagtakbuhan ang mga tao, nagkahiwa-hiwalay sa iba’t ibang pulo sa paligid. Ang mga baranggay na nanduon pa ngayon sa looban at mga bundok ng Bohol ay munti at mga pobre. Maraming hayop sa gubat na nahuhuli, mga baboy damo (verracos, wild boars) at mga usa.

Negros.
Sa kanluran (west) ng Cebu ang pulo na tinawag ng mga Espanyol na Negros dahil sa mga bundok duon nakatira ang mga maitim na tao, subalit kaiba at marami ang tawag ng indios mula sa pangalan ng mga baranggay sa iba’t ibang bahagi ng pulo, gaya ng Nayon at Mamaylan (tahanan o tirahan sa Tagalog).

Ang sukat ng pulo ay 432 kilometro paikot at bandang 62 kilometro ang lapad. Tantiya na may 6,000 - 7,000 indios ang nasa pulo subalit hindi mabilang ang mga itim (negros, blacks) dahil lubhang mabangis sila at dinidigma ang mga Espanyol.

Bihirang may tao sa gilid ng pulo na kaharap ng Cebu, 121 kilometro ang layo. Iisa lamang ang baranggay duon (Tanjay ang tawag ngayon), sa tabi ng ilog Tanay, at kalahati ng indios duon ay mga taga-Bohol dati.

Maraming indios sa bandang timog (south) ng Negros (nasa kanluran (west) hindi sa timog ng Negros). Nanduon ang malalaking ilog - ang Ylo (Ylog ang tawag ngayon), Ynabagan (Binalbagan ngayon), Bago, Carobcop at Techgaguan, - kaya mayaman ang mga lupa duon at maraming pagkain gaya ng palay, baboy at mga manok. Mayabong din ang medrinyaque bagaman at walang bulak (cotton).

Ang panig na ito ng Negros ay nakaharap sa pulo ng Panay, katapat ng kabayanan ng Arevalo (Iloilo City ang tawag ngayon). May 12 kilometro ang lapad ng dagat sa pagitan.

Fuegos.
Malapit sa silat (estrecho, strait) sa pagitan ng Negros at Cebu, may isang pulo na tinatawag naming Fuegos (malamang Siquijor). Abot ng 48 kilometro ang sukat nito paikot. May 200 indios lamang ang nakatira duon. Maraming pagkit (cera, wax) na nanggagaling duon.

Camotes.
Pasilangan (eastward) 14 kilometro mula sa Cebu, at 34 kilometro mula sa kabayanan ng Santisimo Nombre, may 2 maliit na pulo na

PAGHANAP SA MGA UNANG PILIPINO: Chronicles

Census At Analysis Ng Pilipinas Nuong 1582
‘Relacion de las Yslas Filipinas’   ni Miguel de Loarca

tig-24 kilometro ang sukat paligid. Tinatawag ito ng bandang 300 indios na nakatira duon na Camote. Kahit na marami silang pagkit at sagana sa isda, mahirap ang mga tagaruon at munti ang kanilang bara-baranggay, tig-7 o 8 bahay lamang bawat isa.

Leyte.
Patuloy sa silangan nang 14 kilometro pa lagpas sa Camotes, ang malaking pulo ng Baybay, o Leyte ayon sa tawag ng ibang mga indio. Mayaman at maraming pagkain duon, bagaman at ang mga damit nila ay gawa sa medrinyaque (sinamay ang tawag ngayon). Maraming nakatira duon, bandang 14,000 o 15,000 indios bagaman at 10,000 indios lamang ang nagbabayad ng buwis dahil mahirap sakupin ang mga tao duon. Walang minahan o salaan ng ginto (gold placer) duon.

Ang sukat ng Leyte ay 384 kilometro paikot at bandang 77 kilometro ang lapad. Ang mga pinakamalaking baranggay duon ay Vayvay (Baybay), Yodmuc (Ormuc City ang tawag ngayon), Leyte (sa hilaga, malapit sa pulo ng Biliran), Cavigaba (Carigara), Barugo, Maragincay, Palos (Palo), Abuyo (Abuyog), Duague, Longos, Bito (Bato), Cabalian (San Juan ang tawag ngayon), Calamocan at Tugud. Ang Leyte ang tinuturing na pusod ng mga pulo sa paligid nito sapagkat lahat ng mga nanduon ay kahawig sa mga taga-Leyte.

Samar.
Sa silangang timog (southeast) ng Leyte ang pulo ng Ybabao na tinatawag ding Tandaya (Samar ang tawag ngayon; nasa silangang hilaga (northeast) ng Leyte - walang pang mapa ng Pilipinas nuong 1582 at tinatantiya lamang ni Loarca ang landas ng mga pulo).

Bandang 528 kilometro ang sukat ng Ybabao paikot. Wala pang nakakatawid ng pulo kaya hindi pa alam kung gaano kalapad ito. Sabi nila na kasing dami ng Leyte ang mga nakatira sa Ybabao, at mayaman din sa pagkain ang mga tagaruon. Umaabot sa 5,000 indios ang nakilala na ng mga Espanyol, sa mga baranggay ng Daguisan, Ylaga, Yba, Basey, Hubun (Uban), Balingigua (Balangiga), Guigaan, Sicavalo, Bolongan (Borongan), Sibato, Tinagun, Calviga (Calbiga), Ulaya, Paguntan, Napundan, Bolo (Balud), Pono, Gamay, Panpan, Catubi (Catubig), Volonto, Yuatan, Pagaguahan, Baranas (Baras) at Arasan.

Maripipi.
Sa hilaga ng Leyte ay isang maliit na pulo, 35 kilometro lamang ang laki paligid at 12 kilometro ang lapad, na tinatawag na Maripipi. Mabundok itong pulo at salat ang lupa. May 100 indios lamang ang nakatira duon.

( Biliran ang pulo sa hilaga ng Leyte, maniwaring hindi alam ni Loarca na pulo ito at itinuring na bahagi ng Leyte. Ang Maripipi ay ang pulo hilaga ng Biliran.)

Limancaguayan.
Pahilaga (northward) palapit sa Espiritu Santo (cabo, cape o lungos sa silangang hilaga (northeast) bahagi ng Samar, malapit sa kasalukuyang kabayanan ng Palapag) at bandang 14 kilometro mula sa Maripipi ang isa pang maliit na pulo na tinawag na Limangcaguayan (Limang kawayan, Almagro na ang tawag ngayon). Tulad ng Maripipi, bandang 34 kilometro lamang ang paikot ng pulo, at 100 indios lamang ang nakatira dito, nabubuhay sa pagpa-palay at paggawa ng medrinyaque (sinamay).

Masbate.
Patuloy sa hilaga mula sa Leyte, natatagpuan ang malaking pulo ng Masbate, 145 kilometro ang sukat paikot at bandang 28 kilometro ang lapad. Bandang 500 indios lamang ang nakatira duon, bagaman at mayaman sa ginto ang pulo na hinukukay ng mga indios mula sa Camarines. Nag-alisan sila nuong dumating ang mga Espanyol kaya nakatiwangwang ngayon ang mga minahan.

Bantayan.
Sa hilaga ng Cebu ang pulo ng Bantayan (sa pagitan ng Cebu, Negros at Panay). Maliit lamang ito, 40 kilometro paikot at 9 kilometro ang lapad subalit bandang 1,000 indios ang nakatira duon. Mainam ang katayuan ng mga tagaruon, mayroon silang malalaking palaisdaan sa mga dalampasigan dahil mababaw ang dagat at maraming batuhan (shoals). Mayroon pa silang maliit na sisiran ng perlas (pearl fishery).

Maraming puno ng niyog at nagtatanim duon ng dawa at mais, subalit lubhang payat ang lupa upang taniman ng palay. Ang iba sa mga tagaruon ay sa Cebu nagbubukid ng palay sapagkat walang pang 10 kilometro ang layo ng Cebu sa Bantayan.

Mindanao

Capul.
Capul ang pulo sa bukana ng lusutang Luzon (San Bernardino Strait ang tawag ngayon) na binabagtas ng mga barko mula sa Nueva Espanya (Mexico ang tawag ngayon). Maliit ang Capul, 58 kilometro lamang paikot at 19 kilometro lamang ang lapad. Pobre ang 500 indios na nakatira duon, nabubuhay sa pagpa-palay at paggawa ng medrinyaque (sinamay).

Viri.
Lagpas pa, sa loob mismo ng Estrecho (San Bernardino Strait ang tawag ngayon) ang maliit na pulo ng Viri (Biri Island), 14 kilometro ang sukat paikot at 10 kilometro lamang ang lapad. Bandang 100 indios ang nakatira duon.

Bantac.
Sa tuktok hilaga (north) ng Ybabao (Samar), sa bandang silangan (east) sa bukana ng Golfo de Nueva Espanya (Pacific Ocean ang tawag ngayon) ang 2 maliliit na pulo ng Bantac (ang mga pulo ng Batagi at Bacan). Bihira ang tao duon o, ayon sa sabi ng mga indios, wala pang tao na nakakarating duon.

Verde.
Kahanay ng Viri at Bantac ang pulo ng Verde, sa tapat ng kabayanan ng Guiguan sa gawi ng Estrecho (San Bernardino). Bandang 38 kilometro paikot ang sukat nito at 19 kilometro lamang ang lapad. Mayroon duong 150 indios.

(Nag-iba na ang pangalan ng Isla Verde (Green Island) at hindi na matiyak kung alin sa maraming pulo duon ang tinukoy ni Loarca. Naglaho na rin ang Giguwan (‘Guiguan’) na maniwaring maraming tao nuon dahil tinawag na kabayanan (pueblo, town) ni Loarca.)

Canaguan, Caguayan, Batac.
Sa kanlurang gilid, katapat ng ilog Tinahon, ang pulo ng Canaguan ay 19 kilometro lamang paikot at 1 kilometro lamang palapad. Bandang 100 tao ang nanduon.

Ang pulo ng Caguayan (Kawayan) ay malapit sa kanlurang gilid ng Samar. Ito ay 14 kilometro lamang ang sukat paikot at 5 kilometro lamang palapad. Mayroon duong 200 katao.

Ang pulo ng Batac ay malapit dito. Mayroong 100 tao na nakatira duon.

Panaoan, Siargao.
Ang pulo ng Panaoan (Panawan) ay nasa pagitan ng Leyte at Mindanao papuntang

Bohol, Mactan, Cebu timog (south). Mayroong 38 kilometro ang laki nito paikot, at 14 kilometro ang lapad. Hampas-lupa (Pobre, poor) ang mga 100 nakatira duon.

Halos 60 kilometro mula sa Panaoan ang pulo ng Siargao, sa tabi mismo ng Mindanao. Ang sukat nito ay 72 kilometro paikot at bandang 28 kilometro ang lapad. Mayroong 400 ang nakatira duon sa mga hiwa-hiwalay na baranggay na itinayo sa mga mapanganib at matutulis na batuhan sa tabi ng dagat. Mahirap sila kahit na maraming salaan (placers) ng ginto sa maliliit na pulo sa paligid. Sabi nila, kapag inipon nila ang ginto, lulusubin sila at gagawing alipin ng mga mandarambong.

( Itong inilarawan ni Loarca ay ang pulo ng Dinagat na nasa pagitan ng Panawan at ang kasalukuyang tinatawag na pulo ng Siargao )

Limasawa.
Sa kanluran ng Baybay (Leyte) ang maliit na pulo ng Mazagua (Limawasa ang tawag ngayon). Maraming inulat na kababalaghan tungkol dito si Fray Andres de Urdaneta. Maliit lamang ito, 19 kilometro paikot at 5 kilometro palapad. Hampas-lupa ang 60 nakatira dito, walang ari kundi asin at isda.

Camiguin.
Sa pagitan ng Vohol at Mindanao, katapat ng ilog Butuan at 9 kilometro lamang mula sa pampang ng Mindanao, ang pulo ng Camaniguin (Camiguin; halos 80 kilometro ang layo sa ilog Butuan). Mayroon lamang 100 indios ang nakatira sa pulong ito na lubhang bundukin. Nakakakuha duon ng pagkit (wax).

Mindanao.
Sa lahat ng mga pulo na natuklasan na, ang Mindanao ang pinakamalaki. Bihira sa mga tagaruon ang kaibigan ng mga Espanyol. Katunayan, halos wala, sa mga nakatira sa dalampasigan. Mahigit 700 kilometro pa lamang ang pampang na nabagtas ng mga Espanyol, mula sa ilog Catel hanggang sa pinakamalaking ilog, tinatawag na Mindanao (Ang ilog Cateel ay kaharap ng dagat Silangan (Pacific Ocean), malapit sa Caraga sa kasalukuyang lalawigan ng Davao Oriental. Mahigit kalahati ng ilog Mindanao ay tinatawag pang ilog Pulangi mula sa pinanggalingan nito sa bundok Kitanlad.)

Mula sa lungsod ng Cubu (Cebu, tinawag ding Santisimo Nombre), kailangang maglayag patungo sa silangang timog (southeast) upang makarating sa pinakamalapit na puok sa Mindanao, ang tinawag na Dapitan (ngayon, nasa Zamboanga del Norte; dito pagkaraan ng halos 300 taon ipinatapon si Jose Rizal) Mayroong daungan duon, sa gitna ng mga natuklasan nang bahagi ng Mindanao.

Dati, maraming nakatira sa Dapitan subalit kaunti na lamang ang nanduon ngayon. Nakakakuha duon ng palay at, mula sa mga salaan at minahan duon, ng ginto bagaman at kaunti lamang. Mula sa Dapitan hanggang sa Punta Canela (Cinnamon Point; bininyagan ng Espanyol dahil maraming kanela duon nuon; nang maubos ang kanela, naglaho rin ang pangalan), mahigit 30 ilog ang binabahayan ng mga katutubo subalit ang mga nagbabahay sa tabing dagat ay kakaunti, tinatawag na mga Lutao (‘laut tao,’ seaside dwellers, ang tinatawag ngayong Sama at Badjao. Isinasama na rin ngayon ang mga Yakan at iba pang maliliit na pangkat ng mga taong dagat).

Ang tanging hanap-buhay nila ay mangisda. Dala nila sa kanilang mga bangka ang mga asawa, aso, pusa at lahat ng ari-arian. Ipinagbibili nila sa mga tagabundok ang isdang nahuhuli nila.

Ang mga tagabundok (monteros, mountaineers) naman ay gumagawa ng bahay sa itaas ng mga malaking punong kahoy, bilang pantanggol sa mga mandarambong (piratas, raiders). Malalaki ang mga bahay, ang iba ay tinitirhan ng 40 hanggang 50 lalaki, kasama ang kanilang mga mag-anak (familias).

Paniwalang nagkalat ang pagkit (cera, wax) sa Mindanao na lubhang bundukin at mabato. Ang mga tagaruon ay nagdadamit ng telang medrinyaque (sinamay). Mahigit 2,000 kilometro mula sa Dapitan, kaharap sa Maluku (Moluccas, spice islands), nanduon ang Punta Cavite (Cavite Point, Cawit ang tawag ngayon, malapit sa Zamboanga City). Maraming canela (cinnamon) duon, lalo na sa baranggay ng Gonput at Cagayan (Malamang ang tinatawag ngayong San Ramon at Ayala, sa tabi ng Cawit). Kaunti lamang, bandang 200 tao, ang nakatira duon.

Mas maraming tao sa mga pampang ng mga ilog sa Mindanao - sa Paniguian, Ydac, Matanda, Ytanda, Tago, Ono at Beslin (Bislig ang tawag ngayon) Abot sa 3,000 tao ang mga nakatira duon lahat-lahat. Mayroon pang 600 indios sa ilog Butuan. Mayroon pang mga ilog lagpas duon, ang Surigao, Parasao at iba pa. Mababangis sila at halos lahat ay galit sa Espanyol. Hampas-lupa (pobre, poor) silang lahat kahit na mayroong mga salaan (placers) ng ginto duon.

Nagtangka na ang mga Espanyol 2 ulit na siyasatin ang ilog Mindanao, the pinakamayaman sa buong pulo, at siyang naging pangalan ng pulo mismo. Munti ang nakamit ng mga naglakbay. Sa ngayon, 6 o 7 baranggay lamang ang narating ng mga Espanyol, kasali ang Tanpacan (Tampakan), Boayen (Buayan) at Valet (Bailat; lahat ay nasa kasalukuyang lalawigan ng South Cotabato). Sa pinaka-sikat nakatira ang hari nila. Sabi-sabi na 3,000 tao ang nakatira sa mga puok na iyon. May nagsasabi naman na higit pa.

Basilan.
Hindi malayo sa Cawit ang pulo ng Taguima (Basilan ang tawag ngayon), tinitirhan ng bandang 500 indios, salat sa pagkain at damit, at lubhang mahirap. Ang pulo ay 67 kilometro paligid ang laki, at 19 kilometro ang lapad (katunayan, ang Basilan ay mahigit 200 kilometro paligid).

Dumadaan dito ang mga barko ng mga Portuguese na papunta sa Maluku upang magkalakal mula sa Malacca (kaharian sa Malaysia na sinakop ng Portugal nuong 1511). Nuong dati, winalang-hiya nila ang mga tagaruon, dinaya at pinagmalupitan. (Matagal na panahon nabantog ang muhi ng mga Basilan sa mga Portuguese.)

Sulu.
Kulang-kulang 100 kilometro mula sa Cawit ang pulo ng Soloc (Sulu ang tawag ngayon) na may mahigit 1,000 Moros (tawag ng Espanyol sa mga Muslim) mula sa Burney (Brunei, sa Borneo; katunayan, ang mga taga-Sulu ay dating mga taga-Butuan). Ang pulo ay bandang 115 kilometro ang sukat paligid. Sabi-sabi na mayroon duong mga elepante (elephants) at sisiran ng perlas (pearl fisheries).

Ang pinagkunan:   Relacion de las Yslas Filipinas, ni Miguel de Loarca, sinulat nuong Junio 1582 at bahagi ng
The Philippine Islands, 1493-1898, nina Emma Helen Blair at James A. Robertson, inilathala sa Manila, 1903,
Bank of the Philippine Islands commemorative CD re-release, 1998

Nakaraang kabanata          Balik sa itaas          Lista ng mga kabanata          Tahanan ng mga Kasaysayan          Sunod na kabanata