Conquistador Ng Pilipinas: Ika-15 kabanata
Sumalakay Si Limahong Sa Manila, Pangasinan
NAGLIPANA ang mga mandarambong at talipandas sa timog dalampasigan ng China nuong ipanganak duon si Dim Mhon, sa lungsod ng Tru Cheo, sa lalawigan ng Cuy Tan, na tinawag na Catim ng mga Portuguese, kaya lumaki itong marahas at tampalasan. Bata pa ang makikilala sa pangalang Limahong nang natutong magtulisan sa mga lansangan ng China, at paglaki, naging pinuno ng mahigit 2,000 tulisan. Lumaganap ang lagim niya sa buong timog China at inutos ng hari ng China sa mga pinuno sa timog na dakpin si Dim Mhon at dalhin nang buhay sa lungsod ng Tay Bin. Nabalaan ng mga kabig, nakatakas sa tabing dagat si Dim Mhon at, matapos lapastanganin ang buong kabayanan, tumakas na dala ang lahat ng sasakyang dagat duon. Ligtas sa mga kawal ng hari ng China sa dagat, duon siya nangulimbat sa bawat nakatagpong barko o bangka, hanggang nakapag-ipon siya ng 40 barko. Nagsimula niyang dagitin ang mga lungsod sa dalampasigan ng China, at napansin siya muli ng mga pinuno ng hari. Sa isang lungsod ng mga tulad niyang mandarambong, sinalakay niya si Vinh To Quiam na nakatakas kasama ng 5 niyang barko, ngunit naagaw ni Dim Mhong ang 55 pang barko ni Vinh, kaya umabot ng 95 ang mga barko ng pangkat at nagmistulang hari siya sa dagat sa timog ng China. Pinagbuwis pa ang mga lungsod duon. Pinalubog sa tabi ng Ilocos.
Gulat ang mga taga-Ilocos, nuon lamang nakakita ng ganuong karaming barko, nang dumaan sa tabing dagat ang buong pangkat ni Dim Mhon nuong kalagitnaan ng Septiembre 1574. Madaling nakarating ang balita kay Juan de Salcedo sa itinatag niyang kabayanan ng Fernandina sa ilog Bigan (Vigan). Dumating din ang balita mula sa isang soldado niya, si Sargento Sayavedra, na nakasaksi sa pagwarak ng galley, ang maliit na barkong pandagat na inutusan ni Salcedo na humakot ng gamit at pagkain sa Manila. Namataan ito ng pangkat ni Dim Mhong at pinatay ang lahat ng 25 sundalong Espanyol at mga tagapulo na taga-sagwan (rowers) ng galley. Agad isinugo ni Salcedo ang 3 sundalo at 4 tagapulo na taga-sagwan sa isang bangka (canoe) upang balaan ang Manila sa lumalapit na pagsalakay. Humarabas ang bangka nang ilang araw sa maghapong walang patid na pagsagwan upang abutan at lagpasan ang mga barko ng mga mandarambong, ngunit sadyang mabagal ang bangka kaysa mga nakalayag na mga barko kaya nabigo, at natambangan pa ito ng mga barko ni Dim Mhon papasok sa luok ng Manila (Manila Bay) nuong Septiembre 28, 1574, at napilitang sumadsad sa tabi ng Mariveles, sa lalawigang tatawaging Bataan sa mga darating na panahon, at tumakas sa gubat. Nahuli ang babala, pinasok ang Manila.
Pababa na ang araw nuong Septiembre 29, 1574 nang pasukin ng pangkat dagat ni Dim Mhon ang luok ng Manila kaya hindi sila natanaw ng mga taga-Manila, walang kamalay-malay sa dumating na panganib. Ito ang unang pagkakataon sa loob ng nakaraang 9 taon mula nang dumating si Miguel Lopez de Legazpi, na muntik nang natapos ang paglupig ng mga Espanyol sa Pilipinas, ngunit sa hindi nalahad na dahilan, ginanap ni Dim Mhong ang una sa kanyang 2 kamalian. Tama ang kanyang pasiya na lumusod agad-agad bago sila mamalayan ng mga taga-Manila, ngunit sa halip na gamitin ang buong sandatahan, 700 tauhan lamang ang pinasalakay niya, pinamunuan ng kanyang kabig, si Siotong, isa ring mandarambong mula Japan. Pumasok kayo nang tahimik para walang magising, tapos sunugin n’yo lahat ng bahay duon! Patayin ninyo lahat ng makita ninyo! Lahat ng tao! Ito ang utos ni Dim Mhon nuong gabing iyon, 2 taon at mahigit 4 buwan pagkatapos itatag ni Legazpi ang kaharian ng Espanya sa Manila, at mahigit isang taon lamang matapos siyang mamatay duon. Maagap ang mga tauhang dala ni Sioco na lumunsad sa mga bangka sa kadiliman ng gabi, dala-dala ang mga pansunog na paputok (fire bombs) na gagamitin sa pagwarak ng Manila. Lumihis ang mga bangka mula sa bukana ng ilog Pasig upang umiwas sa mga mangingisda sa Tondo na parit-parito buong magdamag, at sa kabilang panig ng Manila sila nagtangkang dumaong. Ang hangin tuwing gabi ay palayo sa lupa at patungo sa dagat, at minalas pa ang mga lumulusob dahil malakas ang hangin nuong gabing iyon at inabot sila ng ilang oras bago nakaabot sa dalampasigan. Lalong malas, malayo nang halos 5 kilometro mula sa Manila, sa purok na tatawaging Ermita, kaya napilitan silang maglakad nang matagal. Mataas na ang araw, bandang ika-9 ng umaga nuong Septiembre 30, 1574 nang makarating sila sa Manila. Pinatay si Goiti sa Bagumbayan.
Burney! Burney! Lumulusob ang mga Burney! Kababangon pa lamang nuon ni Goiti, tinanghali sapagkat masama ang katawan. Narinig niya ang mga sigaw datapwat hindi siya naniwala sapagkat patapos na ang tag-ulan at alam niyang salungat ang ihip ng hangin, papuntang timog (south), kaya hindi maaaring magkapaglayag ang mga taga-Brunei papuntang Manila na nasa hilaga (north). Mga lasing, tumahimik kayo! Dumungaw sa bintana si Goiti at sinigawan ang mga lalaking humihiyaw sa takot, at nuon niya natanaw ang mga sumusugod na mandarambong ni Dim Mhong. Walang panahon, naisuot lamang ni Goiti ang kamisang bakal (iron mail shirt) at nahugot ang espada bago siya dinumog ng mga Intsik. Nagtitili ang asawa ni Goiti, suot ang saklob na bakal sa ulo (iron helmet), nilait ang mga Intsik na sumusunog sa kanilang bahay. Sinunggaban ng mga Intsik ang kanyang mga alahas at sinsing na ginto. Ninakaw pati ang damit na suot kaya hubad-hubad siya nang saksakin sa leeg ng mga mandarambong at iniwan, akala ay patay na. Ngunit buhay pa ang asawa ni Goiti at, sa gulo ng sunog, nakapagtago sa mga talahib sa labas ng bahay, at naligtas sa kamatayan. Pinanuod ang pagsunog sa lungsod.
Sa dagat, akala ni Dim Mhong na natupad ang kanyang mga balak nang makita niya ang mga sunog sa Manila. Ang laki ng kanyang puot nang ibalita ng mga umurong na buo pa ang sandatahang Espanyol. Binulyawan niya si Sioco at ang kanyang mga capitan. Pagkatapos, ginanap ni Dim Mhong ang pang-2 niyang pagkakamali. Ipinasiya niyang pagpahingahin ang mga tauhan nang isang araw bago lumusob uli dahil pagal na lahat sa magdamag na pagsagwan at maghapong labanan. Lumihis ang dambuhalang pangkat-dagat ni Dim Mhong at dumaong sa Cavite, at natapos ang unang labanan sa Manila. Sumaklolo si Salcedo.
Sa Manila naman, pagkaalis ni Dim Mhong, manhid pa ang mga Espanyol sa gulintang ng biglaang bakbakan, sa pagkapatay kay Goiti, ang pinakamataas na pinuno na tiningala ng mga sundalo sa Pilipinas pagkamatay ni Legazpi nuong nakaraang taon. Hindi lamang ang mga Espanyol ang gimbal sa nangyari, pati ang mga Sangley, ang mga Intsik na nagkakalakal sa Manila, ay nasindak sa pagdayo ng mga tampalasan na lagi nang dumadambong sa kanilang mga barko sa dagat. Lumapit ang isang kilalang nagkakalakal, si Sin Sai, kay Guido Lavezaris, ang ingat-yaman (treasurer) na pumalit kay Legazpi bilang governador ng Pilipinas, at isiniwalat ang lahat ng nalalaman tungkol sa mga mandarambong. Babalik ang bakbakan!
Hindi! sabi ni Sin Sai. Katunayan, inutos ng hari ng China na dakpin at bitayin si Dim Mhon, at kasalukuyang hinahanap siya ng isang malaking sandatahang dagat na binuo upang durugin ang kanyang pangkat. Binalaan ni Sin Sai si Lavezaris sa gawi ng pandarambong ni Dim Mhong: Hindi pa tapos si Dim Mhon, nagpapahinga lamang ng isang araw. Sa makalawa, babalik siya at mas malakas na pangkat ang lulusob sa Manila! Maiglap na pinamunuan ni Lavezaris ang pagtayo ng mga dagdag na tanggulan sa fuerza sa tabi ng Manila. Duon tayong lahat paglusob uli ng mga Sangley, utos niya sa mga Espanyol, gamit ang tawag sa sarili ng mga Intsik sa Manila, Xang Leh (maglalako, sinulat na Sangley ng mga Espanyol). Sunod sa payo ni Sin Sai na hilig ni Dim Mhong gumamit ng apoy upang sunugin ang mga kalaban, ipinaalis ni Lavezaris ang bubong na pawid ng mga bahay sa Manila. Magdamag at maghapon kinabukasan, Octobre 1, 1574, nagtatag ng tanggulan ang mga Espanyol sa paligid ng fuerza, at lumikas duon lahat ng mga familia at mga kasama. Ingat-yaman buong buhay, naisip ni Lavezaris nuong nakaraang araw pa na mag-imbak ng pagkain sa fuerza, sakaling saklawin ni Dim Mhon ang buong paligid at maging matagalan ang labanan. Matumal ang mga katutubong Tagalog sa Manila na maghakot ng pagkain para sa mga Espanyol, naaalaala pa nila kung paano sila nilupig wala pang 4 taon sa nakaraan, kaya inutos ni Lavezaris na dukutin ang 2 pangunahing pinuno ng mga Tagalog upang piliting magluwas ng pagkain ang mga tao. Datapwat kalat na ang balita sa buong puok na naghihintay lamang ang mga mandarambong sa Cavite at, batay sa nangyari nuong unang labanan, magagapi ang mga Espanyol sa susunod na paglusob ng mga ito. Nag-aklas ang mga Tagalog.
Samantala, kumalat sa buong paligid ang aklasan ng mga Tagalog. Ang lahat ng frayle ay binihag at dinuraan, sinampal, minurat, - ang mga pinakasidhing insulto ng mga tao. Pinatay ang mga alipin at utusan ng mga frayle at mga Espanyol. Pinagpapatay din ang mga kambing (goats) na ari ng mga Espanyol, mahilig uminom ng gatas nito. Ayaw kasi nila ang lasa ng gatas ng kalabaw, at wala pang vaca sa Pilipinas kaya mga kambing ang ginagamit. Nuong hapon ng patuloy na pag-aklas, kumalat ang balita na pinatay ang 2 pinuno na ipinabihag ni Lavezaris. Ipiniit ang 2 sa bahay ni Constable Osorio, ang punong pulis ng mga Espanyol, ngunit ipinagkaila nito na siya ang pumatay. Kagagawan daw ni Sancho Ortiz de Agurto, ang sargento ni Capitan Velasquez. Ipinapatay sa mga alipin ang 2 pinuno dahil sa pag-aklas ng mga Tagalog. Nuong gabi ng araw na iyon, Octobre 1, 1574, dumating sa Manila sina Salcedo. Napagkamalan niyang mga bangka ng mga mandarambong ang mga nag-aaklas na Tagalog na nakapaligid sa Manila, sa dalampasigan ng luok at sa pampang sa timog ng ilog Pasig, kaya sa hilagang dalampasigan ng Tondo sila pumasok sa ilog bago biglang lumihis at umahon sa tabi ng Manila. Kahit 54 lamang ang dalang sundalo ni Salcedo, nagdiwang ang mga Espanyol, panalig na 10 mandirigma ang katumbas ng bawat sundalo. Lugod din sila sa pagdating ni Salcedo na, sunod kay Goiti lamang sa taas ng tingin ng mga Espanyol. Nagkamali si Limahong.
Mahigit 1,000 tauhan ang pinalusob ni <>Dim Mhong sa 2 pangkat, isa sa panig ng ilog Pasig papasok sa Manila, at ang pang-2 pangkat sa dalampasigan, sa harap mismo at tuluy-tuloy sa fuerza. Naunang nakarating ang pangkat sa Manila na wala nang tao. Sinunog nila ang mga bahay, ang simbahan ng mga Augustinian at ang isang galley kinukumpuni at inihahanda sanang panglakbay sa Mindanao. Natagalan nang kaunti ang pang-2 pangkat, ang mga lumulusob sa dalampasigan, at nainip si Sargento Agurto, ang nagpapatay daw sa 2 pinuno ng mga Tagalog, at siyang pinuno ng mga Espanyol sa harap ng luok. Lumabas siya upang tanawin kung nasaan na mga mandarambong, nang bigla siyang dinamba ng mga ito na nakalapit na pala sa talahiban sa tabi ng fuerza. Nasangga ng kanyang camisang bakal ang halibas ng sibat ngunit binaril siya sa dibdib ng arquebus (baril na de-sabog ng mga taga-Europa) ng isa pang mandarambong, at napatay. Nadaig at napaurong ang mga Espanyol duon sa lakas ng sagupa ng pang-2 pangkat ni Dim Mhong, at bandang 80 lumulusob ang nakapasok sa fuerza. Ginapi sa kuta ng Espanyol.
Nagpahinga nang 2 araw sa Cavite sina Dim Mhon, inilibing ang mga sugatan na namatay, bago tumakas mula sa luok ng Manila nuong Octobre 5, 1574. Nag-amba siya ng maraming bangka sa bukana ng ilog Pasig upang hadlangan ang sinumang Espanyol na humabol sa kanya. Wala namang balak ang mga ito na lumaot sapagkat wala silang barko na mapagsasampahan ng kanyon at, kung walang kanyon, wala silang laban sa mga barko ni Dim Mhon. Sa pag-alis ng mga mandarambong, natapos ang pag-aklas ng mga Tagalog. Pinakawalan ang mga frayle, humingi ng patawad mula sa mga Espanyol, at naging mga masunurin uli. At natapos nuon ang kasaysayan ng isa sa 2 tanging pagkakataon na nasupil sana ang pagsakop ng mga Espanyol sa Pilipinas. Subalit hindi pa natapos ang kasaysayan ni Dim Mhon. Tumanan sa Pangasinan.
Binuwag ang barrigada.
Kahit hindi nakaagaw ng barko, nabarahan din ang ilog ng mga barko ng mga mandarambong. Pagkaalis ng 2 pangkat nina Chaves, Chacon at Ribera, maniwaring nagkasalisi sa iba’t ibang sapa ng ilog Pangasinan, 35 barko na pinahakot ni Dim Mhon ng buwis na pagkain sa mga baranggay ang biglang lumitaw sa harap ng hinimpilan nina Salcedo. Sa gulat at sindak, nagtalunan ang mga Intsik at mabilis na tumakbo pabalik sa kuta ni Dim Mhon, iniwan ang mga barko. Hinalughog, winarak at sinunog nina Salcedo ang karamihan ng mga barko na nagsilbing pangharang sa ilog. Kinabukasan, si Salcedo mismo ang namuno sa buong sandatahan upang salakayin ang kuta ni Dim Mhon. Ngunit nang makita niyang lubusang matibay ito, umurong ang mga Espanyol at humimpil na lamang sa tabi ng harang sa ilog upang gutumin ang nakulong na mga mandarambong at hintaying sumuko ang mga ito. Sa 4 buwan nakaharang sa ilog sina Salcedo, may dumating pang 200 mandirigma na sumapi sa mga Espanyol, mga taga-Ilocos at Pangasinan, ngunit hindi na lumusob pa uli pa si Salcedo, dala marahil ng atas ni Lavezaris na huwag lustayin ang buhay ng mga napakaunting Espanyol sa Pilipinas. Inaliw na lamang ng mga Espanyol at mandirigma ang mga sarili sa walang patid na sugalan at pagbuwis sa mga katutubo kaya lubhang nahirapan ang mga tagaruon sa paghakot ng mga pagkain para sa malaking pangkat, mahigit 2,000 tao. Hindi nagtagal, nagkaroon na rin ng malaking barko ang mga Espanyol na ginamit panghakot ng pagkain mula Manila. Tumakas si Limahong.
Bumalik ang mga Espanyol sa pagsakop sa iba’t ibang panig ng kapuluan. Ipinagpatuloy ni Capitan Chaves ang pagsugpo niya sa mga baranggay sa Camarines. Nagbalik ang mga Espanyol sa mga pulo sa Visaya at Mindanao upang saklawin ang kani-kanilang encomienda, gaya ni Salcedo, na sinimulan uli ang pagtuklas sa lahat ng panig sa Ilocos. Namatay si Salcedo.
Si Sande mismo ang namuno sa isang sandatahang dagat, kasama ang 1,500 mandirigma mula Pangasinan, Cagayan at Visayas, na sumalakay sa Brunei, upang palitan ang hari (sultan) duon ng kapatid nito, na kampi sa mga Espanyol. Nagapi niya ang sandatahang dagat ng sultan at nasakop ang Brunei, ngunit pagkaraan lamang ng ilang araw, napilitang bumalik sa Manila dahil nagkasakit ang mga tauhan. Sa bandang Mindanao, inutusan niya si Capitan Rodriguez de Figueroa na lusubin ang mga Muslim sa Sulu (Jolo) na kakampi ng tinalong sultan ng Brunei. Napuksa ni Figueroa ang mga taga-Jolo at nagtuloy siya sa Mindanao upang tuklasin, at sakupin, ang mga baranggay duon na laban sa mga Espanyol. Sa Ilocos, pagkatapos maglakad maghapon sa init ng araw, sa patuloy na pagtuklas sa mga baranggay duon, uminom ng maraming tubig na malamig si Salcedo at nilagnat, at namatay nuong Marso 11, 1576.
|
Si Koxinga, Ang Lagim Ng Formosa SA MANILA, nuong Mayo 5, 1662, dumating ang sugo mula kay Koxinga, na kailangang pumailalim sa kanya ang Pilipinas at magbayad ng buwis (tribute) sa kanya ang mga Espanyol sa Manila. Nakakayanig man ang utos ng Intsik na conquistador ng Formosa, kagimbal-gimbal din naman ang kanyang sugo - si Vittorio Ricci (Victorio Riccio sa Espanyol), isang frayleng Dominican mula sa Florence, Italy. Kagulat-gulat din ang suot ni Ricci, ang makulay at mayamang baro ng isang mandarin, ang maharlika sa China. Utusan ang frayle.
Handa nang lumusob sa Manila si Koxinga at ang kanyang 100,000 hukbo, sakay sa kanyang 15,000 champans (mga sampan), barkong pandagat sa silangang timog (southeast), mas maliit kaysa sa dyong (Chinese junk) at mas malaki kaysa sa parao (proa). (Ang sampan ang madalas pagkamalang ‘junk.’) Tinalo ang mga Dutch.
Magulo ang pinagmulan ni Koxinga at marami ang kanyang mga pangalan - Coseng, Cogsin, Tching-Tching Cong, at Pompoan. Isa pang pangalan, Kue-sing o Gue-sing-ye, ‘ampon ng hari’ ang kahulugan, ay isang pahiwatig, at nasabing inampon siya ni emperador Con Gun, maniwaring ang huling hari ng angkan ng Ming (Ming dynasty) sa China. May ibang ulat na si Tang, isang principe ng mga Ming ang umampon sa kanya. Ang mga Dutch daw ang unang tumawag sa kanya ng Koxinga. Anak siya ng makapangyarihang mandarambong na Intsik, si Zheng Zhilong, at ng isang Japonesa, si Tamura Matsu, at isinilang sa Hirato, sa Japan, nuong 1624. Nagtaksil ang ama, dating kakampi ng mga Ming, at sumanib sa mga Qing (Qing dynasty), ang mga taga-Manchuria na sumakop sa China simula nuong 1644. Laban si Koxinga sa baliktad ng kanyang ama at nang magahasa at nagpatiwakal ang kanyang ina nuong sakupin ng mga Qing (tinawag ng mga taga-Europa na Tartaro) ang lungsod ng Nan-an, lalo siyang napuot at isinumpang ibabalik ang paghahari ng mga Ming. Ang tiyak lamang ngayon ay si Koxinga ang kahuli-hulihang pinuno ng hukbo ng mga Ming at matapos sakupin ng mga Tartar mula sa Manchuria ang kalakihan ng China pagkamatay ni Con Gun, sinikap niyang bawiin ang lungsod ng Nanquin (Nanking) na pusod ng kaharian. Naulat na 1 million ang kanyang sandatahan (sobra-sobra ang ulat ng frayleng Jesuit; mas kapani-paniwalang 100,00 ang mga kawal ni Koxinga) at nagapi sana niya ang mga Tartar kung hindi niya kinailangang sakupin muna ang 9 lungsod sa paligid nito. Nagkapanahong maghanda ang mga Tartar (mas angkop tawaging mga Manchu) ng 400,000 caballeros (cavalry; malamang 4,000 - 6,000 kabayo ang tamang bilang) na dagdag sa kanilang hukbo sa lungsod. Natalo si Koxinga kahit na nakuha ng hukbo niya ang una sa 3 pader na bumabalot sa Nanking na 65 kilometro ang laki paligid. Pagkabalik ni Koxinga sa kanyang pulo ng Hia Mun (tinawag ding Emuy o Amoy) sa tabi ng lalawigan ng Fookien (Fujian ang tawag ngayon), dinala niya ang 25,000 tauhan at nilusob naman ang pulo ng Formosa nuong Abril 1661. Pagkatapos mapatay ang 1,600 Dutch sa 9 buwan ng pagsukol, sumuko na si Governador Frederik Coyett, ang governador ng Dutch sa Formosa nuon. Pagkatapos, binalak ni Koxinga na sakupin ang Pilipinas, mas malaki at mas mayamang himpilan sa paglaban sa pagsakop ng mga Manchu. Nagkamatayan sa sindak.
Ngunit kung bagabag ang mga Espanyol, sukdulang sindak ang mga Intsik na nahulaan, nasabing may mga tiktik pa sa mga pulong, at nagkagulo nang husto sa Manila, pati na sa Cavite, lalo na nang biglang nag-alisan ang mga mayamang Espanyol, dala lahat ng ari-arian, papuntang Mexico. Marami ring mga Espanyol, mestizo at mga Tagalog ang kumutya sa mga Intsik na pupugutan silang lahat ng ulo, - condenado a muerte, - bilang ganti at upang hindi sila makatulong sa paglusob ni Koxinga. Mabilis kumalat sa mga Intsik ang tsismis na sa Mayo 25, 1662 ang nakatakdang pagbitay sa kanilang lahat, kaya nuong gabi ng Mayo 24, 1662, nagtakbuhan na sila at tumakas mula sa Parian, ang puok ng mga Intsik sa labas ng Intramuros. Pinatay ang frayle.
Nuong gabi ng Mayo 25, 1662, natagpuan ang bangkay ni Fray Jose de Madrid, frayleng Dominican na taga-Cebu na nagtapos sa Colegio de Santo Tomas sa Intramuros nuong 1646. Nagturo siya sa Santo Tomas bago napadala sa China upang tumulong magpalawak ng catholico duon. Nagbalik siya sa Pilipinas upang hindi mapatay nang usigin ng mga taga-China ang mga misionerio duon. Pinatay siya ng mga nag-aklas sa Parian upang mapilitan ang ibang Intsik na sumapi sa aklasan dahil, sa pagpatay kay De Madrid, hindi na sila patatawarin ng mga Espanyol. (Tatalakayin nang lubusan ang aklasang ito, at ang iba pang karanasan ng mga Intsik sa Pilipinas sa kasaysayang ‘Ang Kuya Ay Intsik,’ na sinasaliksik ngayon at isusulat sa mga darating na panahon.)
Pinuksa ang mga Intsik.
Ang mga hindi bumalik ay hinabol at pinatay ng mga Espanyol at ng mga Tagalog at Kapampangan. Ang 2 pinuno ng pagtakas mula sa Parian ay nabihag at binitay sa harap ng mga tao. Pagkatapos, ang mga Intsik sa Parian ay pinilit na tumulong sa pagpapatibay ng mga tanggulan sa Manila at Cavite. Palagi nang pinabantayan sa mga Tagalog ang mga Intsik sa Parian. Lulusob si Koxinga.
Balak ni Koxinga na sumugod agad at daigin ang bagyo at ang Espanyol subalit 2 ang humadlang sa kanya. Una, nais niyang bitayin ang kanyang anak na lalaki. Kin Sie ang pangalan ng anak, tinawag ding Sya, Tsing King Mai at Sipuan, at lumaki itong mahilig magbasa at mag-aral, hindi mandigma o maghari. Pinabayaan ang kahariang pinaghirapan ni Koxinga na makuha, at naging tamad at duwag ang hukbong ipinamahala sa kanya. Sa halip na pasupil, umaklas si Kin Sie, tinulungan at ipinagtanggol ng mga mandarin, ang mga maharlika, sa lungsod ng Vi Cheo (tinawag ding Fu Chau at Foo Chow). Ang tadhana ni Koxinga.
Si Kin Sie ang nag-utos kay Ricci, ang frayle na isinugo sa Manila nuong Mayo 1662, na bumalik duon upang ibalita ang pagkamatay ng ama, at upang makipagpayapa sa mga Espanyol. Pagkatapos gawin ni Ricci ito nuong Abril 1663, nagbalik siya sa China subalit hindi nakapagtagal duon dahil inusig ng bagong hari ng China ang mga missionario at mga catholico. Tumakas si Ricci sa Formosa nuong 1664 ngunit umabot din duon ang pag-usig ng mga catholico at napilitan siyang tumakas uli at nagbalik sa Manila nuong Marso 1666. Ipiniit siya duon ng mga Espanyol dahil sa pagsilbi niya para kay Koxinga. Pinawalan din siya pagkaraan ng panahon at nagkatungkulin sa mga Dominican ng ilang taon. Namatay siya sa Parian nuong Febrero 17, 1685. |
Balik sa nakaraan Ulitin mula sa itaas Tahanan ng mga kasaysayan Listahan ng mga pitak Susunod na kabanata |