Conquistador Ng Pilipinas: Ika-9 kabanata
Cibabao, Samar, Sandugo ‘NUONG HAPONG una naming natanaw ang Pilipinas, dumaong kami sa isang magandang luok na tinawag duong Cibabao, at namarati kami duon nang isang linggo.’ Ito ang sabi ni Miguel Lopez de Legazpi sa kanyang liham kay Felipe 2, hari ng Espanya, nuong Mayo 27, 1565.
Pilipinas, Febrero 14, 1565.
Nang itanong nina Legazpi sa mga mangingisda kung nasaan si Bernardo dela Torre, isa sa mga capitan ni Ruy Lopez de Villalobos na naiwan sa kapuluan nuong 1546, sinabi ng mga mangingisda na baka nasa bandang hilaga (north). Pinabigyan sila ni Legazpi ng mga handog, mga kutil-kutil na walang gaanong halaga ngunit dahil panibago sa kapuluan, ay kaakit-akit, at nangako ang mga mangingisda na magdadala ng pagkain kinabukasan. Kahit na naglaho ang isang barko, ang San Lucas, na may sakay na 20 tauhan, mahigit 300 tauhan pa rin ang kasama ni Legazpi, mga marinero at sundalo na malalakas kumain. Ipinamalita ng mga mangingisda na binigyan sila ng mga handog ng mga Espanyol, kaya kinabukasan, nagtungo sa mga barko ang halos lahat ng mga tagapulo, pati ang mga musmos, at dinumog ang mga barko ng kanilang mga bangka. Ang iba sa kanila, ang mga pinuno ng baranggay, ay nagyaya ng casi-casi (blood compact) ngunit tumanggi si Legazpi. Sinabi niyang sugo siya ng hari ng Espanya kaya sa isang ‘hari’ rin lamang siya maaaring makipag-casi-casi. Si Mateo del Sanz, ang pang-2 pinuno ng mga Espanyol ang hinirang ni Legazpi. Hiniwa ng tagapulo ang bisig at nagpatulo ng dugo sa isang baso ng alak. Ganoon din ang ginawa ni Del Sanz, at kapwa sila uminom hanggang naubos ang pinaghalong dugo at alak. Ito ang casi-casi, takda ng matalik na pagkakaibigan bilang ‘magkapatid sa dugo.’ Ang pinuno ng baranggay, si Ka Laian, sinulat ng Espanyol na Calayan, ay pinasamahan ni Legazpi sa kanyang tauhan, si Andres de Ybarra, upang angkinin ang baranggay at pali-paligid sa ngalan ng hari ng Espanya, nuong Febrero 15, 1565, sinaksihan nina Frayle Diego de Herrera, Fray Pedro de Gamboa, at ilang mga sundalo at pinagtibay sa isang kasulatan ni Fernando Riquel, taga-ulat (notario) ni Legazpi. Maraming tagapulo ang nanuod sa ginawang pag-angkin, walang kamalay-malay na nagsimula na ang paghahari ni Felipe 2 sa kapuluan at sila, ang mga ayaw sa hari, ay naging tagapagsilbi na ng mga dayuhan. Binigyan ng mga tagapulo ang mga Espanyol ng mga pagkain gaya ng ipinangako nila. Mga isda, manok, itlog, isang biik at kesong puti, malaki at mahalaga para sa mga katutubo dahil sagad sa kanilang kakayahan bilang mga mangingisda lamang, ngunit kaunti at pinintasan nang lihim ng mga Espanyo. Isinulat pa kay Felipe 2, ang hari ng Espanya, dahil hindi nagkasiya ang pagkain sa 300 Espanyol, at hindi sila sanay sa kesong puti (white cheese) na gawa sa gatas ng kambing (kaunti lamang ang mga kalabaw nuon, at sa Bicol lamang mayroon) at kaiba ang lasa sa keso (queso, cheese) na kilala ng mga Espanyol, na gawa sa gatas ng vaca. Pinatay sa casi-casi.
Pinalaot ni Legazpi ang 2 bangka ng mga Espanyol upang maghanap ng ibang matitigilan na maraming pagkain. Isang bangka ang pinalaot papuntang timog; ang pang-2 bangka, pinamunuan ni Juan dela Isla, ay pinaroon sa bandang hilaga at nakaabot sa isang baranggay 10 legua (48 kilometro) ang layo at pagkaraan ng 6 araw, bumalik at ibinalita kay Legazpi na walang nakita sa mga pulo na inusisa nila, maliban sa mga mamamatay tao (asesinos, murderers). Isang kasama nila, si Francisco Gomez, ay bumaba sa dalampasigan nang walang pahintulot, nagkusang makipag-casi-casi sa mga taga-baranggay. Hihiwa na siya sa bisig upang patuluin ang dugo nang sibatin siya sa tagiliran ng isang tagapulo, tagos hanggang kabilang dibdib.
Malaking dalamhati ng mga Espanyol ngunit pinahinahon pa rin sila ni Legazpi na balisa sa hindi pagbalik ng unang bangka kaya, matapos angkinin ni Legazpi mismo ang buong kapuluan ng Cibabao sa ngalan ng hari ng Espanya, sinaksihan ni Fray Andres de Urdaneta, umalis na ang mga Espanyol nuong Febrero 20, 1565 patungong timog hanggang lagpas dulo ng pulo. Kinabukasan, pagkalayag ng 30 leguas (144 kilometro), dumaong sila sa isang luok (bay) na tinawag nilang San Pedro sa malaking pulo ng Tandaya. Malamang ito ay Leyte, kung Samar nga ang tinuring na Cibabao. Ginamit din ni Legazpi ang pangalang Abbuyo, ang lumang tawag ng mga Aeta sa pulo ng Leyte, na natutunan nina Villalobos. (Sa kasaysayan ng Leyte ngayon, sinasabing ang Abbuyo ay ang lungsod ng Abuyog, sa silangan gilid ng pulo, sa timog ng lungsod ng Tacloban.)
May ilog duon at pinatunton ito ni Legazpi sa mga bangka sa pamumuno ni Martin de Goiti, kasama si Frayle Diego de Herrera, upang maghanap ng mga kabayanan na may pagkain. Mahigpit ang utos niya na mag-usisa lamang at huwag kalabanin ang mga indio. Umabot sina Goiti sa isang munting baranggay na tinawag na Cangiungo (gaya ng Cibabao, hindi na matiyak kung nasaan ito). Hindi sila tinanggap nang magiliw ng mga tagaruon, ngunit hindi sila dinigma at pinakain pa sila. ‘Comamos! Bebamos!’ (‘Kain na! Uminon tayo!’) Niyaya ang mga Espanyol ng isang tagaruon na marunong ng ilang salitang Espanyol. Nang tanungin ng isang kasama, si Anton Batista, kung paano natuto ng Espanyol, sumagot ang indio ng ‘Villalobos’ at ‘Capitan Calabaza,’ at inakala ng mga Espanyol na nakipagkalakal ang tagapulo sa pangkat ni Villalobos nuong nakaraang paglakbay. Maniwaring nagalit ang pinuno ng Cangiungo sa pagdaldal ng taga-baranggay at hindi na siya muling nakita ng mga Espanyol. Nang dumating ang buong pangkat nina Legazpi kinabukasan, sinalubong sila ng sigaw at galit ng buong baranggay, panay ang wasiwas ng mga kampilan, ang mahabang itak ng mga tagapulo, at hinagis ang mga Espanyol ng mga bato at pira-pirasong kahoy. Inutos ni Legazpi sa mga sundalo na pagbabarilin, at karipas patakas ang mga taga-baranggay at hindi muli nagpakita sa mga Espanyol. Cabalian, Marso 5, 1565.
Umakyat sa barko kinabukasan ang isang pinuno, si Ka Matuan (sinulat na Canatuan ni Legazpi, Camutuan sa ibang salaysay) na anak ni Malitik (sinulat na Malate ni Legazpi, at Maletec sa ibang salaysay), upang makipagcasi-casi kay Legazpi ngunit ipinbihag siya nito, pati na ang mga kasama niya, upang mapilitang magdala ng pagkain ang mga taga-Cavalian sa mga barko. Tantiya nuon na 2 araw na lamang ang pagkaing nalalabi sa mga barko. Si Malitik ang pinakamataas na pinuno sa nayon, hukluban at bulag na sa katandaan, ngunit hindi rin nagdala ng pagkain ang mga taganayon kaya ang mga Espanyol, 50 sundalo na pinamunuan ni Martin de Goiti, ang lumusob sa baranggay, nagpaputok ng kanilang mga arquebus (baril na de-sabog) at nang nagtakbuhan ang mga tagaruon, sinunggaban ng mga Espanyol ang lahat ng pagkaing nakita, mga baboy, mga manok at maraming bigas. ‘Nag-fiesta kami!’ sulat ni Legazpi kay Felipe 2, ‘may 45 baboy ang kinatay namin at kinain. Binayaran naman namin ng mga kalakal na dala-dala namin.’ Ipinadala ni Ka Natuan sa mga Espanyol ang mga bayad ni Legazpi, kasama ang isang taga-Cavalian, upang maipamudmod sa mga may-ari ng baboy na kinatay at iba pang pagkain na ninakaw. Sa pagniniig nila ni Legazpi, tinuran ni Ka Natuan ang pangalan ng mga pulo-pulo sa pali-paligid, ang mga pinuno at mga nakatataas na tao sa mga baranggay. Gaya ng ipinangako rin ni Ka Natuan, dinala niya sina Legazpi sa pulo ng Limasawa sa timog ng Leyte, isinulat na Massaua at Masagua ni Legazpi sa kanyang liham kay Felipe 2). |
Balik Sa Limasawa NANG DATNAN nina Ferdinand Magellan ang pulo ng Limasawa nuong 1521, puno ito ng maraming tao. Nang dumating ang pangkat ni Miguel Lopez de Legazpi nuong Marso 9, 1565, iilan-ilan na lamang ang namamahay duon, wala pang 20. At nagalit ang mga ito nang makita ang mga Espanyol, at nagsitakas lahat. Bigo, pinawalan duon ni Legazpi si Ka Natuan at iba pang mga bihag matapos bigyan ng ilang pirasong damit, ‘at magkaibigan kami nang naghiwalay,’ ang sabi ni Legazpi. Nagpatuloy ang pangkat Espanyol, iniwan ang pulo ng Limasawa at nuong Marso 11, 1565, nakarating sa pulo ng Camiguinin (Camiguin, sinulat na Canuguinen ni Legazpi). Dito man, takbuhan ang mga tao sa gubat at bundok sa unang pagkakita sa mga Espanyol. Bohol, Marso 14, 1565.
Sinamantala nila ang pagkakataon upang kumpunihin ang mga sira sa capitana (flagship), ang barkong San Pedro. Ang maliit na ang barko na lamang, ang San Juan, isang patache, ang pinatuloy ni Legazpi sa Butuan, sakay si Guido Lavezaris, ang ingat-yaman (treasurer), si Andres de Mirandaola, ang factor (business manager) at si Capitan Juan dela Isla, upang usisain kung saan iniimbak at kinakalakal ang kanela (cinnamon) na laganap sa Mindanao at upang maghanap ng mainam na mahihimpilan ng mga barko upang makapagtatag ng pamahayan (colony) ng mga Espanyol. Isinama nila ang aliping Malay na tagapagsalita (interpreter), si Geronimo Pacheco, nang makasagap ng maraming balita tungkol sa kalakal sa pali-paligid. Inatasan silang magbalik pagkatapos ng 5 araw. Sa may kalayuan, namataan ni Mateo del Sanz, ang pang-2 (master-of-camp) ni Legazpi, mula sa kanyang almirante, ang barkong San Pablo, ang isang dyong (Chinese junk ang tawag ng Amerkano), barkong pandagat ng mga taga-Java. Akala niyaisang parao, ang malaking bangkang pandagat ng mga katutubo, kaya isang bangka lamang, sakay ang 6 sundalo, ang pinasulong niya upang harapin ito. Tapos, nagpunta siya sa capitana upang ibalita ito kay Legazpi. Nawari ni Legazpi na kulang ang ipinasulong na mga tauhan ni Del Sanz. Agad niyang pinalaot si Del Sanz mismo sa isa pang bangka na punong-puno ng mga sundalo, ngunit nagsimula na pala ang bakbakan at barilan sa dagat, bago pa nakarating sina Del Sanz. Sugatan na ang ilang sundalo sa unang bangka nang makalapit sina Del Sanz sa dyong na may dalang maraming pana at palaso (bows and arrows), mga sibat, mga baril at isang culverin, maliit na kanyon na gawa sa tanso (bronze cannon). ‘Abordo! Abordo!’
Sumuko ang mga sandatahang naiwan sa dyong, at natuklasang mga Muslim sila (Moro ang tawag ng mga Espanyol, ang tawag nila sa mga Muslim mula sa Morocco na dating sumakop sa Espanya) mula sa Brunei, handang mamatay, at may dalang maraming porselana mula China, mga bakal mula Borneo, at mga palayok at caserolang bakal mula India. Marami ring mga telang damask, sutla (silks), belo (veils) at sari-sari pang tela mula sa iba't ibang pulo. Hila ang dyong, bumalik sina Del Sanz pagkaraan ng 2 araw. Ipinabalik ni Legazpi ang dyong at mga ari-arian, at pinakawalan ang mga Muslim, na tuwang-tuwa. Kaibigan ang Moro
Nang makita ng mga Muslim ang mga kalakal na dala ng mga Espanyol, ipinayo nila na tumuloy ang mga Espanyol sa Borneo, Siam o Malacca at madali nilang maipapagpalit ang mga dala nila duon. Sinabi ng kasamang marinero (pilot, navigator) ng mga Muslim na 10 taon na silang lumiligid sa mga pulo sa pali-paligid, hindi pa rin nila naubos ang inilalako nilang sutla at mga tela, pahiwatig na salat sa yaman ang mga tagapulo duon. Sinabi rin ng marinero na 2 dyong mula Luzon ang nasa Butuan nuon, nakikipagkalakal ng ginto, pagkit (wax) at mga alipin. Mas malayo daw sa hilaga ang Luzon kaysa 'Borney' (Brunei). Sinabi ng mga taga-Borneo na dati, may 2 Espanyol na bihag sa Cebu ngunit nuong matagal na, ipinagbili ang isa sa mga nagkalakal mula sa Borneo, na tinubos naman ng mga Portuguese at dinala sa Malacca. Hindi raw nila alam kung nasa Cebu pa ang pang-2 Espanyol. Ang marinerong Muslim ang naghayag kina Legazpi kung bakit sindak at muhi ang mga tao duon sa Espanyol. Nuong 2 taon sa nakaraan, isang pangkat ng mga Portuguese sa 8 parao, sakay ng maraming mandirigma mula Maluku, ang lumipol sa mga tagapulo. Nagkunwaring mga Espanyol sila, gaya nina Ferdinand Magellan, kinaibigan muna nila ang mga tao bago nila ninakawan, pinagpapatay at binihag upang gawing mga alipin. Kaya ilag na ang mga tao sa Espanyol, sabi ng marinero. Dito lamang sa Bohol, mahigit isang libong tao ang sinalanta. Matapos daw ng isang buwan ng pakikipagkaibigan, inanyayahan ng mga Portuguese ang lahat sa isang malaking pamilihan (market fair) ng mga kalakal. Nang magtipon ang mga tao, sinalakay nila. Mahigit 500 tao ang pinatay at 600 tao ang binihag at inalipin. Pumiyak si Legazpi, sinabing ibang bansa ang mga Portuguese, nagsisilbi sa kaibang hari, ngunit hindi niya mapaniwala ang mga tagapulo, na sinabi, Magkakahawig kayo, pati ang mga damit ninyo at sandata, magkakatulad! Casi-Casi, si Ka Tunas
Kasama sa frigate ang marinerong Muslim bilang tagapagsalita (interpreter) dahil alam niya halos lahat ng wika ng mga tagapulo. Sa 15 Espanyol, may kasamang isang negro na nakarating na sa India at Malacca, at alam na ang wika ng mga Malay. Nang bagtasin ng frigate ang pagitan ng Bohol at Cebu, tinangay sila ng malakas na agos ng dagat at ipinapadpad sa malayong dulo ng Cebu. Hindi sila nakabalik pasalungat sa agos kaya napilitan silang maglayag paikot sa buong pulo ng Cebu. Pagkaraan ng 10 araw nang hindi nagbabalik ang frigate, lubhang nabalisa sina Legazpi sa Bohol. Nagkusa ang ilang taga-Bohol, sakay sa kanilang mga bangka, at pumalaot din upang hanapin ang frigate. Samantala, bumalik ang barkong San Juan mula sa Butuan, bigo sa kanilang tangkang mag-usisa tungkol sa kanela (cinnamon). Butuan, mga taga-Luzon.
Napilitang sa mga taga-Luzon na lamang nakipagkalakal ang mga Espanyol na nilimot ang utos ni Legazpi na magsiyasat, lalo na nang mabalitaan nilang maraming dalang ginto ang mga taga-Luzon sa 2 dyong. Lulusubin na sana ng mga Espanyol, ganti lamang daw sa ginawang pagsira sa kanila sa mga taga-Butuan, at dinaya pa raw sila, hinaluan ng lupa ang mga buslo ng pagkit (wax) na inilako sa mga Espanyol, ngunit pinigilan sila nina Capitan Dela Isla, Lavezaris at Mirandaola at, upang maiwasan ang bakbakan laban sa mga taga-Luzon, mabilis na bumalik ang San Juan sa Bohol. Pinagalitan sila ni Legazpi dahil wala silang siniyasat, basta inatupag ang kani-kanilang pagkalakal.
Pagkaraan ng 9 araw, bumalik ang bangka ng mga taga-Bohol, hindi raw nila nakita o nabalitaan ang mga Espanyol sa frigate, at malaking kaba ni Legazpi na napatay silang lahat. Kapalaran naman, nuong gabi ring iyon, bumalik ang frigate. Ang mga sakay ay pagod, gutom ngunit malusog at walang napatay maliban sa marinerong taga-Borneo na tumulong sa kanila. Naligo daw sa isang ilog sa pulo ng mga negro (Negros ang tawag ngayon, Buglas ang tawag dati) at pinatay ng mga tagaruon. Hindi kami nakadaong sa lakas ng agos ng dagat, sabi nila kay Legazpi. Bumaybay na lamang kami sa pulo ng mga negro at sa Cebu. Umikot pa sila sa buong Cebu upang makabalik kaya 20 araw silang nawala dahil bandang 150 legua (720 kilometro) ang sukat ng pulo. Marami silang nakitang mga tao, at mga pagkain, sa Cebu, ngunit kahit na gutom na gutom na sila dahil 6 araw na pagkain lamang ang dala nila nuong nagsimula, hindi sila naglakas loob na dumaong.
|
Balik sa nakaraan Ulitin mula sa itaas Tahanan ng mga kasaysayan Listahan ng mga pitak Susunod na kabanata |