Conquistador Ng Pilipinas: Ika-13 kabanata
Ang Pagsakop Sa Manila
Sunod sa utos ni Juan de Salcedo, ang binatang governador ng Panay at apo ni Miguel Lopez de Legazpi, nagsabit ang mga sundalong Espanyol at mga mandirigmang Visaya ng mga sawali at banig sa 2 tagiliran ng bawat parao. Natutunan na nilang mainam na panangga ang mga ito sa mga palaso (arrows) dahil na magaang at pampatay lamang ng isda at maliliit na hayop ang mga palaso ng mga kaaway na tagapulo. (Ang mga palaso ng Espanyol ay bakal at kayang tumagos sa bakal.) Handa at mga sandata, tinunton ng pangkat ang ilog Pansipit, kasunod ang bangka ng mga taga-Balayan na nagbunyag kay Salcedo na may kuta duon, hanggang narating nila ang baranggay ng Bombon (Taal ang tawag ngayon). Walang tao. Mabilis pa sa kulig, kinalkal ng mga taga-Balayan ang mga ari-arian sa bawat bahay hanggang napuno na kanilang mga bangka. Tapos, nagpaalam na sila, uuwi na raw sa Balayan upang hindi mangamba ang mga familia nila. Kuta ng Bombon.
Natagpuang nakagapos at duguan ang 2 Intsik na, matapos kalagan nina Salcedo, isinalaysay na kasama sila sa 2 dyong mula China na nagkakalakal sa Bombon nang mabalitaan nilang may mga Espanyol sa Mindoro. Alsa balutan sila ngunit pinigilan ng mga taga-Bombon, pinaligiran ang 2 dyong ng kanilang mga bangka. Sa init ng away, nagpaputok ng culverin ang isang dyong at napatay ang isang pinuno ng Bombon. Tinugis ng mga mandirigma ang 2 dyong at sa putikan palabas sa dagat, inabutan nila ang mga sangley at winasak ang 2 dyong. Pinahirapan ang mga nabihag at pinatay dahan-dahan. Ayon sa mga Espanyol na nakakita, dumudugo pa ang ibang bangkay ng mga sangley nang matagpuan nila. Samantala, sa Balayan, nagbigay paunti-unti ng ginto ang mga taga-baranggay, ngunit alumpihit si Goiti sa pagkawala ng mga parao nang, 2 oras matapos magtakip-silim, dumating ang pangkat ni Salcedo at isinalaysay ang kanilang naranasan. Namalagi nang 3 araw sa Balayan sina Goiti upang mapagyaman si Salcedo na nagkasakit sa kamandag ng lason sa sugat. Pagkaraan ng 3 araw, natauhan si Salcedo at lumunsad na ang buong pangkat, kasunod ang 8 bangka ng mga taga-Balayan, sasama raw hanggang sa mga baranggay sa Tulayan (Tulayansi ang sulat ng Espanyol) na madadaanan pagkaraan ng isang araw na layag papuntang Manila. Balayan laban sa Tulayan.
Kaming mga Espanyol ang maghahatol sa mga away ninyo, utos niya. Humimpil ng isang gabi sa Tulayan bago lumaot muli sina si Goiti pahilaga. Higit na mabilis ang nakalayag na San Miguel, at 5 kilometro kalayo sa dalampasigan ang nilandas upang iwasan ang mga batuhan samantalang gitgit sa pampang ang mga sumusunod na parao, na sinasagwan lamang, kaya lumaki ang pagitan ng 2 barko. Nagpadaong-daong pa ang ibang parao sa mga nakitang mga baranggay sa dalampasigan, ngunit tuwing lapit ng mga nila, nagtakbuhan ang mga tao duon, dala ang kanilang pagkain at ari-arian, kaya walang nanakaw ang mga nasa parao. Palapit sa Manila, nagsimula nilang makasalubong ang mga bangka na pangisda, tinawag na tapaque, hakot ang mga kalakal mula Manila, karaniwang palay at mga isdang walang ulo. Hinarang ng mga parao ang mga bangka, pinagkukuha ang mga palay at isda. Karamihan ng mga hinarang ay hindi pumiyak, umalis na lamang basta. Mayroong iba na lumaban, nasugatan ang 2 Espanyol at napatay ang isang mandirigmang Visaya. Binihag ng mga Espanyol ang mga lumaban. Nagsiklab si Goiti nang malaman ang mga nangyari. Dumaong ang 2 barko sa isang maliit na luok, at ipinatawag ni Goiti ang lahat ng pinuno sa mga parao at binulyawan, Wala nang maglilimayon mula ngayon! Dito kayong lahat sa nakikita ko! Sinabi ng isang binihag mula sa mga bangka na malapit na ang Manila. Kinabukasan, kasama ang bihag bilang gabay, lumikas ang buong pangkat at pumasok sa luok ng Manila (Manila Bay) nuong Mayo 19, 1570. Gulat ang mga Espanyol sa laki ng luok, akala makitid na dagat sa pagitan ng 2 lupa ngunit sinabi ng bihag na bukana lamang ito ng iisang lupa. Kasama sa pangkat ang 2 taga-Cebu, si Mahomet, at ang kapatid nito, kapwa dating taga-Manila. Sa payo nila, hindi tumuloy ang pangkat sa Manila dahil mapanganib ang batuhan duon at kailangang hintayin ang kataasan ng dagat (high tide) bago makapasok sa ilog Pasig. Nagpalamig sa Cavite.
Malapit nang magtakip-silim nuon at pinasiya ni Goiti na kinabukasan na isugo sa Manila si Mahomet at ang kapatid upang magsiyasat kung gaano kalalim ang tubig sa bukana ng ilog Pasig, paiba-iba dahil sa naiipon at inaagos na buhangin at putik sa ilalim. Ang kapatid niya ang inutusang makiusap at humingi ng pahintulot mula kay Rajah Soliman, ang pinuno ng Manila. Nasa Manila ang familia ng kapatid kahit na sa Cebu siya naghahanap-buhay, at sa sariling bahay niya tutuloy kinabukasan. Ipinangako nito, bago lumisan kinabukasan, na ibabalik agad ang sagot pagkaraan ng 1 araw. Ngunit 3 araw bago bumalik ang sugo, kasama ang tio na nagsisilbi kay Rajah Soliman, at ilan pang mga taga-Manila. Matapos ng mahabang papuri kay Soliman, sinabi ng tio na payag makipagkaibigan si Soliman at maaaring manirahan sa Manila ang mga Espanyol, gaya ng paghimpil nila sa Cebu at Panay. Nagpasalamat si Goiti at sinabi sa mga taga-Manila na kailangan niyang makaharap si Soliman upang matupad ang utos sa kanya na makipagkaibigan sa pinuno ng Manila. Ibinilin ng tio na sumunod sila nang 3 kilometro sa likuran papuntang Manila.
Nuong naghintay sila sa Kawit ng pasintabi mula Manila, namasdan ng mga Espanyol ang malalawak na bukid at maganang pangingisda at kalakal ng mga tagaruon. Iyon ang pinakamaunlad na lupa na nakita nila mula nang dumating ang pangkat ni Legazpi sa kapuluan. At sa landas pasunod sa tio at mga sugo, nakita ng mga Espanyol na punung-puno ng mga bangka, tao-tao at bara-baranggay ang pampang hanggang Manila. Maraming bangka ang lumapit kina Goiti at nagsumbong, hinamig daw ni Soliman ang lahat ng kanilang ari-arian at maraming pinatay sa mga lumaban. Magalang na nakipag-usap si Goiti ngunit walang sinabi tungkol kay Soliman. Mataas na ang araw, ika-10 ng umaga, nang dumaong sila pampang ng ilog Pasig, sa tabi ng Manila. Karimot na lumapit ang mga Intsik mula sa 4 barkong nakadaong din duon, nagkalalako ng alak, seda, manok at bigas. Nagsumbong na kinuha raw ng mga taga-Manila nang walang bayad ang pinakamamahalin nilang kalakal. Pati raw ang gabay (rudder) ng kanilang mga barko, kinuha. Magalang si Goiti ngunit wala pa ring kibo tungkol sa mga taga-Manila. Isinugo ni Goiti ang tagapagsalita (interpreter) na ibig niyang makaharap si Soliman.
Bakod, mga kanyon ng Manila.
Bandang ika-3 ng hapon, nagpaalam si Mahomet, nakitulog sa mga kamag-anak sa Manila. Napansin ng mga Espanyol na padami nang padami ang mga mandirigma sa Manila. Panay ang dating ng mga bangka, puno ng mga sandatahan. At sa pagdami, lalong bumangis ang turing nila sa mga Espanyol. Binihag nila ang ilang taga-Luzon na kaibigan ng mga Espanyol nang dumalaw ang mga ito sa mga kamag-anak sa Manila. Sinugatan ang isang alipin ng sundalong Espanyol, ginulpi ang 3 pang alipin ng ibang mga sundalo. Hindi gumanti ang mga Espanyol sapagkat mahigpit ang utos ni Goiti na walang makipag-away kahit na sa anong dahilan. Pagbalik kinabukasan, kasama ni Mahomet ang tio na sumundo sa kanila sa Kawit. Nabalitaan daw ni Soliman na hihingan ng buwis ang Manila. Dahil dito, binabawi na niya ang pahintulot, hindi na maaaring pumasok sa ilog Pasig ang mga Espanyol! Nagmaang-maangan si Goiti, Sabihin mo kay Soliman na huwag paniwalaan ang mga sabi-sabi, mag-uusap kami uli at magkakasundo. Casi-Casi ni Soliman at Goiti.
Itinanong ni Goiti ang pangalan ng mga karatig baranggay, at tinuran nina Soliman at Laia ang 40 baranggay sa paligid, kapwa sa dalampasigan at sa looban. Bago sila naghiwalay, nangako si Soliman na magpapadala ng pagkain sa mga Espanyol. Tiwala si Goiti kay Laia, ngunit may alinlangan pa rin siya kay Soliman, kahit na naganap na ang casi-casi. Patuloy ang pagdami ng mga mandirigma sa Manila. Nuong hapon, pinayagan ni Goiti si Riquel, ang tagapagtala (notario) ni Legazpi, na lumapag, kasama lamang ang isang paslit na utusan, upang alukin sina Laia at Soliman ng dala niyang mga testones na pilak, (silver royal testoons) salaping barya ng Espanya. Isa sa mga rajah ang nakipagtawaran sa kanya, 5 teston sa bawat alahas na ginto, ngunit 3 teston lamang ang alok ni Riquel. Si Mahomet ang nagsilbing tagapagsalita sa tawaran, at sinaway niya si Riquel, ipagpaliban daw muna ang pagkalakal at bumalik sa barko. Ipinasabi niya kay Goiti: Upang ipagdiwang ang kasunduan nuong umaga, magpaparada at magpapakitang gilas ang lahat ng mga taga-Manila sa dalampasigan, pati sa dagat. Papuputukin ang lahat ng kanyon ng Manila! Huwag daw mabahala, kasayahan lamang. Pagkabalik sa barko, nadatnan ni Riquel ang ilang mga taga-Manila na tagapag-sagwan ng mga bangka sa ilog. Dahil walang tulay, mga bangka ang inuupahan ng mga taga-Tondo at taga-Manila upang makatawid sa malawak na ilog Pasig. Nagtagal itong gawain, naghanap-buhay pa nang ganito ang ama ni Andres Bonifacio. Nagsusumbong ng mga tagapagsagwan kay Goiti, balak daw ng mga mandirigma sa Manila na upakan ang mga Espanyol oras na umulan, na inaasahan nila sa susunod na araw, nang mababasa at hindi magagamit ng mga Espanyol ang kanilang mga arquebus. Ang sumbong, ang pasabi kay Riquel, ang bangis at tirya ng mga mandirigma sa mga sundalong Espanyol, at ang nakitang paghahanda ng mga mandirigma sa Manila, - natunugan ng mga pinunong Espanyol na may lihim tangka si Soliman. Naging tatag ang hinala nina Goiti nang dumating si Mahomet, may balita mula kay Soliman.
Balak ni Lakan Dula.
Ipinabalik ni Goiti kay Mahomet ang kanyang pasalamat sa babala. Ipinasabi niya kay Soliman na, Handa kaming lumaban! Kung hindi lamang madilim na, susugurin na namin si Lakan Dula! Nuong gabing iyon, lahat ng Espanyol ay inutusang matulog nang nakasandata. Mga Espanyol lamang ang pinayagan sa 2 barko; lahat ng mga mandirigmang Visaya ay sa mga parao pinatulog. Ang lahat ng iba pang kasama, ang mga taga-Balayan at mga sabit-sabit ay sa pampang pinatulog. Magdamag nagmatyag ang mga Espanyol. Kinabukasan, Mayo 24, 1570, nagsimulang lumapag ang mga Espanyol. Isang bangka, sakay ang 3 sundalo, ang biglang lumubog papalapit sa pampang at, dahil sa suot na bakal, nalunod ang isa, si Juan Nunez, taga-Talavera, sa Espanya. Kasama si Goiti ng malaking pangkat ng mga Espanyol sa dalampasigan, sa labas ng bakod ng Manila, sa harap ng gulod na may mga kanyon ni Soliman. Hindi pa bumabagsak ang inaasahang ulan nang, nuong ika-10 ng umaga, natanaw ng mga Espanyol ang maraming bangkang papalapit. Tatlong kanyon ng Espanyol laban sa 12 kanyon ng mga taga-Manila. Tapos maiipit pa ang mga sundalo sa pagitan ng ilog at bakod sa magkabilang sugod, mula sa tubig at mula sa lupa. At malapit nang umulan. Nahasa sa habang buhay na digmaan, mga batikang conquistador, hindi maaaring hintayin ng mga Espanyol na mabuo ang mga balak ng kalaban. Pinaputok ni Goiti ang isang kanyon sa barko. Sumagot ang 3 kanyon ng mga taga-Manila. Haging ang 2 putok, masyadong mataas ang asinta. Ang pang-3 ay sumalpok, nabutas ang tagiliran ng barko ni Goiti, ang San Miguel. Santiago! Santiago! Hiyaw-hiyaw ang pangalan ng kanilang patron ng digmaan (Saint James), sumalakay ang mga Espanyol. Sabay suot ng bakal na saklob-ulo (iron helmet), lumusob din si Goiti. Sa isang iglap, sinampa ng mga Espanyol na nakaamba sa pampang ang gulod ng mga kanyon. Maaaring pinagpala sila ng santo ng kanilang digmaan laban sa mga Moro sa Espanya nuong nakaraang 800 taon o maaaring mas mahusay silang makipagdigmaan dahil sa 800 taon nilang paglaban sa mga Moro. Anuman ang dahilan, nadaig nila ang mga mandirigma ni Soliman. Nilusob ng mga Espanyol at ng mga kasamang Visaya ang bakod ng kuta, sumingit sa mga siwang sa bakod para sa mga kanyon, at inupakan ang mga nagtakbuhang mandirigma ng Manila. Sinunggaban ni Goiti, ang maestro ng mga kanyon (artillery chief), ang 12 kanyon sa gulod at pinagkakanyon ang mga taga-Manila. Kumalat ang bakbakan sa buong nayon. Sinunog ang Manila.
Tupok na ang Manila nang bumagsak ang inaasahang ulan. Mahigit 100 mandirigma ni Soliman ang napatay sa Manila, nabaril ng mga Espanyol o namatay sa sunog. Marami pa ang napatay sa ilog nang tumakas, hindi masabi kung ilan. Mahigit 80 ang nabihag ng mga Espanyol. Natupok halos ang buong nayon. Maraming nakurakot ang mga Espanyol at mga mandirigmang Visaya at mga taga-Balayan, lalo na sa malaking bahay ni Soliman at katabing imbakan (bodega), puno ng salapi, pagkit (wax), bakal, tanso, porselana, bulak, kumot, at mga tapayan na puno ng alak. Ang mga kama at gamit bahay lamang, sabi ng mga nakakita, ay tumbas ng 5,000 piraso ng pilak (silver). Pagkatapos ng sunog, nagkalat sa lupa ang pira-pirasong tanso at bakal, pinakinabangan ng kung sinuman ang dumampot. Pinabantayan ni Goiti ang mga barko ng Intsik upang hindi manakawan at mawarak. Nuong hindi pa tapos ang bakbakan, ipinasauli na niya sa mga Intsik ang mga gabay at layag ng barko na kinuha ng mga tauhan ni Soliman. Mabilis ikinabit ng mga Intsik at lumaot lahat sa tabi ng barko ni Goiti upang hindi masalanta sa kaguluhan. Sa Manila, mayroon silang natuklasang 40 familia ng mga Intsik, at 20 familia ng mga Hapon. Isa sa mga ito ay binyagang catholico, Pablo daw ang pangalan niya, at humingi ng rosario kina Goiti, ngunit isinumbong ng ibang taga-Manila na isa siya sa mga tagapag-kanyon ni Soliman. Kasama sa mga nabihag ang mga babaing Intsik na asawa ng mga Intsik na tumakas kasama ni Soliman. Nais ng ibang Espanyol na gawin silang mga alipin ngunit inutos ni Goiti na ilipat sila sa mga barko ng mga Intsik. Isa ang nagpilit sumama kina Goiti at, pagkaraan ng ilang araw, natuklasan nilang baliw pala ang babae at kinuha siya ni Legazpi upang ipadala sa China. Sino ang maysala?
Naghintay nang ilang araw sa Manila si Goiti, kung sakaling may lumapit na taga-Luzon upang makipag-usap. Nuong Junio 6, 1570, inangkin ni Goiti ang Manila at mga karatig sa ngalan ng hari ng Espanya. Sa isang kasulatan, sumumpa siya sa harap ni Riquel, ang tagapag-ulat ni Legazpi, at mga saksi, kasama si Gavriel de Rrivera, ang punong pulis (chief constable), at iba pang pinuno ng Espanyol, na sina Soliman at Laia ang may pakana at nagsimula ng digmaan kahit nakipagkasunduan na sa kanila si Goiti. Kahit na inangkin niya ang lupa, hindi ginambala ni Goiti ang baranggay ni Lakan Dula (Alcandora ang sulat ng isang frayle) sa kabilang panig ng ilog Pasig. Alam niyang nais ni Legazpi lumipat sa Manila at mainam na may baranggay na datnan ang mga Espanyol sa halip ng sunog na nayon lamang. Ipinahakot niya sa barko ang mga kanyon ni Soliman, pati lahat ng mga ari-arian na nakalkal sa Manila pagkatapos ng sunog. Kasama ang 4 barkong Intsik nang lumunsad sina Goiti pagkatapos na walang lumapit upang makipag-usap. Nakuro niya na kulang siya ng mga tauhan upang tuntunin kung nasaan na si Soliman. Nagtuloy ang mga barkong Intsik sa Mindoro habang dumaong sina Goiti sa Kawit upang maghintay uli nang isang maghapon, baka sakaling may nais makiusap o magsumbong gaya nuong una nilang pasok sa Manila, ngunit wala uling lumapit. Sinamantala ni Goiti ang umiihip na hangin mula sa silangang hilaga (northeast), at upang hindi maipit sa Manila ng darating na hangin mula sa timog (south), naglayag palabas sa Manila ang buong pangkat at bumaybay sa gilid ng Luzon at dumaong muli sa Balayan upang magpahinga at mag-imbak ng tubig at pagkain. Kinabukasan, pinatuloy niya sa Panay ang 2 barko, ang San Miguel at La Tortuga, sakay si Salcedo na maysakit pa dahil sa lason sa sugat, at 6 pang sundalong maysakit. Sakay sa mga parao, nagbalik si Goiti sa Mindoro upang daanan ang mga baranggay na nangakong magdadagdag ng buwis na ginto, ngunit wala ni isang lumitaw. Nang dumaong ang pangkat ni Goiti sa ilog Baco, dumating ang pasabi mula Panay na magbalik agad sapagkat dumating na ang 3 barko ni Capitan Juan dela Isla mula sa Nueva Espanya (Mexico), ipinundar ni Martin Enriquez, ang pang-2 ng hari (viceroy), upang dalhin ang mga liham ng hari, si Felipe 2, at ang sahod (sueldo, wages) ng mga sundalo at kawani. Layag agad ang pangkat at nakabalik sa ilog Panay nuong Junio 15, 1570. Magana ang bati ni Legazpi kina Goiti, bagaman at napanghal nang marinig na sinunog ang Manila. Balak kasi ni Legazpi nuon pa na lumipat sa Luzon at duon itatag ang pamahayan (colony) ng mga Espanyol. Sang-ayon si Legazpi at lahat nang naruruon na hindi masisisi si Goiti sa pagsunog sa nayon sapagkat ito ang pinakamabisang paraan, maaaring ang tanging paraan, dahil napakaunti ng mga Espanyol upang masakop ang mga taga-Manila. ‘Paghati-hatian ang lupa.’
Pagbalik ni Legazpi sa Panay, naghanda na ang mga Espanyol na lumipat sa Luzon ngunit abala sa pagsakop at pamamahala sa iba’t ibang bahagi ng kapuluan, naantal si Legazpi sa Panay. Ayon sa unang kasunduan kay Felipe 2, siya ang governador sa kapuluan at anumang masakop sa ngalan ng Espanya sa bandang iyon ng daigdig. Sa liham na dala ni Dela Isla, siya ay ginanap nang adelantado - governador habang buhay, at maaari niyang ipamana ang pagka-governador sa kanyang mga anak at apo. Habang tumatagal, lalo namang sumisidhi ang pagkagutom ng mga Espanyol sa Panay sapagkat salanta ang mga palayan duon nang 2 - 3 taon na, ng mga naglipanang tikbalang at tipaklong (locusts). Sa walang patid na amuki ng mga kasama, lalo na ng mga frayle, na iwan na ang Panay, naglayag sa wakas si Legazpi, kasama ang lahat ng barko at mga Espanyol nuong Abril 20, 1571. Dumaong sa Mindoro ang 27 barko, kasunod ang maraming bangka ng mga katutubo na nagpasiyang sumama sa Manila, at nag-imbak sila ng pagkain at gamit duon nang mahigit 2 linggo bago nagtuloy, pagkalayag ng isang linggo, sa luok ng Manila (Manila Bay) nuong ika-2 ng hapon ng Mayo 15, 1571, bandang isang taon mula nang sunugin ni Goiti ang Manila. Minasdan nilang nasusunog muli ang Manila. Nang unang matiktikan ang buong sandatahang dagat nina Legazpi papasok sa luok Manila, ipinasunog na ni Soliman ang lahat ng bahay sa kanyang panig ng ilog Pasig. Mga bagong tayo lamang ang mga bahay, ipinasunog upang hindi mapakinabangan ng mga dayuhan, ngunit sa sindak ng mga tao at sa hangos makatakas agad ng mga alalay, maraming bahay ang naiwan at hindi nasunog. Nakatayo pa rin ang baranggay ng Tondo, sa kabilang panig ng ilog Pasig, na pinamunuan ni Lakan Dula. Siya nuon, sakay sa isang bangka, ang lumapit sa mga barko habang pinapanuod nina Legazpi ang sunog. Humiling si Dula ng pakikipagpayapa, sa ngalan ni Soliman at ng tio nito, si Laia (Matanda). Magalang siyang tinanggap ni Legazpi, sinabing wala silang balak wasakin ang Tondo o Manila, at inamuki niya ito na dalhin sina Soliman at Laia kinabukasan upang makipagkasunduan. Wala silang dapat ikatakot, sabi ni Legazpi kay Dula. Hangad naming makipagkaibigan, hindi maghiganti. Mapayapang nagbalik sa kanyang baranggay si Dula at sinimulan namang sakupin nina Legazpi ang mga bahay na naiwan sa Manila, ang lungsod na inangkin niya bilang adelantado ng buong kapuluan. Binigyan niya ito ng bagong pangalan, El Nuevo Reino de Castilia (ang bagong kaharian ng Castilia), o sa madaling sabi, Nuevo Castilia (New Castille). Nakipagpayapa sina Dula, Soliman at Laia kinabukasan. Sa mga sumunod na araw, habang pinaghati-hati ng mga Espanyol ang mga lupa sa Manila, nagdatingan upang sumuko rin kay Legazpi ang mga pinuno ng mga karatig baranggay, ngunit hindi lahat. Dito inilipat ni Legazpi nuong Mayo 18, 1571, ang pamahalaan niya. Malawak ang mga bukirin at palayan ng Luzon kaya natiyak niyang hindi na magkukulang ang pagkain para sa kanyang mga tauhan. Dito rin namatay ang matandang Legazpi pagkaraan ng isang taon, nuong Agosto 20, 1572, habang pinapalitan ang bakod na kahoy ng batong pader sa paligid ng Manila na, hindi nagtagal, tinawag na Intramuros (sa pagitan ng mga pader). |
3 PAHAYAG Nangatwiran si Soliman SA UNANG paghaharap nila ni Miguel Lopez de Legazpi nuong Mayo 16, 1571 ipinagtanggol ni Rajah Soliman ang sarili sa paratang na siya ang nagsimula ng bakbakan laban kay Martin de Goiti nuong nakaraang taon, 1570, sa unang pagdating mga mga Espanyol sa Manila. Alam n’yo nang lahat, walang hari at walang iisang may kapangyarihan dito kundi kanya-kanya ang panukala at patakaran at kahit sino ginagawa kung ano na lamang ang maisipan nila. May mga tao ritong may higit na kapangyarihan kaysa sa akin, dahil kahit walang pahintulot ko, nilabag nila ang payapa at pagkakaibigan, kaya ako ngayon ang pinaratangan ng paglabag sa tungkulin. Kung hindi ganito ang nangyari, kung ako ang nagpahintulot at nagpayo sa paglabag nila, ako ang dapat parusahan. Kung ako ang hari sa bayang ito, sa halip na panginoon lamang sa mga lupain ko, ang mga pangako ko sana ay hindi nabali. Ngunit maraming tao ang kasangkot, at hindi ko kaya, nuon at ngayon man, kundi magsikap na sundin ng aking mga tauhan at mga kaibigan na tangkilikin ang katahimikan at pagkakaibigan na napagkasunduan nuon. Nang maunawaan ito ni Legazpi, nagbigay siya ng kapatawaran sa lahat (general pardon) sa nangyari nuong nakaraang taon, at naghayag na mula nuon, ang mga pangako ay dapat tuparin. Nag-alok si Soliman, ang kanyang tio, si Rajah Laia (Rajah Matanda) at si Lakan Dula na aayain nila ang mga karatig na baranggay na sumuko at magbayad na rin ng buwis kina Legazpi, ngunit hindi nila natupad ito kahit anong subok ang gawin nila. Napansin ng mga Espanyol na walang sapat na lakas ang 3 upang utusan ang mga pinuno sa paligid, at karamihan ng tao sa mga barrangay ay basta na lamang umaalis at lumilipat sa malayo upang makaiwas sa utos-utos ng kanilang mga pinuno. --oOo-- ‘Ang bagong kaharian’ DAHIL ipinahayag sa Amin ng consejo at ng departamentos ng ejecutivo at ng judicial ng ciudad ng Manila, sa pulo ng Luzon sa Kanluran,
Na ang mga mamamayan ng lungsod na iyon ay nagsilbi sa amin nang buong lugod at katapatan, sa harap ng maraming paghihirap
Kaya ngayon, matapos ng maingat na pagmuni-muni sa tungkol dito, at tungkol sa tapat at mabuting paglilingkod sa amin ng lungsod na ito at ng mga mamamayan duon, kami ay sang-ayon sa hiling na ito;
At kami ang nag-uutos nito, sa sarili naming lagda at sello, na pinagtibay ng aking Consejo de Las Indias. Madrid, Junio 21, 1574.
--oOo-- Pagbuwis Manila, Junio 21, 1574. Pahayag ni Fray Martin de Rada, pinuno (provincial) ng mga Augustinian sa Pilipinas, kay Guido Lavezaris, ang pumalit na governador pagkamatay ni Legazpi: Inakala ko na walang dapat baguhin sa pagsingil ng buwis na ginagawa ngayon ng Mga Espanyol - 70 ganta (210 litro) ng palay at isang piraso ng tela mula sa bawat indio, bagaman at may mga frayle na pumipintas dito, sa sermon nila sa misa, pati na sa mga confesionario. Ngunit nang ipunin ko ang opinion ng bawat frayle dito sa Manila, nagkasundo silang lahat na walang sapat na karapatan ang pagsakop ng Espanyol sa kapuluang ito sapagkat walang dapat makipagdigmaan nang walang pahintulot ng hari, maliban na lamang kung ipinagtatanggol nila ang kanilang mga sarili. Walang utos ang Kanyang Kamahalan kahit kailan man na salakayin natin at sakupin ang mga tao sa mga pulong ito. Katunayan, ipinagbawal ng kanyang kamahalan ang pagsakop sa kapuluang ito sa pamamagitan ng digmaan, nabasa ko sa isang liham na dinala ni Capitan Juan dela Isla mula sa Escorial (palacio sa Espanya na favorito ni Felipe 2, ang hari) nuong bago mamatay si Governador Miguel Lopez de Legazpi. Sinabi sa liham na hindi makatarungan ang paggamit ng dahas sa pagsakop dito, kahit na may dahilan para makipaglaban. Kaya lalong walang katwiran ang mga pagsakop na ginawa dito sapagkat wala, kahit isa, ay may dahilan Alam na ninyo, panginoong governador, na kahit saan tayo nagpunta rito, dinaan natin sa armas. Pinilit natin ang mga tao na makipagkaibigan, tapos siningil natin ng buwis. At kapag hindi sila nagbigay, o kaunti lamang ang ibinigay, nilusob natin sila at kinalaban. At kapag iopinagtanggol ng mga tao ang sarili nila, pinagpapatay sila at sinunog ang kanilang mga bahay. Madalas pang nangyari, pagkatapos wasakin ang barangay at patayin ang mga mandirigma at sumuko ang mga tao upang hindi sila mapatay, siningil agad sila ng buwis. Gaya ng nangyari kailan lamang sa Los Camarines (sa Bicol). At kapag tumakas ang mga indio sa takot nila sa mga Espanyol, sinusunog ang kanilang mga bahay ng ating mga tauhan. Marami ang nasalanta at nasugatan. Hindi ko na babanggitin dito ang mga barangay na ninakawan na bago pa makipag-usap ng pagsuko, at ang mga barangay na sinalakay sa lalim ng gabi. Maraming ginawang dahilan upang mapasa-ilalim ang mga barangay dito, at kinalkalan sila ng buwis na lahat ng makukuha sa kanila. Ano’ng consciencia ang ginamit sa pagsingil sa kanila ng buwis, bago pa sila nakatikim ng kabutihan mula sa atin, bago pa man nila tayo nakilala? Ano’ng karapatan at 3 ulit kumakam ng maraming ginto sa Ylocos nang hindi man lamang nakipag-usap sa kanila, maliban sa pagpunta ruon, pagsingil ng ginto, tapos bumalik na sa Manila? At ganito rin ang nangyari sa Los Camarines at sa Acuyo (malamang sa Leyte) at sa iba’t ibang barangay na malayo sa Manila. Hindi ba malinaw sa lahat ng ito na walang katarungan ang pagsingil ng buwis? Isa pa, ang mga pinuno ng mga sundalo at ang mga sundalo mismo at ang mga nagpapayo sa kanila at lahat ng makakapigil sana sa kanila at hindi pumipigil - lahat sila, at bawat isa sa kanila, ay may sala. |
Nakaraang kabanata Ulitin mula sa itaas Tahanan ng mga kasaysayan Listahan ng mga pitak Susunod na kabanata |