Navotas

Conquistador Ng Pilipinas: Ika-14 kabanata
The new monarchy in Manila surges to subdue the rest of great island of Luzon

Capanpanga, Ylocos
At Yvalon

HINDI sumuko lahat ng mga katabing baranggay ng Manila matapos sakupin ito ng mga Espanyol ni Miguel Lopez de Legazpi nuong Mayo 1571. Isa sa mga laban sa pagsakop ng mga Espanyol ay ang malaking nayon ng Butas, sa kabilang panig ng ilog Pasig kulang-kulang 2 legua (9.5 kilometro) mula Manila. (Sa Butas ng ilog, naging Navotas ang pangalan ngunit nuon ay mas malapit sa Manila, sa banda ng kasalukuyang Caloocan) Kakampi ang mga karatig nayon at baranggay kaya ipinatawag sila nina Dula, Soliman at Laia ngunit sa paghaharap nila sa Tondo, matatag ang mga taga-Butas, ayaw sumuko sa mga Espanyol. Inutos ni Legazpi kay Martin de Goiti, ang kanyang pang-2 (maestro-de-campo, master-of-camp) na magbuo ng sandatahan upang durugin ang Butas.

Pagkatapos magsimba nuong tanghali ng Junio 3, 1571, sumugod ang 70 sundalo, sakay sa kulang-kulang 20 bangka, kasama ang ilan daang mandirigmang Visaya sa kanilang mga bangka, sinalihan pa ng ilan daan ding mga taga-Luzon na nais makabahagi sa kalkalan ng mga makukurakot sa labanan (spoils of battle). Hinarap sila ng 70 bangka ng mga patalon-talon at nagsisigawang taga-Butas, may dalang mga culverin, maliit na kanyon, sa mga bangka. Sabik sa labanan ngunit walang alam sa digmaan, agad pumana at nagpaputok ng mga culverin ang mga taga-Butas kahit hindi pa abot ang mga bangka ng mga Espanyol, at sa tubig bumagsak lahat ng palaso (arrows) at bala ng kanyon.

Labanan sa Navotas.
Nasukat tuloy ni Goiti ang dami at lakas ng mga kalaban at inutusan niya ang kanyang mga sundalo na talian nang tig-2 ang kanilang mga bangka upang hindi umiktad sakaling magbanggaan sa tubig. Tapos, pinagsagwan niya nang mahinay ang mga Espanyol at dahan-dahang lumapit sa mga lalong nalito at tarantang mga taga-Butas. Gaya ng hula ni Goiti, agad nagpaputok uli ng culverin at pumana ang mga kalaban bago nakalapit nang husto ang mga Espanyol. Habang nagka-carga sila ng mga bala at pana, pinagbabaril sila ng mga sundalong Espanyol. Marami sa mga taga-Butas ang tinamaan nang sabay-sabay, at gaya ng hangad ni Goiti, nasindak ang mga bagito sa digmaan at sumagwan lahat patakas, pati ang kanilang mga pinuno. Nang makita ng mga Visaya at mga taga-Luzon na kakampi ng mga Espanyol, na nagtakbuhan na ang mga taga-Butas, sumugod sila at humabol, tumalon pa sa tubig at lumangoy ang marami nang marating agad ang mga tumatakas. Napatay nila ang marami sa mga taga-Butas na sira na ang loob at hindi na nakalaban.

Lahat ng bangka ng mga taga-Butas, ang mga culverin, pati mga ari-arian sa nayon ay nilimas ng mga Espanyol at ng mga kakamping mandirigma. Mahigit 200 taga-Butas ang nabihag sa nayon, may 300 pang nahuli sa habulan pagkatapos. Silang lahat ay kinaladkad kinabukasan pabalik sa Manila upang gawing mga alipin (slaves). Matapos piliin ang bawat ika-5 para sa hari ng Espanya, pinaghati-hatian ng mga Espanyol at ng mga kakamping mandirigma. Winasak, sinunog at naglaho ang nayon ng Butas.

Dahil sa alituntunin ni Legazpi na isali sa kurakot ang mga kakamping tagapulo, maraming Visaya at taga-Luzon ang nagtamasa pagkatapos ng labanan. Nauso sa Manila ang pagkampi sa Espanyol upang kumita, at lumaganap ang pagsumbong ng mga katutubo laban sa mga baranggay na umiiwas sa pagsakop ng mga Espanyol, lalo na ang mga kaaway nila. Kasama sa mga taga-Luzon ang mga taga-Manila at ang mga Tagalog na dating sakop at galit kina Soliman. Hindi nagtagal pagkatapos ng bakbakan sa Butas, dumating ang ilang katutubo upang isumbong ang mga baranggay sa pampang (Capangpanga ang dinig ng mga Espanyol) ng malaking ilog sa hilaga (ilog Pampanga ang tawag ngayon).

Mga kuta sa Pampanga.
Naparuon si Goiti, kasama ng 100 sundalong Espanyol at, gaya nang dati, ng mga mandirigmang Visaya at taga-Luzon na dumami na. Mahigit 1,000 na ang mga kakampi ng mga Espanyol at mahigit 100 na ang mga parao at mga bangka ng pangkat pagpasok sa malaking Ilog Pampanga. Natuklasan ng mga Espanyol na marami sa mga taga-pampang ang nagkubli sa kanilang mga kuta. Gamit ang sindak at amuki, halos walang bakbakan kahit na sa una dahil sa dami ng mga kasama niya, nalupig ni Goiti ang 3 tanggulan ng mga taga-Pampang, - ang huli ay madaling sumuko nang nalamang hindi sila gagawing alipin, bagaman at kailangan silang magbayad ng buwis na ginto, pagkain at mga ari-arian. Kinuha rin pati ang mga culverin nila.

Samantala, pagkaalis ni Goiti, dumating sa Manila upang sumuko sa mga Espanyol ang mga pinuno ng nayon ng Caynta (Cainta, sa Rizal ngayon) na nasa tabi ng ilog Pasig, sa bukana ng lawa (laguna, lagoon) ng nayon ng Bai (Bay). Nakita nilang kaunti lamang ang mga Espanyol, ilan-ilan lamang ang may sandata, at dahil hindi nila alam na nasa Pampanga ang sandatahang Espanyol, tinantiya nilang kaya nilang gapiin kaya, pagkabalik sa Cainta, tumanggi silang magbigay ng buwis at hinamon ang mga Espanyol, ‘Pumarito kayo sa Cainta nang makita n’yo kung paano namin ihahagis ang mga dayuhan mula sa aming mga lupa!’

Hindi lumusob sa Cainta ang mga Espanyol. Agad iniwan ni Goiti ang iba pang baranggay sa Pampanga (Halos buong gitnaang Luzon nuon ay tinawag na Pampanga ng mga Espanyol) nang matanggap ang utos ni Legazpi na bumalik agad. Dumating ang 2 barko mula Mexico, dala ang 100 sundalo ni Capitan Juan Lopez de Aguirre, at naghihintay na sa Panay. Inutos ni Legazpi kay Goiti na sunduin ang mga barko at ihatid sa Manila. Inutos din ni Legazpi na kunin na ang asawa ni Goiti sa Cebu at manirahan na sila sa lupang ibinigay sa kanila, sa timog bukana ng ilog Pasig, sa tabi ng Manila (ang kasalukuyang South Harbor at Port Area). Bilang pabuya sa kanyang pagsilbi, ibinigay din kay Goiti ang mga lupain sa ilog Bombon (Taal ang tawag ngayon).

Kuta ng Cainta.
Naghintay nang 2 buwan si Legazpi, panay ang amuki sa mga taga-Cainta, sakaling magbago ng isip ang mga ito subalit patuloy ang paghamon, kaya bago makabalik si Goiti, pinasugod ni Legazpi ang kanyang apo, si Juan de Salcedo, kasama ng 100 sundalo at ang mga mandirigmang Visaya at Tagalog, upang durugin ang baranggay ng Cainta. Dala-dala ang 3 malalaking kanyon, pumalaot si Salcedo nuong Agosto 15, 1571. Sa utos ni Legazpi, naghintay pa ng 3 araw si Salcedo, ipinakita ang malaki at malakas niyang sandatahan, at niyaya ang mga taga-Cainta na yumuko sa pagsakop ng Espanya gaya ng ginawa nila sa Manila. Ngunit malaki ang tiwala ng mga ito sa kanilang kuta at isinigaw nilang nais nilang makipagdigmaan, isinumpang saksi ang langit na higit ang kapangyarihan ng kanilang bathala kaysa sa dios ng mga Espanyol.

Pagkaraan ng 3 araw, hinati ni Salcedo ang kanyang sandatahan. Iniwan ang 3 kanyon at maraming sundalo sa tabi ng ilog, sa harap ng kuta, upang makipagkanyunan. Pinamunuan niya ang pang-2 pangkat, lumigid sa likuran ng kuta at lumusob sa mahinang bahagi ng pader. Pinaputukan sila ng culverin na nagtatanggol duon, 2 Espanyol ang napatay. Sinibat sa dibdib, tagos sa suot na bakal, ang pang-3 Espanyol at napatay, ngunit nakapasok na ang pangkat ni Salcedo sa kuta at nagapi ang mga taga-Cainta. Dahil sa 3 napatay na Espanyol, nag-juramentado ang mga sundalo, pinatay lahat ng 400 taganayon sa loob ng kuta, lalaki, babae at mga musmos. Winasak at sinunog ang kuta at ang buong nayon. Kaunti lamang ang nakatas nang buhay at sila ay tahimik na sumuko na. SuKo rin ang lahat ng mga baranggay sa paligid ng lawa (Laguna de Bay), pati ang baranggay ng Bay (malamang nagmula sa Baybay) na niligid ng sandatahan ni Salcedo at isa-isang pinagbayad ng buwis na ginto, pagkain at ari-arian. Paracale

Bai, at Paracale.
Masugid na conquistador, hindi nagkasiya si Salcedo. Pagkatapos supilin ang buong paligid, iniwan niya ang galley (maliit na barkong pandagat) sa lawa at pumeka sa kabilang panig ng Luzon, upang hanapin ang nabalitaang mga mina ng ginto sa pook na tinawag na Paracale, kasama ang 60 sundalo at ilan sa mga pasunud-sunod na mandirigmang Visaya. Bata at malakas, mapusok ang ginawang lakad ni Salcedo kahit na tag-ulan nuon at maputik ang daan. Nahirapan nang husto ang mga Espanyol, 4 ang namatay, kasama ang bagong dating na sargento, si Juan Ramos. Sa bandang timog dulo (southern end) ng Luzon (Camarines Sur ang tawag ngayon), natagpuan nilang walang tao ang mayaman at malaking minahan, mahigit 67 metro ang lalim. Nagsitakas ang mga tao nang mabatid na papalapit sina Salcedo. Nagbalik sa Manila si Salcedo, nag-iwan ng mga sundalo duon sa pamumuno ni Pedro Chaves.

Habang abala si Salcedo sa pagsakop sa mga lupain sa silangan ng Manila, inabot ng mahigit isang taon, nagpatuloy ang pagsupil sa iba pang bahagi ng Luzon.

Vites sa Capanpanga.
Kasama ni Goiti ang kanyang asawa na dinaanan niya sa Cebu, gaya ng utos sa kanya ni Legazpi, pagkasundo sa 2 barkong galing sa Mexico upang ihatid mula sa Panay hanggang Manila. Hindi nagtagal pagkatapos, bumalik si Goiti sa malaking ilog sa hilaga ng Manila, sa tinawag nilang provincia ng Capanpanga, upang ipagpatuloy ang naantal na pagsupil sa mga baranggay duon. Kasama ang 150 sundalo at maraming mandirigmang Visaya at Tagalog, nilusob niya ang nayon ng Vites (Betis, na ngayon ay malayo na sa ilog Betis na dating kinatayuan ng baranggay at kuta, malapit sa ilog Lubao). Ito ay isa sa pinakamalakas atmatibay na kuta, ayon sa ulat ng mga tagaruon. Nagkataon naman, bago masimulan ng mga Espanyol ang pakikibaka, nilapitan sila ng pinuno ng isang baranggay duon na galit sa mga taga-Vites. Nag-alok ang pinuno na maging gabay (guide) ng mga Espanyol sapagkat alam daw niya kung paano makapasok sa kuta ng Vites nang hindi namamalayan ng mga nagtatanggol. Napasang-ayon niya si Goiti at lihim na nakapasok ang lahat ng 150 sundalo sa kuta bago namalayan ng mga taga-Vites, na mabilis na sumuko. Dinurog ng mga Espanyol ang kuta. Sunod-sunod nang sumuko rin ang iba pang mga baranggay sa ilog Pampanga.

Naganap na ang paglupig sa pinakamayamang bahagi ng Luzon, ang Manila at Tondo, at ang mga magiging lalawigan ng Bulacan, Pampanga (kasama ang magiging Nueva Ecija, Tarlac at bahagi ng Bataan), Morong (Rizal ang tawag ngayon), Cavite, Laguna at hilagang Batangas. Ang nalalabi na lamang, pagkaraan ng 1572, ay ang pook ng mga Ibalon (lalawigan ng Yvalon ang sulat ng Espanyol sa tinatawag ngayong Bicol) sa dulong timog ng Luzon, ang mga luok sa Ilocos (Yloquio, tapos Los Ilocos ang sulat ng Espanyol) sa dulong hilaga (northern end), at ang puok ng mga Zambal (Zambales at mga bahagi ng Bataan at Pangasinan ngayon) sa kanlurang gilid (western edge) ng gitnaang Luzon, sa tabi ng dagat ng Intsik (South China Sea). Ang silangang gilid (east coast) ng gitnaang Luzon, ang magiging lalawigan ng Tayabas, Isabela at Cagayan, sa tabi ng dagat Pacific, ay walang naitalang mga nayon o baranggay na kailangang lupigin. Lubhang makapal ang gubat, masyadong matayog ang mga bundok duon, ang tatawagin ng mga Espanyol na Sierra Madre (bulubunduking inang o dambuhala, mother of a mountain range), kaya nanatiling malaya at payapa ang mga baranggay ng mga Igorot at ang palibot-libot na mga Ita. Ang isa pang bulubundukin sa Luzon, ang tatawaging Cordillera ng mga Espanyol, ay hindi kailan man masasakop nang lubusan ng mga Espanyol dahil sa alituntunin ni Felipe 2, ang hari ng Espanya, dahil sa bangis ng mga tagaruon at tatag ng kanilang pagtanggi na maging catholico at dahil ayaw ng mga Espanyol na magpakahirap na umakyat duon, wala namang mahihita. Tanggi rin ang mga kakampi nilang mandirigmang Visaya at Tagalog na makipagdigmaan duon. North Luzon

Namatay si Legazpi.
Nuong Agosto 20, 1572, biglang-bigla at hindi inaasahan ang sapagkat masiglang gumising nuong umaga, namatay si Legazpi. Malamang atake sa puso, asphyxia o naubusan ng hininga ang atas ng mga Espanyol). Bago namatay sa gulang 67 taon, sinimulan ng adelantado na itatag ang pamahalaang municipal (cabildo) sa Manila, batayan ng paghahari ng mga Espanyol sa Pilipinas sa susunod na 327 taon, at hinirang ang mga pinuno duon. Sa kanyang mga kasulatan, natuklasan ng mga pinunong Espanyol ang atas ni Felipe 2 na si Guido de Lavezaris, ang ingat-yaman (treasurer), ang kapalit bilang governador ng kapuluan sakaling pumanaw si Legazpi. Walang pumiyak, tahimik na pumalit si Lavezaris, beterano ng paglakbay ni Ruy Lopez de Villalobos nuong 1541-1546, bilang governador at ipinagpatuloy ang pagsakop ng kapuluan na pinasimulan ni Legazpi. At ang pagbabahagi sa mga Espanyol ng mga lupain sa Pilipinas bilang mga encomienda (hawig sa mga hacienda, maliban sa hindi pinagyayaman ng mga encomenderos na kumakalkal lamang ng buwis). Ibinigay ni Lavezaris sa sarili ang malalaking lupain sa Pampanga, sa tabi ng 2 masaganang ilog ng Betis at Lubao.

Viga-an, sa Los Ylocos.
Nuong unang bahagi ng 1573, inutusan ni Lavezaris si Juan de Salcedo na sakupin ang mga Yvalon sa bandang silangang timog ng Luzon at ang mga mina ng ginto sa Paracale. Kasama ng 120 sundalo sakay sa mga parao, at ilang daang mandirigmang Tagalog, nasakop agad ni Salcedo ang buong paligid ng ilog Vicor, ang magiging lalawigan ng Los Camarines (Camarines Norte, Camarines Sur at Albay), at ang pulo ng Catanduanes na pinamamahayan nuon ng mga bantog na mandarambong (pirates). Bumalik si Salcedo sa Manila nuong Julio 24, 1573, may dalang maraming ginto, buwis ng tantiyang mahigit 20,000 tao sa buong puok na tinatawag ngayong Bicol, mula sa pangalan ng ilog. Isinulat ni Lavezaris kay Felipe 2 na balak niyang pamahayan ng mga darating na Espanyol ang Paracale, malapit sa mga minahan ng ginto, at isang araw na lakbay mula sa ilog Vicor.

Pinalaot uli ni Lavezaris si Salcedo nuong katapusan ng taon ng 1573, may kasamang 80 sundalo at mga mandirigmang taga-Luzon, upang sakupin ang mga tao sa mga dalampasigan ng kanlurang hilaga ng Luzon na tinawag na Los Ylocos, sa tabi ng ilog Vigan (mula sa Biga-an, o puok na maraming biga, isang uri ng gabi), at magtatag ng isang kabayanan (town) na tatawaging Fernandina, bilang parangal sa bagong silang na anak ni Felipe 2. Itong mga lupain ang ibinigay ni Lavezaris na encomienda ni Salcedo, hindi nagtagal matapos niyang sakupin nang mapayapa. Ang Fernandina ang naging kabayanan, tapos lungsod, ng Vigan.

Sa katapusan ng taon ng 1573 masasabing natapos ng mga Espanyol ang pagsakop ng Pilipinas. Marami puok ang hindi pa nila narating man lamang dahil lagi silang kulang sa tauhan. Mula nang pagdating ni Legazpi nuong 1565, hindi man umabot ng 4,000 ang mga Espanyol na nakarating sa Pilipinas, karamihan pa ay mga Americano (ang tawag ng Espanyol sa mga Espanyol na isinilang sa Mexico at iba pang sakop nila sa North at South America) tulad ni Salcedo, o mga mestizong Mexicano. Gayun man, napuksa na nila nuong 1573 ang lahat ng maaaring sumupil sa paghahari ng Espanya sa Pilipinas, pati na ang mga Portuguese. Kahit na ang mga Muslim sa Jolo at kanlurang Mindanao, katulong ng Borneo nuong una, at 300 taon na makikipagtunggali sa mga Espanyol, ay walang sapat na lakas upang iwaksi o hadlangan ang pananakop. Katunayan, sinakop sila at ang kakampi nilang Brunei, sa Borneo, nuong 1576, at sinakop pa uli nang ilang ulit pagkatapos, ngunit kakaiba kaysa ibang bahagi ng Pilipinas ang ginawa nilang paulit-ulit na paglaban sa mga dayuhan, nagkampihan pa minsan laban sa mga Visaya, at lapat ihayag sa kahiwalay na aklat ng kasaysayan ng Pilipinas (sa ‘Moro-Moro’ na kasalukuyang tinitipon pa at isusulat sa mga darating na araw) . Civet

Maraming pa ring labanan ang gagawin ng mga katutubo sa mga susunod na taon, gaya ng pagpuksa sa mga Zambal. Walang balak ang mga Espanyol nuon at sa sumunod na 50 taon na sakupin ang magiging mga lalawigan ng Bataan, Zambales at bahagi ng Pangasinan at Tarlac, ngunit napilitan dahil sa walang patid na pagdarambong ng mga Zambal sa mga baranggay ng Pampanga at Tondo (nuong unang tatag, sakop nitong 2 lalawigan ang magiging Bulacan at Nueva Ecija). Ngunit ang mga labanan, gaya ng ginawa ng mga Muslim, ay maituturing nang aklasan (rebellion) na lamang at, gaya ng darating na 85 taon na paghihimagsik ni Dagohoy sa Bohol, ay walang pag-asa na mapatalsik ang mga Espanyol. Ang mga aklasan ay iniipon pa rin at isusulat sama-sama sa isang kahiwalay na aklat, ‘Aklasan ng Charismatic Pinoy’ sa mga susunod na panahon.

Nakaraang kabanata             Ulitin mula sa itaas             Susunod na kabanata
Tahanan ng mga kasaysayan             Listahan ng mga pitak

Mga bahagi ng bagong kaharian

NUONG 1573, 2 taon matapos sakupin ang Manila, isinulat ni Capitan Diego de Artieda, sugo ni Felipe 2, hari ng Espanya at ng Pilipinas, ang mga bahagi ng bagong kaharian ng Castilia.

Sa kanluran ng kapuluang tinawag na Chamurres o Ladrones ay ang pulo ng Mindanao, 350 leguas (1,680 kilometro) ang sukat paligid. Sa pinakamalaking bahagi nito, ang sukat ay 140 leguas (672 kilometro) ang haba at 60 leguas (288 kilometro) ang lapad. Nakausli ang bahagi nito sa hilaga, sa pagitan ng 2 ilog ng Butuan at Zurigan (Surigao), kapwa bantog sa ginto subalit ang mga Espanyol na magtungo ruon ay walang nakita kahit ano. (Sa isang nakaraang kabanata, ang paksa tungkol sa buwis na kalkal ng mga Espanyol, ang paliwanag kung bakit ikinubli ng mga tagapulo ang kanilang ginto.) Sa Mindanao tumutubo ang kanela (cinnamon).

Sa silangang hilaga ng Mindanao ay isa pang pulo, tinawag na Tandaya (Samar). Ang sukat nito ay 140 leguas (672 kilometro) paikot, at halos tatsulok (triangle) ang corte nito. Sa tabi nito ang pulo ng Baybay (Leyte, tinawag din ng Espanyol na Acuyo at, kasama ng Samar, Tandaya at Felipinas ng pangkat ni Villalobos), mas malapit at 10 leguas (48 kilometro) ang layo sa Mindanao at 98 leguas (470 kilometro) ang laki nito paikot. Sa pagitan nitong 2 pulo ay isang lusutan (San Juanico Strait), wala pang 5 kilometro ang lapad. Sa timog ay may maliit na pulo, tinawag na ‘Munting Panay’ (Panaoan, tinawag ding ‘Munting Palawan’) at sa kanluran nito ang pulo ng Mazoga (Limasawa, tinawag ding Masava at Masagwa). Ang lahat ng mga tagaruon ay magkakatulad ang anyo, damit, sandata at gawi.

Sa pulo ng Zubu (Cebu) natayo ang campo, bago ito nilansag ng mga Portuguese, dahil mainam ang daungan nito sa pagitan ng katabing maliit na pulo ng Mattan (Mactan), na halos walang tao, naalinsangan at pulos putikan (swamps). Duon napatay si Magallanes (Magellan). Sa aking amuki, inilipat ang campo sa pulo ng Panae. Pinapunta ako duon ng governador at isina-anyo ko ang isang kuta (designed a fort) na ginagawa duon ngayon. Sa kanluran ng Zubu ay may pulo na tinawag na Buglas o Negros, dahil itim ang mga tao duon. Ang laki nito paikot ay 600 kilometro. Lagpas nito, sa bandang kanlurang hilaga (northwest) ang Panae, pulong puno ng palay at sari-saring pagkain at duon ko itinuon ang kuta, 12 kilometro sa looban, sa pagitan ng 2 magkahiwalay na bisig ng isang ilog - hindi maaaring pasukin sa pamamagitan ng isang bisig lamang. Sa pang-2 bisig, sa paanan ng kuta, 14 gabion (tiklis na 1 - 2 metro ang haba, puno ng lupa) ang pinagpatung-patong at sinampahan ng 12 malalaking kanyon (artilleria).

Sa silangang hilaga (northeast) ng Panae ang pulo ng Masbat (Masbate) na kaunti lamang ang tao kaya hindi maraming ginto na namimina duon. Sinasabing 4 - 8 metro lamang ang lalim ng mga mina ng ginto duon. Lagpas duon ang malaking pulo ng Yvalon (Bicol) o Luzon, maraming ilog na may ginto ngunit paunti-unti lamang ang nakukuha dahil mga pinuno duon ay mga Moro. Nuong nasa Panae ako, pinapunta ng pinuno duon ang kanyang utusang Moro subalit hirap na hirap siyang palitan ng isang marco (lumang barya, old coin) ng ginto ang 4 pilak na ipinagbili ko. May mga kalabaw (buffalos) duon (sa Bicol, o mas malinaw, sa Camarines), bagaman at hindi pa namin lubusang nasisiyasat ang puok at wala pang nakakaalam kung ano ang nasa mga gilid nito sapagkat hindi pa namin naiikit man lamang. Lagpas pa, sa bandang hilaga (north) at timog (south), ay maliliit na pulo - ang isa ay may kahuyan ng Brazil na gusto ng Anglis (Xang Lehs, sangleys, mga Intsik) mula sa China na pangtina at pangkulay ng kanilang sutla (seda, silk). (Malamang ang mga kapuluan ng Batan at Babuyan, sa hilaga ng Luzon, tinubuan ng mga puno ng sibucao na may pulang dagta na minamahalaga, lalo na ng mga Intsik, at higit na mainam pang-tina kaysa sa mga puno sa Brazil, sa South America. )

Sa timog ng Zubu, bago dumating sa Mindanao, ay may isang maliit na pulo, tinawag na Bohol, maraming niyog (palms) at mga ugat-ugat (raices, roots, mga camote at gabi) na kinakain ng mga tao. Kakaunti ang bigas. Sa pagitan nito at Matan (Mactan) ay maraming mga maliliit na pulo na walang tao, mga usa (deer) lamang at mga baboy damo (wild boars), na naglipana rin sa karamihan ng mga pulo dito. Subalit sobra-sobra ang init dito kaya nuong araw ding napatay ang hayop, napapanis agad.

Sa pulo ng Mindanao, patimog sa kanlurang timog (south by southwest) mula sa daungan ng Cavite, (dating Kawit, kabayanan ng Ayala ngayon, malapit sa lungsod ng Zamboanga), may isang maliit na pulo na tinatawag na Taguima (Basilan, dating tinawag ito, kasama ng mga pulo sa paligid, na Bassilani), walang bigas subalit maraming kambing (goats) at civet (civet cat, pusang-niyugan na may musk o pasingaw na ginagamit sa mga pabango). Sa kanlurang timog (southwest) ang pulo ng Jolo, tahanan ng mga mandarambong (piratas, pirates). Hindi pa namin napupuntahan ang pulong ito.

Sa hilaga ng mga pulong ito, ang pinakamalapit sa Luzon ay ang Xipon (Hapon, Japan) na hindi na namin nararating, at ibinalita lamang sa amin ng mga Moro na nakikipagkalakal duon. Nabalita na nakarating duon ang mga frayleng Theatin ngunit walang makapagsabi kung ano ang nangyari sa kanila. Sinabi sa akin ng mga Portuguese na mabangis ang mga tao duon. Marami daw mina ng pilak (silver) na ginagamit pambili ng sutla at iba pang gamit mula sa China na malapit lamang kaya nakatulad nila ang kabihasnan (civilization) nito. Laging bihis at nakasapatos ang mga tao duon. Nagka-calvo ang mga lalaki, inaahit o binubunot ang buhok sa ulo. Ang mga babae naman ay ayaw makiapid at celosa sa mga asawa, gawi na pambihira sa mga puok dito.

Sa silangan, sa pagitan ng Xipon at China, ay ang kapuluan ng Lequios (Ryukyus Islands, na nuon ay itinuturing na kinabibilangan ng Taiwan). May sabi na mayaman sila datapwat wala pa akong nakakatagpong nakarating na ruon kaya sapantaha ko na maliliit ang mga pulo, at hindi sila mahilig makipagkalakal. Sa hilaga nila ang malawak na lupaing tinatawag na China, na abot daw hanggang sa Tartaria (Tartary, ang lumang tawag sa Mongolia at Machuria). Mataas at mayaman ang kanilang kabihasnan, sinasabing ang hari nila ay may 300,000 soldados (mga kawal) at 2 sa bawat 3 ay naka-cavallo (mounted cavalry).

Kung nais ng Inyong Kamahalan na tuklasin ang bayang iyon, malugod akong maglilingkod kung ako ay papayagang magkaroon ng 2 galleon na may tig-40 soldados sa bawat isa at may sapat na sandata, pagkain at kagamitan, lalo na ang malalaking kanyon.