Ika-14 kabanata: ANG 3 MARTIRES NA ‘GomBurZa’
Ang Tunay Na Buhay Ni Padre José Burgós
at ng mga nakasama niya na sina
Padre Jacinto Zamora,
Padre Mariano Gómez at ang nadayang Miguel Zaldua
sinulat ni HONORIO LÓPEZ
|
Dito na hinuli si Miguel Zaldua
naging artillero nuong panahóng una,
na nagkakalakal ng talaksang baga
doon sa Kañacaw, sa Udiong ang kuha.
Nuong ipiniit, kararating niya buhat
sa pagkalakal na dati niyang hanap
nasa lorcha pa nga nang dakping kagyat
pati na ang asawang pinaka-liliyag.
Sila’y itinuloy nang karaka-raka
doon sa Bilibid na piitang sadya,
di man kinunan ng declaración baga
kundi kaagad-agad, sila’y pinagdusa.
Ang diligencia’y kusang itinuloy
ng nasabing fiscal na halál nga noon,
upang usigin ang nanguna sa gayong
mga kaguluhan na walang kaukol.
Nang maliwanagan, dito lumabas na
sa declaraciones na ginawa nila,
sa mga nangyari ang tunay na kumusa
sa kaguluhan noon na walang kapara.
Nakaraang kabanata
Sunod na kabanata
|
SA PALAWAN PINATAPON
Tanang mga presong nagdurusa
doon sa Arsenal di nakalabas baga
sa paghihimagsik ay biglang dinala
at dinestierro doon sa Paragua.
Ang fraileng si Rufian na umako
sa napahamak doon sa Castillo,
nang nagkagulo na’y nagtagong tutuo,
ang tuwa ay malaking di mamagkano.
Pagka’t inakala’y kusang masusunod
ang bumukong nais ng kapwa balakyot
fraileng solopicá, kaisa ng suot,
na maipabitay ang ating si Burgos.
Kaya nang nakita at siya’y natuklás
ng kapwa castila, inalpasang agad
pagka’t kinatuwiran siya daw ay labas
sa alsahang yaon ng mga napahamak.
Dito sa Maynila ay hindi nagtagal,
sa Reinong España’y umuwi pagkuwan
sapagka’t inisip na baka pa makunan
ng declaración gayong kaguluhan.
Sa nangyaring ito, ang lahat ng fraile
pawang nagalak, hindi mapakali
at kusang nilakad lihim sa sarili
si Padre Burgos kusang ipahuli.
|
Gawa’t salita sa kaguluhang ito
ipagpatuloy ko ukol mga marino
na nasa Arsenal nang matanto ito,
duon nakipaglaban nang di mamagkano.
Halos patay na, nagkipaghamok pa
sa mga castilang kanilang kabaka
at isinusumpa fraileng lahat baga
hanggang pilit pinikit kanilang matá.
Ang ibang nahuli doon sa Arsenal
babae at bata, matanda’t hindi man
sa cañonero nga’y pawang isinakay
saka ipiniit at pinarusahan.
Hindi naluwat at sa Corte ng Madrid,
binigay-alam ang paghihimagsik
ng taga-Cavite, ni Izquierdong tikís,
general na sakdal ng lupít.
Sa bunying ministro ng Guerra’t Marina
doon nga dumatal ang bigay-alam niya.
Kapagdaka ay sinagót siya:
Maghalál ng fiscal, taga-usig baga.
Dito na inusig at kusang hinusay
ng naturang fiscal ang tanang nadamay
sa paghihimagsik sa lawigang Tanguay
at pinarusahan ang may kasalanan.
Binigyang indulto iba naman dito
mga walang malay sa nangyaring guló
nguni’t yaong ibang may salang tutuo
lalong nahigpit sa pagkaka-preso.
|
Ang pinagkunan: Hinango at isinalin mula sa maka-lumang Tagalog ni Honorio Lopez sa original website na
Ang Tunay na Buhay ni P. Dr. Jose Burgos,
by Honorio Lopez, Project Gutenberg EBook,
www.gutenberg.net/1/3/2/3/13233/
Produced by Tamiko I. Camacho, Jerome Espinosa Baladad and PG Distributed Proofreaders. Produced from page scans provided by University of Michigan.
Mga Hindi Karaniwang Pilipino
Mga Aklasan Ng Charismatic Pinoys
Mga Kasaysayan Ng Pilipinas
Lista ng mga kabanata
|