Ika-5 kabanata: ANG 3 MARTIRES NA ‘GomBurZa’
Ang Tunay Na Buhay Ni Padre José Burgós
at ng mga nakasama niya na sina
Padre Jacinto Zamora,
Padre Mariano Gómez at ang nadayang Miguel Zaldua
sinulat ni HONORIO LÓPEZ
|
Ang gayong usapín ay lumaking tunay,
ang lahat ng fraile’y pawang naguluhan,
kaya’t napilitan silang maghalal
ng procuradores na fraile rin naman.
Fray José Checa at Fray Joaquin Coria
ang naging defensor, taga-usig baga
ng usapíng ito ng dalawang nag-habla
na taga-Maynila, sa baya’y may sinta.
Sa lahat ng diario, ang usapíng ito
sa Corte ng Madrid, nalagdaang tutuo’t
pawang naaayon lahat ng artículo
sa tanang Tagalog, fraile ang talo.
Bakit ba’t isang naki-ayong tunay,
isang tubo rito na naging general,
Don José Orosco Zuñiga ang ngalan,
at may mga iba pang may katungkulan.
Sina Don Juan Záenz de Vismanos*
José Ochoteco**, Rafael na bantog
García López*** ang pangalang lubós
ng mga nag-usig na pawang Tagalog.
*isang mayaman **isang coronel
***naging alcalde sa Cagayan
|
ÚTOS NG ESPAñA
Nguni’t sa dunong ng ating Burgos
bagama’t Diácono ay kinamtang lubós,
palibhasa dising naasa sa Diyos,
matalinong lubha, maganda ang loob.
Makailang buwan ay kinamtang kagyat
pagka-licenciado sa bunying faculcad
ng filosofía sa duong kapahat,
gayong pag-aaral na lubhang mahirap.
Hindi nakaraan ang malaong araw
nahalal siya mulí na maging ‘fiscal’
sa ‘juzgadong’ sakdal ‘eclesiásticong’ hirang
at sa ‘ceremonias’ ay ‘maestro’ naman.
Ito ay kaloob ng dakilang rector
sa Santo Tomás, mula sa di gayong
karunungan niya na walang kaukol
na nakikita ng mga tanang naroon.
Nang ito’y matamó, dito na nagkamit
ng dangal na lalong walang kahulilip,
kaya ang balana, gumalang na tikis
kahit matanda at kanyang kawangis.
Ang buong Maynila, dito na nagtaka
sa dunong na ingat, walang makapara
nitong ating Burgos na kaaya-aya
pati ng ugali at loob na dala.
|
Di pa nagluluwat ang panahong ito
ng kanyang pagtanggap ng lahat ng grado,
ano’t nagkataon sa Españang Reino
nagkaroon ng isang malaking gulo.
Ito’y nuong isang libong taóng ganap
walong daan, anim na po’t walong singcad,
buwan ng Septiembre sa historiang saad
nang ito’y nangyari, kaguluhang kagyat.
Dalawang binata ang naging pangulo, -
taga-Maynila, Manuel at Antonio
Regidor ang ngalan, - sa nangyaring gulo
sa bayang España nuong unang dako.
Kaguluhang ito ay walang anuman,
na hindi nga gulo ng pagpapatayan,
kung di isa lamang pag-uusapan
ng fraile’t Tagalog sa gobiernong mahal.
Pagtatalong ito ay di nai-iba
kung di yaong gustó nito ngang dalawa
ang magkaroon dito mabuting reforma
ng pamamahala, tayong lahat baga.
Ang tanang clérigo ang dapat nga lamang
mag-cura sa lahat mga bayan-bayan
nitong Filipinas, at magkaroon naman
ng representacion de Cortes ang ngalan.
At kusang baguhin, pag-ayusing kagyat
ang escuelang bayan at colegiong lahat,
at ito’y ibigay, siyang nararapat
sa paring Tagalog, tubong Filipinas.
|