Lumubog

Conquistador Ng Pilipinas: Ika-16 kabanata
A new European power challenges the Spanish in the East

Mga Sabak Ng Dutch

NANG SAKUPIN ng mga Espanyol ang Pilipinas nuong 1565, hakot-hakot nila ang mga kaaway nila mula sa Europa, lalo na ang Dutch, ang mga taga-Holland. Nuong Octobre 16, 1600, 2 barko ng mga Dutch ang lumusob sa Pilipinas. Napalayas, bumalik ang mga Dutch pagkaraan ng 10 taon, 4 barko naman ang lumusob nuong 1610. Natalo uli, isang sandatahang dagat (armada) naman ang nakipagdigmaan sa Luok ng Manila (Manila Bay) nuong 1616. Abala sa himagsikan nila sa Europa at sa pagsakop sa mga karatig na pulo, natagalan ang pagbalik ng mga Dutch hanggang 1646, nang isang dambuhalang armada ang sunud-sunod na lumusob sa Manila, Cavite, Pangasinan, Bataan, Mindoro at mga karatig na puok sa isang taon ng walang patumanggang tangka na sakupin ang Pilipinas.

Mga Kapampangan
Ang Lumaban

Kapampangan

MULA nang puksain ni Oliver van Noordt ang baranggay sa pulo ng Capul nuong Octobre 24, 1600, lagi na lamang mga Pilipino ang napinsala sa matagal na bakbakan ng mga Dutch laban sa mga Espanyol. Halos sa lahat ng sagupaan, napatay, nasugatan o nagdusa ang mga tao kaya kahit na palaging pinapawalang-halaga ng mga Espanyol ang dinanas ng mga ito, ang mga Dutch na mismo ang nag-ulat na dumadami ang kasangkot na Pilipino, karamihan ay mga Kapampangan, sa digmaan.

Nuong 1613, matatag na ang pahayag sa Holland na ‘90 Papaugos’ (Pampangos) ang kasama ng 200 sundalong Espanyol at Mexicano sa kuta ng Nuestra Senora de Rosario (Fort of Our Lady of the Rosary) sa kabayanan ng Gammalamma, sa pulo ng Ternate sa Maluku, habang ‘20 Papaugos’ ang kasama ng 27 Espanyol sa kuta ng San Pedro y San Pablo (Fort Saints Peter and Paul) sa pagitan ng Gammalamma at Malaia (Malaya). Marami rin daw na mga ‘Papaugos’ sa 3 kuta ng mga Espanyol sa pulo ng Tidor, sa Maluku din. At inamin na ng mga Dutch na sa pagsagupa nila sa mga Espanyol sa Pilipinas, madalas na ang makakabaka nila ay mga ‘Papaugos,’ magaling sa paggamit ng armas at paglaban bilang mga sundalo.

Pinagawa ng mga galleon.
Matapos durugin ng mga Espanyol ang pangkat dagat ni Francois Wittert nuong 1610 (nasa kanan ang ulat ng sagupaan sa Playa Honda nuong 1610), nagpatuloy ang paghihirap ng mga Pilipino dahil inararo ni Governador Juan de Silva ang paggawa ng mga dambuhalang barkong pandigma sa Luzon at Visaya:

  1. Sa Manila, 2 galley ang ginawa
  2. Sa Cavite, mahigit 9 kilometro ang layo, 2 galleon ang ginawa, ang Espiritu Santo at ang San Miguel, at 6 galley
  3. Sa Camarines at sa Dalupaes, halos 200 kilometro mula Manila, 2 galleon ang ginawa, ang Nuestra Senora de Guadalupe at ang Angel dela Guardia
  4. Sa Bagatan sa Bicol, mahigit 380 kilometro ang layo, ginawa ang barkong San Felipe at Santiago
  5. Sa Marinduque, 192 kilometro mula Manila, ginawa ang 2 galleon, ang San Juan Bautista at ang San Marcos
  6. Sa Mindoro, 240 kilometro ang layo, ginawa ang galleon na San Juan Bautista

Mga Pilipino lahat ang gumawa ng mga ito, ayon sa sulat ni Sebastian de Pineda kay Felipe 3, ang hari ng Espanya, at lahat sila ay naghirap, marami sa kanila ang namatay. Bawat baranggay daw ay kinunan ng mga tao bilang buwis at pinagputol ng mga puno, pinaghakot ng mga kahoy at pinagawa ng mga barko at ang mga lubid na abaca na gamit sa mga ito. Lahat sila ay walang bayad - may sueldo sila ayon sa utos ng hari subalit ibinulsa ng mga Espanyol at ng mga kasakapakat nilang mga cabeza de barangay - at kulang-kulang ang pakain kaya marami ang nagkasakit at namatay. Sa Cavite lamang, ayon kay Pineda, dating may 1,400 carpintero subalit pagdating ng 1618, may 200 na lamang ang buhay pa. (Naghimagsik pa ang mga Waray-Waray dahil sa sapilitang paggawa ng mga barko, ulat sa kahiwalay, at isinusulat pa lamang na aklat, ang Aklasan Ng Charismatic Pinoys)

Abuloy ng mga kapit-bahay.
Si Governador Fajardo de Tenza ang nag-ulat kay Haring Felipe 3 nuong Agosto 10, 1618, na hindi lamang sa pagsuot sa gubat, pagputol ang mga punong kahoy at paghakot ng mga ito sa gawaan ng mga barko namamatay at nagdurusa ang mga Pilipino. Naiiwan na ngang tiwangwang ang mga bukid at walang palay ang mga manggagawa, pati ang mga kapitbahay nila ay nakakasali sa pagdurusa dahil gawi ng mga taga-baranggay na mag-about ng tulong, pagkain at salapi, sa mga familia ng mga manggagawa na hindi sinusuwelduhan, kaya sila man ay naghihirap din. At walang katapusan ang gawain, sabi ni Tenza, sapagkat kailangang palitan ang malalaking bahagi ng bawat barko tuwing 2 taon.

‘Hawak ng mga Espanyol ang bayan ng Gammalamma, sa pulo ng Ternate, na sinakop nila mula sa mga taga-Maluku. Tinawag nila ito na Nuestra Signora di Rosario, may pader at mga torre na bato, 33 kanyon at iba pang sandatang pandigma na padala mula sa Manilles (Manila). Binabantayan ngayon ito ng 200 sundalong Espanyol at 90 Papaugos (mga Kapampangan) na mga taga-Pilipinas at mahusay sa armas at nagsisilbing soldado (sundalo) para sa mga Espanyol...’

Ito ang ulat nuong 1613 ng mga Dutch tungkol sa sandatahang Espanyol sa Maluku.

Mga sundalong Kapampangan.
‘Mayroon din isa pang kuta ang mga Espanyol sa pagitan ng Gammalamma at Malaia (Malaysia) na tinawag nilang San Pedro y San Pablo (Saints Peter and Paul). Naka-destino duon ang 27 Espanyol at 20 Papaugos. Mayroon ding mga taga-Manila duon (Nuong panahon ng Espanyol, mga Espanyol lamang ang mga taga-Manila o Intramuros).

‘Sakop nila ang buong pulo ng Tidore (Tidor) at nagtayo ang mga Espanyol ng 3 kuta (fuerzas, forts) duon. Una, sa Taroula, sa bayan ng hari ng pulo. Bantay duon ang 50 Espanyol at 10 sundalong Papaugo, may 10 kanyon. Ang pang-2 kuta ay ang dating castillo (castles) ng mga Portuguese, tinawag na Corneille Bastiaansz. Mayroon duong 2 kanyon at 13 sundalong Espanyol, at mga mandirigmang taga-Maluku. Ang ika-3 kuta ay ang Marieco, natatanaw mula sa Gammalamma. May 2 ring kanyon, 14 sundalong Espanyol at mga Papaugos. Dahil sa maraming bakbakan duon, kaunti na lamang ang mga tao sa pulo ng Tidore...’

Dahil abala ang mga Espanyol sa paglagalag ng mga Dutch, nagsamantala ang mga Muslim sa Mindanao at Jolo at sinimulan muli ang kanilang matagal nang digmaan laban sa mga Visaya. Nuong 1614, naglipana ang mga Muslim sa mga pulo ng mga Sugbuanon (Cebuanos). Ayon kay Pineda, bandang 900 Visaya ang binihap at inalipin ng mga Muslim nuong taon na iyon. Hindi na matiyak kung ilang ang pinatay nila.

Galley

Kasama pa sa Malacca.
Hindi inasahan ng mga Dutch sa kanilang himpilan sa Batavia (Jakarta) sa pulo ng Java, subalit higit na malaking sandatahan, at lalong maraming mandirigmang ‘Papaugos’ ang inihanda ng mga Espanyol laban sa kanila. Nuong Deciembre 31, 1615, 2 taon pagkaraan ng kanilang pagsuri ng lakas ng Espanyol sa Maluku, pumalaot si De Silva mula sa Cavite, dala ang 10 galleon, 4 galley at isang patache na ginawa ng mga Pilipino, kasama ang 3,000 Pilipino at 2,000 Espanyol upang sagupain ang mga Dutch na lumulusob sa Malacca, sa Malaysia. Mahigit 700 sa mga indio (ang tawag nuon ng mga Espanyol sa mga Pilipino) na kasama ang namatay, pati na ang 200 panday (metal smiths) at mga kagalian (carpenters) na tagakumpuni ng mga sira sa barko, ayon sa ulat ni Pineda sa hari nuong 1619. Kahit na raw hindi sumabak sa sagupaan, namatay ang mga Pilipino dahil sa sakit, hindi kasi binigyan ng damit sa ginaw, at sa gutom, hindi kasi pinapakain nang husto. Sabi ni Pineda, nakita niya mismo na bawat gabi, 3 o 4 Pilipino ang namatay sa ginaw at gutom - bagay na hindi nabanggit sa mga salaysay ng mga Espanyol.

Huli na nang dumating si De Silva sa Malacca nuong Febrero 25, 1616. Nuong Deciembre 12, 1615 pa, dinurog na ng mga Dutch ang 4 galleon ng mga Portuguese duon, bagaman at napigil nila ang tangka ng mga Dutch na sakupin ang Malacca mismo, sa tulong ng hari ng Aceh mula sa pulo ng Sumatra. Patuloy ang malas, nilagnat at namatay si De Silva nuong Abril 19, 1616 at, matapos dumaan sa Sincapura (Singapore, ang tawag ngayon sa Siyang Puro), bumalik ang buong armada, dala ang kanyang bangkay upang ilibing sa Manila nuong Mayo 4, 1616.

Kumampi ang Moro sa Dutch.
Nasindak ang mga Dutch sa Maluku (Moluccas, spice islands) sa balitang lulusob ang malaking armada ni Governador Juan de Silva sa Maluku pagkagaling sa Malacca, upang puksain ang mga Dutch duon. Hangos na tinipon at kinumpuni nila sa Maluku at sa Batavia (Jakarta ang tawag ngayon, sa pulo ng Java), at 10 galleon ang naihanda nila upang sagupain ang armada ni De Silva. Subalit walang dumating at pagtagal ng panahon, nag-iba ng tungo ang ihip ng hangin at natapos na ang panahon upang makapaglayag mula Manila papuntang Maluku. Balisa pa rin, naghinala ang mga Dutch na bumalik na sa Manila si De Silva at nagpasiya sila, papunta na rin lamang sa hilaga (north) ang ihip ng hangin, na sila na ang lulusob sa Pilipinas upang durugin ang armada ni De Silva.

Pagdating nila sa pulo ng mga kakampi nilang mga Maguindanao (ang dinig ng Espanyol ay Maindanao o Mindanao, ang tawag ngayon sa buong pulo), ibinalita sa kanila na namatay sa lagnat si De Silva sa Malacca. Nagsamantala ang mga Dutch, nakipagkasunduan sa mga Maguindanao na puksain ang mga sakop ng Espanyol sa Pilipinas - ang mga Dutch ang lulusob sa Manila at karatig, at ang mga Maguindanao ang sasalakay sa kapuluan ng mga Visaya (ang mga Sugbuanon o Cebuanos sa Espanyol, tinawag din nilang Pintados dahil maraming tattoo at kinukulayan ang mga katawan) at sa timog ng Luzon.

1616: Sinalakay ang Camarines.
Mahigit 70 caracoa (malaking bangkang pandagat, parao ang tawag ng mga Visaya at mga taga-Java, proa ang tawag sa English) ng mga Maguindanao ang lumitaw sa pampang ng lalawigan ng Camarines, kung saan gumagawa ang mga taga-ilog Vicor (Bicol ang tawag ngayon) ng isang galleon at 2 patache para sa mga Espanyol. Sinunog ng mga Muslim ang ginagawang mga barko at ang mga baranggay, pinatay ang mahigit 100 carpintero at binihag ang 30 Espanyol at maraming mga indio upang ipagbili bilang mga alipin, ang pangunahing hanap-buhay ng mga Muslim nuon. Ninakaw ng mga Maguindanao ang lahat ng mahakot nila, at salanta ang buong kabayanan sa ilog Bicol nang iwanan nila.

Nag-away sa hatian ang mga Maguindanao at naghiwalay sila sa 2 pangkat. Ang una ay nagtuloy sa Manila upang sumanib sa pagsalakay ng mga Dutch duon. Ang huling pangkat ay nagtuloy sa pulo ng Panay upang dambungin ang malaking kabayanan duon, tinawag na Yloylo ng mga Dutch. Sila, hindi ang unang pangkat, ang nakatagpo ng armada ng mga Dutch, na duon pala nagtuloy, hindi sa Manila.

Dinayo ang Iloilo.
Si Capitan Diego de Quinones nuon ang commandante sa Panay at buong kapuluan ng Pintados (Visaya ang tawag ngayon). Nabalitaan niya mula sa mga takas mula sa Bicol at ibang pulo sa Visayas na darating ang mga Maguindanao at mga Dutch sa loob ng isang linggo. Bagaman at 70 sundalong Espanyol lamang ang sandatahan niya, inako niya ang lahat ng mga taga-Iloilo upang magtatag ng tanggulan (redoubt) mula sa pinagpatung-patong na mga bigkis ng kawayan (fascines), mga pinatulis na bakawan (stakes) at mga tiklis na pinuno ng lupa (gabions). At ilan daang Bisaya, matagal nang kalaban ng mga Muslim, ang kasama ni Quinones na naghintay sa mga kalaban.

10 Galleon ng mga Dutch ang dumaong sa tapat ng tanggulan ng mga taga-Iloilo at pinagkakanyon at pinagbabaril sina Quinones. Walang tumalab sa makapal na tanggulan ng mga Espanyol at mga Bisaya kaya sumugod sa dalampasigan ang 7 compania, mahigit 200, ng sundalong Dutch at, kasabay ang mga Maguindanao, 2 ulit sinalakay ang tanggulan. Tinamaan ng baril sa hita si Quinones at maraming Bisaya ang napinsala, subalit napaurong nila ang mga Dutch sa tapang ng kanilang pagtanggol. Sinamantala ng mga Espanyol, biglang sumugod si Capitan Lazaro de Torres at 40 sundalong Espanyol, kasunod ang mahigit 100 Visaya, at inupakan ang mga umuurong na Dutch at mga Maguindanao sa dalampasigan.

Lusob ng 10 galleon.
Nag-ulol sa sindak ang mga Dutch at mga Muslim, nagdambulan kanya-kanya sa mga bangka upang makabalik sa kanilang mga galleon, iniwan sa pampang ang mga bangkay ng mga kasama at mahigit na 20 sugatan na, hindi kagulat-gulat, ay namatay lahat. Nadaig man nila ang mga lumusob, wala kahit isang kanyon ang mga Espanyol kaya 10 galleon pa rin ang dala ng mga Dutch pagkaurong upang salakayin naman ang Manila. Hindi nagtagal, at hindi pa galing ang sugat, pumuslit si Quinones at ilang alalay papunta sa Manila dahil sa panawagan mula sa Intramuros na iniipon ang buong lakas ng Espanyol sa Pilipinas upang sabakan ang armada ng mga Dutch na tumatag sa bukana ng Manila Bay upang supilin ang sinumang patungo sa Manila o Cavite. (Sa kanan nakaulat ang sumunod na sagupaan sa Playa Honda nuong 1617.)

Sa sulat ni Sebastian de Pineda kay Felipe 3 nuong 1619, hinayag niyang habang nagsasalpukan sa Playa Honda nuong 1617, nilusob muli ng mga Muslim ang mga pulo sa Visaya. Mahigit 200 daw ang pinatay, at 400 ang binihag na mga cagalyan (carpenteros).

Takbuhan sa Balayan.
Habang nagaganap ang kanyunan sa Iloilo nuong Septiembre 1616, ang unang pangkat ng Maguindanao na patungo sa Manila ay sumablay sa luok (bay) ng Balayan. Sa baranggay ng Balayan nagpahinga sina Martin de Goiti at Juan de Salcedo bago nila sinakop ang Manila nuong 1570. Mula nuon, lumago ang baranggay at, pagkatatag ng mga frayleng Espanyol, ay naging kabayan (town). Ngayon, pagdating mga Maguindanao, nagtakbuhan ang mga taga-Balayan at nagtago sa mga gubat sa looban ng tatawagin, sa mga darating na panahon, na lalawigan ng Batangas sa mga darating na panahon. Walang nagawa ang mga Maguindanao kundi nakawan at sunugin ang mga bahay, at tupok ang buong kabayanan nang iwan nila.

Nang mabalitaan sa Manila ang pagsalanta sa Balayan, pumuslit isang gabi ang 2 galley (maliit na barkong pandagat, may mga sagwan sa magkabilang tagiliran) ng mga Espanyol upang itaboy ang mga Maguindanao nang hindi sila makasanib sa mga Dutch na nakaharang na nuon sa luok Manila (Manila Bay). Kahit 35 ang nabalitang caracoa (tinawag ding caracora) na dala ng mga Maguindanao, tiyak nila na tataluning lahat sapagkat napapalubog ng galley ang isang caracoa sa hampas lamang ng sagwan. Inabutan nila ang mga caracoa sa pulo ng Mindoro, nakasuksok lahat sa loob ng ilog Baco, na hinimpilan din nila Goiti at Salcedo nuong 1570, at hinarang ng 2 galley ang bukana ng ilog.

Saklaw ng sindak ang mga Maguindanao nang makitang nasukol sila ng mga barko ng mga Espanyol. Pinakawalan nila ang mga bihag nilang mga Bisaya at pinakiusapan, payagan silang palayain ng mga Espanyol. Balak na nilang iwan ang kanilang mga caracoa at tumakas na lamang sa mga gubat sa looban, kahit na ilan lamang sa kanila ang makakaligtas sa mga pugot-ulo (headhunters) duon. Pinalad naman sila at duwag din pala ang pinuno ng mga Espanyol. Paglubog ng araw, natakot at umalis ang 2 galley at nagpunta sa kabilang pulo, kunyari upang makaiwas sa salungat na hangin na baka magpalubog sa mga galley subalit sa totuo, upang makaiwas sa mga Maguindanao na baka sampahin sila sa dilim ng gabi. Kaya nakatakas ang mga Maguindanao nuong gabing iyon.

Patuloy ang paghihirap.
Kahit na matapos nasugpo ang salakay ng armada ni Jorge Spielbert, nagpatuloy ang pahirap sa mga Pilipino dahil sa digmaan laban sa mga Dutch. Mga katutubo, karamihan ay mga Kapampangan, ang pinilit magsundalo sa hukbong Espanyol.

Pati ang mga asawa ng mga sundalo na naiwan sa kanilang mga baranggay ay pinahirapan, suplong ni Pineda kay Haring Felipe 3. Siningil ng buwis na palay kahit na wala ang mga asawa at nagsisilbi sa hukbo, at walang nagsaka sa bukid. Marami raw na asawa ang napilitang ipagbili ang kanilang mga anak bilang alipin ng mayaman upang makabayad ng buwis. Hiniling ni Pineda sa hari na patawarin na ang buwis ng mga sundalong Pilipino upang hindi mabaon sa hinagpis at pagka-alipin.

Samantala, patuloy ang pagkamatay ng mga Pilipino sa sabak ng mga Dutch. Nuong 1620, 2 galleon ng mga Espanyol, ang Jesus Maria at ang Santa Ana ang pinalubog nila sa lusutan ng San Bernardino. Kasama ang ilan daang Pilipino sa mga tauhan na nasalanta. Formosa

Lumawak din ang sagupaan ng mga Dutch at mga Espanyol, at ang kinamatayan ng mga Pilipino dahil gawi nuon na higit na maraming katutubo, karamihan ay mga Kapampangan, ang pinanlaban kaysa sa mga Espanyol. Mahigit 400 Pilipino ang ginamit na sundalo ng mga Espanyol nang magtatag sila ng ng mga kuta sa Formosa (tinatawag ngayong Taiwan) at parati nang may mga Kapampangan na pinanglalaban sa halos 40 taon na agawan ng Dutch at Espanyol sa Maluku at sa Malacca, tumagal hanggang 1641. Marami sa mga Pilipino ay hindi na nakauwi.

Lumusob Sa Jolo

NUONG 1645, sinalakay ng 3 barko ng mga Dutch ang kuta (fort) ng Espanyol sa Jolo, katulong ang mga Muslim (Moro ang tawag ng mga Espanyol) duon na naghihimagsik laban sa pagsakop ng mga Espanyol. Mahigpit at matagal na lumaban ang mga Espanyol at ang mga Kapampangan sa kuta, pinamunuan ni Estevan de Ugalde y Orella, kapatid ng general na sumagupa sa mga Dutch nuong sumunod na taon, 1646. Nang dumating ang tulong mula sa Zamboanga na ipinadala ng governador duon, si Francisco de Atienza y Ibanes, napilitang umurong ang mga Dutch. Hinabol pa sila ng mga barko ng Espanyol hanggang lubusang napalayas sila mula sa Sulu.

Pagkaraan ng isang taon, nuong 1646, dumating ang mas malaking armada ng mga Dutch, mahigit 10 barko, upang upakan uli ang kuta sa Jolo subalit nakita nilang wala nang tao duon, ipinatawag na sa Manila upang magtanggol duon at sa Cavite. Lumihis ang armada at tinutukan ang mga kuta ng Espanyol sa Zamboanga subalit nakita nilang matatag ang mga ito at hindi nila kayang puksain, kaya nagtuloy ang armada sa hilaga (north) upang harangin at nakawin ang galleon mula sa Acapulco, sa Mexico, pagpasok nito sa Embocadero (San Bernardino Strait) sa dulo ng Bicol. (Nasa kanan ang ulat ng sagupaan sa Bicol nuong 1646.)

Bakbakan Sa Bataan

PAGSIKAT ng araw nuong Junio 22, 1647, 2 magkahiwalay na pangkat ng mga Dutch, sakay sa 6 barko at 6 lancha (yachts), ang sabay sumalakay sa Abucay at sa katabing nayon ng Samal. Ang 2 nayon nuon ay mga kabayanan (town) ngayon sa dalampasigan ng lalawigan ng Bataan, sa pagitan ng malaking kabayanan ng Orani at ng Balanga, ang capitolio, ngunit nuong lumusob ang mga Dutch, bahagi pa sila ng tinawag ng mga Espanyol na La Panpanga. At ang mga sumagupa sa mga salakay nuong Sabadong iyon ay mga Kapampangan.

Samal Sa Abucay, 5 sundalong Espanyol at 150 Kapampangan ang pinamunuan ni Pedro Gamboa, ang matanda na ngunit matapang pa ring Pangalawa (maestro de campo, master-of-camp) sa lalawigan ng Pampanga. Sa Samal, mga Kapampangan din ng hukbong Espanyol, pinamunuan ni Sargento-mayor Alexo Aguas, ang sumagupa sa 3 lancha (yacht) ng mga Dutch na sumalakay at pinagsusunog ang mga bahay sa paligid ng nayon. Sa magkasabay na bakbakan sa 2 nayon, napaurong ng mga Kapampangan ang mga tampalasan nuong umagang iyon. Sa Samal, paulit-ulit na sinagupa at pinaurong ang mga Dutch buong maghapon ng mga Kapampangan kahit na mas maraming baril ang mga Dutch. Dinaan na lamang sa tapang, at nasagip nila ang nayon ng Samal nuong araw na iyon.

Naduwag ang pinuno.
Iba ang nangyari sa Abucay dahil duwag ang mga punong Espanyol. Capitan ng hukbo si Diego de Cabrera, ang alcalde-mayor duon, ngunit hindi siya tunay na soldado, mataba at mas mahilig makipagkalakal kaysa makipagdigmaan. Duwag din ang 2 frayleng Dominican, si Fray Geronimo de Sotomayor Orrato at si Fray Tomas Ramos, kaya kahit gawa sa bato at matatag ang simbahan at convento, sinamang-palad ang Abucay.

Bataan

3 Bangkay ang iniwan sa dalampasigan ng mga Dutch nang napaurong ang unang salakay nila nuong umagang iyon. Sinunog agad ni Gamboa, pinuno ng mga Kapampangan, ang tulay na bumabagtas sa malalim na ilog mula sa dalampasigan papasok sa nayon upang hindi magamit uli ng mga Dutch, at ipinatawag niya si Cabrera, na umalis nuong nakaraang araw upang mag-ipon ng mga mandirigma na ipadadala sana sa Manila. Bumalik nuong araw ding iyon si Cabrera, kasama ang mga naipon niyang mandirigma subalit hindi niya dinala ang lahat ng pulbura ng baril (gunpowder) na ipinadala ng Manila kaya kulang sa bala ang mga baril ng mga Kapampangan sa Abucay.

Nagtanggol sa convento.
Ganoon man, amuki nila kina Cabrera at sa mga frayle na ttatag na tanggulan ang simbahan at convento, mag-iwan ng ilang kawal na magtatanggol sa loob, at karamihan sa mga Kapampangan ay lalaban sa labas na parang guerrilla, tatambangan ang sinumang magbalik na Dutch sa iba’t ibang puok ng nayon. Hindi pumayag si Cabrera na magkulong sa loob ng convento. Kailangan daw mayroon silang labasan upang makatakas sa bundok at gubat, kung saka-sakali, kaya wala siyang ginawang pagtanggol maliban sa kandaduhan ang mga pinto ng simbahan at convento.

Galit na galit ang capitan ng mga Dutch nang magsampahang pabalik sa mga barko ang mga tauhan. Lalo na at sinabi sa kanya ng isang Negrong Espanyol at ng ilang mangingisdang Intsik na nakatago sa loob ng simbahan ng Abucay ang salaping pilak (silver coins) ng mga Intsik na nagkalakal sa Manila. Nagmula raw sa barko ng mga Intsik na hinabol ng mga Dutch subalit nakaligtas. Ang capitan mismo ang namuno sa balik-salakay sa Abucay nuong madaling-araw ng Linggo, Junio 23, 1647. Halos 400 tauhan ang kasama niya, dala ang 2 kanyon, at sinunggaban nila ang mga bangka sa paligid upang makatawid sa malalim na ilog at makapasok sa nayon kahit sira na ang tulay. Walang kalaban nilang winasak at sinunog ang mga bahay dahil nakakulong sa loob ng simbahan at convento ang mga galit na galit na tao na, kung hindi pinigil ng mga frayle at ni Gamboa, ay malamang ginulpi si Cabrera, ang alcalde-mayor.

Kinanyon ang simbahan.
Itinutok ng mga Dutch ang kanilang 2 kanyon sa harap ng simbahan at pinaputukan ang pinto, nabutas nang isang Abucay dakma ang laki. Nagbarilan na ang mga Kapampangan at mga Dutch. Nagtago sa likuran ang 2 frayleng Dominican. Isang Kapampangan ang tinamaan at namatay sa tabi ni Cabrera. Nataranta ang duwag na alcalde at tumakbo sa 2 frayle upang magtago rin at hindi na bumalik sa bakbakan. Walang ginawa ang 3 duwag kundi pag-usapan kung paano sila susuko sa mga Dutch upang hindi mapatay. Inutos ng mga frayle na sumuko na, subalit nakiusap si Gamboa at ang mga pinuno ng mga Kapampangan na marami sila at kaya nilang labanan ang mga Dutch. Kahit wala nang bala ng mga baril nila, sabi ng mga Kapampangan, lulusubin nila ng itak ang mga kalaban.

Kahit maubos kami, mamamatay kaming tunay na lalaki!’

Basta, nagsabit ng puting tela ang mga frayle mula sa bintana. Natuwa ang capitan ng mga Dutch, ipinangako na hindi papatayin at ituturing nang mahusay ang mga sumuko. Habang nag-uusap ang mga frayle at ang capitan, pinilit ng mga Dutch na makapasok sa simbahan. Lumaban ang mga Kapampangan at nagsimula uli ang bakbakan. Nagalit ang capitan at binihag ang 2 frayle na nakikiusap. Hindi ito panahon upang makipagkasunduan, sabi niya, at inutos sa mga Dutch na sabakan uli ang mga Kapampangan. Naakyat ng isang Dutch ang torre at kinalembang ang mga campana. Napatay ang ilang Dutch at nasugatan ang marami, ngunit wala nang bala sa mga baril at nasukol sa loob ng simbahan ang mga Kapampangan at nagapi.

Pinatay ang 200 Kapampangan.
Walang awang pinatay ng mga Dutch ang halos 200 Kapampangan at binihag ang 40 tao sa simbahan, pati na ang 2 frayle at si Cabrera, ang alcalde-mayor. Itinuro ng Negrong Espanyol kung saan nakabaon ang salaping pilak, nagkahalaga nuon ng 20,000 pesos (mahigit 3 milyon piso ang katumbas ngayon), at hinakot lahat ng mga Dutch sa kanilang mga barko at tumakas.

Nang mabalitaan sa Manila ang salakay sa 2 nayon, inutos ni Governador Pedro Fajardo kay General Juan de Chavez na magdala ng hukbo upang saklolohan ang Samal at Abucay. Inutusan din niya ang mga frayleng Augustinian na magpadala ng kapalit, at kasama sina Fray Alonso de Caravajal at Fray Diego de Tamayo sa 600 sundalo, karamihan ay mga Kapampangan, na nagtungo sa 2 nayon nuong Junio 26, 1647, 4 araw pagkatapos ng labanan, kung sakaling magbalik ang mga Dutch.

Pagkaraan lamang ng 2 linggo, nuong Jueves, Julio 11, 1647, nagbalik nga ang mga Dutch. Mahigit 200 ang lumusob uli sa Abucay upang nakawin ang mga vaca at mga baboy na naglipana duon. Nagtatatag ng kuta (fuerza, fort) si General Chavez sa Samal nang malamang lumusob uli ang mga Dutch. Pinauna niya ang isang pangkat ng sundalo ni Capitan Francisco Gomez Pulido at sumugod siya kasunod, kasama ang buong hukbo. Abala sa paghalungkat at pagnanakaw ang mga Dutch sa mga bahay-bahay nang abutan sila at pagbabarilin nina Pulido.

Tinambangan ang mga Dutch.
Takbuhan papunta sa simbahan ang mga Dutch habang lumihis sina Pulido at, nag-shortcut sa bukid, tinambangan ang mga tumatakbong Dutch na napilitang tumakas na pabalik sa kanilang mga barko. Galleon

Dumating na ang hukbo ni General Chavez at isang pangkat ni Francisco Palmares ang sumagupa sa mga Dutch sa dalampasigan, 14 ang napatay at 2 ang nasugatan at nabihag. Ang iba pang Dutch, marami ay sugatan, ay napilitang lumangoy upang makatakas. Naiwan sa pampang ang vaca na kinakatay nila nang lusubin sila.

Hindi na muling sumalakay sa Abucay o sa Samal ang mga Dutch. Bumalik sila sa kanilang himpilan sa Batavia (sa Indonesia, Jakarta ang tawag ngayon), dala ang mga bihag na sumuko sa Abucay, pati ang 2 frayle, upang ipatubos sa mga Espanyol. Tumanggi si Governador Fajardo na tubusin ang 2 frayle, sina Sotomayor at Ramos. Pinakawalan din sila ng mga Dutch pagkaraan ng panahon at nuong kapatusan ng 1647 at simula ng 1648, habang pabalik ang 2 frayle sa Manila, lumubog ang kanilang barko at kasama silang dalawa sa mga nalunod.

Dating sakop ng Espanya ang Holland, bahagi ng kaharian ng mga Hapsburg nang maging hari ng Espanya nuong 1519 si Carlos 5, ang nagpundar kay Ferdinand Magellan nuong taon ding iyon na ‘tuklasin’ ang Moluccas at iba pang mga kapuluan sa tabi ng Pilipinas. Nuon pa lamang, lumalaganap na sa Holland ang pagka-Protestante, sinimulan ni Martin Luther sa kalapit na Wittenberg, Germany nuong 1517. Naging makapangyarihan ang mga Protestante, tinawag na mga Anabaptist, simula nuong 1530, at nuong 1535, tinangka nilang sakupin ang mayamang lungsod ng Amsterdam. Ginapi sila ng hukbo ng obispo ng lungsod ng Munster at pinagpapatay sila ng mga catholico. Subalit hindi napuksa ang mga Portestante, at lalo silang dumami matapos ilathala ni John Calvin ang kanyang ‘Christian Religion’ nuong sumunod na taon, 1536.

Minana ni Felipe 2, anak ni Carlos 5, ang Holland nang itanghal siyang hari ng Espanya nuong 1556, at dahil matimtimang catholico, sinubukan niyang usigin ang mga Protestante sa malupit na palakad at parusa ng tinawag na Spanish Inquisition, ang hukuman ng mga frayle, pinamunuan ng mga Dominican. Nagmakaawa ang mga Calvinist at iba pang mga Protestante sa Holland, karamihan ay mga maharlika duon na tinawag na mga Geuzen (humingi ng habag, beggars), at itinigil ni Margaret (Margaret of Parma) ang Inquisition nuong 1566. Kapatid siya ni Felipe 2 at mula pa nang maging hari ito nuong 1556, si Margaret na ang regina at tagapag-hari (queen regent) sa Holland, subalit sinuway ni Felipe 2 ang pagpigil ng kapatid sa Inquisition at pagkaraan ng isang taon, nuong 1567, napilitang magbitiw si Margaret at pinalitan ng malupit na Duque de Alba (Duke of Alba). Itinatag ni Alba ang kanyang consejo sangriento (Council of Blood) at sa sumunod na taon, 1568, dinakip, inusig at pinugutan ng ulo ang mga Protestante, pati ang mga conde (counts) ng Egmond at Hoorn, at sumabog ang himagsikan ng mga Dutch laban sa Espanya, sinulsulan ni Principe William ng Orange at nagsimula nang basagin ng mga Calvinist ang mga estatua ng mga santo sa mga simbahan.

1568: Himagsikan laban sa Espanya.
Nuong Abril 1, 1572, naagaw ng hukbo ng mga Geuzen ang lungsod ng Briel at itinatag ang bayan ng Netherlands sa ilalim ni Principe William at ang himagsikan ay naging digmaan ng Holland laban sa Espanya. Napabalik nila sa Madrid si Alba nuong 1573 at sa sumunod na taon, natalo ng mga Calvinist ang hukbo ng mga catholico sa Zuider Zee, at lubusang napalayas at hindi na muling nakabalik sa Holland ang mga Espanyol. Nuong 1579, nagbuklod ang Holland at 8 pang provincia sa hilaga ng Europa upang buoin ang United Netherlands, hinayag na Dutch Republic. 2 Ulit ipinapatay ng mga Espanyol si Principe William, nuong 1582 at nuong 1584 nang nakitil siya ng isang fanaticong catholico, si Balthazar Gerards, subalit bilang ganti, inagaw ng mga Dutch, sa pamumuno ng pang-2 anak ni Principe William, si Mauricio ng Nassau, ang mga provincia sa timog (south), ang mga naging kasalukuyang bayan ng Belgium, Luxembourg at ang Normandy na bahagi ngayon ng France. Mula nuon, kumalat ang digmaan ng mga Dutch sa mga sakop (colonies) ng Espanya, lalo na sa mga kapuluan sa Asia na kaunti lamang ang mga sundalong Espanyol, sapagkat William namatay ang hari ng Portugal, si Sebastian, nuong 1578, at kailangan ng mga Dutch ang spices, ang mga pampalasa sa ulam.

Dati-rati, ang mga barko ng Dutch ay sa Portugal lamang bumibili ng mga spice at iba pang kalakal mula sa mga sakop nito sa India at sa Maluku (Moluccas, spice islands) subalit nuong 1580, ang pumalit na hari ng Portugal ay si Felipe 2, ang hari ng Espanya at kaaway ng mga Dutch. At sinimulang dakpin ang mga barko ng Dutch sa Portugal at sa mga sakop nito. Buti na lamang at mula pa nuong 1563, tiniktikan na ng mga Dutch, gaya ni Jan van Linschoten ng Haarlem, ang mga lihim ng paglalayag sa dagat mula sa mga Portuguese na suki nila sa kalakal. Nakarating pa si Linschoten sa Goa, sa India, sakay sa barko ng Portuguese at natuklasan niya kung paano lumandas mula Europa hanggang Asia.

Spices: Pampalasa ng ulam mula Maluku.
Nuong panahon ding iyon, ang magkapatid na Houtman, sina Cornelis at Frederik, ay nag-osyoso rin sa Portugal tungkol sa pagkalakal sa Maluku at nuong 1595, lumunsad sila sa 4 barko, umikit sa timog ng Africa, tumawid sa dagat India (Indian Ocean) at, pagkaraan ng 15 buwan ng paglakbay, dumating sa bayan ng Bantam, sa pulo ng Java. Nagtuloy pa sila sa Bali at nawalan ng isang barko bago nakabalik nuong 1597 sa Amsterdam, dala-dala ang unang hakot ng mga spice mula sa Asia.

Sumunod naglakbay sa Maluku si Jacob van Neck at hangos na halos lahat ng barko ng mga Dutch duon, kanya-kanya ng pakyawan ng spice at pagtatag ng mga imbakan o bodega (factory ang tawag nila nuon ngunit hindi pagawaan kundi wholesale warehouse ang ibig tukuyin). Pagkaraan ng 2 taon, nuong 1597, itinatag ng mga Dutch ang kanilang pamahayan (colony) sa isang nayon na tinawag nilang Batavia (ngayon ay lungsod ng Jakarta), sa pulo ng Java. Nuong 1598, sinakop nila ang pulo ng Mauritius, sa gitna ng dagat India upang gamiting himpilan ng mga barko mula, at papunta, sa Maluku. Isa sa mga nagkanya-kanyang pundar ay si Oliver van Noordt (Olivero ng hilaga), lumunsad mula sa Amsterdam nuong Septiembre 12, 1598 at, pagkabalik niya nuong 1601, ang siyang unang Dutch na nakalayag paikot sa mondo. Subalit may iba pang tangka si Noordt maliban sa kalakal ng spice - ang nakawin ang yaman ng mga Espanyol sa bantog na galleon trade sa Pilipinas. Kaya isang taon bago siya nakabalik sa Holland, nakipagdigmaan muna siya sa luok ng Manila (Manila Bay).

1600: Ang Unang Salakay

2 BARKO ng mga Dutch, pinamunuan ni Oliver van Noordt (tinawag ding Noort), ang lumusob sa Pilipinas nuong Octobre 16, 1600. Humimpil muna sila sa tabi ng Albay at bumili ng bigas at pagkain. Umabot sa Manila ang balita pagkaraan ng 3 araw at pinasugod ni Governador Francisco Tello ang 70 sundalong Espanyol, pinamunuan nina Pedro de Arceo, at umurong ang mga Dutch sa pulo ng Capul, sa bukana ng Embocadero (San Bernardino Strait ang tawag ngayon) sa pagitan ng Sorsogon at Samar. Nuong Octobre 24, 1600 sinalakay at sinunog nila ang isang baranggay duon dahil binihag ng mga tagaruon si John Calleway, isang English na tauhan ni Van Noordt. Tapos, tumuloy ang mga Dutch sa tabi ng Mariveles (sa lalawigan ng Bataan ngayon) at dinambong ang anumang barko na pumasok sa Manila Bay, - isang frigata (maliit na barko, frigate) ng Espanyol, ang Buen Jesus, na pinalubog nila, isang barko ng Japon na ninakawan nila ng arina (flour), at isang champan (sampan) mula sa China. Sa Albay

Si Antonio de Morga, ungkat-yaman (auditor) ng Audiencia Real sa Manila, ang namuno sa 2 barkong lumunsad nuong Deciembre 12, 1600, sakay ang mahigit 600 sundalong Espanyol, at pagkaraan ng 2 araw, nuong Deciembre 14,1600, sumagupa sa mga Dutch sa Azebu, 25 kilometro mula sa Mariveles. Higit na mahusay sa digmaang dagat ang mga Dutch. Ilang ulit nilang kinanyon ang barko ni De Morga, ang San Diego, na nabutas at nagsimulang lumubog, samantalang sa dagat tumama ang mga kanyon ng Espanyol. Dinaig sa dami, 450 ang mga Espanyol at mga mandirigmang Pilipino, samantalang wala pang 100 ang mga Dutch. Binangga ng San Diego ang barko ni Van Noordt, ang Mauritius, at sinampa ng mga Espanyol na nakipagbakbakan sa mga Dutch.

Tumakas ang Eendracht, pang-2 barko ng mga Dutch, pinamunuan ni Admiral Lanverto Viesman, habol-habol ng pang-2 barko ng mga Espanyol, ang San Bartolome, pinamunuan ni Joan de Alcega, admiral sa hukbong dagat ng Espanya at mahusay sa digmaan. Inabutan at tinalo nila ang mga Eendracht, binihag ang barko matapos patayin ang apoy na sinindihan ng mga Dutch upang sunugin ang sariling barko nang hindi makuha ng mga Espanyol. Kasalukuyan pa nuong naghihimagsik at hindi pa kinikilala ng Espanya ang pagiging malaya ng Holland (hanggang nuong 1609), kaya pagkabalik sa Manila, binitay sa garrote ang 13 sa 19 Dutch sa sumuko kay De Alcega bilang mga taksil sa kaharian. Ang iba, mga bata pa, ay ibinigay sa mga monasterio upang gawing catholico uli ang mga pinalaking Protestante.

Labu-labo ng Espanyol at Dutch.
Pagkaraan ng 6 oras na bakbakan sa barko ni Van Noordt, napipilan ang mga Dutch at sinimulan nilang sunugin ang sarili barko. Nasindak ang mga Espanyol at inihiwalay ang kanilang barko na, dahil nagkabutas-butas sa kanyunan, ay mabilis na lumubog. Walang alam sa digmaan, sa halip na sugpuin ang sunog at sakupin ang barko ni Van Noordt, gaya ng ginawa nina De Alcega, pinatakas ni De Morga ang mga Espanyol upang iligtas ang mga sarili. Nagtatalunan pa ang mga Espanyol nang lumubog ang barkong San Diego at nalunod ang karamihan. Nakatakas sina Van Noordt at nakauwi pa sa Netherlands matapos patayin ang sunog at pagkaraan ng isang taon ng paglayag sa kanilang laspag at karag-karag nang barko, ang Mauritius.

Labu-labo ang dinatnan nila duon nuong 1601 - may 14 toka-tokang pangkat-kalakal (corporation ang tawag, invento ng mga Dutch) ang nagpupundar sa 65 barko na lumalaot sa India at Maluku, humahakot ng spices at nakikipagdigmaan sa mga Espanyol at mga Portuguese, at madalas, sa isa’t isa. Bawas sa kita, lugi pa, ang ganitong ugali kaya pinagsama-sama sila ni Johan van Oldebarneveldt (Juan ng lumang bukid) sa isang dambuhalang corporation, tinawag na VOC o Verenigde Oostindische Compagnie (pinag-isang pangkat-kalakal sa mga silangang india). Pinayagan sila ng Staten-Generaal (Estates General, ang batasan ng Netherlands) na sarilinin (monopoly) ang kalakal sa Asia. Binigyan din sila ng karapatang magpundar ng hukbo (army) at pangkat-dagat (armada), sakupin ang anumang lupain duon, at makipagdigmaan kahit kanino. 3 Milyon lamang ang mga Dutch nuon ngunit mahigit 4,000 barko ang pawawalan ng VOC sa Asia sa sumunod na 200 taon, at marami sa kanila, gaya ni Van Noordt, ang makikipagdigmaan sa Pilipinas.

Samantala, si De Morga, pagkalubog ng San Diego, ay lumangoy ng 4 oras at nakarating sa pulo ng Fortun. Sumakay siya at ang iba pang nakaligtas na Espanyol sa mga bangka na natagpuan nila duon at nakarating sa pampang ng Anazibu (tinatawag ngayong Nasugbu) sa lalawigan ng Balayan (matagal pa bago tinawag na Batangas ang lalawigan). Pagkabalik sa Manila, halos 150 kilometro ang layo, ipinadakip niya si De Alcega, at sinisi sa pagkamatay ng maraming Espanyol dahil hindi sinaklolohan ang San Diego, gaya raw ng inutos niya. Ngunit hindi kapani-paniwala ang mga hayag ni De Morga, lalo na ang paglangoy nang 4 oras papuntang Batangas. Ayon kay Alonso Gomez Hombra, ang piloto ng San Diego, lumubog ang barko mahigit 2 kilometro lamang mula sa pulo ng Fortun, hindi mahigit 9 kilometro gaya ng ulat ni Morga. Sinalungat pa ng kasamang frayleng Jesuit, si Alonso Bernal, na nagalit sa mali niyang mga utos nuong labanan. Kaya hindi nagtagal, pinawalan din ang admiral. Si De Morga ang sinisi ng mga pinunong Espanyol sa Manila sa pagkatalo ng San Diego dahil hindi niya hinintay si De Alcega bago lusubin ang mga Dutch at wala siyang ginawa nuong naglalabanan kundi magkubli sa likod ng maraming kutson (colchones, mattresses). Bagaman at ipinagtanggol siya ni Governador Tello, napilitang umalis at De Morga at nagbalik sa Mexico, kung saan niya isinulat nuong 1609 ang kanyang aklat tungkol sa mga Pilipino, Sucessos delas Islas Felipinas, na ginagiliwan ni Jose Rizal nuong 1888. Subalit nuong 1609, habang inilalathala ang aklat sa Mexico, dumating sa Manila ang babala: Lumulusob uli ang mga Dutch.

1609 - 1610: Balik Salakay

NASINDAK ang mga Espanyol sa balita mula Jolo at Mindanao nuong katapusan ng 1609 na sumasalakay uli ang mga Dutch. Pinagtibay ang balita ng ulat nuong Noviembre 3, 1609 mula sa Arevalo, isang kabayanan (town) sa pulo ng Oton (isang tawag sa Panay ng mga Espanyol) na nagdambong ang 3 barko at isang patache ng mga Dutch sa malapit duon, kinalkal ang bigas at mga pagkain sa mga nakasalubong na bangka. Agad pinasulong duon ni Juan de Silva, ang governador nuon, ang hukbong pangkat ni Cristobal de Azcueta, sakay sa ilang parao, bangkang pandagat ng mga Pilipino, at isang champan, bangkang pandagat ng mga Intsik. Nakasalubong nila ang pangkat-dagat (squadron) ng mga Dutch at sa takot, tumakas sa dalampasigan sina Azcueta at, kahit hindi sumugod ang mga Dutch, sinunog ng mga Espanyol ang kanilang mga sasakyan upang hindi magamit ng mga kaaway. Sumabog sa apoy ang pulbura ng baril (gunpowder) sa champan, 3 sundalong Espanyol ang namatay, ang isa ay naiwang humihiyaw sa loob, naipit ng bumagsak na haligi, at nasunog nang buhay. Marami ang nasugatan sa sunog. Pagkaalis ng mga Dutch, napilitang lumakad sina Azcueta sa mga gubat at bundok, patawid sa pulo ng Panay upang makarating sa Arevalo. Maysakit at namamatay na sa gutom, 7 Espanyol ang namatay pagkarating.

Natuklasan ng mga taga-Manila na 4, hindi 3, ang barko ng mga Dutch, kasama ang isang patache, nang dumating ang mga ito sa bukana ng Manila Bay nuong Noviembre 8, 1609, sa pamumuno ni Francois de Wittert (Francisco Witer sa ulat ng Espanyol), isa sa mga alalay ni Oliver van Noordt nang lumusob ito sa Manila nuong 1600. Nakipagsapalaran siya uli sa Maluku pagkatapos, at nakilala niya duon si Francisco Aguirre, isang taksil na Espanyol na yumaya sa kanyang lusubin ang Manila na walang lakas nuon upang ipagtanggol ang Pilipinas. Inalok ni Wittert ng 1,000 pesos si Aguirre at naging gabay ito ng pangkat na tumutok sa Manila at lumusob sa Cavite nuong Noviembre 11, 1609. Pinupog sila ng putok ng mga kanyon at napa-atras ng mga Espanyol, bagaman at hindi nasiraan dahil maliit lamang at mahina ang mga kanyon. Bago bumalik sa bukana ng Manila Bay, natuklasan ng mga Dutch na walang barko na panlaban (warship) ang mga Espanyol maliban sa 3 maliliit na sasakyan na hindi kayang magsakay ng mga kanyon, isang parao na maaaring sakyan ng 20 sundalo lamang, at ang Espiritu Santo, ang matanda at karag-karag na veterano ng maraming balikan sa Mexico at nuon, ay ni walang layag.

Hinarang ni Wittert at ninakawan ang lahat ng barko, karamihan ay galing sa China, na dumating upang magkalakal sa Manila, gaya ng ginawa ni Van Noordt nuong 1600. Nabihag pa niya ang ilang pinuno ng mga Espanyol, pati si Alferez Aldano at Capitan Castillo na galing sa Japan. Minsan, 4 Dutch ang tumakas at sumanib sa mga Espanyol. Sila ang nagsiwalat ng lahat tungkol kina Wittert, ang tibay ng kanilang mga barko at ang mga kanyon at sandata nila. Ginamit ng mga Espanyol ang mga ulat upang gapiin sina Wittert.

Daan-daang mga Kapampangan.
Samantala, minadali ni Governador De Silva ang pagtapos sa barkong San Juan Baptista na ginagawa sa Marinduque, at ang pagkumpuni sa Espiritu Santo sa Cavite. Inayos din ang 2 pang maliit na barko duon upang malagyan ng kanyon. Inipon lahat ng rehas na bakal sa mga bintana ng bahay ng mga Espanyol upang gamitin sa pagkumpuni ng mga barko at gawing bala sa kanyon (cannonballs). Ang mga campana sa mga simbahan ay nilusaw at ginawang mga kanyon. Sa 6 buwan na ginagawa ang mga barko, balisang-balisa ang mga Espanyol na ipinatawag lahat ni De Silva mula sa paligid at pinaluwas sa Manila. Sa Cavite, nakapagtipon ng 600 Espanyol upang magtanggol sa paglusob ng mga Dutch, at upang tauhan ang mga barko pagkayari ng mga ito, at lusubin ang mga Dutch na walang tigil na nagdadambong sa labas ng Manila Bay, hinarang pati ang mga barko na nagdadala ng bigas at pagkain para sa Manila.

Lalong nasindak ang mga Espanyol nang lumitaw uli ang 4 barko at 1 patache ni Wittert sa harap ng Cavite at Manila nuong Enero 19, 1610 upang magsiyasat, at 9 araw nagbantay duon, minamasdan ang ginagawa ng mga Espanyol, bago umalis at ipinagpatuloy ang pagdambong sa mga dumarating na barko. Naharang nila ang mga barko na nagdala ng mga pagkain at kalakal mula sa China. Naglasing pa sila nang matambangan nila ang isang barko na may dalang mga alak Intsik (sioc tong, vino de mandarin). Ninakaw nila ang mga sutla (seda, silk), mga jamon at mga baboy (hams, capones) at mga manok (fowls). Umabot ng 2,000 ang mga baboy na nakuha nila, at libu-libong manok - naglagay pa sila ng kulungan at manukan sa pampang ng Mariveles dahil hindi na kasya sa mga barko. Binihag nila ang mga tao sa paligid ng Mariveles upang alagaan, katayin at iluto ang mga manok at baboy. Inutusan nila na magtanim ng palay dahil kakailanganin sa susunod na taon pagbalik ng mga Dutch. Sinumbatan pa ng mga Dutch ang mga bihag na PiIlipino, Bakit kayo sumusunod sa mga Espanyol na hindi kayo kayang ipagtanggol?

Ang mga pagkain at kalakal sa mga naharang na barko na hindi kayang ubusin ng mga Dutch ay itinapon nila sa dagat upang hindi makamit ng mga Espanyol. May ilang barko ang nakatakas at nagbalik sa China; may iba na nakapuslit sa Manila. May isa na sampok sa batuhan at lumubog. Ang mga sakay na Intsik ay nalunod, ang mga nakarating sa lupa ay pinagpapatay at pinugutan ng ulo ng mga Zambal mula sa mga gubat at bundok. Natigatig ang mga Intsik sa Parian, ang puok ng mga Intsik sa labas ng Intramuros, at natahimik lamang nang mangako ang Audiencia na hindi sila papatayin ng mga Espanyol. Ipinatawag ni De Silva ang ilang daang Kapampangan upang tumulong sa pagbantay sa Manila.

Sa wakas, natapos ang 4 barko ng Espanyol at isang oras bago magtanghali nuong Miercoles, Abril 21, 1610, lumunsad ang 1,000 sundalong Espanyol, mahigit 2,000 mandirigmang Pilipino at ilan daang magdaragat (marineros, seamen), karamihan ay mga Kapampangan at mga Tagalog. Si De Silva mismo ang namuno sa pangkat, sakay sa capitana (flagship), ang San Juan Baptista. Katulong niya bilang Pangalawa (maestro-de-campo, master-of-camp) si Juan Juarez Gallinato. Kasama rin ni De Silva ang kanyang batang pamangkin, si Fernando de Silva. May sakay na 26 kanyon ang capitana, habang 22 kanyon ang nasa almirante o ang pang-2 barko sa pangkat, ang Espiritu Santo, pinamunuan ni Pedro de Heredia. 6 Kanyon lamang ang dala ng maliit na barko, ang San Yldefonso na pinamunuan ni Juan Tello de Aguirre, habang 4 kanyon lamang ang sandata sa mas maliit pang mga barko, ang San Pedro, pinamunuan ni Capitan Guilestigui, ang San Pablo, ni Juan Fajardo de Losada, at ang Santiago, ni Luis Moreno Donoso. May 2 galley, maliliit na barkong de-sagwan, pinamunuan nina Capitan Romanico at Juan Rodriguez, at mga bangka na nagdala ng mga gamit at pagkain ng pangkat. Kasama sa barko ni De Silva ang isang frayleng Trinitarian at isang secular na pari. Sa ibang barko nasakay ang 16 frayle - 7 Franciscan, 4 Jesuit, 3 Augustinian at 2 Dominican.

1610: Unang sagupaan sa Playa Honda.
Batalan o Batohan ang unang tawag sa mabatong bundok, mahigit kalahating kilometro ang tayog, at pinagmulan ng kasalukuyang pangalan ng bundok at lalawigan ng Bataan. Sa pagitan ng bundok at dagat, sa banda ng tinatawag ngayong Mariveles, ay ang malawak na kalatagan (plains) na dating tinawag ng mga tagaruon na Paynawen. Malalim ang dagat sa pampang nito at dahil mainam na daungan ng mga barko, tinawag ito ng mga Espanyol na Playa Honda (low or deep beach). Duon, nuong 1610, nagbabantay ang mga barko ni Wittert upang harangin ang mga barko mula sa China na patungo sa Manila upang magkalakal.

Halos ika-7 na ng umaga nuong Sabado, Abril 24, 1610 nang marating ng mga Espanyol ang 3 barko ni Wittert sa labas ng Manila Bay, sa tabi ng Playa Honda, 96 kilometro mula sa Manila. Kakanyunin tayo ng mga itlog ng manok! kantiyaw ng mga Dutch dahil sa mga maliliit na kanyon na naranasan nila sa Cavite. Nagkanyunan at nagbanggaan ang mga capitana ni De Silva at ni Wittert. Hinagisan ng mga kawit at pinagtali ng mga Espanyol ang 2 barko. Nagsampahan at naglabanan ng kanyon, baril, sibat at espada, at marami ang napatay sa mahigit 3 oras na bakbakan. Isa sa mga unang napatay si Wittert, at 5 Dutch lamang ang natirang buhay at walang sugat. Tinangka ng mga sugatan na sunugin ang barko upang hindi mabihag ng mga Espanyol ngunit napigilan sila. Isa sa mga sugatan si Francisco Aguirre, ang taksil na Espanyol, na naputulan ng paa. Hinatulan siyang mabitay kinabukasan ngunit namatay siya nuong gabing iyon. Sa mga bihag na Espanyol sa barko ni Wittert, isa lamang ang napatay, tinamaan ng kanyon, si Pedro Montejo, frayleng Augustinian mula sa Toledo, sa Espanya.

3 Oras ding nagkanyunan, nagbanggaan, nagsampahan at nagbakbakan ang mga almirante ng Espanyol at mga Dutch. Nanaig ang mga Espanyol dahil sa giting ng mga pinuno ng mga sundalo, sina Capitan Pedro de Almazan at Capitan Juan dela Vega. Ang pang-3 barko ng Dutch ay tinalo at sinunog ng mga sundalo sa San Yldefonso at San Pedro. Habang nasusunog, sumabog ang pulbura sa barko, marami ang namatay at, dahil malapit sa pampang, pati ang gubat sa tabi ay nagliyab - 6 araw na nasunog ang gubat. Ang pang-4 barko at ang patache ng mga Dutch ay nakatakas dahil malayo sila, hindi tanaw ng mga nagbabakbakan, at narinig nila ang mga kanyunan.

Alas-2 ng madaling araw nuong Linggo, Abril 25, 1610, nang dumating ang balita sa Manila, at kinalembang ang lahat ng campana sa mga simbahan upang ipagdiwang ang tagumpay. Nag-prosisyon (procession) kinaumagahan mula sa cathedral hanggang sa simbahan ng mga Jesuit sa Intramuros. Umabot ng 400,000 pesos (mahigit 60 milyon piso ang katumbas ngayon) ang halaga ng mga nakuha sa 2 barko ng mga Dutch na hinila pabalik sa Cavite at pinaghati-hatian ng mga Espanyol sa Manila. Ipiniit sa Intramuros ang mga nabihag na Dutch, halos lahat ng mga sugatan ay namatay.

1617: Sagupaan Uli Sa Playa Honda

SUMABOG ang bulkan Mayon nuong Febrero 19, 1616, at sa isang ligtas na dako ng dagat, isa sa mga nanuod si Jorge Spielbert, pinuno ng 10 galleon na pumasok sa Pilipinas upang puksain ang mga Espanyol. Nagkalat ng lagim ang armada (sandatahang pangkat-dagat) ni Spielbert, hinarang at ninakawan ang lahat ng barkong makasalubong, pinagkakanyon ang kabayanan ng Iloilo (lungsod na ngayon) sa pulo ng Panay nuong Septiembre 29, 1616, at sinalakay ang ilang kabayanan sa tabi ng dagat upang masukat ang lakas ng mga Espanyol.

Natanto niyang mahina ang sandatahang Espanyol kaya nuong pagpasok ng 1617, pinahati-hati niya ang kanyang armada. Pinapunta niya sa hilaga, sa banda ng Ilocos, ang 2 barko, ang Leon Rojo (Red Lion) at ang Vlissingue (puok sa Holland, Bli-SING-ga ang bigkas, Fregelingas ang dinig ng Espanyol, Flushing ang kahulugan sa English) upang dambungin ang mga champan mula sa China na bumabagtas sa gilid ng Luzon patungo sa Manila upang magkalakal. May mga Intsik din na sa Lingayen, sa Pangasinan dumadaong. Ang nalabing 7 barko ay hinati ni Spielbert sa magkabilang bukana ng Manila Bay upang harangin ang anumang barko na papunta sa Manila o Cavite.

Lancha Hustong 2 buwan pagkatapos manuod si Spielbert ng pagsabok ng bulkan Mayon, namatay si Juan de Silva, ang ika-14 governador ng Pilipinas, nuong Abril 19, 1616, at pansamantalang governador lamang, si Andres Alcaraz, ang namumuno nang harangan ng mga Dutch ang landas palayag sa Manila. Umabot ang Abril 8, 1617 bago nakapagbuo ng sandatahang dagat ang mga Espanyol sa Cavite, - 7 galleon, at 3 galley, may sakay na 1,000 sundalong Espanyol at Mexicano, at mga mandirigmang Pilipino, karamihan ay mga Kapampangan.

Piniling general si Juan Ronquillo de Castillo, kamag-anak ni Gonzalo Ronquillo de Penalosa, ang ika-4 governador ng Pilipinas nuong 1580 hanggang 1583. Ang pinakamalaking barko, may 50 kanyon - 25 sa bawat tagiliran - ang Salvador, ang kanyang capitana (flagship). Ang sunod na pinakamalakas na barko, ang San Marcos, ay pinamunuan ni Juan dela Vega subalit dahil sa inggitan at intriga ng mga pinunong Espanyol, hindi siya hinirang na admiral kaya walang almirante o pang-2 barko (second in command) ang pangkat-dagat. Kaya rin hiwa-hiwalay at halos hindi nagtulungan ang mga barkong Espanyol sa sumunod na labanan. Ang mga capitan ng iba pang galleon ay si Pedro de Heredia sa San Juan Bautista, si Juan Bautista de Molina sa Nuestra Senora de Guadalupe, si Rodrigo de Guillestigui sa San Miguel, si Juan de Acevedo sa San Lorenzo, at si Sebastian de Madrid sa San Phelipe. Ang 3 galley ay pinamunuan ni Diego de Quinones, sugatan pa mula sa bakbakan sa Iloilo (kahiwalay na ulat, sa kaliwa), si Alonso Enriquez at si Pedro de Almazan.

Nuong Sabado ring iyon, Abril 8, 1617, narating ng pangkat ang pulo ng Marivelez sa bukana ng Manila Bay (matagal pa bago tinawag na Corregidor and pulo, at ang dulong timog ng Bataan ang tinawag na Mariveles) subalit hindi nila nakita ang mga Dutch. Ilang araw silang naghanap bago nakita ang isang espia (spy) na nagsabing 2 barko ng mga Dutch ay halos 30 kilometro sa hilaga (mali, ang Leon Rojo at Vlissingue ay mahigit 200 kilometro ang layo) at ang ibang barko ay nasa Playa Honda.

Tumakas ang mga duwag.
Jueves na, Abril 13, 1617 bago narating nina Ronquillo ang mga 8 barko ng mga Dutch na sali-salibat sa Playa Honda. Kasalukuyang ninanakawan ng mga Dutch ang 2 barko ng mga taga-China ng mahigit 300,000 pesos ng mga sutla (seda, silk) at iba pang kalakal na para sana sa Manila. Dahil mahina at salungat ang hangin, hindi nakalusob ang mga Espanyol, at hindi naman nagmadali ang mga Dutch, nagpatuloy sa pagnakaw at hindi iniwan ang mga Intsik hanggang ika-8 ng umaga kinabukasan, Viernes, Abril 14, 1617, nang nakalapit na ang mga Espanyol at magsimula ang bakbakan. Dahil walang almirante na namahala sa mga barko, nagkahiwalay ang mga Espanyol. Ang capitana ni Ronquillo, ang Salvador, ay nauna sa pagsalakay, kasunod ang San Miguel at ang San Juan Bautista, habang 15 kilometro sa likuran ang ibang mga barko. Nagsamantala si Siebert, pinahilera ang 7 barko ng mga Dutch at pinasalakay lahat sa Salvador. Sapantaha niya na kapag natalo nila ang Salvador, ang pinakamalaking barko, susuko na ang mga Espanyol at maaari na nilang sakupin ang Manila at pagdating ng iba pang barkong Dutch, ang buong Pilipinas.

Nagsamantala rin ang isang barko ng Dutch, tumakas sa halip na lumaban. Nabalitaan ng mga Espanyol pagkaraan ng ilang buwan na dinakip sa Maluku at binitay ang capitan ng barkong ito dahil duwag.

Samantala, ang 7 nalabing barko ng mga Dutch at sunud-sunod sumugod, pinangunahan ni Spielbert sa kanyang barko, ang Sol Nuevo Sol de Olanda (New Sun of Holland). Sinalubong sila isa-isa ng sangkatutak na kanyon ng Salvador, maraming barko ng mga Dutch ang nasiraan, marami ang napatay o nasugatan, at wala kahit isang nakalapit upang sampahin at palubugin ang Salvador, gaya ng balak ni Siebert. Nang nakalapit na ang San Juan Bautista at San Miguel upang tulungan ang capitana, umurong ang mga Dutch at wala ng bakbakan pang naganap nuong araw na iyon. La Naval

Nuong gabing iyon, tinipon ni Ronquillo ang mga barko ng mga Espanyol. Inulat ng mga Espanyol na 5 lamang sa kanila ang napatay, at 8 lamang ang nasugatan, subalit ugali nila na huwag isali ang mga napinsalang Pilipino kaya hindi nahayag na daig karamihan ng mga lumaban, at napatay, ay mga katutubo, ang tinawag nilang mga indio. Inutos ni Ronquillo na kanya-kanya silang susugod kinabukasan, - ang kanyang capitana laban sa capitana ni Siebert, at ang iba pang barko ay magtitig-isang sagupa at sampa sa mga barko ng Dutch. Ang mga galley ay tutulong sa anumang barko na mamataan nilang nahihirapan. Sa kabilang dako, ipinalipat ni Siebert ang mga sugatan at maysakit na Dutch sa pinakasirang barko nila at inutusang tumalilis ito pabalik sa Maluku kinabukasan, pagkasimula ng bakbakan nang abala ang mga Espanyol at walang makakapansin o makakahabol sa kanila sapagkat mabagal at eengkang-engkang na ang barko at madaling maaabot kung hahabulin. Inutos din niya na ang kanyang Nuevo Sol de Olanda lamang ang sasagupa sa Salvador, at ang ibang barko ang lalaban sa iba pang barko ng mga Espanyol.

Hagaran at harangan sa dagat.
Sumugod ang mga Espanyol kinabukasan, Sabado, Abril 15, 1617. Kinawit at itinali (grapple) ng Salvador ang barko ni Siebert at matapos ng 2 oras ng kanyunan at barilan, nagsimulang lumubog ang Nueva Sol de Olanda. Bumitaw ang capitana ni Ronquillo at, pagkaraan ng kalahating oras, lumubog ang barko ni Siebert. Nakatakas siya at bandang 40 tauhan niya sa 2 lancha (yachts) at nakalipat sa ibang barko. 2 Barko ng Dutch ang inupakan ng San Miguel, at nasilaban nito ang isa. Tumakas lahat ng mga Dutch, ang ilan ay sakay sa kanilang mga jacht (yacht, lancha). Ang iba, pati na ang mga Espanyol at Pilipino na sumalakay at sumampa sa barko, ay basta tumalon sa dagat at lumangoy - halos lahat sila ay nalunod. Ang nasusunog na barko ay tinangay patungo sa pinaglalabanan ng Nuestra Senora de Guadalupe at isang barko ng Dutch. Sa mga Espanyol, ang Nuestra ang unang nakakawit at nakatali (grapple) ng kalaban at, katulong ang galley ni Diego de Quinones, nagapi at napasuko nila ang mga Dutch nang banggain sila ng nasusunog na barko. Agad bumitaw ang Nuestra at nakaligtas. Nakalayo rin ang galley ni Quinones subalit nasindihan ang barko ng Dutch at nasunog o nasugatan ang marami sa mga Dutch, mga Espanyol at mga Pilipino duon. Ang mga tumalon sa dagat ay nalunod dahil malayo na ang Nuestra at ang galley ni Quinones. Ang nasusunog na 2 barko ng Dutch ay tinangay ng agos at hangin papunta sa San Juan Bautista.

Sumuko na ang almiranta ng Dutch na sinalakay ng San Juan Bautista dahil napatay na halos lahat ng tauhan subalit natigil ang pagbihag sa admiral at iba pang Dutch ng pagsalpok ng nasusunog na 2 barko. Napilitang putulin ng mga Espanyol ang mga tali ng kawit upang makalayo sa sunog. Sinamantala ng admiral ang pagkalas ng San Juan Bautista upang tumakas sa kanilang sira-sira nang almiranta. Nakakawit at nakatali din ang San Lorenzo, ng isang barko ng mga Dutch subalit lumaban nang magiting at matagal ang mga ito ay napakawalan nila ang kanilang barko at nakatakas. Tinamaan ng baril at napatay si Sebastian de Madrid, ang capitan ng San Felipe, habang duwag pala ang capitan ng San Marcos, si Juan dela Vega, tumalilis palayo sa bakbakan. Nang madaanan nila ang San Felipe, naduwag na rin ang mga tauhan ng napatay na capitan at tumalilis na rin, kasunod ng San Marcos.

Inalipusta, dinakip ang mga duwag.
Nang humupa ang labanan, inutos ni Ronquillo na habuli ang tumatakas na 3 galleon ng mga Dutch subalit hindi nagtagal, lumihis at bumalik sa Cavite ang capitana at 3 pang barko ng mga Espanyol dahil sa maraming sira mula sa bakbakan, at pinapasok na ng tubig. Kaya ang San Juan Bautista at ang 2 duwag na San Marcos at San Felipe na lamang ang humabol sa mga Dutch na lubusan nakatakas nuong gabing iyon. (Hindi nagtagal, 2 sa 3 tumakas na barko ay lumubog kaya 6 sa 10 barko ng Dutch ang nawasak sa bakbakan.) Nagsimula ring pasukin ng tubig ang San Juan Bautista kaya bumalik na ito. Kinabukasan, Abril 16, 1617, nagkahiwalay ang 2 duwag na barkong Espanyol at kapwa bumalik.

Walang nakaalam na palapit pala ang Leon Rojo at ang Vlissingue, ang 2 barko ng Dutch mula sa Ilocos, hila-hila ang nabihag nilang 2 champan mula sa China. Hindi rin alam ng 2 barkong Dutch ang naganap na bakbakan kaya nang makasalubong nila ang duwag na San Marcos, agad sumalakay ang isang barko ng Dutch habang naiwang bantay sa mga Itsik ang kasama. Nawasak ang mga layag ng San Marcos sa 3 oras ng kanyunan sa tabi ng Mariveles. Kinabukasan, Abril 17, 1617, sumali sa bakbakan ang pang-2 barkong Dutch at lalong nasiraan ang San Marcos. Ipinasiya ni Dela Vega, ang capitan, na wasakin ang sariling barko at isinadsad niya sa pampang ang San Marcos. Upang hindi makuha ng mga Dutch ang mga kanyon, inutos ni Dela Vega na sunugin ang barko. Tapos, takbuhan sina Dela Vega at ang mga tauhan, dala-dala ang mga ari-arian, at nagtago sa sukal sa looban.

Inalipusta sila at nilibak ng mga Dutch pagkalapit at nakita ang pagkaduwag ng mga Espanyol. Nadampot nila ang isang binatilyong Dutch na bihag sa San Marcos at nakatakas sa takbuhan. Ito ang naghayag sa mga Dutch tungkol sa nakaraang bakbakan at sa maraming barkong Espanyol sa paligid. Mabilis na tumalilis ang 2 barkong Dutch at, upang hindi matambangan, nagtuloy sa himpilan (trading post) ng Dutch sa Japan. Pagdating ng mga tauhan ng San Marcos sa Manila, dinakip si Dela Vega at ang 2 capitan niya, sina Pedro de Ermura at Salvador de Onate, dahil sa pagkaduwag.

1618 - 1645: Lumawak Ang Labanan

PATI ang mga sakop ng Espanya at iba pang taga-Europa sa iba’t ibang pulo sa paligid ay kinalaban ng mga Dutch upang masarili nila ang kalakal ng mga spice, perlas at iba pang yaman ng Asia. Sinubukan nilang agawin ang Macao mula sa mga Portuguese nuong 1622. Nang mabigo, nagtayo sila ng kuta (fortress) sa pulo ng Makung sa kapuluan ng Pescadores. Nuong 1623, pinuksa nila ang mga taga-Britain na nagtayo ng pamahayan (colony) sa Amboina, isa sa mga pulo ng Maluku. Sa sumunod na taon, 1624, sinalakay at itinaboy ng mga Intsik ang mga Dutch mula sa kanilang kuta sa Makung at napilitan silang lumipat at itatag ang kanilang mga kuta (fortresses) sa timog (south) ngFormosa (Taiwan ngayon). Ang pinakamalaki, ang Zeelandia, ay itinayo sa isang maliit na pulo ng Tay-ouan, malapit sa kinatatayuan ngayon ng lungsod ng Tainan.

Upang hindi masarili ng mga Dutch ang kalakal mula China, nagtatag din ng ilang kuta ang mga Espanyol sa hilaga (north) ng Formosa mula nuong 1626. Ang una ay ang La Sanctissima Trinidad (Holy Trinity), tinawag ding San Salvador, sa Chi-lung (Keelung ang tawag ngayon). Ang pinakamalaki ay ang Fuerza Santo Domingo sa Tamsui, binantayan ng 200 Espanyol at 400 Pilipino, karamihan ay mga sundalong Kapampangan. Mistulang nahati ang Formosa mula nuon, pinagtibay ng panay-panay na sagupaan ng 2 pangkat. Malacca

Naging mayaman ang kalakal ng mga Dutch sa Formosa, nadagdagan pa ng madalas na pagharang nila ng mga barko na magkakalakal sana sa Manila mula sa China, masaganang pandarambong sa banda ng Luzon na sinimulan ni Oliver van Noordt nuong 1600 at ginaya ng maraming Dutch taon-taon mula nuon. Pagkatapos ng 4 taon, mula 1620 hanggang 1620, ng walang puknat na pagbanat sa mga Espanyol, humupa nang kaunti ang pakikibaka mula nuong 1626 sapagkat lubhang magastos ang digmaan. Hanggang 1634 nang sinimulan uli ng VOC, ang dambuhalang corporation ng mga Dutch ang pagsalakay sa Espanyol at ang mga kakampi nito sa dulong silangan (Far East). Nuong 1635, napalayas ang mga Espanyol at mga Pilipino mula sa kanilang kuta sa Tamsui. Nuong 1641, tinalo rin sa wakas ng mga Dutch ang mga Portuguese at inagaw nila ang mayamang lungsod ng Malacca (sa Malaysia), ang simula ng lubusang pagsakop ng mga Dutch sa Malaysia at Indonesia, bagaman at patuloy ang kalakal ng mga Portuguese sa Gowa, sa pulo ng Celebes (Sulawesi ang tawag ngayon), at tatag pa rin ang mga kuta ng mga Espanyol sa Ternate at Tidor, mga pulo sa Maluku. Nuong 1642, sinalakay ng 1,000 Dutch sa 11 galleon ang huling kuta ng Espanyol sa Formosa, ang Fuerza Santo Domingo. Sumuko ang mga Espanyol at mga Pilipino, at lubusan nang napalayas mula Formosa ang mga Espanyol.

1646 - 1647: Ang Pinakamalaking Salakay

MALABO ang pinagmulan ni Martin Gerritz de Vries (Maerten Gerrits van Fries sa Dutch), nasabing isinilang sa kabayanan ng Harlingen, sa lalawigan ng Friesland, sa Netherlands, subalit walang makapagsabi kung kailan, at hindi alam kung sino ang kanyang mga magulang. Karaniwang tauhan siya sa barkong Het Wapen van Hoorn nang dumaong sa Maluku nuong Julio 22, 1622. Marami siyang ginanap na tungkulin hanggang nahirang na capitan ng barkong Tayouan na dumating sa Formosa (Taiwan ang tawag ngayon) nuong 1640. Inusisa ni Vries ang mga kapuluan at ang mga ulat niya tungkol sa Cathaija (Cathay, ang lumang tawag sa China) at sa Tartary (ang lumang tawag sa Manchuria sa silangang hilaga ng China) ang ginamit ng mga sumunod na lakbay ng mga Dutch sa mga puok na iyon. Nang mabigo si Mathys Hendrik van Quast (Matias Enrico de Cuast sa Espanyol) nuong 1639 sa paglakbay sa banda ng Japan, ibinigay ang 2 barko niya, ang De Engel at Graf, kay Vries at tagumpay ang lakbay niya nuong February hanggang Deciembre 1643, narating at ‘natuklas’ niya ang pulo ng Sakhalin sa tuktok ng Japan. Pagbalik niya sa Batavia (ang Jakarta ngayon), maraming karangalan ang iginawad kay Vries at tinanghal pa siyang isa sa mga hukom sa Java at iba pang sakop na pulo ng Dutch sa Indonesia.

Nuong 1645, bilang capitan ng 2 galleon, ang Zutphen at ang Schiedam, lumunsad siya upang makipagpatayan sa mga Espanyol sa Pilipinas, tumagal nang 3 taon at naging dahilan ng procesion ng La Naval de Manila na ginaganap taon-taon hanggang ngayon.

Harangan sa Bicol, Ilocos at Pangasinan.
Nuong 1640 at 1641, nagbantay sa lusutang San Bernardino (Embocadero, San Bernardino Strait) ang mga barko ng Dutch upang harangin at nakawin ang galleon galing sa Acapulco, Mexico, dala ang mga kalakal, yaman at pilak na tustos sa Manila sa susunod na isang taon. Nabigo ang mga balak ng Dutch dahil lumihis ang mga galleon at pumasok sa Pilipinas gamit ang ibang lusutan. Lihim sa mga Dutch, may paraang kinatha si Francisco Colin, frayleng Jesuit sa Bicol at Samar, upang balaan ang mga dumarating na mga galleon sa pamamagitan ng apoy ng malalaking siga sa tabi ng lusutang San Bernardino. Embarcadero

Inilipat ng mga Dutch ang kanilang panghaharang nuong 1643 at 1644 sa mga baybayin ng Ilocos at Pangasinan upang nakawan ang mga barko mula China na nagkakalakal sa Manila. Dumating sa Manila nuong Junio 1644 si Diego Fajardo mula sa Acapulco at nagsimulang governador nuong Agosto 1644. Kasama niyang dumating si Capitan Sebastian Lopez ng hukbong Espanyol, at ito ang inutusan niyang sumugod sa 3 galleon at 3 champan ng mga Dutch na tumanod sa tabi ng Ilocos at Pangasinan mula pa nuong Abril 1644. Wala kahit isang galleon ang mga Espanyol sa Cavite kaya mga champan at mga galley lamang ang gamit ng pangkat ni Lopez nang 2 ulit nilang inupakan ang mga champan ng mga Dutch. Sinunog nila ang isa, at winarak ang 2 pa, marami pang Dutch ang napatay kaya naitaboy nila ang pangkat dagat ng Dutch.

Nuong taon ding iyon, nagpulong ang mga pinuno ng Dutch sa kanilang lungsod ng Batavia (Jakarta ang tawag ngayon) sa pulo ng Java at nagpasiyang ipunin ang pinakamalaking armada nila sa dulong silangan (Far East) at salakayin at lubusing tapusin ang mga Espanyol sa Pilipinas. Ayon sa mga espia ng mga Espanyol sa Macassar (ang dating tawag sa Celebes, na Sulawesi ang pangalan ngayon), 18 galleon ang pinasugod ng mga Dutch sa 3 pangkat dagat (squadrons):

  • 7 galleon, ang mga pinakamalalaki, ang nagbantay sa Embocadero upang bihagin ang mga galleon mula sa Acapulco
  • 5 galleon na humarang sa mga barko mula China sa tabi ng Ilocos at Pangasinan
  • 6 galleon ang nagbantay sa tabi ng Terrenate (Ternate) at Macassar (Celebes), sa Maluku, upang hadlangan ang anumang tulong mula sa Manila para sa mga kuta ng Espanyol duon.

Pagkaraan ng tag-ulan, ang lahat ng 18 galleon ay magkikita-kita sa luok ng Manila (Manila Bay) upang lusubin at sakupin ang Manila at Cavite. Kung natupad itong huling balak, paniwala ang mga Espanyol na naagaw ng mga Dutch ang Pilipinas nuong taon na iyon, 1645.

Ang Encarnacion at ang Rosario.
Isang general, si Lorenzo de Orella y Ugalde, ang nagdala mula sa Acapulco ng 2 galleon, ang Encarnacion na may 34 kanyon, at ang Rosario, may 30 kanyon naman, at kapwa nang nagdi-descarga sa Cavite nang dumating ang balita ng mga espia mula sa Macassar nuong Febrero 1, 1645. Dalawa laban sa pito! ang pasiya ni Fajardo sa pulong ng mga pinunong Espanyol sa Manila at inutusan niya si Orella na salakayin ang mga Dutch sa San Bernardino, kasama ang hukbo ng 400 sundalo, marinero at iba pang mga tauhan, karamihan ay mga Pilipino. Hinirang na admiral sa almirante, ang pang-2 barko Rosario, si Sebastian Lopez, ang pinuno ng labanan ng mga champan Kasama rin ang 4 frayleng Dominican, 2 sa bawat barko, at nagpanata ang buong pangkat sa patnubay ng Virgen del Rosario upang maatim ang tagumpay.

Pagkaraan ng isang buwan, lumaot ang Encarnacion at ang Rosario nuong Marso 3, 1646 at sinimulan ang pagbantay sa Mariveles subalit halos 2 linggo bago nasipat ng Rosario nuong umaga ng Marso 15, 1646 ang isang barko ng Dutch na madaling tumakas. Pagkaraan ng tanghali, 4 barkong Dutch ang dumating at sinimulan ang kanyunan ng 2 pangkat nuong ika-3 ng hapon at tumagal ng 5 oras. Nuong gabing iyon, tumakas ang mga barko ng Dutch at kinabukasan, dumaong ang Encarnacion at ang Rosario sa Bolinao, sa dulong hilaga ng Pangasinan, at ipinagdiwang sa Manila ang balita ng tagumpay ng mga Espanyol.

Mula sa Bolinao, pinapunta ang 2 barko sa lusutang San Bernardino (Embocadero, San Bernardino Strait) upang salubungin ang San Luis, galleon galing sa Acapulco, Mexico, at nagbantay ang 2 barko simula nuong Junio 1, 1646, sa kalapit na pulo ng Ticao, pinamamahayan nuon ng mga Yvalon (mga taga-Bicol ang tawag ngayon). Dumating ang ulat mula sa Zamboanga na mahigit 10 barko ng mga Dutch ang tumapat sa mga kuta (forts) ng mga Espanyol sa Jolo, iyong mga kuta rin na sinalakay ng 3 barko ng Dutch nuong nakaraang taon (nasa kaliwa ang ulat). Nang makita nilang wala silang magagawa sa Jolo, nagtuloy daw ang 10 barko ng Dutch papuntang hilaga (north). Sa Bicol dumating ang 7 galleon at 16 lancha (jacht, yate) ng mga Dutch nuong Junio 22, 1646 at kinabukasan, pinaligiran nila at nakulong ang 2 barko ng Espanyol sa daungan (port) ng Ticao. Pinalapag ni Orella sina Agustin de Zepeda at Gaspar Cardoso, kasama ang 150 sundalo at mandirigmang Pilipino, upang magkuta sa mataas na gulod (hill) sa tabi ng daungan na maaaring gamitin ng mga Dutch upang kanyunin ang 2 barko ng Espanyol nang walang ganti. Ika-10 ng gabi ring iyon, Junio 23, 1646, lumusob sa gulod ang mga Dutch, sakay sa 4 lancha subalit pinagbabaril sila at napaurong ng mga sundalo nina Zepeda at Cardoso. Isang buwan paulit-ulit na tinangka ngunit nabigo ang mga Dutch na sakupin ang gulod dahil duon lamang ang mabisang salakayin ang 2 barko ng Espanyol - paikot kasi ang daungan ng Ticao at isa-isang barko lamang ang maaaring pumasok, hindi sabay-sabay, upang kanyunin ang mga Espanyol.

Kanyunan sa tabi ng Marinduque.
Balak ni Antonio Camb, ang pinuno ng mga Dutch duon, na bihagin ang galleon mula sa Acapulco at hilahin pabalik sa Batavia (Jakarta ang tawag ngayon), ang himpilan ng mga Dutch sa pulo ng Java, subalit nagpasiya siya nuong Julio 24, 1646 na nakadaong na ang galleon sa ibang puok ng Pilipinas kaya pinalayag niya nuong gabing iyon ang kanyang armada papuntang Manila. Kaskas na humabol ang Encarnacion at ang Rosario at nuong Julio 29, 1646, inabutan nila ang mga Dutch sa pagitan ng Marinduque at ang pulo ng Banton. Ika-7 ng gabi nang sumalakay ang mga Dutch, at sa buong magdamag na kanyunan at barilan, nakawit at naitali ng isang barko ng Dutch ang Encarnacion, subalit naputol ng mga Espanyol ang mga lubid bago nakasampa ang mga kalaban. Isa pang barko ng lumapit ngunit pinupog ng kanyon ng Encarnacion at, nang lumayo ay nalapit sa Rosario na pinaputukan ito ng 10 kanyon sabay-sabay. Sumabog ang pulbura sa barko ng Dutch at lumubog ito, isang Dutch lamang ang naiwang buhay, pinulot sa dagat ng Encarnacion.

Umurong ang mga Dutch pagsikat ng araw nuong Julio 30, 1646 at maghapon naglinis at nagkumpuni ang 2 barko ng Espanyol bago muling tumugis sa mga kalaban. Nuong ika-2 ng hapon kinabukasan, inabutan nila sa pagitan ng Mindoro at maliit na pulo ng Maestre de Campo ang 6 barko ng mga Dutch, at summalakay ang Encarnacion at ang Rosario. Buong hapon naganap ang ika-3 kanyunan at barilan, habang nakapaligid ang mga Dutch sa mga Espanyol. Isang barko ng Dutch ang napalubog ng Encarnacion, at ang barko ni Antonio Camb, ang pinuno ng mga Dutch, ay nagkabutas-butas sa dami ng tama ng kanyon, nagsimulang pasukin ng tubig at napilitang tumakas, kasunod ang 4 barko ng Dutch nuong paglubog ng araw. Pinabalik ni Governador Fajardo sa Cavite ang 2 barko upang makumpuni nuong katapusan ng Agosto, 1646. Pagkadaong, sumunod lahat ng tauhan ng Encarnacion at Rosario kay General Orello at nagdasal sa simbahan ng Santo Domingo upang pasalamat sa Virgen del Rosario.

Salakay ng pang-3 armada ng Dutch.
Hindi nagtagal, lumaot ang galleon San Diego nang nag-iisa papunta sa Acapulco. Akala ng general ng galleon, si Christoval Marquez de Valenzuela, na nalinis na ang mga mandarambong na Dutch sa paligid ng Pilipinas subalit kalalabas pa lamang sa luok ng Manila (Manila Bay), sa tabi ng maliit na pulo ng Fortun, nang salakayin ang galleon ng 3 barko ng pang-3 armada ng mga Dutch, nag-aabang duon dahil hindi alam na napalayas na pala ng mga Espanyol ang 2 armada na hinihintay nila. Hindi handang lumaban ang San Diego, nagkalat ang kalakal at gamit, kahalo ang mga kanyon na hindi nila akalain na kailangan nilang gamitin ganitong kalapit sa Manila. Agad ipinatutok ni Valenzuela ang 5 kanyon at pinagkakanyon ang lumulusob na mga Dutch habang lumiko sila pabalik sa luok Manila. Napatay ang ilang tauhan niya sa habulan ng kanyon bago nakabalik sina Valenzuela sa Cavite.

Nang malaman ni Governador Fajardo ang pagpasok ng pang-3 armada ng Dutch sa luok Manila, inutusan niya si Manuel Estacio Venegas na madaliin ang pagkumpuni sa 2 galleon, ang Encarnacion at Rosario. Natapos ang pagkumpuni sa loob ng isang linggo at ang 2 galleon, kasama ng San Diego, ay lumaot mula sa Cavite nuong Septiembre 15, 1646. Pinuno ng pangkat dagat si Sebastian Lopez, ang pang-2 ni General Orella sa paglaban sa naunang 2 armada ng mga Dutch. Si Agustin Zepeda, ang nagtanggol sa gulod sa pulo ng Ticao, ang hinirang na admiral, ang pang-2 ni Lopez. Si Francisco Roxo ang hinirang na sargento-mayor. Ang mga sundalong Espanyol at Pilipino sa Encarnacion ay pinamunuan ng 2 capitan, sina Salvador Perez at Felipe Camino. Sa Rosario, ang almirante, ang pinuno ng mga sundalo ay 2 capitan din, sina Juan de Mora at Francisco Lopez Ynoso. Marinduque

Kasama sa pangkat ang isang malaking galley na may mga kanyon din at 100 sundalong Espanyol at Kapampangan, pinamunuan ni Admiral Francisco de Esteyvar, veterano ng digmaan sa Ternate laban sa Dutch. May mga sundalo rin sa 4 brigantines (barkong pandagat, hawig ngunit mas maliit kaysa sa patache) may tig-isang kanyon sa harapan, na pinamunuan ng 4 capitan, sina Juan de Valderrama, Juan Martinez Capelo, Gabriel Mino de Guzman at Francisco de Bargas Machuca. Limang frayle ang kasama sa pangkat, 2 Dominican sa Encarnacion, ang capitana (flagship), 2 Franciscan sa almirante, ang Rosario, at isang Augustinian sa galley. Tulad ng unang mga labanan, nagpanata ang mga Espanyol sa patnubay ng Virgen del Rosario.

Lumikas ang pangkat dagat nuong Septiembre 15, 1646 at pagtapat sa pulo ng Fortun, namataan nila ang 3 barko ng Dutch sa banda ng bundok Calavite, sa dulong kanlurang hilaga (northwest) ng Mindoro. Mabilis na tumalilis ang mga Dutch at nagsimula ang matagal na kanyunan nang malayuan ng 2 naghahabulang pangkat mula ng ika-4 ng hapon ng araw na iyon. Alas-9 na ng gabi nang abutan ng Rosario ang pangkat ng Dutch at, nag-iisa, kinalaban nito ang 3 barko hanggang ika-1 ng umaga kinabukasan nang sumilong ang mga Dutch sa mga batuhan (shoals) sa dalampasigan ng Calavite.

Kulelat papunta sa Mexico.
Ipinasiya ni Lopez na ipagpatuloy ang paghatid sa San Diego papuntang Acapulco dahil kulelat na sa panahon ng paglayag patawid sa dagat Pacific upang makarating sa Mexico, kaya pagsikat ng araw nuong Septiembre 16, 1646, iniwan nila ang mga Dutch sa Calavite sa halip na makipagsalpukan, at tumuloy ang mga Espanyol sa lusutan ng San Bernardino, sa dulong timog ng Bicol. Malas naman, bagong gawa at hindi pa sanay maglayag ang San Diego kaya mabagal at paengkang-engkang ang pangkat at inabutan sila ng pagbaliktad ng ihip ng hangin at hindi na maaaring makatawid sa dagat hanggang sa susunod na taon. Nagbalik sina ang Lopez sa Mariveles upang hintayin ang pasiya ni Governador Fajardo at upang bantayan ang bukana ng luok ng Manila sa pagbalik ng mga Dutch, na bumalik nga nuong Octobre 4, 1646. Nakita ng mga ito na hiwa-hiwalay ang mga barko ng Espanyol - ang San Diego ay nakadaong sa Mariveles, ang Encarnacion ay naka-ankla sa bukana ng luok ng Manila at ang Rosario ay nakatigil sa malayo dahil sa lakas ng agos ng dagat. Lumusob ang 3 barko ng Dutch.

Hindi gumalaw ang Encarnacion dahil alam ni Lopez na dadalhin siya ng agos ng dagat palayo sa San Diego at mabibihag ito ng mga Dutch. Kaya hinintay niyang makalapit ang 3 barkong kaaway bago hinugot ang ankla (anchor), iniladlad ang mga layag at nakipagkanyunan sa mga Dutch habang silang lahat ay dinadala ng dagat palayo sa San Diego. 4 Oras na ang bakbakan bago humupa ang hangin at nakalapit ang galley ni Esteyvar at kinanyon at pinagbabaril ang isang pinakamalaking barko ng mga Dutch. Sa dami ng putok, nagtalunan sa dagat ang ilang mga Dutch bago bumaling at tumakas ang 3 barko ng Dutch. Humabol sina Lopez buong magdamag subalit nakasibat ang mga kalaban. Pagkaraan ng ilang buwan, nabalitaan ng mga Espanyol na sira-sira ang 3 barko nang dumaong sa kanilang himpilan sa Maluku. Samantala, 14 lamang ang napatay at ilan lamang ang nasugatan sa hukbo ng mga Espanyol at mga Pilipino. Nag-fiesta at nag-procesion sila sa Manila at, bilang pagtupad ng kanilang panata at pasalamat sa kanilang tagumpay, ipinagdiwang nila ang Virgen del Rosario taon-taon mula nuon sa kapistahang tinawag na La Naval de Manila.

1647: Nagpatuloy ang salakay ng Dutch.
Nakadaong at kinukumpuni ang mga barko sa Cavite nuong Deciembre 1646 nang lumitaw ang 3 pang barko ng mga Dutch sa baybayin (coast) ng Luzon upang magdambong ng mga barko galing sa China upang magkalakal sa Manila. Naharang nila ang isang malaking champan ng mga Intsik at, sa halip na nakawan at palayain gaya ng dati, ipinasiya nilang dalhin nang buo pabalik sa kanilang himpilan sa Batavia, ang tinatawag ngayong Jakarta, sa pulo ng Java. Inilipat nila sa champan ang 20 sundalong Dutch at pinaalis ang lahat ng Intsik, maliban sa 50 na katulong sa paglayag. Subalit hindi na sila nakalalayo sa dalampasigan, sinabakan ng 50 Intsik ang 20 sundalo, pinatay lahat, tapos naglayag patakas sa 3 barko ng mga Dutch. Nang dumaong sa Manila ang champan, palakpakan at sigawan ang mga tao!

Wala nang lumitaw pang Dutch mula nuon hanggang Mayo 1647 nang pumuslit ang 3 barko sa Visaya. Nuong Junio 9, 1647, isang champan ng mga Espanyol na papunta sa Oton, sa pulo ng Panay, ang hinabol ng 3 barko malapit sa pulo ng Lubang, sa hilaga ng Mindoro. Mas matulin ang champan ngunit inabutan ng mga lancha ng Dutch, at nakipagbakbakan pa ang mga tauhang Espanyol at mga Pilipino bago sila nakatakas.

Nuong araw ding iyon, 11 barko ng mga Dutch ang namataang papasok sa luok ng Manila. Sa buong Pilipinas nuon, isang galleon, ang San Diego, at 2 galley lamang ang handa na makipaghamok, kaya hindi pumeka ang mga ito at nanatili na lamang sa Cavite upang makatulong sa labanan ang mga kanyon sa kuta (fort) duon. Nagpakalat ng babala si Governador Fajardo sa lahat ng puok, lalo na sa Leyte, kung saan tinatapos ang bagong galleon na Nuestra Senora de Guia, na nagbabantay ang mga kalaban sa luok ng Manila. Kasabay nito, 200 sundalong Kapampangan sa Manila ang pinasugod sa Cavite. Si Christoval de Azcueta Menchaca ang hinirang na pinuno ng mga sundalo, si Lope de Colindres ang capitan ng galleon na San Andres, si General Pedro de Almonte Verastegui ang hinirang na pinuno ng buong armada ng Espanyol, si Andres Azcueta ang admiral at kanyang pang-2, at si Pedro de Figueroa ang sargento-major ng armada.

Kinabukasan ng umaga, Junio 10, 1647, naiwan ang 2 barko ng mga Dutch sa Mariveles upang bantayan ang bukana ng luok Manila, at 9 barko ang tumapat sa Cavite bandang ika-10 ng umaga. Sugod sa kuta at mga barko ang mga Espanyol at mga Kapampangan. Sa mga dalampasigan mula sa San Roque hanggang sa Estanzuela, nagbantay ang mga taga-Cavite, katulong ang mga Intsik at mga Hapon (Maraming taga-Japan nuon sa Luzon at Samar.) Hinahalibas ang mga tambol sa capitana (flagship), nagparada ang mga barko ng Dutch sa harap ng kuta hanggang nainis ang mga Espanyol at kinanyon minsan ang capitana. Lumayo ito at nagpaputok din ng isang kanyon, at isang maliit na barko ng Dutch ang lumapit sa dalampasigan at sinukat ang lalim ng dagat sa daungan (port) at sinipat ang galleon at 2 galley na nakadaong duon. Tapos, tumuloy ang pangkat ng mga Dutch sa dalampasigan ng Pampanga (ngayon ay lalawigan ng Bataan) ang hindi bumalik hanggang paglubog ng araw kinabukasan. Bandang alas-9 ng gabi, umangkla ang 10 barko ng mga Dutch mahigit 4 kilometro mula sa Punta del Sangley (Sangley Point, ang dating tinawag na Kawit o Cavit sa pangdinig ng Espanyol). Lubang

Tinangkang sakupin ang Cavite.
Paglubog ng buwan nuong hatinggabi, nagtangkang pumuslit sa dalampasigan ang mga sundalong Dutch, sakay sa 3 lancha subalit itinaboy ng mga tanod na Espanyol at Pilipino. Ika-8 ng umaga kinabukasan, Miercoles, Junio 12, 1647, dumating ang 2 pang galleon ng Dutch mula sa Mariveles at lumusob ang buong armada, 12 galleon at isang champan, upang durugin ang kuta ng Cavite. Unang nagpaputok ng kanyon ang kuta ng Cavite, sa utos ni Pedro de Figueroa. Naghati ang armada ng Dutch. Ang pinakamalaking 6 galleon ang tumigil sa tapat ng kuta at nakipagkanyunan sa kuta at sa mga barko ng Espanyol sa daungan. Nagpaligid-ligid ang 6 pang barko ng mga Dutch, nakipagkanyunan din sa iba pang puok sa kabayanan ng Cavite. Mula nuong bago mananghali hanggang ika-7 ng gabi, 8 oras na nagbakbakan ang mga kanyon. Ayon sa bilang ng Espanyol, kulang-kulang 2,000 ulit pinaputukan ang mga Dutch na sumagot naman ng mahigit 3,000 putok ng kanilang mga kanyon.

Mahigit 120 kanyon ang tumama sa capitana ng Dutch at nagsimula itong pasukin ng tubig. Halos 30 Dutch ang napatay duon. Ang champan ng mga Dutch ay pumeka sa mga barko ng Espanyol upang sunugin ang mga ito, subalit tinamaan ito ng kanyon at nagliyab. Ang capitana ng Espanyol, ang San Diego, ay tinamaan ng mahigit 200 kanyon subalit hindi nabutas ang barko, at 2 tauhan lamang ang napatay - isang Espanyol at isang Pilipino. Ang galley ni Andres Azcueta ay mahigit na 30 ulit tinamaan, isang Espanyol at 7 Pilipino ang namatay duon. Sa bawat iba pang galley ng mga Espanyol, 2 o 3 ang mga napatay. Ang bubong ng simbahan at halos lahat ng bahay sa Cavite ay nawasak. Maraming tama ang simbahan, ang isa ay tumagos sa pintuan, humaging sa ulo ng isang bata at sumabog sa isang poste sa loob. Sa kabutihang palad, walang napatay o nasaktan, sa simbahan o sa kabayanan.

Sinakop ang Corregidor.
Nuong hatinggabi, umurong ang armada ng mga Dutch. May balita na nasugatan ang pinuno ng armada, at namatay pagkaraan ng ilang araw. Pagsikat ng araw kinabukasan, Jueves, Junio 13, 1647, kumanyon uli ang mga Espanyol ngunit lumayo na ang armada at humimpil sa Mariveles. Panay ang balik-balikan ng mga lancha mula sa capitana at iba pang barko ng mga Dutch, pahiwatig na malaki ang sira ng capitana. Isa pa sa kanilang mga barko ang nasiraan nang malaki at habang kinukumpuni nila ang mga barko, lumapag sa pulo ng Mariveles (ang tinatawag ngayong Corregidor) ang mga Dutch. Matagal nang walang tao sa pulo. Sinunog ng mga Dutch ang bantayan ng mga Espanyol sa tuktok ng bundok at sinakop ang bahay ng corregidor (assistant town councilor) at ng mga Pilipino duon.

Kinabukasan ng umaga, Viernes, Junio 14, 1647, nagpunta ang 3 barko ng Dutch sa katabing Rio de Canas (sugarcane river o ilog na maraming matamis na tubu, hindi na kilala ngayon) upang maghanap ng pagkain sa mga Intsik (Sangleys) na may asinan duon. Nang marinig sa Cavite ang balita, sumugod sa Pampanga (Bataan ang tawag ngayon) ang 100 sundalong Espanyol at Kapampangan, pinamunuan ni Capitan Marcos de Zapala, at 70 cavalleros (cavalry), pinangunahan ni Capitan Christoval Velazquez y Lorenzana. Subalit hindi nila inabutan ang mga Dutch dahil kaskas na nagtakbuhan ang mga ito sa kanilang 7 lancha at 2 malaking bangka pabalik sa kanilang mga barko. Naiwan sa dalampasigan ang isa sa 2 vaca na kinatay nila.

Humimpil sa Mariveles ang mga Dutch hanggang ika-4 ng hapon ng Miercoles, Junio 19, 1647, nang nagtipon ang mga barko at, paglitaw ng buwan nuong ika-7 ng gabi, lahat ng barko ay naglayag palabas sa luok ng Manila. Naghati ang armada duon, 6 barko ang nagtuloy sa timog (south), sa banda ng Mindoro. Ang 6 pang barko ay bumalik at umangkla (anchored) sa tabi ng Mariveles. Pagkaraan ng 2 araw, sinalakay nila ang mga baranggay sa Bataan. (Kahiwalay na ulat sa kaliwa ang sagupaan ng mga Kapampangan at mga Dutch sa Abucay at Samal.)

Nagkasundong tapusin ang digmaan.
Nuong taon na iyon, 1647, nagsimulang magkasundo ng payapa ang Espanya at Holland, sa Europa. Winaksi ng mga Espanyol ang pagharang nila (embargo) sa mga barko ng Dutch at sa sumunod na taon, 1648, kinilala na ng Espanya ang pagiging malaya (independence) ng Holland. Dahil sa tagal ng dating ng balita, nagsalpukan pa ang mga Espanyol at mga Dutch, lalo na sa Maluku, hanggang 1649 nang umalis na panghabang-panahon sa Ternate ang mga Espanyol. Hinakot nila sa Pilipinas ang mga taga-Maluku na kakampi nila at ibinahay sa isang baranggay sa lalawigan ng Cavite na tinawag din nilang Ternate.

Balik sa nakaraan            Ulitin mula sa itaas            Listahan ng mga kabanata
Tahanan ng mga kasaysayan