Kampilan

SIKAT at kaiba ang mga Lutao sa pag-alaga sa kanilang mga sandata. Mula sa pagka-bata, sukbit na nila ang kanilang mga patalim. Hindi sila umaalis ng bahay nang walang dalang panlaban. Matibay na karangalan ang gawing ito, at tinuring nilang malaking kahihiyan (shame) at sirang puri (insulto) ang mapilit na mag-alis ng mga sandata.

Dito, kahawig nila ang mga ugaling mandirigma ng mga conquistador ng España bagaman at dapat mahiya ang mga sundalo ng hukbong Español dito sa Pilipinas dahil naging pabaya sila sa gawi ng pagsa-sandata. Hindi sila nahihiya, madalas nakikita ng mga indio na lumalakad nang walang sandata, espada (katumbas ng kampilan) o kahit na puñal (katulad ng balarao). Kahit na ang mga sundalong nagdadala ng sandata, maganda tignan subalit hindi rin inaalagaan kaya kung minsan, hindi magamit. Kung sino ang kailangang gumamit ng sandata, dapat sanang siya ang matutong mag-alaga nito.

  KASAYSAYAN  NG  MINDANAO,  JOLO  AT  MGA  KAPIT-PULO  NUONG  1667

Kris, Ang Sandata Ng Mga Lutao

Historia de las Islas de Mindanao, Jolo y sus Adjacentes
ni Francisco Combes, SJ

Si Socsocan ng Basilan ay isa sa pinaka-sikat sa mga pinuno ni Corralat. Nakaibigan niya ang mga Español na tinulungan niya bilang pinuno ng mga Lutao sa hukbong Español. Sinabing ang pangalan niya ay katumbas ng “ang sumasaksak sa kuta o pangkat ng mga kalaban”... Si capitan Gaspar de Morales ay nahirang na admiral ng hukbong dagat ng Español sa Jolo, matapos siyang sumikat sa digmaan sa La Sabanilla at sa Jolo, kung saan siya nasugatan nang malubha. Ginawa siyang commandante, tapos governador ng kuta sa Jolo. Sikat sa giting bilang sundalo, sira siya at sukdulang makasalanan bilang governador. Sa kanyang pangahas at libog, dinukot niya ang anak na babae ni Dato Salibansa. Naghimagsik ang mga tagapulo at ito ang simula ng 200 taon ng pagka-hiwalay ng Jolo mula sa ibang kapuluan ng Pilipinas ...     --Wenceslao E. Retana, 1897

Kris

Ang karaniwang sandata ng mga katutubo ay ang pilipit na patalim na tinawag nilang “kris.” Ang talim nito ay may mga palamuti at maganda. Ang hawakan (puño, hilt) ay karaniwang inukit na buto (marfil, ivory) subalit para sa mga mayaman at mga pinuno, ito ay gawa sa ginto, nilalagyan pa minsan ng mga alahas at mga mamahaling bato (piedra, gems). Lubhang hinahangaan ang mga ito. May nakita ako minsan, sukbit-sukbit ni Socsocan na panginuon (lord) ng Samboangan (ang Zamboanga ngayon) nuong salakayin at sakupin ng ating hukbong Español. Sinabing ang halaga ng kris na iyon ay katumbas ng 10 alipin (esclavos, slaves).

Ang kris ay sandata kapag walang digmaan. Sa bakbakan sa lupa, mas pinipili nila ang sibat (lanza, spear) at kalasag (escudo, shields). Bilog ang kalasag na gamit ng mga taga-baybay sa timog (sur, south) ng Mindanao, at sa Basilan at Jolo. Sa ibang puok, ang kalasag ay makitid at mahaba, panangga sa buong katawan. Ang sibat ay panlaban nila nang malayuan, kung minsan ay hinahagis upang sumaksak sa kalaban. Sa bakbakang malapitan, ginagamit din nila ang kris bilang panaksak o pantaga.

Inaalagaan nila ang kanilang sibat tulad ng pag-ingat nila sa kanilang kris. May mga sibat na may palamuti at inukit nang maganda. Mayruon pang nilapatan ng ginto (dorado, gilded). Ang puno ng sibat ay gawa sa tangi at makinis na kahoy, pina-ikutan paminsan-minsan ng mga sinsing na pilak (plata, silver) o lata (estaño, tin). Ang talim ng sibat na gamit dito ay gawa sa tanso (laton, brass), pinakikintab nilang parang ginto. Napaka-ganda ang palamuti at mga ukit (chased) ng ibang sibat,

kasing halaga ng isang alipin. Kinakabitan nila sa dulo ng mga kuliling (campanillas, small bells) na, kapag hinaharabas nila ang sibat, ay tumutunog kasaliw ng kanilang sigaw at tadyak sa harap ng kalaban. Ginagamit din ang tunog ng kuliling bilang babala (aviso, warning) sa mga nais tumakas, o panakot sa mga duwag lumaban. Sa mga digmaan ng mga taga-timog kapuluan, pati sa mga kuta nila sa taas ng bundok, ito ang mga pinaka-mapanganib nilang sandata, maliban sa isa.

Sa kanilang mga digmaan sa dagat at lupa, pati na sa mga kuta na tanggulan nila sa taas ng mga bundok, may isa pang mapanganib na sandata silang ginagamit. Hindi kapani-paniwala ang bisa ng tinatawag nilang “bagacay,” maliliit na tuhog na gawa sa kawayan. Pinatutulis nila ang mga ito at pinatitigas sa apoy. Hinahagis nila paglapit ng kalaban. Kung minsan, lima-lima kung ihagis nila sabay-sabay at napaka-galing nila, hindi sila nagmimintis.

Kahit na maliit na itong sandata, napaka-lakas ng paghagis nila, tumatagos ang bagacay sa tabla ng bangka at tumutusok sa nagsa-sagwan. Ito ang nasaksihan ni hermano Diego de Santiago nuong sakay siya sa bangka kasama ng mga sundalong Español. Hindi ako nakapaniwala nuong ibalita niya sa akin, sinubukan ko agad nang sarili ko. Pumutol ako ng kawayan at humugis ng isang bagacay. Tapos, pinakiusapan ko ang isang mandirigma na ihagis ito sa isang kalasag.

Sa Samboangan, nakita ko ang isang kalabaw na hinagisan ng bagacay ng isang binatilyo. Tumagos hanggang puso, patay agad ang hayop.

Kampilan

Baka pagtawanan ako sa Europe, walang pitagan duon sa napaka-abang sandata na, ayon sa patakaran ng giting duon, ay dapat libakin. Subalit tutuo na, sa malapitan, walang mas mabagsik na sandata kaysa sa bagacay. Tutuo rin na kailan man magka-lakas luob ang mga Moro na lumapit sa ating barko, nuong araw na iyon susuko at maaagaw ang barko.

Napaka-kapal silang ‘magka-ulan’ nitong mga bagacay, wala kahit isang sundalo na hindi napapatay o nasusugatan. Maraming sundalo

ang hindi na nakakakilos dahil sa dami ng nakatusok na bagacay. Tapos, ang lahat ng mga Moro, pati ang mga nagsa-sagwan, ay naghahagis sabay-sabay, isang bagacay sa bawat daliri ng kaliwa at kanang kamay. Nasisindak ang mga kalaban, ni hindi magamit ang kanilang mga sandata.

Sa ganitong paggamit din, pinapatulis nila ang mga bakawan (estacas, stakes), pinapatigas sa apoy, at hinahagis sa mga kaaway. Hindi rin sila nagmimintis sa pag-asinta, at mas malala ang sugat na dulot ng mga bakawan.

Hinahagis din nila ang kanilang mga sibat, at ubod ng lakas kaya tumatagos kahit na sa kalasag na balot ng bakal at tumutusok sa sundalo sa kabila ng panangga. Madalas nang nasaksihan at naranasan itong nangyari.

Sa isang sagupaan sa Jolo, hindi nailigtas si capitan Gaspar de Morales ng kanyang kalasag na may balot na bakal. Tumagos ang sibat pati sa kanyang bisig (brazo, arm) at tumusok sa kanyang dibdib, na ikinamatay niya.

Nakaraang kabanata          Balik sa itaas          Lista ng mga kabanata          Tahanan ng mga Kasaysayan ng Pilipinas          Susunod na kabanata