HISTORY OF  MINDANAO,  JOLO  AND  SURROUNDING  ISLANDS,  IN  1667

Kasaysayan Ng Mindanao, Jolo At Mga Kapit-pulo, Nuong 1667

Historia de las Islas de Mindanao, Jolo y sus Adjacentes
ni Francisco Combes, SJ

HALOS 100 taon nang angkin ng Español ang Pilipinas nang isulat Francisco Combes ang unang historia ukol sa mga taga-timog kapuluan. Bahagya pa lamang napasok ng mga Español ang bahaging iyon ng Pilipinas, at mahigit 100 taon pa ang lilipas bago unang narating ng Español ang silangang timog (southeast), ang banda ng Davao ngayon, at nasakop bilang bahagi ng Pilipinas. Aninaw sa sinulat ni Combes ang masipag na agawan sa Mindanao ng iba’t ibang pangkat na hangad maghari duon nuon:

  1. Ang mga taga-Jolo at mga taga-Basilan, sa tulong ng mga taga-Brunei
  2. Ang mga Maguindanao sa libis (valley) ng tinatawag ngayong Cotabato na, sa dami at lakas, ay nagbigay ng pangalan sa buong pulo
  3. Ang mga taga-Buayan, sinusulsulan ng mga taga-Sangil (tinawag ding Sanggir sa Indonesia, Sangihe ang tawag ngayon) at mga taga-Ternate, makapangyarihang pulo sa Maluku (Moluccas, spice islands) na umangkin sa Mindanao bilang bahagi ng kalakihang Maluku (Moluccas grandes, greater Moluccas) hanggang sila mismo ay tinalo at sinakop ng mga Portuguese, pagkatapos, ng mga Español at, nuong bandang huli, ng mga Dutch ng Netherlands
  4. At kasama-sama ni Combes, ang mga Español ng Manila, gamit ang mga mandirigma ng Dapitan (bahagi ngayon ng Zamboanga del Norte), Cebu at Panay.

Nakilala ni Combes ang mga tagapulong timog (southern islanders) nang 12 taon siyang nag-misionario sa Mindanao at mga karatig pulo. Inilarawan niya ang mga Lutao, ang pangunahing magdaragat at mandirigma duon nuon. Kakampi ng mga Maguindanao at mga taga-Jolo, napailalim nila ang iba pang tao sa paligid, karamihan ay ang mga Subano. Inilarawan ni Combes kung paano nila tinatalo ang mga kalaban sa dagat, kung saan karaniwan ang digmaan dahil mabundok at balot ng gubat ang lupa at luoban. Ang mga Lutao, ulat ni Combes, ang ginamit ni Kudarat upang maghari sa kanlurang Mindanao.

Isang Frayleng Jesuit

Pablo Pastells Isinilang si Juan Francisco Combes sa Zaragoza, España, nuong Octobre 5, 1620, ilang buwan lamang bago unang narating ng mga Español ang Pilipinas. Pumasok siya sa convento ng mga Jesuit sa Tarragona nuong 1632 upang mag-frayle. Pagkatapos mag-aral nang 6 taon, nagkusa siya, nang 18 taon gulang lamang, na mag-mision sa Pilipinas at ipinadala sa Nueva España (Mexico ang tawag ngayon) upang maghintay ng pagkakataong mai-barko. Halos 5 taon bago siya naisama sa 46 pang frayleng Jesuit na dinala ni Diego de Bobadilla mula sa Acapulco nuong 1643.

Sinalanta ng sakit ang barko, 115 ang namatay, kabilang ang 5 frayleng Jesuit. Pagdating sa Manila, ipinagpatuloy ni Combes ang pag-aaral niya hanggang itanghal siyang pari nuong 1645. Sa Zamboanga unang pinag-mision ang 25 taon gulang na bagong frayle at nagsilbi siya duon at sa iba’t ibang bahagi ng timog-Pilipinas sa sumunod na 12 taon, nang inipon niya ang mga natutuhan niya tungkol sa mga tao at mga puok ng Mindanao. Madalas siyang naging sugo ng mga Español sa mga pinuno ng mga moro (tawag ng Español sa mga Muslim), lalo na kay Corralat (Kudarat ang tawag ngayon), ang hari nuon ng mga Maguindanao.

Pinabalik siya sa Manila nuong 1657 at nagsilbi duon nang 2 taon, bago siya pinag-mision uli, sa Leyte naman, nang 3 taon. Pinabalik uli siya sa Manila nuong 1662, nang kasalukuyang sinasara ng mga Español ang kanilang mga kuta (fuerzas, forts) sa Mindanao at Jolo. Kasama si Combes sa mga humiling sa mga pinunong Español sa Manila na huwag isara ang mga kuta subalit walang nakinig sa kanila. Gaya ng babala nila, nagbalikan sa pagka-Moro ang mga nabinyagan sa Mindanao at, wala nang kalaban, lumakas ang mga kaharian ng Muslim.

Pagkaraan ng 3 taon, kung kailan malamang tinapos ni Combes ang kanyang Historia, ipinadala siya ng mga Jesuit bilang sugo sa kaharian ng España sa Madrid at sa palacio ng Papa (pope) sa Roma subalit kasama siya sa mga namatay sa barko sa gitna ng dagat, nuong Deciembre 29, 1665. Ang kanyang Historia na lamang ang nakarating sa Madrid kung saan ito inilathala nuong 1667.

Madaling nalimot at matagal natago ang Historia, lumitaw lamang pagkaraan ng 200 taon, nang pabagsak na ang kahariang Español sa Manila nuong panahon ng Katipunan. Ipinalimbag uli ang Historia nuong 1897 ng 2 Español, sina Wenceslao Emilio Retana, kilalang manalaysay (historian), at sa Pablo Pastells, frayleng Jesuit na pastor sa Surigao 1876 hanggang 1887, at kaibigan ni Jose Rizal 1875 hanggang 1893. Itong panibagong sipi, may dagdag na kuro at paliwanag nina Retana at Pastells, ang isinalin sa English nina Emma Helen Blair at James A. Robinson sa tulong ni Pastells nuong simula ng panahon ng Amerkano. Isinali ito nina Blair at Robinson sa kanilang The Philippine Islands, 1493-1898 na ginamit sa saysay na ito.

Mindanao 1683 Pinuri ni Combes ang ‘marangal na bansa ng mga Dapitan’ na bago lamang natatag sa Mindanao matapos lumikas mula Bohol. Dalisay ang puri ng mga babaing Dapitan, sabi ni Combes, at silang lahat ay tapat na kakampi at walang tigil na nagsilbi sa mga Español, pati na sa pagsakop ng iba’t ibang bahagi ng Luzon, Mindanao at Maluku (Moluccas, spice islands). Ang kanilang kasaysayan at kung bakit sila lumipat sa banda ng tinatawag ngayong Zamboanga del Norte ay sinalaysay ni Combes.
(Pagkaraan ng mahigit 200 taon, nuong 1896, siniwalat ni Jose Rizal ang katibayan ng ulat ni Combes tungkol sa paglikas ni Lagu Bayan, ang tinawag ni Combes na Pag Buaya. Matutunghayan sa website ding ito, sa Legazpi: Magalang, Maraming Kanyon.)

Tinunton niya kung saan nagmula ang mga tao sa Mindanao, kasama ng paglarawan niya ng anyo at kilos ng iba’t ibang pangkat. Siya ang unang naghayag na ang mga taga-Jolo at mga taga-Basilan ay dating mga taga-Butuan. Isinalaysay niya kung bakit at paano sila nalipat mula sa tabi ng ilog Agusan, at kung bakit sila nagsimula at nawili sa pagdarambong (piracy) at pagbihag sa mga tao na ipinagbili nila bilang mga alipin (slaves).

Inilarawan din ang mga ugali ng pagsamba (religious practices), paniniwala (beliefs) at mga pamahiin (superstitions) ng mga taga-Mindanao, karamihan daw ay mga pagano at hindi sumusunod sa mga tatag na sambahan (organized religions) maliban sa mga taga-Basilan, Jolo at kanlurang timog Mindanao, na sanib sa Mahomedanismo (Islam ang tawag ngayon). Kakatwa ang alamat na inulat ni Combes kung paano nagsimula ang Mahomedanismo sa Jolo at Mindanao. Maliban sa ‘pakitang tao,’ sabi ni Combes, walang alam nuon tungkol sa religion ni Mahomed ang mga Moro na bahagya lamang naiba sa gawi at paniniwala ng mga pagano sa paligid.

Panalig daw sila, tulad ng mga pagano, sa mga pamahiin at mga pahiwatig (omens). Paminsan-minsan, nag-aalay (sacrificio, worship) pa sila sa mga kaluluwa (espiritu) at mga ninunong lumipas na (ancestor worship), ayon sa mga lumang ugali na dapat sana ay napalitan na ng Mahomedanismo. At tulad sa sinusunod pang mga ugali ng mga pagano (nuong 1667), malaki ang tiwala ng mga Moro sa kulam (sorcery) at hiwaga (magic). Bihasa dito ang mga pinuno ng mga pinunong Moro, at pinaka-magaling si Kudarat kaya siya nabantog at naging hari. Isinalaysay ni Combes ang ilang ‘himala’ na ginawa ni Kudarat.

Inisa-isa ni Combes ang araw-araw na buhay ng mga taga-Mindanao at Jolo, ang kanilang pagkain, damit, tahanan at mga kasangkapan. Sinuri rin niya ang pagtaguyod sa katarungan ng mga pinuno, ang paglilitis at mga parusa na iginagawad. Nanlumo siya sa lawak ng pag-aalipin (slavery), at sa paglaho ng kawang-gawa (charity) at awa (mercy, kindness) sa lipunan na nadaig ng pagka-sakim (greed) at pag-imbot (envy) sa yaman ng ibang tao. Nawala raw ang mga karaniwang malayang tao (freemen).

Ginamit daw ng mga maharlika at makapangyarihan ang pagsinungaling sa hukuman (perjury) upang manaig at lalong yumaman. At pagbitay sa mga nagkasala na hindi maaaring daanin sa suhol, multa o pananakot. Malupit, walang hiya at mapagsamantala ang mga pinuno ng Moro, sabi ni Combes, tinuturing na alipin pati na ang mga pinuno ng mga baranggay na sakop nila.

Ang mga Subano naman daw ay mga walang muwang at lagi nang nakikipag-patayan sa mga kapwa nila, pati na ang mga ibang Subano. Ang mga babae nila, sa kabilang dako, ay malinis at dalisay kaya sila ang pinag-aalaga ng mga anak na babae ng mga Lutao.

Binanggit din ni Combes ang isang uri ng mga lalaki na nagdamit at kumilos parang babae. Ang isa ay bininyagan pa niyang catholico.

Inilarawan ni Combes and 2 pinaka-malaking pagdiriwang ng mga taga-Mindanao at Jolo, ang paglibing sa patay, at ang kasal ng mga anak. Sa huli, sinuri niya ang mga bangka at mga sandata ng mga tagaruon.

Hindi pa rin kilala si Combes kahit na marami at mahalaga ang nilahad niya sa kasaysayan ng Pilipinas na alam at inaamin na ngayon:

Dalagang Subano

Kasangkot Sa Labu-labo

Ayon sa ulat ni Antonio Pigafetta, kasama ni Ferdinand Magellan dumating nuong 1521, kasangkot ang mga taga-Java sa labu-labo, kakampi ng mga taga-Paragua (Palawan ngayon), at ilang pulo sa Visaya. Masugid raw silang pinupuksa nang walang awa ng mga taga-Borneo nuon, pamuno ang mga taga-Manila, kabig at kamag-anak ng mga hari sa Brunei.

Inaangkin ngayon ng ilang ulat na ang governador ng Manila na nakaharap nina Pigafetta ay si Raya Ladia (si Rajah Matanda sa mga lumang aklat) subalit mahirap paniwalaan dahil sa haba ng panahon, 50 taon, na nagdaan bago inagaw nina Miguel Lopez de Legazpi ang Manila nuong 1570-1571 mula kina Ladia at Soliman, kabig at maaaring anak-anakan (descendants) ng mga taga-Brunei na sumakop sa mga Tagalog sa Manila at paligid nuong bandang 1490. Hindi binanggit ni Combes at ng ibang cronicas ng Español ang mga maka-Java, talastas na nagtagumpay ang mga taga-Borneo at napuksa nila ang mga kakampi ng dating kaharian ng Sri Vishaya.

  • Siya ang unang tumunton ng pinagmulan ng mga Pilipino mula sa mga ma-tao at siksikang kapuluan ng Java, Maluku, Borneo at Sulawesi.
    (Hindi mawari kung bakit at paano, subalit sumikat sa America, at itinuro sa mga paaralan sa Pilipinas, na ang mga unang tao sa Pilipinas ay nagmula sa China. Napagtibay ang ulat ni Combes ng mga natuklasan ng mga nag-agham (cientificos, archaelogists), pati na ni Eusebio Dizon ng National Museum, na mula timog ang danak ng mga tao na nakarating sa Taiwan at timog China nuong bago pa natatag ang mga kaharian ng Intsik.)
  • Kanya ang sapantaha na Negrito ang nauna sa kapuluan, itinaboy mula sa dalampasigan at mga ilog ng pangkat-pangkat na sunud-sunod na dumayo at nagtaboy sa mga dinatnan.
  • Si Combes ang pumuna na mas bihasa (civilisado) ang mas bagong dating sa mga baybayin (seacoast settlements), at mas malayo sa luoban at bundok, mas ligaw (barbaro, wild) ang mga tao.
  • Binanggit din ni Combes na bahagya lamang nagsisimula ang pagka-tatag ng lipunan ng mga taga-Mindanao, panay pa ang lipat ng mga taga-timog sa iba’t ibang puok dahil sa walang puknat at kalat-kalat na dambungan at bakbakan, at sa hikahos (pobreza, poverty) na dala nito.
    (Salungat ito sa angkin ngayon na panguna at pinaka-matagal sa kabihasnan (civilizacion) ang mga Muslim nuong unang pasok ng Español, kung ihahambing sa ibang cronicas nina Miguel de Loarca, Pedro Chirino, Juan de Plasencia at iba pa, tungkol sa mga mas mahinahon at mas masaganang puok sa Luzon at Visaya.)
Hindi nabantog si Combes marahil dahil mahirap siyang unawain. Talagang paliguy-ligoy at maraming palamuti ang wikang Español subalit lubhang labis ang sulat ni Combes. Pilipit tuloy pati ang salin sa English nina Blair at Robinson. Halimbawa lamang ang isang pangungusap (sentence):

No other origin to these people can be conjectured than one general to these islands - whose language since its structure is found on Malayan roots, shows by its origin, the origin of its natives.

na kung itutugma sa Tagalog ay:

“Walang ibang pinagmulan ng mga tao dito ang maaaring isapantaha maliban sa pang-karaniwan sa mga kapuluan - kung saan ang mga wika, dahil batay sa Malay ang balangkas, ay nagpahiwatig ng kanilang pinagmulan, at ng pinagmulan ng mga katutubo.”

Ang ibig sabihin ni Combes ay: Ang iba-ibang wika sa kapuluan ay hawig sa iba-ibang wika sa mga pulo ng Indonesia, kaya dapat maniwala na galing duon ang mga tao sa Mindanao.

Sinikap itinuwid at linawin ang ulat ni Combes sa salin na lathala sa mga susunod na kabanata.

Balik sa itaas          Lista ng mga kabanata          E-mail ng tanong at kuru-kuro          Tahanan ng mga Kasaysayan ng Pilipinas          Susunod na kabanata