Pangasinan

Sa Pangasinan, 1762-1765

Naghimagsik Si ‘Palaris’

ANG tunay niyang pangalan ay Pantaleon Perez, isinilang sa barrio Culiling sa Binalatongan (San Carlos city ang tawag ngayon) nuong 1733, pang-3 anak nina Catalina Ugnay at Tomas Perez, ang cabeza de barangay. Dalawa niyang kapatid na nauna, kapwa lalaki, ay namatay nuong bata pa. Ang sumunod na kapatid niya, si Simeona, ang tanging babaing anak, ay may pagka-tomboy at naging tanyag sa pagpatay ng baboy-damo (verraco, wild boar) nang nag-iisa. Ang huli niyang kapatid ay si Domingo na tinawag ding ‘Magalog’ at ‘Kulit’ dahil malikot at mausisa.

Si Pantaleon man ay nabigyan ng palayaw, ‘Palipar,’ dahil matulin siyang tumakbo, ang mga paa ay parang pang-ukit na humuhukay sa lupa sa bilis, at nakipaghabulan siya sa kabayo. Kinilala rin ang kanyang laki, tinawag siyang ‘gigante,’ at ang kanyang lakas, nakipaghilaan sa kalabaw. Dahil anak ng cabeza, tinuruan siya bumasa at sumulat sa Espanyol ng frayleng Dominican (teritorio ng mga Dominican ang Pangasinan nuon). Minsan, nakita niyang ginugulpi ng isang frayle ang isang batang lalaki, pinagsasampal at pinagsisipa, dahil hindi humalik ang bata sa kamay ng frayle. Sa tanang buhay niya, hindi nalimutan ni Pantaleon ang kalupitaang ito ng Espanyol.

Nang mamatay ang mga magulang, tumuloy silang magkakapatid sa kanilang lolo at pagsapit ng kanyang ika-22 taon, napilitan si Pantaleon na maghanap-buhay. Kahit bahagya lamang siya nakapag-aral, nakarating siya sa Manila at naging kutsero ni Francisco Enriquez de Villacorta, isang don sa Audiencia. Natuto siyang magbihis, kumilos at magsalita ala-Manileno kaya pagbalik niya sa Binalatongan, kinilala siyang sikat at marunong, isa sa mga pinuno duon. Bilang parangal sa sarili, binago niya ang kanyang palayaw na ‘Palipar’ at sinimulan siyang tawaging ‘Palaris.’

Nuong Noviembre 3, 1762, kasama ang kapatid, si Domingo, naghimagsik si Palaris laban sa mga Espanyol.

Pang-2 aklasan sa Binalatongan
Nuong 1660, isang taga-Binalatongan ang nag-aklas din, si Andres Malong, upang paalisin ang mga Espanyol at itanghal ang sarili bilang ‘Hari ng Pangasinan’. Ngayon, pagkaraan ng 100 taon, sinamantala ng mga taga-Pangasinan ang pagkatalo ng mga Espanyol nuong Sinakop Ng British Ang Manila nuong Octobre 6, 1762. Walang isang buwan ang nakaraan, hinarap nila si Andres Melendez, ang pinuno (vicar) ng mga frayleng Dominican, sa Lingayen upang piliting tuparin ang kanilang mga hinihingi:

  • Ibalik ang buwis na naibayad na nila para sa taon ng 1762 sapagkat wala na ang mga Espanyol sa Manila at kung singilin sila ng buwis ng British kapag nagkalakal sila duon, magiging doble ang bayad nilang buwis
  • Huwag nang pagbayarin ng buwis ang sinumang ipadala sa Mindanao upang labanan ang mga taga-Jolo
  • Ang 4 taga-Pangasinan na pinilit na magbantay sa mga nakakulong (prisioneros) sa piitan ay hindi na dapat mag-polo (pa-trabajo nang walang bayad para sa mga Espanyol)
  • Alisin si Joaquin Gamboa bilang alcalde mayor (governador ang tawag ngayon) ng lalawigan
  • Tanggalin ang pinuno ng paaralan ng mga batang lalaki (boys schoolmaster) dahil mapag-uto siya
  • Gawing permanente si Andres Lopez, isang taga-Pangasinan, bilang maestro de campo (master-of-camp, pinunong katutubo sa lalawigan), at sa mga taga-Binalatongan lamang ibigay itong tungkulin sa mga susunod na araw
  • Paalisin ang mga pinuno ng mga paaralan at mga simbahan, pati na ng mga convento, na pulos mga Espanyol, kung hindi nila igawad itong mga hinihingi
  • Pinaalis din nila ang 2 cabeza de barangay na humadlang sa kanila, hiniya pa sila, nuong unang iharap nila ang kanilang mga demanda

Mula sa Manila, sinulsulan ng mga British ang aklasan ng mga taga-Pangasinan, na pinamunuan ni Palaris sa pangalang ‘Juan dela Cruz.’ Kabig niya ang kapatid, si Domingo sa pangalang ‘Magalog,’ si Juan dela Vera sa pangalang ‘Ungkatin’ at ang 2 magkapatid na Hidalgo.

Mula naman sa Bacolor, Pampanga, nagtatarang si Simon de Anda nang marinig ang aklasan nina Palaris. Dapat daw manatiling masunurin ang mga taga-Pangasinan, maglingkod nang walang bayad at magbayad ng buwis sa Espanyol. Marami pa siyang pinagsasabi subalit dahil nagtatago pa siya mula sa hukbong British sa Manila matapos hirangin ang sarili bilang governador ng Pilipinas, wala siyang nagawa kundi utusan ang kanyang alalay, si Juan Antonio de Panelo, na sugpuin ang aklasan subalit walang nagawa ito dahil wala siyang mga sundalo. Pati ang mga Espanyol sa Pangasinan ay nagtakbuhan sa takot at walang naiwang Espanyol duon maliban sa mga frayle.

Inatasan din ni Anda ang lahat ng frayle na labanan ang mga nag-aklas subalit wala ring nagawa ang mga ito dahil wala rin silang hukbo. Sa Lingayen, pumayag si vicar Melendez sa lahat ng hiningi nina Palaris at, upang sagipin ang sarili, nagbigay pa siya ng kasulatan (documento) na naglalahad ng pagsang-ayon niya. Napahiya si Anda subalit wala siyang nagawa kundi umangal kay Bernardo Ustariz, ang arsobispo sa Nueva Segovia sa Vigan, Ilocos.

Kaya tahimik na natapos sa tagumpay ang aklasan ni Palaris, pulos mga katutubo ang nanungkulan bilang mga pinuno ng lalawigan at nabuhay nang malaya ang mga taga-Pangasinan.

Umalis ang British, sumiklab uli ang himagsikan
Nuong Marso 1, 1763 sa France, nagkasundo ang Espanya at Britain (Treaty of Paris) na tapusin ang kanilang digmaan, at umalis ang hukbong British pagkaraan ng 18 buwan ng pagsakop sa Manila. Sa Bacolor, agad kumilos si Simon de Anda upang sugpuin ang aklasan ni Palaris. Nuong Noviembre 18, 1764, inutusan niya ang lahat ng Espanyol, ang mga frayle at mga pinuno sa Pangasinan na pigilin ang himagsikan. Pati na ang mga tao sa Binalatongan ay inutusan niyang sunugin ang kasulatang nilagdaan ni vicar Melendez upang ‘patunayan ang katapatan’ nila sa Espanya.

Ang mga frayle lamang ang naiwang mga Espanyol sa Pangasinan nuon, at masipag silang humikayat kina Palaris. Unti-unti, nagbalikan ang mga Espanyol at kinuha uli ang kanilang mga puwesto sa pamahalaan ng lalawigan. Inutos ni Anda na ibalik si Joaquin Gamboa bilang alcalde mayor (governador) ng Pangasinan subalit tumanggi ito at si Jose Acevedo ang nanungkulan. Inutos din ni Anda na pabalikin ang mga taga-Pangasinan na tumakas sa Pampanga.

Nuong una, tahimik na tinanggap ng mga taga-Pangasinan ang pagbalik ng mga Espanyol sa paniwalang pagbubutihin ang kanilang pamamahala subalit nagpataw agad sila ng mga bagong buwis. Nakita ng mga tao na ibabalik ng mga Espanyol ang dating mga kalupitan. Nakatikim na sila ng kalayaan kaya ayaw nang pumayag pailalim uli ang mga tao. Lalo na pagkatapos nilang makuha ang mga baril na naiwan ng hukbong Espanyol sa Lingayen. Wala man silang karanasan sa bakbakan, sinimulan uli nina Palaris ang kanilang himagsikan.

Nanawagan si Anda sa lahat ng frayle na lansagin ang himagsikan. Naghanda rin siya ng isang hukbo, sa pamumuno ni Fernando Arayat, at pinasugod sa Pangasinan. Sa Nueva Segovia, nagsikap si arsobispo Ustariz na pigilan ang labanan. Pagkaraan ng ilang araw, nagpadala siya kay Anda ng payo na patawarin ang lahat ng naghimagsik na sumuko. Pumayag si Anda subalit nagbabala na lalaspagin sila kapag nagkamali sila uli. Kung natuloy, napatawad din sana pati si Palaris at si Domingo, ang kapatid niya, ngunit hindi natigatig sina Palaris at hindi sumuko ang mga naghimagsik.

Sa Bayambang, ang unang sagupaan
Pinaghanda ni Palaris ang kanyang mga sandatahan sa nalalapit na bakbakan. Pakana niya na tambangan ang hukbong Espanyol mula sa Manila bago ito makapasok sa Pangasinan. Inutos niya sa mga tauhan na maghukay ng tanggulan sa pampang ng ilog Bayambang, ang unang balakid sa dulong timog ng Pangasinan kung saan nila mahaharang ang paglusob ng mga Espanyol.

Nanawagan pa uli si Anda, ang pansamantalang governador sa Manila subalit hindi pinansin ni Palaris. Hinayag niya ang simula ng himagsikan at tinawag ang lahat ng sandatahan sa lalawigan na harapin ang mga Espanyol sa Manambong, sa Bayambang.

Mahigit 2 araw nang naghihintay ang mga naghihimagsik nang dumating ang hukbong Espanyol, ipinahiwatig ng ilang putok ng baril. Mabilis na umakyat ng punong kahoy si General Antonio, isang pinuno ng

himagsikan, at natanaw niya ang mga papalapit na kalaban. Agad niyang hinipan ang kanyang tambuli (corneta, bugle) upang senyasan ang buong hukbo.

Takbuhan lahat ng mga naghihimagsik kay Palaris. Inutusan niyang kumalat silang lahat sa pampang ng ilog at harapin ang papalapit na mga Espanyol. Hindi nagtagal, dumating at humanay din sa kabilang pampanga ng ilog ang 33 Espanyol, kasama ang 400 mandirigmang Kapampangan sa pamumuno ng isang taga-Bacolor, si Francisco Arayat.

Nakita ng mga Espanyol na hindi sila makakatawid ng ilog sa harap ng mga naghihimagsik kaya naghintay sila nang matagal. Pagkaraan ng ilang oras, nagsugo ang Espanyol ng ilang sundalo upang hikayatin ang mga naghihimagsik na sumuko. Pumayag si Palaris na makipag-usap sa mga sugo na mapayapang tumawid ng ilog.

‘May kanyon kami!’ Ang watawat ng aklasan
Magalang na hinarap ni Palaris ang mga sugo ng Espanyol. Masugid siyang hinikayat ng mga ito at binalaan ng malaking pasakit kung hindi siya sumuko subalit mabilis ang sagot ni Palaris, ‘Kung may mga baril kayo, may kanyon naman kami!’

Bumalik sa kanilang panig ang mga Espanyol at simimulan nilang salakayin ang 500 mandirigma ni Palaris, mga taga-Pangasinan na sinalihan ng ilang taga-Pampanga at mga taga-Cagayan. Lumaban sila, gamit ang kanilang 34 baril, 3 maliit na kanyon (falconets), mga pana at mga sibat, mula sa hinukay nilang mga tanggulan (trenches) sa lupa.

Sabay sa putok ng mga kanyon, itinayo ng mga naghimagsik ang kanilang watawat bilang hamon sa mga Espanyol. Kulang-kulang 2 metro (2 varas) ang haba at lapad ng watawat na may borda sa bawat sulok ng lawin na 2 ang ulo. Sa gitna, nakapalamuti ang isang kalasag (escutcheon) na may takda (coat of arms) ng lipunan ng frayleng Dominican (Dominican Orders).

Sakay sa mga kabayo, tumawid ng ilog ang 20 sundalong Espanyol, pinangunahan ni teniente Pedro Hernani, ng isang sargento at isang cabo (corporal). Ang ibang mga Espanyol ay naiwan sa kabilang pampang, pinamunuan ni alferez (lieutenant) Jose Solozano. Si Hernani ang unang nakaahon sa ilog at agad siyang sinalubong ng sibat sa dibdib ni Domingo, kapatid ni Palaris at isang general sa hukbo ng aklasan. Bago bumagsak si Hernani mula sa kabayo, binaril niya sa ulo si Domingo. Magkasabay silang bumagsak sa lupa at namatay.

Pumalit si Pedro Tagle bilang pinuno ng mga Espanyol at sinigawan ang mga sundalo, pinalusob upang hindi masiraan ng loob. Naging mano a mano ang bakbakan. Isa pang sundalong Espanyol ang tinamaan ng palaso na may lason. Nagkikisay ito at sigaw nang sigaw bago namatay.

Dahil hindi sanay sa digmaan, kinabahan ang mga naghihimagsik at nagtagal ng labanan kahit na daig na mas marami sila. Naagaw pa ng mga Espanyol ang watawat ni Palaris. Bago sila madaig sa dami, mabilis na sinunggaban ni Tagle ang watawat at tumakas ang mga Espanyol pabalik sa kanila campo sa kabila ng ilog.

Talo sila sa dami at mahirap tawirin ang ilog kaya ipinasiya ng pinunong Espanyol, si Francisco Arayat, na ibalik ang hukbong Espanyol sa Manila, dala-dala ang watawat ni Palaris bilang tanda ng kanilang giting laban sa naghimagsik. Tiwala siya na, pagkatapos nitong bakbakan, malalansag ng mga frayleng Dominican at ni Manalastas, ang maestro de campo ng Pangasinan, ang hukbo ng aklasan at matatapos din ang himagsikan. Kaya tahimik na umatras ang buong hukbong Espanyol mula sa ilog Bayambang.

Hindi namalayan ng mga Espanyol sa kanilang paglisan, tiniktikan pala sila ni Palaris. Maingat siyang tumawid ng ilog at biglang sinalakay ng itak ang mga huling sundalo. Ilang sundalo ang nataga niya bago siya kumaripas at gubat at tumakas. Pinigil ni Arayat ang sundalong Espanyol na sundan si Palaris o hanapin ang mga nag-aklas. Inulit niyang mapa-payapa na ang Pangasinan, at nagpatuloy sila ng paglakbay pabalik sa Manila.

Sa barrio Pias, ang pang-2 sagupaan
Sa halip na malansag, nagtipon muli ang mga naghimagsik sa kanlurang pampang ng ilog Bayambang. Inayos nina Palaris ang mga hinukay nilang mga tanggulan at nag-ipon uli ng mga sandata at bala para sa inaasahan nilang pangalawang sagupaan. Tatag silang naghintay nang 2 buwan nuong simula ng 1764 bago dumating ang balita na isang malakas na fuerza ng hukbong Espanyol mula sa Ilocos ang dumating sa Mapatalan, San Fabian, sa pamumuno ni Manuel Arza, upang durugin ang hukbo ni Palaris.

Mabilis na hinati ni Palaris ang kanyang hukbo. Ang isang pangkat, sakay sa mga kabayo at pinamunuan ni Victor Valdez, ay pinasugod niya sa Mangaldan upang antabayanan ang papalapit na hukbong Espanyol. Ang kalakihan ng mga nag-aklas ay dinala ni Palaris sa barrio Pias sa Santa Barbara.

Nakarating sa Mangaldan ang pangkat ni Valdez subalit sa halip na manmanan ang mga daanan ng kalaban, nag-happy-happy sila. Walang inasikaso kundi alak, tawanan at kasiyahan hanggang, lasing na lasing,

nakatulog silang lahat hanggang ika-2 ng madaling araw nang magising sila sa dagundong ng mga kanyon ng hukbong Espanyol, nakalagpas na pala at pinasasabugan na ang pangkat ni Palaris sa barrio Pias. Mahina man ang pag-iisip, malakas naman ang luob kaya balikwas ang pangkat ni Valdez at sumampa sa kanilang mga kabayo upang kumaripas papuntang barrio Pias.

Nasalubong nila sa daan at sinugod ang isang pangkat ng sundalong Espanyol na agad tumakas kung saan-saan. Marami na ang patay, taga-Pangasinan at Espanyol, nang dumating ang pangkat ni Valdez sa barrio Pias. Matagal ang naging labanan at mas marami pa ang namatay at nasugatan. Walang sapat na lakas o tauhan at magkabilang panig upang manalo nang lubusan, kaya tabla ang bakbakan nang umurong ang hukbong Espanyol nuong katapusan.

Ilang daang bangkay ang naiwang nagkalat sa barrio Pias kinabukasan. Ipinatapon lahat ni Palaris, pati na ang mga nawasak na kanyon at mga sandata, sa bangin ng Santa Barbara. Ito ang wakas ng pang-2 sagupaan ng himagsikan sa Pangasinan nuong 1764.

Nilansi, pinugutan si General Antonio
Takot at nahihiya, humarap kay Palaris si Valdez at ang kanyang pangkat upang humingi ng tawad sa kanilang kapabayaan. Magkaibigan ang dalawa, ngunit walang imik at nanlilisik ang mga mata ni Palaris. Ang lahat ng naghihimagsik ay tahimik, hinintay na lumamig ang ulo ni Palaris.

‘Nasaan si General Antonio?’

Sa galit, ito lamang ang nabigkas ni Palaris. Sinabi sa kanya ng mga tauhan na nabihag ng mga Espanyol si General Antonio at kinaladkad nang nakagapos pabalik sa kanilang campo. Pinagmadali ni Palaris ang ilang tauhan niya upang sundan at iligtas si Antonio.

Subalit huli na, pinapahirapan na nuon si Antonio ng mga Espanyol upang ibunyag kung sino ang pinuno ng himagsikan at kung taga-saan ito. Ipinangako ng Espanyol kay Antonio na palalayain siya kung magsalita. Hirap na sa hapdi ng katawan, napilitang magsalita si Antonio, ibinunyag na Palaris ang pangalan ng kanilang pinuno, at sa Mangaldan siya nakatira. Sa halip na pakawalan, pinugutan ng ulo si Antonio at itinapon sa ilog ang kanyang bangkay.

Ikinalat ng mga Espanyol ang pangalan ni Palaris sa buong lalawigan, lalo na sa kabayanan ng Mangaldan, upang wala siyang mapagtaguan, at madakip ng sinumang pinuno ng pamahalaan. Ito ang kauna-unahang panahon narinig ng karamihan ng mga taga-Pangasinan ang pangalang Palaris subalit hindi nila tinulungan ang mga Espanyol.

Pang-3 sagupaan: Patay kung patay sa Dagupan
Bacnotan ang unang pangalan ng nayon. Pagtagal, ginawang Nandaragupan o ‘lumang pamilihan’ (former commercial center) ang tawag sa nayon, marahil upang maiba ang pangalan sa Bacnotan na nuon ay isang nayon, at ngayon ay isang kabayanang malapit sa San Fernando sa La Union. Sa tagal ng panahon, umigsi sa Dagupan ang tawag sa nayon.

Nuong 1764, duon lumusong ang malaking hukbo ng Espanyol, sakay ng mga barko mula sa Ilocos, upang lupigin ang himagsikan sa Pangasinan. Nasa barrio Pias pa rin ang hukbo ni Palaris nuon, nagpapalakas ng kanilang tanggulan at nag-iipon ng mga sandata at tauhan. Nang marining ni Palaris ang pagdaong ng mga Espanyol, pinasugod niya duon ang buong hukbo ng himagsikan.

Hindi nag-isang oras, kaskasan na ang mga naghihimagsik. Napakabilis ng kanilang pagsugod, muntik na nilang nabihag ang mga pinunong Espanyol sa Calasiao. Sa suerte nila, ang mga pinunong bayan (ayuntamiento, town council) ay nasa loob nuon ng malaki at matibay na municipio na naisara at nai-candado nila. Nagmamadali sina Palaris, wala silang panahong salakayin o wasakin ang gusali kaya nagpatuloy na lamang sila patungo sa Dagupan.

Sa Dagupan nagsalpukan ang mga Espanyol at sina Palaris. Walang tigil ang madugong pakikibaka maghapon at magdamag, hanggang tumagal ito ng isang linggo. Ni hindi makahakot sa paligid ang mga naghihimagsik nang maubusan sila ng pagkain. Unti-unti, nanghihina na sa gutom at pagod, napaurong ang hukbo ni Palaris hanggang sa Calasiao. Tumawid sila sa ilog at winasak ang tulay pagkatapos upang hindi sila masundan ng humahabol na hukbo ng Espanyol.

Bakbakan mano a mano sa ilog Calasiao
Sandali lamang napatigil ang hukbong Espanyol. Ang pinunong Espanyol mismo, si Manuel Arza, ang nanguna sa paglusong sa ilog. Panay ang pana at paputok ng baril ng mga naghimagsik na taga-Pangasinan, subalit sumugod patawid ang mga Espanyol at nakipag-upakan sa kabilang pampang.

Suntok, sipa, mano a mano ang labanan na unti-unting gumapi sa mga taga-Pangasinan. Nakaharap ni Arza, ang pinunong Espanyol, si Victor Valdez, ang pinuno ng mga naghimagsik na nag-happy-happy sa Mangaldan.

Animo mga hayop sa bangis, nagbabakbakan ang dalawa hanggang magkabuno silang sumadsad sa putik at nahulog sa ilog. Napatigil ang lahat ng naglalaban, Espanyol at taga-Pangasinan, at pinanuod sina Arza at Valdez. Nagsasakalan at nagsusuntukan, kapwa silang lumubog sa tubig.

Lahat ng naruon ay tahimik, naghintay kung sino ang mananalo at lilitaw uli. Bumakas ang pulang dugo sa tubig bago lumitaw ang ulo ni Valdez. Umahon siya sa tubig, dala-dala ang bangkay ng Espanyol, si Arza, nabali ang leeg. Sigawan sa tuwa ang mga naghihimagsik subalit biglang nauntol nang tadtarin ng bala ng mga Espanyol si Valdez at muling lumubog ito sa tubig.

Huling sagupaan sa Calasiao, Enero 1765
Sumugod si Palaris at nagsimula uli ang bakbakan. Pinagtataga ni Palaris ang mga sundalong Espanyol. Marami siyang napatay subalit unti-unting nagapi ang kanyang pangkat at napilitang umurong papuntang silangan hanggang nakarating sila sa barrio Ymbo, sa Binalatongan (San Carlos city ang tawag ngayon).

Gutom, pagod at maraming sugatan, sira na ang loob ng mga naghihimagsik. Pati si Palaris ay pagal na at tumakas na sa gubat. Karamihan ng kanyang hukbo ay napatay na, pati na ang mga huling pinuno ng kanyang aklasan, sina Carlos at Satur. Ang iilan-ilang nalalabing naghihimagsik ay sumunod na ring tumakbo sa gubat.

Samantala, walang tigil at walang habag ang salakay ng mga Espanyol, binaril at pinatay lahat ng masalubong sa Ymbo at sa Binalatongan. Mahigit 1,000 ang mga napatay duon, karamihan ay mga karaniwang mamamayan na hindi kasali sa himagsikan at nagtatago lamang sa mga gubat sa paligid nang barilin ng mga Espanyol. Dinakip din, pinahirapan at binitay ang marami sa kanila, kasama ang ilang naghimagsik.

Lihim sa lahat, tumalilis si Palaris sa barrio De Dios (barrio Porac ang tawag ngayon) sa Binalatongan pa rin. Tulad siya ng ligaw na hayop, palipat-lipat ng pinagtataguan hanggang nakarating siya sa barrio Magtaking, tapos nuong huli, sa barrio Pao. Nabuhay lamang siya sa pagkalinga ng mga kamag-anak, higit sa lahat ng kanyang kapatid na babae, si Simeona.

Si Simeona, ang taksil na kapatid
Malupit si Palaris sa kanyang kapatid na babae, si Simeona. Araw-araw, si Simeona ang nagdadala ng pagkain, tobacco at iba pang kailangan ng kapatid, subalit lagi pa rin siyang pinagagalitan at binubulyawan ni Palaris. Isang araw, nahuli ang dating ni Simeona.

Marahil dahil sa walang puknat na paghamok sa mga Espanyol, mainit ang ulo ni Palaris at nagsiklab siya nang dumating sa wakas si Simeona. Tulad ng asong ulol, walang awang ginulpi ni Palaris ang kapatid na babae, pinagsisipa pa pagbagsak sa lupa.

Hindi na nakatiis ang kaawa-awang babae sa walang tigil na pagmamalupit ng kapatid. Upang matapos ang kanyang hinagpis, nagsumbong siya sa Espanyol, at ibinunyag niya sa comandante, si

Pedro Bonardel, kung saan nagtatago si Palaris.

Tuwang-tuwa si Bonardel!

Kasama ang kanyang mga sundalo, hinatid sila ni Simeona sa lungga ni Palaris sa barrio Pao nuong Enero 16, 1765. Nang malapit na sila, pinagtago ni Simeona ang mga Espanyol sa mga sukal ng gubat, at nagpatuloy siyang nag-iisa upang ihatid ang pananghalian ni Palaris.

Walang kutob si Palaris na kumain ng kanyang pananghalian. Tahimik siyang binantayan ni Simeona at, nang magsimulang kumain ang kapatid, tahimik din siyang tumalilis at sinira ang mga nakatagong pana at palaso ni Palaris. Tapos, sinenyasan niya ang mga Espanyol na nagkukubli sa paligid. Sumugod sila Bonardel at pinatay nang walang kalaban-laban si Palaris.

Enero 1765: Kinatay ang bangkay ni ‘Palaris’
Kinaladkad ng mga sundalong Espanyol ang bangkay ni Palaris sa Binalatongan at ipinarada sa buong kabayanan, kasabay sa tugtog ng isang banda ng musico. Ayon kay Ramon Diaz, nagtalumpati ang mga pinunong Espanyol at ipinagyabang ang kanilang tagumpay. Tapos, pinatadtad nila ang bangkay ni Palaris upang takutin ang mga tao.

Pinugot ang ulo ni Palaris at isinabit sa dulo ng tulay ng Cava. Ang kaliwang bisig niya ay pinutol at isinabit naman sa tulay ng Caapangan (Imbornalla ang tawag ngayon) at ang kanang bisig ay sa tulay ng San Juan isinabit. Pinutol pati ang 2 paa ni Palaris, isinabit ang kaliwa sa tulay ng Manat, at ang kanang paa sa Malabago. Binutas ang dibdib ni Palaris at dinukot ang kanyang puso, at isinabit sa Taloy.

Malupit din ang naging kapalaran ng mga sumali sa himagsikan ni Palaris, pati na ang mga karaniwang tao na tumakas lamang upang umiwas sa bakbakan. Karamihan ay namundok, inabot ng gutom, sakit at sakuna. Sa Mamerlao, Ymbo, Taloy at Panoypoy, naghukay sa lupa ang mga tao at duon gumapang upang hindi tamaan ng baril o pana. Sa iba namang puok, nagkubli ang mga tao sa loob ng mga cueva sa tabi ng mga ilog. Ang iba ay sumingit sa loob ng malalaking punong kahoy, sa ilalim ng malalaking bato o sa madidilim na sukal sa gubat. Marami ang

namatay sa tuka ng ahas o kinain ng buaya sa mga ilog. Ang mga namatay sa sakit at gutom ay hindi nailibing dahil nagtatago ang mga tao mula sa bakbakan nuong aklasan, at nuong bandang huli, mula sa parusa ng mga Espanyol. Ang mga bangkay nila ay kinain ng mga baboy damo, mga asong ligaw, mga langgam at iba pang hanip.

Pagkaraan ng panahon, lumitaw ang balita na daan-daang mga sanggol at bata ang namatay, hinagis ng mga magulang sa ilog upang malunod dahil umiiyak daw at nabubunyag ang mga pinagtaguan ng mga magulang. Pinakamarami daw ang mga sanggol at bata na namatay nang ganito sa Catopactopacan. Nabalita rin na kumain ng mga dahon ng bayabas ang mga tao upang hindi mamatay sa gutom.

Lubusang napuksa ang kabayanan ng Binalatongan, nadurog at nasunog nuong aklasan ni Palaris. May kalayuan ito itinayo uli, at binago ang pangalan, San Carlos. Unti-unti, nagbalik ang payapa sa Pangasinan at 130 taon ang nagdaan bago muling naghimagsikan sa lalawigan laban sa Espanyol.

Si Simeona, ang kapatid na babae ni Palaris, ay nagpatuloy sa gawi niyang mangahoy ng baboy-damo nang nag-iisa sa gubat. Nuong bandang huli, napatay siya at kinain ng isang baboy-damo.

Ang pinagkunan:
The Philippine Islands, 1493-1898, by Emma Helen Blair & James A. Robertson, 1903, Bank of the Philippine Islands commemorative CD, 1998
Juan dela Cruz (Palaris), Pangasinan Freedom Fighter, Filipinos in History,www.geocities.com/sinupan/delacruzjuanpalaris.htm
The ‘Palaris’ Juan dela Cruz Revolt, (1762-1765), gov.pangasinan.com/towns/palaris.htm

Ulitin mula sa itaas             Tahanan: Mga Kasaysayan Ng Pilipinas             Balik sa Mga Aklasan Ng Charismatic Pinoy