Mga Frayle At Espanyol
Nag-away Sa Cebu

PAGKARAAN ng 2 taon sa Cebu, pinulong nuong 1600 ng 70 taon gulang na obispo, si Pedro de Agurto, isang frayleng Augustinian, ang mga frayle at pinunong Espanyol sa Bissaya (Visaya).

Napagpasiyahan sa pulong na isalin muli sa wikang Bissaya (Bisaya o Sugbuanon) ang mga pangaral ng catholico upang maging kahambing ng mga pangaral na naisalin sa Tagalog. Nagsugo rin ang mga frayle sa Audiencia sa Manila upang magpairal ito ng mga bagong tuntunin ukol sa mga indio na maraming asawa (polygamy).

Nagsumbong ang mga frayle na malupit ang mga encomendero sa mga indio. Nagparatang din ang mga encomendero laban sa mga frayle at napilitang pumagitna ang obispo upang maawat ang bakbakan. Sinita ng obispo ang mga encomendero.

Ipinahayag ng obispo na hindi tutuo ang kalat na balitang mahilig sumiping sa mga lalaki ang mga babaing Bisaya. Saksi raw siya mismo na dalisay at matimtiman ang mga babae duon, kahit na ihambing sa mga babae sa Nueva Espanya (Mexico).

PAGHANAP SA MGA UNANG PILIPINO: Chronicles

Relacion de las Islas Filipinas
ni Pedro Chirino, 1595-1602

Kasaysayan Ng Mga Pulo Ng Pilipinas
Isina-English nina Frederic W. Morrison ng Harvard University, at Emma Helen Blair

Sumigla ang pagsilbi ng mga Jesuit dahil 3 frayle nila ang marunong na ng wikang Bisaya. Pati ang mga sundalo na naka-destino duon (sa Fuerza San Pedro) ay napagsilbihan nila.

Minsan, dinalaw ng frayle ang isang indio na maysakit at malapit nang mamatay, hindi na makapagsalita. Nang himukin ng frayle na bigkasin ang ngalan ni Jesus, basag ang tinig at hindi naunawaan ang binigkas ng maysakit.

Ipinaulit ng frayle, at nasabi ng maysakit ang ‘Jesus.’ Mula nuon, nakapagsalita ang maysakit at nagkumpisal siya. Kinabukasan, gumaling ang sakit niya.

Kasama sa mga tungkulin ng mga Jesuit duon ang magsilbi sa mga Intsik na lumikas mula sa China at nanirahan sa kanilang purok (Chinatown), tinawag na Mandavi (Mandawe ang tawag ngayon), mahigit 2 kilometro mula sa Cebu. Nagtungo duon si Fray Miguel Gomez (paniwala ngayon na marunong siya ng wikang

Intsik).

‘Inusisa ko kung sinu-sino ang hindi pa nabibinyagan,’ sabi ni Gomez sa kanyang liham, ‘at 70 tao ang iniharap sa akin.’

May mga kasama pa raw ng mga tinawag ng mga Bisaya na Daotangatao (dako tanga tao, malalaking tanga o mga tao na walang silbi). Matigas ang ulo ng mga ito at tuwing pangangaralan, isinasagot na, ‘Wala akong silbi sa pagdasal o pagiging catholico.

Sinimulan ni Gomez na pangaralan sila tungkol sa pagsamba, at ang kahibangan ng kanilang mga diwata at mga anyito. Hindi nagtagal, nahuli ang kanilang kalooban at dumating ang araw, nagpabinyag ang 60 matatandang babae at lalaki - malaking tulong sapagkat sila ang iginagalang at kinikilalang pinuno ng mga Intsik. Lalo na at kasamang nagpabinyag ang 6 batang lalaki at si Andug, ang pinakamataas na pinuno sa Mandawe.

Ang pinagkunan:   Relacion de las Islas Filipinas, ni Pedro Chirino, SJ, inilathala sa Roma, 1604, at bahagi ng
The Philippine Islands, 1493-1898, nina Emma Helen Blair at James A. Robertson, inilathala sa Manila, 1903,
Bank of the Philippine Islands commemorative CD re-release, 1998

Nakaraang kabanata          Balik sa itaas          Lista ng mga kabanata          Tahanan ng mga Kasaysayan          Sunod na kabanata