Pagsugpo Sa Mga
MULA sa Manila, kumalat ang salot at ang mga panawagang bumalik sa pagsamba sa mga anyito sa mga karatig, kahit na sa mga baranggay ng San Juan del Monte at Antipolo. Araw at gabi lumaban ang mga frayle, pakyawan ang paggamit sa mga sacramento. Pinaganda pa ang libing ng mga namatay, procesion ng daan-daang tao na may hawak na mga candila, lalo na kapag ang namatay ay isang kasapi sa samahan ng mga matimtiman (confraternity) na nahawa sa pagbantay at pagbuhat sa mga bangkay ng mga nasalot. (Pinabantayan ang mga bangkay upang hindi maisali ng mga kamag-anak sa mga lumang pagsamba at panaghoy sa mga anyito.) Marami ang naging tapat sa pagiging catholico, gaya ng isang indio na ipinasunog pati ugat ng mga puno ng kawayan sa bukid niya dahil pinag-alayan daw dati sa mga diwata (espiritus, spirits). Ipinasunog ng ibang indio ang isang maliit na bahay na ukol daw sa pagsamba sa mga anyito. |
PAGHANAP SA MGA UNANG PILIPINO: Chronicles Relacion de las Islas Filipinas
Kasaysayan Ng Mga Pulo Ng Pilipinas
|
|
Dating pugad ng mga catalonan ang San Juan del Monte. Ngayon, laging puno ang simbahan at umangal ang mga tao na hindi sila makapagkumpisal dahil kulang sa frayle. Sa pag-usig sa mga gubat sa paligid, nadakip ang isang catalonan. Kinaladkad siya at ang mga ari-arian niya sa simbahan. Ipinasunog ng frayle ang lahat ng gamit ng catalonan at hinatulan siyang manirahan sa baranggay, sa tabi ng mga Jesuit, upang maman-manan at masaway. Isang babaing maharlika ang pumalit sa nabihag na catalonan. Nagsimula siyang mangaral (sermon, preach) gabi-gabi sa paligid ng baranggay at itinuro niya pati na ang mga sayaw at mga panaghoy sa mga diwata. Nang isumbong siya ng mga tao sa frayle, tinipon nito ang mga tao sa simbahan at nag- |
sermon laban sa bagong catalonan. Isang mabisang agimat na ginamit ng mga frayle ang Agnus Dei, mga natunaw na candela sa simbahan at nabasbasan (bendicion, blessed) ng Papa sa Roma. Inukit ang mga ito sa hugis ng tupa at ginagawang kuwintas sa leeg o sa bisig. Isang indio ang nabaliw at naglagi sa gubat-gubat hanggang natagpuan siya ng mga kamag-anak at iniharap sa frayle. Binabangungot daw siya, sabi ng indio, at kahit gising, pinapakitaan siya ng mga multo. Pinangaralan siya ng frayle subalit nagpatuloy ang pagkasira ng isip ng indio. Binigyan siya ng frayle ng isang Agnus Dei at nagbalik ang hinahon niya. Naging tahimik siya habang nakasabit ito sa kanyang dibdib. |
|
Ang pinagkunan: Relacion de las Islas Filipinas, ni
Pedro Chirino, SJ, inilathala sa Roma, 1604, at bahagi ng
Nakaraang kabanata Balik sa itaas Lista ng mga kabanata Tahanan ng mga Kasaysayan Sunod na kabanata |