Ang Pulo Ng Bohol

ANG BOHOL ay isa sa mga maliit na pulo sa Pilipinas subalit sa katunayan, malaki rin naman ito at marami ang mga tao, mas maputi kaysa sa karaniwan dito, at mas makisig at maganda kaysa sa ibang mga Bisaya. Ang mga taga-Bohol ay magiting at buo ang kalooban kaya nakalawak sila sa maraming pulo sa karatig. Tinatawag pa rin nila ang mga sarili duon na mga Bohol dahil ikinakarangal nila ang pangalang ito.

Maraming mga minahan (mines) ng ginto sa pulo na sagana sa pagkain, mga hayop sa gubat, isda sa ilog at dagat, palay, matamis na tubo (sugarcane), niyog at sari-saring uri ng gulay. Gaya ng mga taga-Cebu, hindi sila nag-aasawa ng marami (polygamy).

Agad din nilang itinigil ang pagsamba sa kanilang mga anyito at iba pang ugali nilang labag sa pagiging catholico. Isa rito ang gawi nila sa pagburol at luksa sa patay, na aking lilinawin sa hiwalay na kabanata.

Sabik na sabik ang mga taga-Bohol na magpabinyag, dinatnan ng mga frayleng Jesuit na nag-aaral na ang mga matanda mula sa kanilang mga anak at mga apo tungkol sa pagiging catholico.

Sa loob lamang ng 8 buwan, ang buong Baclayun (Balayon, sa timog ng Bohol) ay naging catholico, pati na ang mahigit 3,000 indio sa mga baranggay sa tabi ng malaking ilog ng Lobo (Loboc ang tawag ngayon). Nasakop din ng mga frayle ang mga baranggay sa 2 karatig na pulo.

PAGHANAP SA MGA UNANG PILIPINO: Chronicles

Relacion de las Islas Filipinas
ni Pedro Chirino, 1595-1602

Kasaysayan Ng Mga Pulo Ng Pilipinas
Isina-English nina Frederic W. Morrison ng Harvard University, at Emma Helen Blair

Isa sa mga nabinyagan ang butihing matanda, si Catunao (si Rajah Sikatuna sa mga lumang aklat na ayon kay Jose Rizal, ang tunay na pangalan ay Ka Tunas) at ang kanyang asawa.

Pinanggamot Sa Salot

NANG dapuan ang Bohol ng isang salot, may kasamang sakit sa tiyan at ulo, halos bara-baranggay ang mga namatay. Gipit na gipit, ginamit ng bagong binyagan na panggamot ang banal na tubig (holy water) mula sa simbahan, at gumaling sila. Wala kahit isa sa kanila ang namatay.

Isang babae na hindi pa binyagan ang malapit nang mamatay sa salot. Ipinatawag ng mga kamag-anak ang frayle at pinakiusapang binyagan. Tumanggi ang frayle, bukas na raw dahil kailangang matuto muna ang babae ng pagka-catholico. Buong gabing tinuruan ng frayle ang maysakit at bago umalis, tinanong kung naniniwala na gagaling siya sa bisa ng banal na tubig.

‘Oo,’ sagot ng babae, at pinainom siya ng frayle ng banal na tubig. Pagbalik ng frayle kinabukasan, magaling na ang babae.

Umabot marahil ng mahigit 100 taon ang gulang niya. Hindi na siya nakalakad nuong huling taon niya, nakaupo na lamang at pabulung-bulong ng, ‘Jesus Maria, Jesus Maria.’

Ang Banal Na Tubig

Isang batang babae ang nawalan ng malay. Halos patay na sa salot, nanaghoy na ang familia. Takbo sa simbahan ang tatay, humingi ng banal na tubig. Nakita ng frayle na hindi na makainom ang bata kaya ang mga kasama sa bahay ang tinanong niya kung naniniwala sila sa Dios at hindi sa mga anyito, at kung naniniwala silang gagaling ang bata sa bisa ng banal na tubig.

‘Oo!’ ang sagot ng lahat. At pinahiran ng frayle ng banal na tubig ang ulo at tiyan ng batang babae. Ilang oras pagkaalis ng frayle, dumating ang balita sa kanya na magaling na ang bata.

Naging gawi ng mga taga-Bohol mula nuon na gamitin ang banal na tubig bilang gamot sa kanilang mga sakit. Ilang ulit kong nasaksihan ang mga babaing indio, dala-dala ang kanilang sanggol sa simbahan at sumalok sa kamay ng banal na tubig upang ipainom sa sanggol.

Ang pinagkunan:   Relacion de las Islas Filipinas, ni Pedro Chirino, SJ, inilathala sa Roma, 1604, at bahagi ng
The Philippine Islands, 1493-1898, nina Emma Helen Blair at James A. Robertson, inilathala sa Manila, 1903,
Bank of the Philippine Islands commemorative CD re-release, 1998

Nakaraang kabanata          Balik sa itaas          Lista ng mga kabanata          Tahanan ng mga Kasaysayan          Sunod na kabanata