Mga Wika
Sa Pilipinas: WALANG ISA o pang-maramihang wika na gamit sa buong kapuluan ng Pilipinas. Marami ang iba’t iba ang kanilang mga salita subalit lahat ay magkakahawig kaya maaaring matutunan sa maigsing panahon. Kapag natutunan ang isa, madali nang matutunan ang iba pang wika. Hindi kanya-kanyang wika ang bawat pulo sapagkat may wika na gamit sa maraming pulo, at may pulo naman na maraming wika ang ginagamit. Halimbawa ang Manila at ang Panai (Panay) na mas maliit nang halos 2,000 kilometro. Sa pulo ng Manila (Luzon) lamang, 6 wika ang ginagamit. Sa Panay, 2 wika. Sa ibang pulo, isang wika lamang. (Blair & Robertson: Ilang wika sa Pilipinas ang pinag-aralan at isinaayos (systematized) ng mga unang dumating na frayle subalit wala kahit isang nalathala bago 1610. Baka ang pinakauna ay ang talaan ng mga kataga (vocabulary) sa Cebu, na binuo ni Martin de Rada na namatay nuong 1580. Sumulat din ang iba pang frayleng Augustinian tungkol sa mga wika, gaya ng Arte (grammar) ng wikang Tagal ni Agustin de Albuquerque na namatay nuong 1580 rin. Sumulat si Diego Ochoa ng Pampango Arte at talaan ng mga kataga. Namatay siya nuong 1585. Ang Artes ng mga Igorrote at mga Zambal ang sinulat ni Esteban Marin na namatay nuong 1601.) Pinakamarami at pinakamalawak ang gamit sa 2 wika, Tagal at Bisayan. Sa ilang puok ng mga Pintados, may isa pang wika, ang Harayan (sa Iloilo, Ilonggo ang tawag ngayon). Ang Tagal ay gamit sa kalakihan of baybayin (coast) at looban ng mga pulo ng Manila (Luzon), Mindoro, Luban (Lubang Island) at sa iba pa. Ang Bisata ay ginagamit sa lahat ng mga pulo ng mga Pintado bagaman at sa ibang bara-baranggay duon, ang Harayan ang ginagamit. Sa mga wikang ito, ang Tagal ang nakaaliw sa akin nang pinaka, at ang wikang hinangaan ko sa lahat. Gaya ng sinabi ko sa unang obispo (ng Manila, si Domingo Salazar) at tapos, sa ibang matataas na pinuno sa Pilipinas at sa Europa, may 4 katangian ang wikang ito na natagpuan sa 4 pinakamatikas na wika sa buong mondo - Hebrew, Greco, Latin at Espanyol. Gaya ng Hebrew, ang kalabuan nito ay nagpapangako na may ‘laman’ na hindi lantad agad. Katulad ng sa Greco ang mga pantukoy (articles) nito at ang pagkakaiba ng mga pang-ngalang pambalana (common nouns) at ng pang-ngalang pantangi (proper nouns). Nasa Tagal ang yabong at tikas ng wikang Latin, at ang yumi (refinement), kinis (polish) at galang (courtesy) ng Espanyol. Mga halimbawa ng mga katangiang ito ay nakapaloob sa ‘Ave Maria’ na, dahil maigsing dasal at mas madaling maunawaan kaysa sa iba, aking ipapaliwanag dito sa sariling nating wika (Espanyol, isinalin sa English) ang pagsalin, kataga-sa-kataga, sa wikang Tagal. |
PAGHANAP SA MGA UNANG PILIPINO: Chronicles Relacion de las Islas Filipinas
Kasaysayan Ng Mga Pulo Ng Pilipinas
|
|
Sa ganitong paraan, makikita ang mga kawikaan (idioms) at tanging pananalita ng Tagal na baka makaaliw sa bumabasa at makapagbibigay ng kaalaman na magagamit o pang-osyoso lamang. Ang ‘AVE MARIA’ sa Tagalog
Aba Guinoo Maria, matua ca na,
Napono ca nan gracia,
An Panguinoon Dios na saio.
Bucor can pinagpala sa babain lahat.
Pinagpala naman ang iong anac si Jesus.
Santa Maria, ina nang Dios,
Ipanalanguin mo cami macasalanan
ngayon at cum mamatai cami. Amen, Jesus.
Ang unang kataga nitong dasal, aba ay malabo subalit maniwaring katumbas ng diin ng saludo (salute), gaya ng ave (hail) sa Latin. Tinutukoy ng bucod ang kaibahan at pagka-tangi (uniqueness). Ang si ay pantukoy, tulad ng ton sa Greco. Ang rangya ng wikang ito ay nasa dami ng mga singkahulugan (synonyms) at mga kawikaan, kaya matikas man ang dasal na ito sa anyong ito, maaaring mabubuo pa rin sa ibang paraan, nang walang bawas sa tikas, halaga at kahulugan. Nakikita ang kinis at galang sa pag-iwas sa Aba Maria (Ave Maria) ng Latin na, sa wikang ito ay magaspang at mataras, nang hindi ginagamit ang panggalang na guinoo. Wala o kaunti ang mga panggalang sa 2 pang wika sa mga Bisaya na mas tuwiran at maragsa. Naisip ko, mabuti ang isali ang salin sa 2 wika ng dasal ding ito, upang ipamalas ang pagkakaiba at pagkakatulad nila. Pahiwatig ko lamang, hindi ko ipapaliwanag ang pagsasalin at hindi na kailangan sapagkat alam nating lahat ang Ave Maria. Nais ko lamang ipakita ang mga kawikaan (idioms) ng 2 wika, na hindi dapat kainisan o pintasan dahil bawat wika ay may kani-kanyang gara sa mata ng mga gumagamit, ganda na hindi nakikita ng mga dayuhan. |
Ang ‘AVE MARIA’ sa Bisayan
Maghimaya ca Maria napono ca sa gracia
An guinoon Dios anaa canimo.
Guirayeg ca uyamot sa babaihun tanan
ug guirayeg man an imon anac Jesus.
Santa Maria, inahan sa Dios,
iguiampo mo cami macasasala
onya ug sa amun camatay. Amen, Jesus.
Ang ‘AVE MARIA’ sa Harayan
Maliag cao Maria, nabota cao can gracia.
An atun guinoon Dios dian canimo.
Capin icao sa mga babae nga tana,
ig capin naman ang imon bata nga si Jesus.
Santa Maria, inang can Dios,
igampo mo cami nga macasasala,
caraon ig cun mamatai cami. Amen, Jesus.
Hangad ko sa pagsuring ito ng pagkakaiba ng 3 wika - maliban sa pagiging tangi at hindi pangkaraniwang pagsusuri, na maaaring makakaaliw kahit paano - na ipakitang madali at malinaw ang mga wika at ang kanilang mga kataga at pagbigkas, kaya hindi mahirap o matagal matutunan. Ang ibang kawikaan nila, at ang baligtaran ng pasimuno at panaguri (subject and predicate) ay kaiba kaysa sa atin, at kailangang tanggapin na lamang basta. Subalit oras na matutunan at masanay sa tunog, nakakatulong pa nga ang mga ito sa pagiging madali at kaaya-aya ng mga wika duon. Ngayong nabanggit ko na ang galang at tikas ng mga Tagalo at ng wika nila, maigi pa, bago magtuloy sa ibang paksa, ang tukuyin ang mga ito dahil lubhang marangal at kaaliw-aliw ang kabanalang ito. |
|
Ang pinagkunan: Relacion de las Islas Filipinas, ni
Pedro Chirino, SJ, inilathala sa Roma, 1604, at bahagi ng
Nakaraang kabanata Balik sa itaas Lista ng mga kabanata Tahanan ng mga Kasaysayan Sunod na kabanata |