British flag

Conquistador Ng Pilipinas: Ika-17 kabanata
By unfortunate association, the islands suffers from a war in Europe

Sinakop Ng British Ang Manila

Invasion Map NUONG unang araw ng Agosto 1762, mahigit 1,600 sundalo at mahigit 4,000 marinong British ang lumaot sa 14 barkong pandigma mula sa Madras, ang sakop ng Britain sa India, patungo sa Pilipinas upang sakupin ang Manila. Pagkaraan ng halos 2 buwan ng paglayag, biglang sumulpot ang malakas na hukbong dagat ni Vice Admiral Samuel Cornish sa Manila Bay nuong Septiembre 23, 1762 at nagsimulang sumalakay.

Nataranta ang hukbong Espanyol sa Manila, ni hindi nila alam na may digmaan pala ang Espanya laban sa Britain. Mahigit 100 taon nang natigil ang pagligalig ng mga Dutch at mga Portuguese sa Pilipinas kaya, maliban sa pagbugso-bugsong aklasan ng mga Pilipino, tahimik na nagpa-pasasa sa buhay ang mga Espanyol sa Manila. Pati ang governador general nuon ay hindi general o sundalo man lamang, kundi mismong ang arsobispo ng Manila, si Manuel Antonio Rojo, mula nuong Julio 1761, mahigit 1 taon bago biglang sumalakay ang mga British.

Sinimulan sa Malate, tumuloy sa Intramuros.
Mabilis lumusong ang 1,600 sundalo ni Brigadier General William Draper sa Moratta (nayon ng mga Moro, ang tawag ng Espanyol sa mga Muslim ng Manila. Malate ang tawag ngayon, duon nausog ang mga dating pinuno at maharlika ng Manila pagkatapos sakupin ang kanilang kaharian nina Miguel Lopez de Legazpi nuong 1571), wala pang 3 kilometro mula sa Intramuros, at sinakop ang maliit na kuta duon (polverina) na imbakan ng polvora ng kanyon ng mga Espanyol. Maliban sa ilang sundalo na nahulog sa dagat at nalunod nuong pagdaong sa dalampasigan dahil masama ang panahon, walang tinamasang pinsala ang hukbong British na agad tumahak sa calzada (banda sa tinatawag ngayong Harrison Boulevard) patungo sa Intramuros, dala-dala ang kanilang mga kanyon at pambomba (bombardeares, mortars). Sinakop at ginamit nilang himpilan ang lahat ng simbahan na madaan, pati ang ermita (hermitage) sa tinatawag ngayong Ermita, at ang mga simbahan ng Nuestra Senora de Guia sa Parian at Santiago sa tabi ng Intramuros (nakalarawan sa mapa sa itaas).

Binomba at kinanyon ng mga British ang Intramuros hanggang madurog nila ang mga kanyon ng Espanyol, nabutas pa nila ang makapal na pader sa tapat ng 8 kanyon ng British, malapit sa pampang ng tinatawag ngayong Rizal Park.

Wala pang 1,000 ang mga Espanyol sa Intramuros, at 565 lamang sa kanila ang tunay na sundalo, sa pumuno ni Brigadier General Marcos de Villa Madiana. Ang iba ay mga civilian na binigyan ng baril at isinama sa hukbo bilang militia. Kabilang ang mga frayleng Augustinian na tumakas mula sa ermita at, nanaig ang pagka-Espanyol kahit na labag sa kanilang sumpa ng payapa, nagsandata at kasamang tumanod at nakibaka sa mga tanggulan ng Intramuros. Mayroon 4,000 Kapampangan at iba pang mga katutubo sa hukbong Espanyol subalit dahil sa matagal na payapa, wala silang alam kundi pumatay ng mga Moro at naghihimagsik na Pilipino na walang sandata kundi itak, kris at sibat. Hindi marunong ang mga Kapampangan na lumaban sa hukbong may mga baril at kanyon kaya nang tamaan ng kanyon at bomba ang mahigit 400 sa kanila, nagtakbuhan na ang mga Kapampangan. Sa mga Espanyol, 400 din ang sugatan at 85 ang napatay sa isang linggo ng kanyunan, kaya sumuko silang lahat nuong Octobre 6, 1762 at ibinigay ang buong Polverina Malate Pilipinas sa British. Nuong Octobre 10, 1762, sinakop din ng mga British ang Cavite. Sa buong salakay, 17 British lamang ang napatay at 17 ang nasugatan.

Sumuko ang mga Espanyol.
Dagdag sa pagsuko ni Arbsobispo Rojo, pumayag siyang magbayad ng 4 milyon piso (Mexican silver pesos) na pilak upang huwag wasakin at nakawan ng British ang Intramuros. Paunang bayad lamang, 1 milyon, ang ibinayad ni Rojo at hanggang matapos ang digmaan, hindi na binayaran ang nalabing halaga kahit panay ang singil ng Britain na panay na tinanggihan ng Espanya.

Isang Espanyol na hindi sumuko sa British ay si Simon de Anda, isang auditor sa Audiencia sa Manila, na tumakas sa Cavite nuong unang sakupin ng British ang Manila, tapos sa Bacolor, 5 kilometro mula sa San Fernando, Pampanga, nang sakupin din ng British ang Cavite. Duon, nagtatag siya ng ‘pamahalaan’ ng Espanyol, kasama ang 300 sundalong Espanyol na tumakas mula sa Cavite, at ang 1,800 Kapampangan na dating sundalo sa hukbong Espanyol at sinisante ng mga British. Tinanghal ni Anda ang sarili bilang governador general sa halip ng tinawag niyang ‘taksil’ (traidor, traitor) na Arsobispo Rojo na patuloy nanungkulan bilang governador sa ilalim ng British.

Natapos ang digmaan ng Espanya at Britain nuong Febrero 10, 1763, subalit hindi tinanggap ang balita sa Manila kundi nuong sumunod na taon, 1764. Namatay si Rojo nuong Enero 30, 1764 habang bihag pa ng mga British na humirang kay Francisco dela Torre, ang pinuno ng hukbong Espanyol sa ilalim ng British nuon, bilang pansamantalang governador. Kaya si Dela Torre ang governador nang ibalik ng British sa Espanyol ang pamahalaan sa Manila nuong Mayo 31, 1764 subalit inangkin ni Anda ang karangalan ng pagtanggap ng kapangyarihan nang magsimulang umalis ang British nuong Abril 1764.

Lahat-lahat, 149 British ang namatay sa panahon ng pagsakop nila sa Manila. Ang mga Espanyol naman ay nagtayo ng Anda Memorial bantayog (monumento, obelisk) sa Intramuros, tinawag nilang Simon Anda Memorial, upang ipagdiwang ang kanilang ‘tagumpay’ laban sa British.

Pumuslit sa Sulu ang mga British.
Inilihim ng British at labag sa kasunduan, nagtatag sila ng isang kuta sa maliit na pulo ng Balambangan (Mandah ang tawag ngayon), isang kilometro cuadrado lamang ang laki, sa kapuluan ng Sulu bilang himpilan ng binabalak nilang kalakal ng mga spice sa Maluku mula sa kanilang sakop na kaharian sa Malacca (Melaka ang tawag ngayon, sa Malaysia). Hindi naman nagtagal, nilibak at nagmalupit ang mga British sa mga tagaruon, iginapos pa ang isang dato sa gitna ng plaza, kaya nagbalak ng biglang salakay ang mga Muslim. Nuong Marso 5, 1775, sa pamumuno ni Tenteng, ang pinuno ng hukbong dagat ng Jolo, inupakan at dinurog ng mga Tausug ang kuta, pinatay ang mga sundalo duon maliban sa comandante at 5 alalay na nakatakas sa kanilang barko.

Napilitang umurong ang mga British mula sa Sulu. Maraming nakurakot ang mga Muslim sa kuta, mga sandata, pagkain at salaki. May nakuha pang ilang sasakyang dagat. Natakot ang mga dato sa Jolo sa higanti ng mga British kaya naghayag sila na wala silang kinalaman sa paglusob. Sumulat pa si Sultan Israel, ang hari ng Sulu na nakapag-aral sa seminario San Jose sa Manila, at itinatwa nila si Tenteng bilang isang tulisan (outlaw). Subalit bumalik sa Jolo si Tenteng, dala-dala ang mga nakurakot sa kuta at nakipaghati sa sultan at mga dato, pati ang isang sasakyang dagat at 2,000 piso na pilak (Mexican silver pesos). Galak na galak ang sultan at mga dato, inalis nila ang hatol kay Tenteng at tinanggap nila muli ito bilang isang bayani.

Nuong 1803, nagpundar uli ang East India Company ng Britain ng 6 barko upang pagpasok sa Mindanao. Sinalakay nila ang Zamboanga ng 300 sundalo, 700 Sepoy (mga taga-India na sundalo sa hukbong British) at 200 Intsik, subalit natalo sila at napilitang tumuloy uli sa Balambangan. Wala naman silang nakitang kinabukasan duon kaya alsa-balutan sila nuong Deciembre 15, 1806, sinunog ang sariling kuta at lumipat sa Batavia (Jakarta ang tawag ngayon) upang duon maghanap-buhay. Hindi na muling pumasok ang mga British sa Pilipinas hanggang nuong panahon na ng Amerkano nang upahan ng isang bahay kalakal sa Hongkong mula sa sultan ng Sulu ang lalawigan ng Sabah sa hilagang Borneo.

7 YEARS WAR

Dahil Sa Digmaan Sa Europe

TUTUONG digmaan sa Europe ang sanhi ng pagsakop ng Britain sa Manila, nang kumampi si Carlos 3, hari ng Espanya, sa kanyang ka-angkan ng Bourbon na hari ng France. Subalit saling-pusa lamang ang Espanya sa 7 taon ng digmaan (7 Years War) ng France, Russia, Austria at Sweden laban sa nagkampihang kaharian ng Prussia, Britain at Hanover, sa pamumuno ni Frederick the Great, tungkol sa agawan ng mga lupain sa Saxony at Silesia, sa Gitnaang Europe.

Ang tunay na pinag-awayan ng France at Britain ay ang lumalago at yumayamang kalakal dagat sa Asia, Africa at South America dahil sa paghina ng mga kaharian ng Portugal, Netherlands at Espanya, ang mga dating kapangyarihan sa kalakal dagat. Nagsamantala ang Espanya sa walang tigil na digmaan ng sandatahang dagat ng France at Britain. Nuong Abril 1762, 5 buwan bago lumusob ang British sa Manila, nilusob ng hukbong Espanya at France ang kaharian ng Portugal dahil kakampi ito ng Britain.

Sa tulong ng hukbong British, napigil ng Portugal ang pagsakop ng Espanya at, bilang ganti, sinalakay naman at sinakop ng British nuong taon din iyon ang Manila at ang Havana, punong kabayanan ng Cuba at himpilan ng sandatahang dagat ng Espanya sa South America.

Samantala, panay ang panalo ng Britain sa digmaang dagat. Nasalanta ang hukbong dagat ng France, at naagaw ng British ang kanilang mga sakop sa North America, ang Quebec, Montreal at Louisburg (sa Nova Scotia; lahat ay bahagi ngayon ng Canada). Nilusob at naagaw din ng British ang Pondicherry, lalawigan na sakop ng France, malapit sa Madras, sa silangang baybayin ng India na tinawag na Malabar (Malabar Coast). Ang nagwaging hukbo mula sa Pondicherry ang ginamit ng British pang-lusob naman sa Manila.

Bago pa nagsimula ang digmaan, dumalaw na sa Manila si William Draper, isang coronel sa hukbo ng British sa India na nagkasakit duon. Habang nagpapa-galing, siniyasat niya ang kalagayan ng Espanyol at, pagdating sa Britain, isiniwalat niya ang balak na sakupin ang Pilipinas. Matagal subalit tinanggap din sa wakas ang kanyang amuki, at itinakda ang pagsalakay sa Manila bago makarating duon ang balita ng simula ng digmaan ng Espanya laban sa Britain. Si Draper, nataas na bilang brigadier general, ang namuno sa hukbong British na sumalakay.

Sa Espanya, bahagya lamang pinansin ang pagsakop sa Manila. Higit na mahalaga sa mga Espanyol ang pagka-ipit ng kanilang hukbo sa Portugal, at ang pagkawala ng Havana. Sabay sa maraming talo ng hukbong dagat ng France, napilitan ang mga Espanyol na makipag-payapa sa British at sa kasunduan sa France (Treaty of Paris) nuong Febrero 10, 1763, ibinigay nila ang Florida sa British upang mabawi nila ang Havana at makabalik sa Espanya ang kanilang hukbo na napipilan sa Portugal.

Nakasama sa pagpayapa ang Manila na ibinalik ng British sa mga Espanyol duon nuong sumunod na taon pa, 1764, dahil matagal bago nakarating sa Manila ang balita na tapos na ang digmaan ng Britain laban sa Espanya.

Pinoy archers

Ang Mga Pilipino Ang Nagdusa Sa Digmaan

KATULAD ng dating gawi, naghakot ang mga Espanyol ng mga mandirigmang Pilipino mula sa mga karatig lalawigan nuong unang lumitaw ang hukbong dagat ng Britain sa harap ng Manila. Sa mahigit 200 taon nang pagsakop ng Espanya sa Pilipinas, laging karamihan ng pambato nila laban sa sinumang sumuway o sumalakay sa kanila ay mga katutubong Pilipino na rin, sa sulsol ng kanilang mga frayle at paring paroco.

Ayon sa ulat ng digmaan sa Manila nuong Septiembre 26, 1762, bandang 3,000 indio ang hinakot ng mga Espanyol mula sa Pampanga, Bulacan at Laguna upang makipaghamok sa mga British. Mayroon pa raw uling 3,000 indio ang dumating pagkaraan ng ilang araw upang tumulong sa bakbakan. Subalit hindi raw natigatig ang mga British dahil walang alam ang mga Pilipino tungkol sa mga bagong sandata at gawi ng digmaan.

Kasama raw sa mga hinakot na Pilipino ang 600 mandirigma mula sa lalawigan ng Bulacan na pinagbantay nila sa Bancusay, Tondo. Mayroon ding 110 lalaki mula sa British flag Meycaoyan (Maykawayan) at Bocaue (Bokawe), 150 mula sa nayon ng Bulacan, 60 lalaking taga-Guiguinto at 72 mandirigma mula sa iba’t ibang baranggay sa paligid. Sa Intramuros, may 150 Kapampangan ang nagbantay sa palacio ng governador samantalang 133 ang nagbantay sa bahay ng arsobispo, kabilang ang 38 Tagalog na may mga baril (mosquetes, muskets). Sa San Fernando, may 1,950 pang mga Kapampangan na nakahimpil, naghihintay ng tawag. British fusilier

Ayon sa ulat ni Arsobispo Rojo, pinalusob ang mahigit 800 mga Pilipino, sibat at pana lamang ang sandata, nuong Septiembre 25, 1762 sa pamumuno ni Cesar Fayette, isang taga-France na kasapi sa hukbong Espanyol. Kabig niya ang isang Espanyol, si Jose del Busto. Kasama ang 100 Espanyol, hila-hila ang 2 malaking kanyon, 10 kilo ang bigat ng bawat bala, at 2 maliit na kanyon, 3 kilo lamang ang bawat bala. Kalahati lamang ng mga Espanyol ang tunay na sundalo, dala-dala ang kanilang mga baril (muskets). Ang iba ay mga frayle at mga militia na binigyan ng mga baril. Nilusob nila ang 3 simbahan na ginagamit na himpilan at tanggulan ng mga British, ang Nuestra Senora de Guia, malapit sa Parian, ang Santiago (ang ginawang Fuerza Santiago o Fort Santiago pagkaraan ng ilang taon), at ang simbahan ng Malate. Magdamag at madugo ang labanan, marami ang napinsala sa magkabilang panig subalit sa wakas, nanaig ang kanyon at baril laban sa sibat at pana at napaurong ang mga Pilipino, iniwan ang ilang daang kasama na napatay o nasugatan sa labanan.

Upang mapalitan ang mga nasalanta sa pagsalakay, nagpatawag uli ang mga Espanyol ng mga Pilipino at pagkaraan ng ilang araw, nuong Septiembre 30, 1762, dumating ang 609 mandirigma mula sa Bulacan. Mula sa Paombong, 82 lalaki ang pinamunuan ni Sebastian Lorenzo; 149 ang dala ni Augusto Percumenla mula sa Bocaue; 16 lamang ang dala ni Juan Panganiban mula sa Calumpit. Mula sa Malolos, 45 mandirigma ang pinamunuan ni Anastasio Bautista; mula sa Obando, 53 ang dala ni Pedro C. Salvador; 79 and dala naman ni Nicolas de Aquino mula sa Angat; mula sa San Jose, 30 mandirigma ang dala ni Nicolas Matias; 75 ang dala ni Juan Roque mula sa Polo habang 80 ang kasama ni Domingo Francisco mula Bigaa.

Lahat-lahat, sulat ni Rojo, mahigit 5,000 indio (tawag ng Espanyol sa mga Pilipino) ang nahatak upang labanan ang mga British subalit 2,500 Kapampangan lamang daw ang may galing o gana sa salpukan kaya sila ang piniling lumusob sa kalaban. Nuong Octobre 1, 1762 at kinabukasan, binigyan sila ng mga sibat, pana at palaso bilang sandata. Kahit wala silang baril, binuo sila sa 3 pangkat at pinalusob nuong gabi ng Octobre 4, 1762, kasama ang mahigit 2 dosenang Espanyol na tanging may mga baril. Gumapang British grenadiers sila mula sa Intramuros at 3 oras bago sumikat ang araw nuong umaga ng Octobre 5, 1762, sinugod nila ang mga kalaban.

Ang unang pangkat, mga Kapampangan ni Manalastas, ang kanilang pinuno, ay pinasalakay sa simbahan ng Santiago, kung saan nanduon ang mga kanyon at pambomba ng mga British. Nadatnan nilang walang tao, subalit madaling dumating ang mga British at, pagkatapos mapatay ang 70 Kapampangan sa mainit na bakbakan, napaurong ang Pilipino. Kasama nilang tumakas ang kanilang pinunong Espanyol, si Francisco Rodriguez.

Naunang tumakas si Santiago Orendain, ang Espanyol na namuno sa pang-2 pangkat ng mga Kapampangan, bago pa nila lusubin ang simbahan ng Malate at ang ermita (hermitage) na ginagamit na himpilan ng mga British. Kahit na iniwan sila ni Orendain, naitaboy nila ang mga Sepoy, mga sundalong Bumbay sa hukbong British, subalit binalikan sila ng maraming British at, pagkatapos mapatay ang 200 Kapampangan, takbuhan silang lahat pabalik sa Intramuros. British private

Napipilan ng pang-3 pangkat ng mga Kapampangan, pinamunuan ng 2 Espanyol na hindi naman sundao, sina Esclava at Busto, ang mga marinong British na may 3 malalaking kanyon sa dalampasigan sa tabi ng Intramuros, subalit mabilis na dumating ang tulong ng ibang mga British, pinamunuan ang unang pangkat umurong ni Colonel Mondon at ni Lieutenant Fletcher. Nuong bukang-liwayway, dumating ang pang-2 pangkat ng mga British mula sa 79th Regiment at ang mga Kapampangan naman ang napipilan. Mahigit 300 na sa kanila ang napatay kaya napilitang umurong ang mga Kapampangan. Sa takot nila dahil sa balitang binitay ng mga British ang 60 Kapampangan na nabihag nuong unang labanan ng nakaraang Septiembre 24, halos lahat ay umurong tuluy-tuloy sa Pampanga.

Nuong araw ding iyon, sinimulang kanyunin at bombahin ng mga British ang Intramuros at kinabukasan, Octobre 6, 1572, nabutas nila at napasok ang makapal na pader. Dahil halos wala ng mga Kapampangan at walang ganang lumaban ang mga Tagalog, walang laban ang mga Espanyol at mabilis nagsisuko lahat, pinangunahan ni Arsobispo Rojo.

Inulat ni Brigadier General William Draper, ang pinuno ng mga British, pagkaraan ng ilang taon, ang paghanga niya sa mga Kapampangan na tinawag niyang mga ‘ligaw at mababangis na tao.’ Sabi niya na kung may mga baril ang mga Kapampangan, malamang nasalanta ang hukbong British dahil sa tapang ng kanilang pagsalakay. ‘Kahit na pana at sibat lamang ang sandata nila, kahit pinapatay namin sila parang mga hayop, paulit-ulit nilang nilusob ang aming mga sundalo hanggang sa tutok ng aming mga baril, mistulang kinakagat ang aming mga bayoneta,’ pahayag ni Draper. Dahil walang baril ang mga Kapampangan, 40 British lamang daw ang napatay sa pagsalakay.

Nag-aklas Ang Mga Intsik, Mga Ilocano At Mga Taga-Pangasinan

Great Britain TINANGKA ni Simon Anda na bumuo ng hukbo ng mga Pilipino upang labanan ang mga British pagkatapos niyang tumakbo sa Pampanga at itanghal ang sarili bilang governador general, subalit maliban sa mga Kapampangan, walang kumampi sa kanya. Ang mga Visaya ay abala sa 20-taon nang himagsikan ni ‘Dagohoy’ sa Bohol, at sa sunud-sunod na dambong ng mga Muslim mula Sulu at Mindanao, nagsamantala sa pagkagapi ng mga Espanyol. Kapansin-pansin, mabilis na tinangkilik ng mga Tagalog sa Manila at karatig ang pamamahala ng mga British dahil binigyan sila ng kalayaan mula sa pagbuwis at pag-utos-utos ng mga Espanyol.

Protestante ang mga British kaya masugid na kumampi ang mga frayle kay Anda, nagsandata at lumaban pa sa digmaan at iba. Mabuti na lamang para kay Anda sapagkat nagsamantala ang mga Intsik sa Manila at Bulacan at nag-aklas laban sa Espanyol. Ang mga frayle at mga Kapampangan ang ginamit ni Anda upang sugpuin ang mga Intsik na halos lahat ay nasalanta.

Nag-aklas din laban sa mga Espanyol ang mga taga-Pangasinan sa pamumuno ni Juan dela Cruz ‘Palaris’ at ang mga taga-Ilocos sa pamumuno ni Diego Silang. (Mga Aklasan Ng Charismatic Pinoys) Dahil sa hukbong British sa Manila at dami ng mga nag-aklas, walang nagawa si Anda laban sa kanila kundi nuong 1764, nang umalis na ang mga British. Ganoon pa man, muntik nang talunin ni Palaris ang mga Espanyol sa Pangasinan. Sa Ilocos, napilitan si Anda na gamitin ang kataksilan ng arsobispong Espanyol, si Bernardo Ustariz, upang gapiin si Silang.

Ang Mga Pinagkunan
Conquest of Philippines, 1762-1763, www.regiments.org/wars/18thcent/56philip.htm
New Standard Dictionary of the English Language, Funk and Wagnalls Co., New York & London, 1920
The Philippine Islands, 1493-1898, edited and translated by James A. Robertson & Emma Helen Blair, 1903,
Bank of the Philippine Islands commemorative re-issue CD, Manila, 1998
The Philippines and Round About, by G. J. Younghusband, 1899, Austrian-Philippine Home Page, APSIS Editor Johann Stockinger, www.univie.ac.at/Voelkerkunde/apsis/aufi/younghb/chapt01.htm
Seven Years’ War, 1756-1763, Reader’s Companion to Military History, college.hmco.com/history/readerscomp/mil/html/mh_047800_sevenyearswa.htm

Nakaraang kabanata       Ulitin mula sa itaas       Tahanan ng mga kasaysayan       Listahan ng mga kabanata