Nag-dictador Si Aguinaldo

ANO ang ginawa ng hukbo ng Katipunan nuong pumasok ang mga Amerkano?

Dapat munang sabihin na hindi na hukbo ng Katipunan ang máitatawag sa mga kawal na naghimagsik, sa dahilan nuong ika-24 ng Mayo 1898, nang nagbalik sa Kabite si Emilio Aguinaldo galing sa Hongkong (ika-15 ng Mayo, 1898), itinanghal niya ang kasarinlan (independence) ng Pilipinas. Siya ang pinaka-Dictador, hindi ng Katipunan kundi ng hukbo ng Pamahalaang Pilipinong Naghihimagsik (Philippine revolutionary government).

Nuong ika-12 ng Junio 1898, ihinayag sa Kawit ang pamahalaang sarili (self-government) ng

    ANG  AKLAT  NI  ANDRES  BONIFACIO

Ang Katapusan Ng Katipunan

Sangkapuluang Pilipinas. Susog dito, itinatag ang Pamahalaang Himagsikang (revolutionary government) Pilipino. Ang Pangulo ay si Aguinaldo. Ang mga kawal nga nito ay nakarating at nagsihimpil hanggang sa mga nayon ng Maynila, gaya ng Gagalangin, Cervantes, Sampalok, Santa Mesa, Pako at Ermita, kasabay halos ng hukbong Amerkano na nagsipasok nuong ika-13 ng Agosto 1898.

Ang hukbo ng Estados Unidos ay nasa Maynila at (kabayanan ng) Kabite; ang hukbong Pilipino naman ay siyang sumakop sa mga bayan-bayan at nakipaglabanan pa sa hukbó ng mga Castila duon

sa ilang kabayanan na nasa kamay pa ng mga ito.

Nuong ika-15 ng Septiembre 1898, idinaos sa simbahan ng Barasoain, Malolos, ang unang Kapulungang Bayan (Malolos congress) na binubuo ng 85 kinatawan ng mga lalawigan ng Sangkapuluang Pilipinas. Nuong ika-29 ng sumunod na Noviembre, pinagtibay ng Kapulungang ang Panguluhang-batas (Constitution) na iiral sa Pilipinas. At nuong ika-21 ng Enero 1899, inihayag at pina-iral ang Panguluhang-batas at tuloy itinanghal ang República Filipina sa simbahan ng Barasoain.

Nabihag Si Aguinaldo

Namayani sa Pilipinas ang hukbo ng Estados Unidos. Nuong ika-20 ng Deciembre 1898, pinagkasunduan ng España at Estados Unidos ang paghinto ng kanilang digmaan, na nagsimula nuong Abril 1898. Sa nilagdaan kasunduan, pinagtibay ng Senado ng Estados Unidos nuong ika-6 ng Febrero 1899, ipinagkaluob ng España sa Estados Unidos ang Sangkapuluang Pilipinas.

Nuong ika-4 ng Enero 1899, iniutos ng Pangulo (William) Mckinley ng Estados Unidos kay general (Elwell) Otis, pinuno ng hukbong

Amerkano sa Pilipinas, na ipakilala sa mga Pilipino ang kapangyarihan ng Estados Unidos.

Ang pamahalaang Pilipino ay tumutol, ayaw kilalanin ang kapangyarihan at kara-karaka ay inihanda ang mga kawal sa pakibaka. Lahat ng katwiran ng isang bayang natutong maghimagsik ay ginamit.

Nuong gabi ng ika-4 ng Febrero 1899, isa sa mga pinuno ng hukbong Pilipino ang ibig bumagtas sa tulay ng San Juan del Monte, nguni’t siya ay binaril ng isang sundalong Amerkano na nakabantay duon. Dito nagsimula ang pakikibaka

ng hukbong Amerkano laban sa hukbong Pilipino, nagtagal ng ilang taon, hanggang napipilan ng lakas ng malaki at mayamang Estados Unidos ang kamuraan at kahinaan ng Republica Filipina.

Si Aguinaldo ay nadakip nuong ika-23 ng Marso 1901. Sina general (Vicente) Lukban, sa Samar, at si (Miguel) Malvar, sa Batangan (Batangas ang tawag ngayon), ay lumaban pa at nagsi-suko na lamang, kasama ang kanilang mga kawal, nuong talagang supil na supil na ng kalaban at wala nang makain. Si Lukban ay sumuko nuong Febrero 1902, si Malvar nuong sumunod na Junio.

Nakaraang kabanata          Balik sa itaas          Lista ng mga kabanata          Tahanan ng mga Kasaysayan ng Pilipinas          Sunod na kabanata