INUSIG ng mga Castila at frayle ang mga Masón dahil sa Katipunan. Anuman ang mangyaring pagtutol ng mga Pilipino sa mga kahidwaang inaasal ng mga nakasakop sa atin sa mga panahong yaon, sa mga Masón ibinintang, at ang mga ito ang pinagdadadakip at pinarurusahan. Kailangan ang kaunting paliwanag. Sinabi na natin na ang mga Masón ay hindi sang-ayon sa paghimagsik. Alam na natin na ibá ang “Masoneria” sa Katipunan. At ang “Liga Filipina” naman ay walang kinalaman sa dalawa. Bawa’t isá ay may kani-kaniyang uri, tuntunin at adhikain. Subali’t hindi maikakait na ang “Masoneria” at ang mga kasapi ay nagsabog sa mga kalahi ng mga kurong dakila ukol sa ikatutubós. Silá, ang mga Masón, ang masasabing nagturo sa mga Pilipino ng pagbigkis ng kaluoban upang humarap at makipaglaban, sa luob ng kapayapaan, sa mga makapangyarihang lumulupig sa lahi. Ang mga kasapi sa “Masoneria” ang nagpakilala sa pamahalaan sa España ng mga masasamang palakad na pina-iral dito, siyang ikinalugmok ng bayan sa karukhaan, kaapihan at kabusabusan. “Ibig namin,” ang hiling sa España ng mga Masón, “na ang aming bayan ay maging karapat-dapat, maging malaya at maginhawa, na sa kanyang panuorin ay tumanglaw ang maningning na araw ng katarungan at kabihasnan. Ibig namin na maghari ang pagpa-pantay-pantay, ang tunay na kalayaan ng mamamayan sa harap ng mga mapag-imbot na nabuhay sa pagsugpu sa karapatan ng bayan, dinilig ang kanilang ginhawa ng luha ng bayang nagdaralita.” Ang mga hiling na iyan ay hindi lamang nakilala ng mga taong bayan kundi naramdaman nila sa sarili. Ang mga pagsumikap ng mga Masón ang nagmulat sa bayan sa kanyang aping kalagayan. |
ANG AKLAT NI ANDRES BONIFACIO Ang Pag-usig Sa Mga ‘Mason’ |
Ito ay nalaman ng pamahalaang Castila, lalo na ng mga “cura” sapagka’t sa bayan-bayang pinamugaran ng isang logia (lodge) ng mga Masón, ang “cura” at ang mga Castila ay hindi lubhang nakapa-mayani sa kanilang mga masamang gawa sapagka’t nahadlangan sila ng pagkaka-isa ng mga taong bayan sa pagtutol. Napansin din ng mga frayle na ang pasok ng salapi sa simbahan ay umunti sanhi sa kagawan ng mga Masón na nagturo sa bayan, iwanan ang patay sa luob ng simbahan at huwag magbayad ng anuman. Itinuro rin naman nila na huwag bilhin ang mga kalmen (carmen, scapular), ang mga kuwintas, ang mga candela, ang mga istampá, ang mga bula (catechismo), ang mga novena, na kinalakal ng convento. Ang masikhay na pag-usig sa mga Masón ay nagsimula nuong 1892 at sumidhi nuong naitatag na ang Katipunan at si Bonifacio ay walang humpay na nagpalaganap sa kanyang samahan. Alam ng pamahalaang Castila at ng mga frayle na si Bonifacio ay Masón subalit hindi alam na ang layunin at mga ipinunla ng Katipunan ay huwad sa “Masoneria”. Kaya, lahat ng kilos nina Bonifacio at mga kasamahan ay sa mga Masón ibinabagsak. Ang amá ng Katipunan naman, sa nasa niyang magkasama-sama ang lahat sa lilim ng kanyang watawat, ay hindi lamang hindi nagpa-sinungaling sa gayong akala kundi bagkus pinagtibay pa. Ang mga Masón nuong ang lumagay na tagapag-taguyod ng kalayaan ng bayan, at sila ang pinagpitagan ng maraming kababayan, lalo na siná Rizal, Marcelo del Pilar, Lopez Jaena, at iba pang Masón na nagtanggol sa kalayaan at lagi nang sinanggal ang kaapihang tinitiis ng Pilipinas. |
|
Nakaraang kabanata Balik sa itaas Lista ng mga kabanata Tahanan ng mga Kasaysayan ng Pilipinas Sunod na kabanata |