ANG  AKLAT  NI  ANDRES  BONIFACIO:     ANG   PAGPA-PALAGANAP   SA   KATIPUNAN

Ang ‘Hasik,’ ang ‘Balangay’ at ang ‘Sangguniang Hukuman’

MAY isang paraan nagka-kilalanan ang mga magka-kasama sa Katipunan. Pahiwatig ng mga magka-kasapi ang itinatagop ang kanang kamay (puño, right fist) sa dibdib sa tapat ng puso. Kung gapós - noong panahon ng Castila, iginagapos nang abot-siko ang sinumang hulihin kahít sa anong kasalanan - itinitiklop ang mga daliri maliban sa hintuturo at kalingkingan na nakatuwid.

Ang nagsibuo sa Katipunan sa bawa’t bayan ay mga Balangay at Sangguniang Hukuman na siyáng kapangyarihang nag-aayos at humahatol sa mga sigalot at alitan ng “magkakapatid” sa luob ng Katipunan. Ang mga Balangay ay naka-pailalim sa Kataas-taasang Panguluhan na pang-sangkapuluan (liderazgo supremo, national leadership).

Ang paraan ng pagkuha ng mga kasapi ay nagtatayo sa bawa’t puok ng isáng wari ay lupon na kung tawagin ay “Hasik” (sembrador, sower, ang nagpupunla ng binhi), binubuo ng 3 tao na parang tungko (tripod). Ang “Hasik” na ito ang inut-inot na naghikayat upang may sumapi sa Katipunan. Pag madami-dami na ang mga sang-ayon, saka lamang itinatayo ang Balangay, pinamunuan ng isáng lupon na may mga tungkuling katulad ng sa Kataastaasang Lupon. Ang mga “Hasik” ay hindi na

ipinagpatuloy nuong malapit na ang panahon ng tangkang paghimagsik sapagka’t ang mga taong bayan ay halos nag-unahan, na sila ay mapabilang sa Katipunan.

Ang pagtanggap ng pakikisapi ay katulad, bagaman at hindi lubós, ng ginagawa ng “Masonería.” Bawa’t kasapi ay may mahigpit na tungkuling maghikayat ng bagong maka-kasama, at sa pananagutan niya iniha-harap sa “Balangay” ang kanyang nahikayat. Datapwa, bago gawin ito ay sinusuri muna nang mabuti ang ugali, pagkukuro, kalagayan at kabuhayan ng isasapi. Baka di kabagáng ng mga tao sa Katipunan. Sisimulang lamang ang pagtanggap kung napatunayan na siya ay may tapat na luob. Sa pagtanggap, ang ginagawa sa bagong kasapi ay pini-piringan (vendados, blindfolded) at ipina-pasok sa isáng silid na madilim ang kulay ng mga panig (muros, walls) at bahagya nang nailawan. Pagkatapos, inaalis ang piring. Sa mga dinding ng silid ay may mga nasusulat na ganitó:

“Kung may lakás at tapang, ìkaw ay makatutuloy.”
“Kung ang pag-usisa ang nagdalá sa iyó dito, umurong ka.”
“Kung di ka marunong pumigil ng iyong masasamang hilig, umurong ka; kailanman, ang pintuan ng May-kapangyarihan at Kagalang-galang na Katipunan ng mga Anak ng Bayan ay bubuksan dahil sa iyó.”

Nakaraang kabanata          Balik sa itaas          Lista ng mga kabanata          Tahanan ng mga Kasaysayan ng Pilipinas          Sunod na kabanata